Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit sinabi ng Ang Bantayan ng Abril 1, 2002, sa pahina 11, parapo 7, na ang bautismo sa tubig ng bagong mga mananampalatayang Judio noong Pentecostes 33 C.E. ay sagisag ng “kanilang personal na pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo,” samantalang ang pangmalas noon ay na ang paglulubog sa mga Judio mula 33 C.E. hanggang 36 C.E. ay hindi nangangailangan ng gayong personal na pag-aalay?

Noong 1513 B.C.E., binigyan ng Diyos na Jehova ang mga Israelita ng pagkakataong maging isang banal na bansa sa kaniya sa kondisyong ‘mahigpit nilang susundin ang kaniyang tinig at iingatan ang kaniyang tipan.’ Sumagot sila: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.”​—Exodo 19:3-8; 24:1-8.

Sa pamamagitan ng pagsang-ayon na susundin ang tipan ng Kautusang Mosaiko, inialay ng mga Israelita ang kanilang sarili sa Diyos. Isinilang ang sumunod na mga henerasyon ng mga Judio sa nakaalay na bansang ito. Gayunman, ang bautismo ng mga Judiong naging tagasunod ni Jesu-Kristo mula Pentecostes 33 C.E. patuloy ay nagsasangkot ng higit pa sa basta paghaharap lamang ng kanilang sarili sa Diyos bilang mga miyembro ng isang nakaalay na bansa. Isinasagisag nito ang kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa isang bagong pakikipag-ugnayan sa kaniya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Paano?

Matapos ibuhos ang banal na espiritu sa mga 120 alagad na nagkakatipon sa silid sa itaas sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E., si apostol Pedro ay tumayo at nangaral sa pulutong ng mga Judio at ng mga proselitang nagkakatipon upang makita ang pangyayari. Pagkatapos na makapagpatotoo nang lubusan, sinabi niya sa nakokonsiyensiyang mga Judio: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Bilang tugon sa higit pang payo ni Pedro, “yaong mga yumakap sa kaniyang salita nang buong puso ay nabautismuhan, at nang araw na iyon ay mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.”​—Gawa 2:1-41.

Hindi ba’t mga miyembro na ng isang nakaalay na bansa ang mga Judiong binautismuhan pagkatapos ng pagpapayo ni Pedro? Hindi ba’t sila’y mayroon nang nakaalay na kaugnayan sa Diyos? Hindi. Sumulat si apostol Pablo na ‘inalis na ng Diyos ang Kautusan sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.’ (Colosas 2:14) Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo noong 33 C.E., inalis ng Diyos na Jehova ang tipang Kautusan​—ang pinakasaligan ng pagdadala sa mga Israelita sa isang nakaalay na kaugnayan sa Kaniya. Ang bansang nagtakwil sa Anak ng Diyos ay itinakwil na ngayon ng Diyos mismo. “Yaong Israel ayon sa laman” ay hindi na puwedeng mag-angkin na sila’y isang bansang nakaalay sa Diyos.​—1 Corinto 10:18; Mateo 21:43.

Inalis na ang tipang Kautusan noong 33 C.E., subalit ang yugto ng pantanging pabor at atensiyon ng Diyos sa mga Judio ay hindi natapos nang panahong iyon. * Ang yugtong iyon ay nagpatuloy pa hanggang 36 C.E., nang mangaral si Pedro sa debotong Italyanong si Cornelio at sa kaniyang sambahayan pati na sa iba pang mga Gentil. (Gawa 10:1-48) Ano kaya ang saligan sa pagpapatuloy pang ito ng pabor?

“Pananatilihin [ng Mesiyas na] may bisa ang tipan para sa marami sa loob ng isang sanlinggo,” ang sabi ng Daniel 9:27. Ang tipan na pinanatiling may bisa sa loob ng pitong taon, o “isang sanlinggo,” mula sa bautismo ni Jesus at sa pasimula ng pangmadlang ministeryo ng Mesiyas noong 29 C.E. ay ang Abrahamikong tipan. Kailangan lamang na maging Hebreong inapo ni Abraham ang isang tao upang mapabilang sa pakikipagtipang ito. Ang pang-isahang-panig na tipang iyan ay hindi nagbigay sa indibiduwal ng isang nakaalay na kaugnayan kay Jehova. Samakatuwid, ang mga mananampalatayang Judio na nagpabautismo pagkatapos ng pahayag ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E., bagaman tumanggap ng pantanging atensiyon bilang likas na mga Judio, ay hindi puwedeng mag-angkin na sila’y may nakaalay na kaugnayan sa Diyos sapagkat inalis na ang tipang Kautusan. Kailangang personal nilang ialay ang kanilang sarili sa Diyos.

Ang personal na pag-aalay sa bahagi ng mga Judio at ng mga proselita na nagharap ng kanilang sarili para sa bautismo noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay may isa pang mahalagang dahilan. Pinayuhan ni apostol Pedro ang kaniyang mga tagapakinig na magsisi at magpabautismo sa pangalan ni Jesus. Sa paggawa nito, kailangan nilang talikuran ang daan ng sanlibutan at kilalanin si Jesus bilang Panginoon at Mesiyas, bilang Mataas na Saserdote, at bilang ang isa na nakaupo sa kanan ng Diyos sa langit. Kailangan nilang tumawag sa pangalan ng Diyos na Jehova ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Jesus, na nagsasangkot ng pananampalataya sa Kristo at pagkilala sa kaniya bilang Lider nila. Nagbago na ngayon ang kabuuang saligan ng pagkakaroon ng kaugnayan sa Diyos at ng pagtatamo ng kapatawaran ng mga kasalanan. Bilang mga indibiduwal, kailangang tanggapin ng mga mananampalatayang Judio ang bagong kaayusang ito. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalay sa Diyos at paghahayag sa madla na nagawa na nila ito sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig sa pangalan ni Jesu-Kristo. Ang bautismo sa tubig ay isang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos, anupat dinadala sila sa isang bagong pakikipag-ugnayan sa kaniya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.​—Gawa 2:21, 33-36; 3:19-23.

[Talababa]

^ par. 7 Nang umakyat sa langit si Jesu-Kristo at iharap sa Diyos na Jehova ang halaga ng kaniyang inihain na buhay-tao, pinawalang-bisa na ang tipan ng Kautusang Mosaiko at inilatag ang saligan para sa inihulang “bagong tipan.”​—Jeremias 31:31-34.