Uupo ang Bawat Isa sa Ilalim ng Kaniyang Puno ng Igos
Uupo ang Bawat Isa sa Ilalim ng Kaniyang Puno ng Igos
KAILANGANG-KAILANGAN ang lilim sa panahon ng maiinit na tag-araw sa mga lupain ng Gitnang Silangan. Kalugud-lugod ang alinmang punong nagbibigay ng kanlungan mula sa sikat ng araw, lalo na kung ito ay nakatanim sa tabing-bahay ng isa. Dahil sa malalaki’t malalapad na dahon at unát na unát na mga sanga nito, ang puno ng igos ay naglalaan ng mas malaking lilim kaysa sa halos lahat ng iba pang puno sa pook na iyon.
Ayon sa aklat na Plants of the Bible, ang “lilim [ng puno ng igos] ay masasabing mas nakagiginhawa at mas malamig kaysa sa tolda.” Ang mga puno ng igos na nakatanim sa gilid ng mga ubasan sa sinaunang Israel ay naglalaan sa mga manggagawa sa bukid ng angkop na mga lugar na mapagpapahingahan sandali.
Sa dulo ng isang mahaba at mainit na maghapon, maaaring maupo at magkasayahan ang mga miyembro ng pamilya sa ilalim ng kanilang puno ng igos. Bukod diyan, sinusuklian ng puno ng igos ang may-ari nito ng sagana at masustansiyang prutas. Kung gayon, noong panahon ni Haring Solomon, ang pag-upo sa ilalim ng sariling puno ng igos ay sumasagisag sa kapayapaan, kaunlaran, at kasaganaan.—1 Hari 4:24, 25.
Ilang siglo bago nito, inilarawan ng propetang si Moises ang Lupang Pangako bilang ‘isang lupain ng mga igos.’ (Deuteronomio 8:8) Ang labindalawang tiktik ay nagbigay ng katibayan ng pagkamabunga ng lupain sa pamamagitan ng pag-uuwi ng mga igos at iba pang prutas sa kampo ng mga Israelita. (Bilang 13:21-23) Noong ika-19 na siglo, iniulat ng isang manlalakbay sa mga lupain ng Bibliya na ang puno ng igos ang isa sa pinakakaraniwang puno roon. Hindi nga kataka-taka na palaging binabanggit sa Kasulatan ang mga igos at mga puno ng igos!
Isang Puno na Doble ang Ani
Ang puno ng igos ay may kakayahang makibagay sa halos lahat ng uri ng lupa, at dahil sa mga ugat nito na malawak ang naaabot, natatagalan nito ang mahaba at tuyong mga tag-araw ng Gitnang Silangan. Kakaiba ang punong ito dahil Hunyo pa lamang ay naaani na ang mga unang igos at mula naman Agosto patuloy ay ang mismong magugulang na bunga nito. (Isaias 28:4) Karaniwan nang kinakain ng mga Israelita ang unang bunga bilang sariwang prutas. Pinatutuyo naman nila ang kasunod na mga bunga para gamitin sa buong taon. Ang mga pinatuyong igos ay maaaring pipiín upang gawing mga kakaning bilog, na nilalagyan kung minsan ng almendras. Madaling gawin, masustansiya, at masarap ang mga kakaning igos na ito.
Ang may-kaunawaang babaing si Abigail ay nagbigay kay David ng 200 kakaning igos na pinipî, na walang-alinlangang iniisip na tamang-tamang pagkain ito para sa mga takas. (1 Samuel 25:18, 27) Nakagagamot din ang mga pinipíng igos. Ang pinipî at pinatuyong igos ay itinapal sa bukol na muntik nang ikamatay ni Haring Hezekias, bagaman ang paggaling niya ay pangunahin nang dahil sa pakikialam ng Diyos. *—2 Hari 20:4-7.
Noong sinaunang panahon, ang mga pinatuyong igos ay mahalagang-mahalaga sa buong rehiyon ng Mediteraneo. Iwinasiwas ng estadistang si Cato ang isang igos upang kumbinsihin ang Senadong Romano na pasimulan ang Ikatlong Digmaang Punic, laban sa Cartago. Ang pinakamasarap na pinatuyong igos sa Roma ay galing sa Caria, sa Asia Minor. Sa gayon, carica ang naging pangalang Latin para sa pinatuyong igos. Ang rehiyong iyon ng kasalukuyang Turkey ay gumagawa pa rin ng pinakamahuhusay na uri ng pinatuyong igos.
Karaniwan nang itinatanim ng mga magsasakang Israelita ang mga puno ng igos sa mga ubasan, subalit ang di-namumungang mga puno ay pinuputol nila. Ayaw nilang sayangin ang limitado at magandang uri ng lupa sa mga punong walang bunga. Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang di-namumungang puno ng igos, sinabi ng magsasaka sa tagapag-alaga ng ubasan: “Narito, tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, ngunit wala akong nasumpungan. Putulin mo ito! Bakit nga pananatilihin nitong walang-silbi ang lupa?” (Lucas 13:6, 7) Yamang binubuwisan ang namumungang mga punungkahoy noong panahon ni Jesus, makapagpapabigat nga sa kabuhayan ang anumang di-namumungang puno.
Napakahalaga ng igos sa pagkain ng mga Israelita. Dahil dito, ang kaunting ani ng igos—marahil kaugnay ng masamang hatol mula kay Jehova—ay isang kalamidad. (Oseas 2:12; Amos 4:9) Sinabi ni propeta Habakuk: “Bagaman ang puno ng igos ay hindi mamulaklak, at hindi magkaroon ng aanihin sa mga punong ubas; ang bunga ng punong olibo ay maaaring magmintis, at ang hagdan-hagdang lupain ay hindi magbibigay ng pagkain . . . Gayunman, sa ganang akin, magbubunyi ako kay Jehova; magagalak ako sa Diyos ng aking kaligtasan.”—Habakuk 3:17, 18.
Sagisag ng Walang-Pananampalatayang Bansa
Kung minsan, ginagamit ng Kasulatan ang igos o puno ng igos sa makasagisag na paraan. Halimbawa, inihambing ni Jeremias ang tapat na mga tapon ng Juda sa isang basket ng mabubuting igos, ang mga unang igos na karaniwan nang kinakain nang sariwa. Gayunman, ang walang-pananampalatayang mga tapon ay itinulad naman sa masasamang igos, na hindi makakain at dapat itapon.—Jeremias 24:2, 5, 8, 10.
Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa di-namumungang puno ng igos, ipinakita ni Jesus ang pagtitiis ng Diyos sa bansang Judio. Gaya ng nasabi na, binanggit niya ang tungkol sa isang lalaki na may puno ng igos sa kaniyang ubasan. Tatlong taon nang hindi namumunga ang puno, at puputulin na sana ito ng may-ari. Subalit sinabi ng tagapag-alaga ng ubasan: “Panginoon, pabayaan Lucas 13:8, 9.
mo rin iyon sa taóng ito, hanggang sa humukay ako sa palibot nito at maglagay ng pataba; at kung magluwal nga ito ng bunga sa hinaharap, mabuti naman; ngunit kung hindi, puputulin mo iyon.”—Nang ibigay ni Jesus ang ilustrasyong ito, tatlong taon na siyang nangangaral, na nagsisikap na mapaunlad ang pananampalataya ng mga miyembro ng bansang Judio. Pinasidhi ni Jesus ang kaniyang gawain, anupat “nilalagyan ng pataba” ang makasagisag na puno ng igos—ang bansang Judio—at binibigyan ito ng pagkakataong mamunga. Gayunman, nang linggong iyon bago mamatay si Jesus, kitang-kitang itinakwil ng bansa sa pangkalahatan ang Mesiyas.—Mateo 23:37, 38.
Minsan pang ginamit ni Jesus ang puno ng igos upang ilarawan naman ang masamang espirituwal na kalagayan ng bansa. Habang naglalakbay mula Betania patungong Jerusalem apat na araw bago siya mamatay, nakakita siya ng isang puno ng igos na sagana sa dahon ngunit wala namang bunga. Yamang lumilitaw ang mga unang igos kasabay ng mga dahon—at kung minsan ay nauuna pa nga sa mga dahon—ang kawalan ng bunga ng puno ay nagpapakitang ito’y walang kabuluhan.—Marcos 11:13, 14. *
Gaya ng di-namumungang puno ng igos na mukhang malusog naman, ang bansang Judio ay may mapandayang panlabas na anyo. Subalit hindi naman ito nagluluwal ng makadiyos na bunga, at nang dakong huli ay itinakwil pa nga nito ang sariling Anak ni Jehova. Isinumpa ni Jesus ang baog na puno ng igos, at nang sumunod na araw, napansin ng mga alagad na ito’y nalanta na. Ang natuyong punong iyon ay angkop na tumutukoy sa nalalapit na pagtatakwil ng Diyos sa mga Judio bilang kaniyang piniling bayan.—Marcos 11:20, 21.
‘Matuto Mula sa Puno ng Igos’
Ginamit din ni Jesus ang puno ng igos upang ituro ang isang mahalagang aral tungkol sa kaniyang pagkanaririto. Ang sabi niya: “Matuto kayo ng puntong ito mula sa puno ng igos bilang ilustrasyon: Sa sandaling ang mga bagong sanga nito ay tumutubong murà at nagsisibol ito ng mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na at nasa mga pintuan na.” (Mateo 24:32, 33) Ang matitingkad na berdeng dahon ng puno ng igos ay isang kapansin-pansin at di-mapag-aalinlanganang tanda ng tag-araw. Gayundin naman, ang dakilang hula ni Jesus na nakaulat sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21 ay naglalaan ng maliwanag na katibayan ng kaniyang pagkanaririto ngayon sa makalangit na kapangyarihan ng Kaharian.—Lucas 21:29-31.
Yamang nabubuhay tayo sa napakapanganib na panahon sa kasaysayan, tiyak na nanaisin nating matuto mula sa puno ng igos. Kung gagawin natin ito at mananatiling gising sa espirituwal, makaaasa tayo na mararanasan natin ang katuparan ng dakilang pangakong ito: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Mikas 4:4.
[Mga talababa]
^ par. 8 Napansin ni H. B. Tristram, isang naturalista na pumasyal sa mga lupain ng Bibliya noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, na ginagamit pa rin ng mga tagaroon ang panapal na igos bilang panggamot sa mga bukol.
^ par. 16 Naganap ang pangyayaring ito malapit sa nayon ng Betfage. Ang pangalan nito ay nangangahulugang “Bahay ng mga Unang Igos.” Maaaring nagpapahiwatig ito na kilala ang lugar na iyon sa saganang ani ng mga unang igos.