Manatiling Matatag, at Magwagi sa Takbuhan Ukol sa Buhay
Manatiling Matatag, at Magwagi sa Takbuhan Ukol sa Buhay
KUNG kakailanganin mong maglakbay sa isang maunos na dagat, anong uri ng sasakyan ang pipiliin mo? Nanaisin mo ba ang isang bangkang marupok at maliit o isang bapor na matibay at mahusay ang pagkakagawa? Walang pagsalang pipiliin mo ang bapor, yamang kayang-kaya nitong salungahin ang malalaking alon.
Habang dumaraan tayo sa maunos at mapanganib na sistemang ito ng mga bagay, napapaharap tayo sa nakababahalang mga hamon. Halimbawa, ang mga kabataan kung minsan ay nagugulumihanan at nawawalan ng katiwasayan sa gitna ng nakalilitong mga ideya at mga moda. Ang mga indibiduwal na kamakailan lamang nagpasimula sa Kristiyanong landasin ay maaaring makadama pa rin ng kawalang-katiyakan. Maging ang ilang matatag at matagal nang tapat na naglilingkod sa Diyos ay maaaring dumanas ng pagsubok dahil sa hindi pa lubusang natutupad ang kanilang inaasam-asam.
Ang gayong damdamin ay hindi na bago. May panahong nabahala rin ang tapat na mga lingkod ni Jehova, kagaya nina Moises, Job at David. (Bilang 11:14, 15; Job 3:1-4; Awit 55:4) Subalit, ang landasin ng kanilang pamumuhay ay kakikitaan ng matatag na debosyon kay Jehova. Ang kanilang mainam na halimbawa ay nagpapatibay sa atin na maging matatag din, subalit nais ni Satanas na Diyablo na mailihis tayo mula sa takbuhan ukol sa walang-hanggang buhay. (Lucas 22:31) Kaya paano ba tayo makapananatiling matibay at “matatag sa pananampalataya”? (1 Pedro 5:9) At paano natin mapalalakas ang ating mga kapananampalataya?
Nais ni Jehova na Maging Matatag Tayo
Kung tayo ay tapat kay Jehova, lagi siyang tutulong sa atin na mapanatili ang ating katatagan. Ang salmistang si David ay napaharap sa maraming mahirap na kalagayan, subalit umasa siya sa Diyos anupat siya ay umawit: “Iniahon din ako [ni Jehova] mula sa umuugong na hukay, mula sa lusak ng burak. Pagkatapos ay itinuntong niya ang aking mga paa sa isang malaking bato; itinatag niya nang matibay ang aking mga hakbang.”—Awit 40:2.
Pinalalakas tayo ni Jehova na ipakipaglaban “ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya” upang tayo ay ‘makapanghawakang mahigpit sa buhay na walang hanggan.’ (1 Timoteo 6:12) Siya ay naglalaan din ng pamamaraan upang tayo ay manatiling matatag at maging matagumpay sa ating espirituwal na pakikipagdigma. Hinimok ni apostol Pablo ang kapuwa mga Kristiyano na ‘patuloy na magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan,’ at ‘isuot ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’ (Efeso 6:10-17) Subalit paano tayo magiging mabuway? At paano natin mapaglalabanan ang gayong mapanganib na mga impluwensiya?
Mag-ingat sa Nakapagpapahinang mga Salik
Isang katalinuhang tandaan ang mahalagang katotohanang ito: Ang ating mga pasiya ay makaaapekto sa dakong huli sa ating Kristiyanong katatagan sa positibo man o negatibong paraan. Ang
mga kabataan ay napapaharap sa mga pagpapasiya hinggil sa karera, karagdagang edukasyon, at pag-aasawa. Ang mga adulto ay maaaring magpasiya kung lilipat sa ibang lugar o kukuha ng karagdagang trabaho. Tayo ay nagpapasiya sa araw-araw hinggil sa paggamit ng panahon at marami pang ibang bagay. Ano kaya ang tutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya na magpapasulong sa ating katatagan bilang mga lingkod ng Diyos? Isang matagal nang Kristiyano ang nagsabi: “Hinihiling ko ang tulong ni Jehova kapag gumagawa ako ng mga pasiya. Ako ay naniniwala na mahalagang tanggapin at ikapit ang payong ibinibigay sa Bibliya, sa mga Kristiyanong pagpupulong, sa pamamagitan ng matatanda, at sa salig-Bibliyang mga publikasyon.”Kapag nagpapasiya, makabubuting tanungin natin ang ating sarili: ‘Lima o sampung taon mula ngayon, ako kaya ay magiging maligaya sa mga pasiyang ginagawa ko sa ngayon, o pagsisisihan ko kaya ang mga iyon? Pinagsisikapan ko bang tiyakin na ang aking mga pasiya ay hindi magpapahina sa akin sa espirituwal kundi makatutulong sa aking espirituwal na pagsulong?’—Filipos 3:16.
Ang pagpapadaig sa mga tukso o pagpapahintulot sa kanilang sarili na humantong hanggang sa halos paglabag na sa mga utos ng Diyos ay nagpangyari sa ilang bautisadong indibiduwal na magkaroon ng isang mabuway na pamumuhay. Ang ilang natiwalag sa kongregasyon dahil walang-pagsisisi silang nagtataguyod ng makasalanang landasin ay lubos na nagsikap na makapanumbalik, para lamang muling matiwalag—kung minsan ay kababalik pa lamang—dahil sa paggawa ng gayunding kasamaan. Dahil kaya sa hindi sila nanalangin sa Diyos na tulungan silang ‘kamuhian ang balakyot at kumapit sa mabuti’? (Roma 12:9; Awit 97:10) Tayong lahat ay nangangailangang ‘gumawa ng tuwid na mga landas para sa ating mga paa.’ (Hebreo 12:13) Isaalang-alang natin kung gayon ang ilang punto na makatutulong sa atin na mapanatili ang katatagan sa espirituwal.
Manatiling Matatag sa Pamamagitan ng Kristiyanong Gawain
Ang isang paraan upang mapanatili ang bilis ng ating pagtakbo sa takbuhan ukol sa buhay ay may malaking kinalaman sa gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian. Oo, ang ating Kristiyanong ministeryo ay isang mahalagang pantulong upang mapanatiling nakapokus ang ating puso at isipan sa paggawa ng kalooban ng Diyos at nakapako sa gantimpalang walang-hanggang buhay. Hinggil dito, hinimok ni Pablo ang mga taga-Corinto: “Mga kapatid kong minamahal, maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:58) Ang “matatag” ay nangangahulugang ‘matibay na nakapako sa isang lugar.’ Ang “di-natitinag” ay maaaring tumukoy sa ‘hindi pagpapahintulot sa sarili na makakalag mula sa pagkakapugal.’ Kaya, ang pagiging abala sa ating ministeryo ay maaaring magkaroon ng nagpapatatag na epekto sa ating landasing Kristiyano. Ang pagtulong sa ibang tao na makilala si Jehova ay nagbibigay ng kahulugan sa ating mga buhay at nagdudulot sa atin ng kaligayahan.—Gawa 20:35.
Si Pauline, isang Kristiyano na nakagugol na ng mahigit na 30 taon sa pagmimisyonero at sa iba pang larangan ng buong-panahong gawain ay nagsabi: “Ang ministeryo ay isang proteksiyon sapagkat ang pagpapatotoo sa iba ay nagpapatunay sa akin na talagang taglay ko ang katotohanan.” Ganito ring pananalig ang ibinubunga ng regular na pakikibahagi sa iba pang Kristiyanong mga gawain, tulad ng pagdalo sa mga pulong ukol sa pagsamba at pagsasagawa ng masikap na personal na pag-aaral ng Bibliya.
Napatatatag ng Maibiging Kapatiran
Ang pagiging bahagi ng pandaigdig na organisasyon ng tunay na mga mananamba ay maaaring magkaroon ng mapuwersang epekto sa ating katatagan. Kaylaking pagpapala sa atin na mapabilang sa gayong maibigin at pandaigdig na kapatiran! (1 Pedro 2:17) At maaari tayong magdulot ng gayunding nagpapatatag na epekto sa ating mga kapananampalataya.
Isaalang-alang ang matulunging pagkilos ng matuwid na taong si Job. Kahit na ang huwad na mang-aaliw na si Elipaz ay napilitang umamin: “Ang sinumang natitisod ay ibinabangon ng iyong mga salita; at ang mga tuhod na nanlalambot ay iyong pinatatatag.” (Job 4:4) Kumusta naman tayo sa bagay na ito? Tayo bilang mga indibiduwal ay may pananagutang tumulong sa ating espirituwal na mga kapatid upang makapagbata sa paglilingkod sa Diyos. Sa ating pakikitungo sa kanila, tayo ay maaaring kumilos batay sa espiritu ng mga salitang: “Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at patatagin ninyo ang mga tuhod na nangangatog.” (Isaias 35:3) Kaya bakit hindi mo gawing iyong tunguhin na palakasin at patibayin ang loob ng isa o dalawang kapuwa Kristiyano sa bawat pagkakataong makita mo sila? (Hebreo 10:24, 25) Ang nakapagpapatibay na mga salita ng komendasyon at pasasalamat sa kanilang patuloy na pagsisikap na palugdan si Jehova ay tunay na makatutulong sa kanila upang manatiling matatag na umaasang mananalo sa takbuhan ukol sa buhay.
Malaking kabutihan ang magagawa ng Kristiyanong matatanda sa pagpapasigla sa mga baguhan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-aalok ng nakatutulong na mga mungkahi at mabubuting payo sa Kasulatan at sa pamamagitan ng paggawang kasama nila sa ministeryo sa larangan. Laging sinasamantala noon ni apostol Pablo ang mga pagkakataong patibayin ang iba. Pinanabikan niyang makita ang mga Kristiyano sa Roma upang matulungan niya silang lumakas sa espirituwal. (Roma 1:11) Itinuring niya ang kaniyang minamahal na mga kapatid bilang kaniyang “kagalakan at korona” at pinayuhan silang ‘tumayong matatag sa ganitong paraan sa Panginoon.’ (Filipos 4:1) Nang marinig ang tungkol sa paghihirap ng kaniyang mga kapatid sa Tesalonica, isinugo ni Pablo si Timoteo ‘para patatagin sila at aliwin sila upang walang sinuman ang matangay ng mga kapighatian.’—1 Tesalonica 3:1-3.
Kinilala at pinahalagahan nina apostol Pablo at Pedro ang tapat na mga pagsisikap ng kanilang kapuwa mga mananamba. (Colosas 2:5; 1 Tesalonica 3:7, 8; 2 Pedro 1:12) Sa katulad na paraan ay tingnan natin, hindi ang mga kahinaan ng ating mga kapatid, kundi ang kanilang maiinam na katangian at ang kanilang matagumpay na pakikipaglaban upang manatiling matatag at maparangalan si Jehova.
Kung tayo ay negatibo o mapamuna, maaaring sa di-sinasadyang paraan ay gawin pa nating mahirap para sa ilan na makapanatiling matatag sa pananampalataya. Pagkaangkup-angkop nga na tandaan nating ang ating mga kapatid ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan” sa sistemang ito ng mga bagay! (Mateo 9:36) Sa kongregasyong Kristiyano, dapat silang makasumpong ng kaaliwan at kaginhawahan. Kaya, gawin nawa nating lahat ang ating makakaya upang patibayin ang mga kapananampalataya at tulungan silang manatiling matatag.
Paminsan-minsan, ang iba ay maaaring makitungo sa atin sa paraang makababawas ng ating katatagan. Hahayaan ba nating magpahina sa ating paglilingkod kay Jehova ang masakit na komento o walang-awang pagkilos? Huwag nawa nating pahintulutan kailanman ang sinuman na mailayo tayo sa ating katatagan!—2 Pedro 3:17.
Ang mga Pangako ng Diyos—Isang Nagpapatatag na Impluwensiya
Ang pangako ni Jehova ukol sa isang kamangha-manghang kinabukasan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na tumutulong sa atin na mapanatili ang ating katatagan. (Hebreo 6:19) At ang pananalig na laging tinutupad ng Diyos ang kaniyang mga pangako ay gumaganyak sa atin na ‘manatiling gising at tumayong matatag sa pananampalataya.’ (1 Corinto 16:13; Hebreo 3:6) Ang tila pagkaantala ng katuparan ng ilan sa mga pangako ng Diyos ay maaaring sumubok sa ating pananampalataya. Mahalaga kung gayon na magbantay na huwag tayong mailigaw ng huwad na mga turo at mailayo sa ating pag-asa.—Colosas 1:23; Hebreo 13:9.
Ang masamang halimbawa ng mga Israelita na nalipol dahil sa kawalan nila ng pananampalataya sa mga pangako ni Jehova ay dapat na magsilbing isang babala para sa atin. (Awit 78:37) Sa halip na maging katulad nila, maging matatag nawa tayo, na naglilingkod sa Diyos taglay ang pagkaapurahan sa mga huling araw na ito. “Ako ay namumuhay araw-araw na parang ang dakilang araw ni Jehova ay sasapit na bukas,” ang sabi ng isang makaranasang matanda.—Joel 1:15.
Kawikaan 11:19; 1 Timoteo 6:12, 17-19.
Oo, napipinto na ang dakilang araw ni Jehova. Gayunman, wala tayong dapat na ikatakot habang tayo ay nananatiling malapít sa Diyos. Kapag tayo ay matatag na nanghahawakan sa kaniyang matutuwid na pamantayan at nananatiling matatag, matagumpay nating matatapos ang takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan!—[Larawan sa pahina 23]
Ginagawa mo ba ang lahat ng iyong makakaya upang tulungan ang kapuwa mga Kristiyano na manatiling matatag?
[Picture Credit Line sa pahina 21]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck