Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano Na ba ang Nangyayari sa Pagkakawanggawa?

Ano Na ba ang Nangyayari sa Pagkakawanggawa?

Ano Na ba ang Nangyayari sa Pagkakawanggawa?

PAGKATAPOS ng mga pagsalakay sa New York City at Washington, D.C., noong Setyembre 11, 2001, kahanga-hanga ang naging suporta ng publiko para sa mga biktima ng trahedya. Ang mga organisasyong pangkawanggawa ay binaha ng donasyong nagkakahalaga ng $2.7 bilyon (U.S.) upang itulong sa mga pamilya ng mga naging biktima. Palibhasa’y nabahala sa laki ng pinsala, ang mga tao sa lahat ng lugar ay nagnanais na tumulong.

Subalit, naghinanakit ang ilang tao nang lumitaw ang mga alegasyon na nilustay raw ng kilalang mga organisasyong pangkawanggawa ang pondo. Marami ang nagalit dahil sa ulat na tinangkang kupitin ng isang malaking organisasyong pangkawanggawa ang halos kalahati ng $546 na milyon (U.S.) na tinanggap nito at gamitin ito sa ibang layunin. Bagaman nang maglaon ay binaligtad ng organisasyon ang desisyon nito at humingi ng paumanhin, isang reporter ang nagsabi: “Para sa mga kritiko, huli na ang pagbaligtad na ito ng desisyon upang ibalik ang pagtitiwala” na tinatamasa noon bago ang mga pagsalakay. Kumusta ka naman? Nawawalan ka na rin ba ng pagtitiwala sa mga organisasyong pangkawanggawa?

Pagtulong ba o Pag-aaksaya Lamang?

Ang pagkakawanggawa ay karaniwan nang itinuturing na isang kapuri-puring bagay. Subalit, hindi lahat ay sang-ayon dito. Mahigit na 200 taon na ang nakalilipas, si Samuel Johnson, isang Ingles na manunulat ng sanaysay, ay sumulat: “Mas nakatitiyak kang gumagawa ka ng mabuti kapag nagbabayad ka sa mga trabahador, bilang upa sa kanilang trabaho, kaysa mag-abuloy ka lamang sa kawanggawa.” Ang ilan sa ngayon ay nag-aatubili na rin, at ang mga ulat tungkol sa mga organisasyong mali ang paghawak o pangangasiwa sa mga donasyon ay nagpapatamlay sa pagtitiwala ng publiko. Isaalang-alang ang dalawang halimbawang naganap kamakailan.

Isang direktor ng isang relihiyosong organisasyong pangkawanggawa sa San Francisco ang pinatalsik dahil sa diumano’y paniningil niya sa kanilang ahensiya para sa kaniyang cosmetic surgery at para sa kaniyang $500-linggu-linggong gastos sa restawran sa loob ng dalawang taon. Sa Britanya naman, napahiya ang mga organisador ng isang pangunahing programang pangkawanggawa sa telebisyon nang matuklasan na sa 6.5 milyong pound (mga $10 milyon, U.S.) na ipinadala upang itulong sa pagpapatayo ng bagong mga bahay-ampunan sa Romania, 12 mahihinang-klaseng bahay lamang ang naipatayo, at daan-daang libong dolyar ang hindi maipaliwanag kung saan ginastos. Dahil sa mga negatibong ulat na gaya nito, makatuwiran lamang na maging mas maingat ang ilang nag-aabuloy hinggil sa kung magkano ang kanilang iaabuloy at kung kanino nila ito ibibigay.

Magbibigay o Hindi

Gayunman, nakapanghihinayang naman kung hahayaan nating mahadlangan ng mga ginagawa ng ilang indibiduwal o organisasyon ang ating taimtim na pagmamalasakit at pagkahabag sa iba. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” (Santiago 1:27) Oo, ang pagmamalasakit sa mahihirap at dukha ay isang mahalagang bahagi ng Kristiyanismo.

Subalit, baka itanong mo, ‘Itutuloy ko pa kaya ang pagbibigay sa kawanggawa, o ako na lang ang magbibigay ng personal na mga kaloob sa mga indibiduwal bilang tulong ko?’ Ano bang uri ng pagbibigay ang inaasahan ng Diyos? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.