Ang Pagbibigay na Nakalulugod sa Diyos
Ang Pagbibigay na Nakalulugod sa Diyos
SI Jesus at ang kaniyang mga alagad ay kumakain noon ng masarap na hapunan sa Betania kasama ang ilang malalapit na kaibigan pati na sina Maria, Marta, at ang kabubuhay-muling si Lazaro. Nang kumuha si Maria ng isang librang mamahaling langis at pahiran ang mga paa ni Jesus, nagalit si Hudas Iscariote at nangatuwiran. “Bakit hindi ipinagbili ang mabangong langis na ito sa tatlong daang denario [katumbas ng mga isang taóng suweldo] at ibinigay sa mga taong dukha?” ang protesta niya. Ganito rin kaagad ang naging reklamo ng iba.—Juan 12:1-6; Marcos 14:3-5.
Gayunman, sumagot si Jesus: “Pabayaan ninyo siya. . . . Sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha, at kailanma’t nais ninyo ay lagi ninyo silang magagawan ng mabuti, ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama.” (Marcos 14:6-9) Itinuro ng mga Judiong lider ng relihiyon na ang paglilimos ay hindi lamang kapuri-puri kundi maaari ring pambayad sa mga kasalanan. Sa kabilang dako naman, nilinaw ni Jesus na ang pagbibigay na nakalulugod sa Diyos ay hindi lamang sa pamamagitan ng pagkakawanggawa sa mahihirap.
Ang pagsasaalang-alang sa paraan ng pagbibigay na ginagawa sa sinaunang kongregasyong Kristiyano ay magtatampok ng ilang praktikal na paraan kung paano natin maipakikita ang ating pagmamalasakit at sa gayon ay mapalugdan ang Diyos ng ating pagbibigay. Ipakikita rin nito ang isang partikular na uri ng pagbibigay na siyang pinakamabuti.
“Magbigay Kayo ng mga Kaloob ng Awa”
Maraming pagkakataon na hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ‘magbigay ng mga kaloob ng awa,’ o gaya ng pagkakasabi ng ibang salin sa pariralang ito, “mangaglimos.” (Lucas 12:33; Ang Biblia) Gayunman, nagbabala si Jesus laban sa mga pagpaparangya na ang tanging layunin ay upang luwalhatiin ang nagbigay sa halip na ang Diyos. “Kapag nagbibigay ka ng mga kaloob ng awa,” ang sabi niya, “huwag kang hihihip ng trumpeta sa unahan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang luwalhatiin sila ng mga tao.” (Mateo 6:1-4) Bilang pagsunod sa payong ito, iniwasan ng unang mga Kristiyano ang mga pagpaparangya ng nagbabanal-banalang mga lider ng relihiyon noong kanilang kapanahunan at pinili ang pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng personal na paglilingkod o personal na pagbibigay ng mga kaloob.
Halimbawa, sa Lucas 8:1-3, sinabi sa atin na sina Maria Magdalena, Juana, Susana, at ang iba pa ay gumamit ng “kanilang mga tinatangkilik” sa walang-pagpapakunwaring paglilingkod kay Jesus at sa kaniyang mga apostol. Bagaman hindi naghihikahos ang mga lalaking ito, iniwan nila ang kanilang ikinabubuhay upang ibuhos ang kanilang pagsisikap tangi lamang sa ministeryo. (Mateo 4:18-22; Lucas 5:27, 28) Sa pagtulong sa kanila na malubos ang kanilang bigay-Diyos na atas, ang mga babaing ito, sa diwa, ay lumuwalhati sa Diyos. At ipinakita naman ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon sa pamamagitan ng pag-iingat ng isang ulat sa Bibliya tungkol sa kanilang maawaing pagkabukas-palad para mabasa ng lahat ng darating na henerasyon.—Kawikaan 19:17; Hebreo 6:10.
Si Dorcas ay isa pang babaing “nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.” Iginagawa niya ng damit ang nangangailangang mga babaing balo sa kanilang bayan ng Jope na nasa tabing-dagat. Kung siya man mismo ang bumibili ng lahat ng materyales o siya lamang ang tumatahi nito nang walang bayad ay hindi natin alam. Magkagayunman, dahil sa kaniyang mabubuting gawa ay napamahal siya sa kaniyang mga natutulungan, gayundin sa Diyos, na maawaing nagpala sa kaniyang kabutihang-loob.—Gawa 9:36-41.
Mahalaga ang Tamang Motibo
Ano kaya ang nag-udyok sa mga indibiduwal na ito para magbigay? Ito’y hindi lamang isang simbuyo ng pagkahabag dahil sa madamdaming paghingi ng tulong. Personal nilang nadama ang moral na pananagutan na gawin ang kaya nila sa araw-araw upang matulungan ang mga dumaranas ng karalitaan, kagipitan, karamdaman, o iba pang mga problema. (Kawikaan 3:27, 28; Santiago 2:15, 16) Ito ang uri ng pagbibigay na nakalulugod sa Diyos. Ito’y pangunahin nang udyok ng matinding pag-ibig sa Diyos at hangaring matularan ang kaniyang maawain at bukas-palad na personalidad.—Mateo 5:44, 45; Santiago 1:17.
Idiniin ni apostol Juan ang mahalagang aspektong ito ng pagbibigay nang magtanong siya: “Sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikitang nangangailangan ang kaniyang kapatid at gayunma’y pinagsasarhan siya ng pinto ng kaniyang magiliw na pagkamahabagin, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos?” (1 Juan 3:17) Maliwanag ang sagot. Ang pag-ibig sa Diyos ang nagpapakilos sa mga tao upang maging mapagkawanggawa. Pinahahalagahan at ginagantimpalaan ng Diyos yaong mga katulad niyang nagpapakita ng bukas-palad na espiritu. (Kawikaan 22:9; 2 Corinto 9:6-11) Nakikita ba natin ang uring ito ng pagkabukas-palad sa ngayon? Isaalang-alang ang nangyari kamakailan sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Kailangan ng isang malakihang pagkukumpuni sa tahanan ng isang matanda nang Kristiyanong babae. Nag-iisa na siya sa buhay at walang pamilyang tutulong sa kaniya. Sa loob ng maraming taon, ang kaniyang tahanan ay palaging bukás para pagdausan ng mga pulong Kristiyano, at madalas siyang nagpapakain sa sinumang tumatanggap sa kaniyang paanyaya. (Gawa 16:14, 15, 40) Sa pagkakita sa kaniyang problema, nagsama-sama ang mga miyembro ng kongregasyon upang tumulong. Ang ilan ay nagbigay ng salapi, ang iba naman ay naghandog ng kanilang pagtatrabaho. Makalipas ang ilang dulo ng sanlinggo, nakapaglagay ang mga boluntaryo ng bagong bubong, nakagawa ng bagong paliguan, nakapagpalitada at nakapagpinta ng buong unang palapag, at nakapagkabit ng mga bagong kabinet sa kusina. Hindi lamang nasapatan ng kanilang pagbibigay ang pangangailangan ng babae kundi naging malapit din sa isa’t isa ang kongregasyon at napahanga ang mga kapitbahay sa halimbawa ng tunay na Kristiyanong pagbibigay.
Napakaraming paraan na maaaring personal tayong makatulong sa iba. Mapag-uukulan ba natin ng panahon ang mga batang walang ama? Maipamimili ba natin o maipananahi ang isang matanda nang biyuda na kilala natin? Maipagluluto ba natin o mabibigyan ng pera ang isang kapos sa materyal? Hindi tayo kailangang maging mayaman para makatulong. Sumulat si apostol Pablo: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, ito ay lalo nang kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi taglay ng isang tao.” (2 Corinto 8:12) Gayunman, ang gayon bang personal at tuwirang pagbibigay ang tanging uri ng pagbibigay na pinagpapala ng Diyos? Hindi.
Kumusta Naman ang Organisadong Pagtulong?
Kung minsan, hindi sapat ang personal na mga pagsisikap. Sa katunayan, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay may panlahatang pondo para sa mahihirap, at tumatanggap sila ng mga abuloy mula sa nagmamalasakit na mga taong nakikilala nila sa kanilang gawain. (Juan 12:6; 13:29) Gayundin naman, lumikom ng abuloy ang mga kongregasyon noong unang siglo nang may bumangong pangangailangan at nag-organisa ng pagtulong sa malakihang paraan.—Gawa 2:44, 45; 6:1-3; 1 Timoteo 5:9, 10.
Minsan ay nangyari ito noong mga 55 C.E. Ang mga kongregasyon sa Judea ay dumanas ng kahirapan, dahil marahil sa kagaganap na malaking taggutom. (Gawa 11:27-30) Si apostol Pablo, na laging nagmamalasakit sa mahihirap, ay humingi ng tulong sa mga kongregasyon hanggang doon sa Macedonia. Personal siyang nag-organisa ng paglikom at gumamit ng sinang-ayunang mga lalaki para magdala nito. (1 Corinto 16:1-4; Galacia 2:10) Siya o sinumang nasangkot dito ay hindi nagpabayad para sa kanilang serbisyo.—2 Corinto 8:20, 21.
Handa ring tumulong ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon kapag nagkakaroon ng kasakunaan. Halimbawa, noong tag-araw ng 2001, nagkaroon ng malaking baha sa Houston, Texas, E.U.A., dahil sa malakas na bagyo. Lahat-lahat, 723 tahanan ng mga Saksi ang nasira sa paanuman at marami sa mga ito ang lubhang napinsala. Agad na inorganisa ang isang komite sa pagtulong sa mga nasalanta na binubuo ng kuwalipikadong mga Kristiyanong elder upang alamin ang mga pangangailangan ng bawat indibiduwal at baha-bahaginin ang pondo para matulungan ang mga Saksing tagaroon na maharap ang situwasyon at makumpuni ang kanilang mga tahanan. Lahat ng ito ay ginawa ng kusang-loob na mga boluntaryo mula sa karatig na mga kongregasyon. Gayon na lamang ang pasasalamat ng isang Saksi sa ibinigay na tulong anupat nang tumanggap siya ng kabayaran mula sa isang kompanya ng seguro para sa nagastos sa pagpapakumpuni ng kaniyang bahay, agad niyang ibinigay ang pera sa pondo ng pagtulong para matulungan ang iba pang nangangailangan.
Gayunman, may kinalaman sa organisadong pagkakawanggawa, kailangan tayong maging maingat habang sinusuri natin ang maraming pakiusap na ating tinatanggap. Ang ilang organisasyong Kawikaan 14:15 ay nagsasabi: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” Kaya isang katalinuhan na suriin munang mabuti ang mga bagay-bagay.
pangkawanggawa ay gumagastos nang malaki para sa mga tauhan nito o sa ginagawang paraan ng paglikom ng pondo, anupat maliit na bahagi na lamang ng salaping nalikom ang napupunta sa talagang layunin nito. AngAng Pagbibigay na Siyang Pinakamabuti
May isang uri ng pagbibigay na mas mahalaga pa kaysa sa pagkakawanggawa. Tinukoy ito ni Jesus nang magtanong ang isang mayaman at kabataang tagapamahala kung ano ang dapat niyang gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan. Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Humayo ka at ipagbili mo ang iyong mga pag-aari at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.” (Mateo 19:16-22) Pansinin na hindi basta sinabi ni Jesus na, ‘Magbigay ka sa mga dukha at magkakaroon ka ng buhay.’ Sa halip idinagdag niya, “Halika maging tagasunod kita.” Sa ibang pananalita, bagaman kapuri-puri at kapaki-pakinabang ang pagkakawanggawa, ang pagiging alagad na Kristiyano ay nagsasangkot ng higit pa.
Ang pangunahing interes ni Jesus ay ang matulungan ang iba sa espirituwal. Nang malapit nang sumapit ang kaniyang kamatayan, sinabi niya kay Pilato: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Bagaman nanguna siya sa pagtulong sa mga dukha, sa pagpapagaling sa mga maysakit, at pagpapakain sa mga nagugutom, pangunahin nang sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad na mangaral. (Mateo 10:7, 8) Sa katunayan, kabilang sa mga huling tagubilin niya sa kanila ang utos na: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mateo 28:19, 20.
Mangyari pa, hindi malulutas ng pangangaral ang lahat ng problema ng daigdig. Gayunman, ang pamamahagi ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng uri ng mga tao ay lumuluwalhati sa Diyos sapagkat sa pangangaral ay naisasagawa ang kalooban ng Diyos at nabubuksan ang daan tungo sa walang-hanggang kapakinabangan para sa mga tatanggap ng mensahe ng Diyos. (Juan 17:3; 1 Timoteo 2:3, 4) Bakit hindi makinig sa sasabihin ng mga Saksi ni Jehova sa susunod na pagdalaw nila? Dumadalaw sila dala ang espirituwal na kaloob. At alam nilang ito ang pinakamabuting paraan na sila ay makapagbibigay sa iyo.
[Mga larawan sa pahina 6]
Maraming paraan upang ipakitang nagmamalasakit tayo
[Larawan sa pahina 7]
Ang ating pangangaral ng mabuting balita ay nakalulugod sa Diyos at nagbubukas ng daan tungo sa walang-hanggang mga kapakinabangan