Kagalakang Di-matutumbasan!
Kagalakang Di-matutumbasan!
AYON SA SALAYSAY NI REGINALD WALLWORK
“Walang anumang bagay sa sanlibutang ito ang maitutumbas sa kagalakang tinamasa namin sa buong-panahong paglilingkod kay Jehova bilang mga misyonero!” Nakita ko ang mga salitang ito sa mga papeles ng aking asawa di-nagtagal pagkamatay niya noong Mayo 1994.
HABANG iniisip-isip ko ang mga salita ni Irene, naalaala ko ang 37 maliligaya at kasiya-siyang mga taon na ginugol namin bilang mga misyonero sa Peru. Natamasa namin ang isang natatanging tambalang Kristiyano mula nang kami’y ikasal noong Disyembre 1942—at diyan magandang pasimulan ang aking kuwento.
Pinalaki si Irene bilang isa sa mga Saksi ni Jehova sa Liverpool, Inglatera. Isa siya sa tatlong anak na babae, at namatay ang kaniyang ama noong Digmaang Pandaigdig I. Nang maglaon ay pinakasalan ng kaniyang ina si Winton Fraser, at nagkaanak sila ng isang lalaki, si Sidney. Bago ng Digmaang Pandaigdig II, lumipat ang pamilya sa Bangor, North Wales, kung saan nabautismuhan si Irene noong 1939. Nabautismuhan si Sidney isang taon bago nito, kaya sila ni Irene ay magkasamang naglingkod bilang mga payunir—buong-panahong mga ebanghelisador—sa hilagang baybayin ng Wales, mula sa Bangor hanggang sa Caernarvon, kasama ang isla ng Anglesey.
Noong panahong iyon, kaugnay ako sa Kongregasyon ng Runcorn, mga 20 kilometro sa timog-silangan ng Liverpool, at naglilingkod bilang isa na tinatawag natin ngayon na punong tagapangasiwa. Nilapitan ako noon ni Irene sa isang pansirkitong asamblea upang tanungin ako kung maaari siyang makakuha ng teritoryong mapangangaralan niya, yamang mamamalagi siya kina Vera, ang kaniyang may-asawa nang kapatid na babae na naninirahan sa Runcorn. Nagkaigi kami ni Irene sa loob ng dalawang linggong kasama namin siya, at nang maglaon ay dinalaw ko siya sa Bangor nang ilang beses. Laking tuwa ko nang isang dulo ng sanlinggo ay
tinanggap ni Irene ang aking alok na magpakasal kami!Pag-uwi ko nang Linggo, agad akong gumawa ng mga plano para sa aming kasal, ngunit pagsapit ng Martes, may natanggap akong isang telegrama. “Ikinalulungkot kong masasaktan ka sa telegramang ito,” ang sabi nito. “Kinakansela ko ang ating kasal. Parating na ang paliwanag ko.” Gulat na gulat ako. Ano kaya ang nangyari?
Dumating ang liham ni Irene kinabukasan. Sinabi niyang pupunta siya sa Horsforth sa Yorkshire upang magpayunir kasama ni Hilda Padgett. * Ipinaliwanag niya na 12 buwan bago nito, pumayag siyang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan kapag hiniling sa kaniya na gawin iyon. Sumulat siya: “Itinuturing ko itong isang panata kay Jehova, at nadarama kong yamang una akong nangako sa kaniya bago kita nakilala, dapat ko itong tuparin.” Bagaman nalungkot ako, lubha kong hinangaan ang kaniyang katapatan, at itinelegrama ko ang aking sagot: “Sige. Maghihintay ako.”
Samantalang nasa Yorkshire, sinentensiyahan si Irene nang tatlong buwan sa bilangguan dahil sa buong-katapatan niyang pagtangging suportahan ang digmaan. Ngunit pagkalipas ng 18 buwan, noong Disyembre 1942, nagpakasal na kami.
Panahon ng Aking Kabataan
Noong 1919, kumuha ang aking ina ng isang set ng Studies in the Scriptures. * Bagaman hindi pa nakabasa kailanman si Inay ng isang aklat, gaya ng makatotohanang sinabi ng aking ama noon, determinado si Inay na pag-aralan ang mga tomong ito kasama ng kaniyang Bibliya. Nagawa niya ito at nagpabautismo noong 1920.
Hindi mahigpit ang aking ama at hindi naman niya pinigilan ang aking ina na gawin ang gusto nitong gawin, at kasama riyan ang pagpapalaki sa kanilang apat na anak—ang aking dalawang ate, sina Gwen at Ivy; ang aking kuya, si Alec; at ako—sa daan ng katotohanan. Si Stanley Rogers at ang iba pang tapat na mga Saksi sa Liverpool ay naglakbay upang magbigay ng mga pahayag na salig sa Bibliya sa Runcorn, kung saan di-nagtagal ay nabuo ang isang bagong kongregasyon. Sumulong sa espirituwal ang aming pamilya kasabay ng kongregasyon.
Pinag-aaralan noon ni Ate Gwen ang tungkol sa kumpil ng Church of England ngunit kaagad niya itong inihinto nang mag-aral siya ng Bibliya kasama ni Inay. Nang dalawin kami ng bikaryo upang malaman kung bakit hindi na pumapasok si Ate Gwen sa kaniyang mga klase, pinaulanan ni Ate ang bikaryo ng napakaraming katanungan na hindi naman nito kayang sagutin. Itinanong ni Ate Gwen ang hinggil sa kahulugan ng Panalangin ng Panginoon at sa dakong huli ay siya na ang nagpapaliwanag sa bikaryo! Nagtapos siya sa pamamagitan ng pagsipi sa 1 Corinto 10:21, na nililinaw na hindi na siya maaaring magpatuloy na ‘kumain sa dalawang mesa.’ Nang umalis ang bikaryo sa aming bahay, sinabi niya na ipananalangin daw niya si Ate Gwen at babalik siya upang sagutin ang mga tanong ni Ate, ngunit hindi na siya bumalik. Di-nagtagal pagkatapos mabautismuhan, si Ate Gwen ay naging isang buong-panahong ebanghelisador.
Kapuri-puri ang pag-aasikaso sa mga kabataan sa aming kongregasyon. Naalaala kong nakapakinig ako ng isang pahayag na ibinigay ng isang dumadalaw na matanda noong ako ay pitong taóng gulang. Pagkatapos ay kinausap niya ako. Sinabi ko sa kaniya na binabasa ko ang hinggil kay Abraham at kung paano nito tinangkang ihandog ang anak nitong si Isaac. “Pumunta ka sa sulok ng plataporma at ilahad mo sa akin ang lahat-lahat tungkol dito,” ang sabi niya. Tuwang-tuwa ako nang tumayo ako roon at ibigay ang aking unang “pahayag pangmadla”!
Nabautismuhan ako sa edad na 15 noong 1931, ang taóng namatay ang aking ina, at huminto ako sa pag-aaral upang maging isang aprentis na elektrisyan. Noong 1936, pinatutugtog sa madla ang isinaplakang mga pahayag na salig sa Bibliya, at kami ng kuya ko ay pinasigla ng isang may-edad nang kapatid na babae na maging abala sa larangang ito ng gawain. Kaya nagpunta kami ni Kuya Alec sa Liverpool upang bumili ng isang bisikleta at magpagawa ng isang sidecar para rito upang madala ang aming transcription machine. Sa likod ng sidecar, isang loudspeaker ang ikinabit sa ibabaw ng tubong natitiklop na dalawang metro ang taas. Sinabi sa amin ng mekaniko na wala pa siyang nagagawang ganoong sasakyan, ngunit naging maayos naman ito! May-pananabik naming kinubrehan ang aming teritoryo, anupat nagpapasalamat sa pampasigla ng
kapatid na babae at sa mga pribilehiyong ipinagkatiwala sa amin.Digmaang Pandaigdig II—Isang Panahon ng Pagsubok
Habang napipinto na ang digmaan, kami ni Stanley Rogers ay abala sa pag-aanunsiyo ng pahayag pangmadlang “Harapin ang mga Katotohanan,” na gaganapin sa Royal Albert Hall ng London noong Setyembre 11, 1938. Nang maglaon ay sumama ako sa pamamahagi ng buklet na naglalaman ng pahayag na ito, kasama ang Fascism or Freedom, na inilathala noong sumunod na taon. Ang dalawang buklet na ito ay maliwanag na naglantad sa totalitaryong mga ambisyon ng Alemanya sa ilalim ni Hitler. Nang panahong iyon, nakilala na ako sa Runcorn dahil sa aking pangmadlang ministeryo at iginalang dahil dito. Sa katunayan, dahil sa lagi akong nangunguna sa gawaing teokratiko, naging kapaki-pakinabang ito sa kalaunan.
Ang kompanyang pinagtatrabahuhan ko ay kinontratang magkabit ng mga koneksiyon ng kuryente sa isang bagong pabrika sa labas ng bayan. Nang malaman kong ito pala’y isang pabrikang gumagawa ng armas para sa digmaan, niliwanag ko sa kanila na hindi ako makapagtatrabaho roon. Bagaman hindi natuwa ang aking mga amo, ipinagtanggol ako ng aking kapatas, at binigyan ako ng ibang trabaho. Nang maglaon ay nalaman kong may tiyahin pala siya na isa ring Saksi ni Jehova.
Lubha akong pinasigla ng isang kasamahan nang sabihin niya sa akin: “Iyan talaga ang inaasahan naming gagawin mo, Reg, yamang maraming taon ka nang nakikibahagi sa gawaing iyan ng Bibliya.” Gayunpaman, kinailangan ko pa ring maging mapagbantay, sapagkat marami sa aking mga katrabaho ang naghahangad na bigyan ako ng problema.
Ang aking pagpaparehistro bilang isa na ayaw magsundalo dahil sa budhi ay tinanggap ng hukuman sa Liverpool noong Hunyo 1940 sa kondisyon na mananatili ako sa aking trabaho. Siyempre pa, naipagpatuloy ko ang aking ministeryong Kristiyano.
Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod
Habang papatapos na ang digmaan, nagpasiya akong umalis na sa aking trabaho at sumama kay Irene sa buong-panahong paglilingkod. Noong 1946, gumawa ako ng isang limang-metrong treyler na naging tahanan namin, at nang sumunod na taon, hinilingan kaming lumipat sa Alveston, isang nayon sa Gloucestershire. Pagkatapos, nagpayunir kami sa sinaunang bayan ng Cirencester at sa lunsod ng Bath. Noong 1951, inanyayahan akong dumalaw sa mga kongregasyon sa timog ng Wales bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, ngunit wala pang dalawang taon pagkatapos nito, nagtungo na kami sa Watchtower Bible School of Gilead para sa pagsasanay bilang mga misyonero.
Ang ika-21 klase ng paaralan ay idinaos sa South Lansing, sa hilagang bahagi ng New York, at nagtapos kami noong 1953 sa Bagong Sanlibutang Lipunan na Asamblea na idinaos sa New York City. Hindi namin alam ni Irene kung saan kami aatasan
hanggang sa araw ng aming pagtatapos. Laking tuwa naming malaman na sa Peru kami pupunta. Bakit? Sapagkat si Sidney Fraser, ang kapatid sa ina ni Irene, at ang kaniyang asawa, si Margaret, ay naglilingkod na sa tanggapang pansangay sa Lima nang mahigit sa isang taon pagkatapos ng kanilang gradwasyon sa ika-19 na klase ng Gilead!Habang hinihintay namin ang aming mga visa, sandali kaming nagtrabaho sa Brooklyn Bethel, ngunit di-nagtagal, papunta na kami sa Lima. Ang una sa sampung atas namin bilang mga misyonero ay sa Callao, ang pangunahing daungan ng Peru, na nasa kanluran lamang ng Lima. Bagaman may natutuhan na kaming kaunting Kastila, hindi pa namin kayang makipag-usap ni Irene noon sa wikang iyon. Paano namin tutuparin ang aming atas?
Mga Problema at mga Pribilehiyo sa Pangangaral
Sinabi sa amin sa Gilead na hindi itinuturo ng isang ina sa kaniyang sanggol ang isang wika. Sa halip, natututo ang sanggol habang kinakausap siya ng kaniyang ina. Kaya ang payo na ibinigay sa amin ay: “Mangaral agad kayo, at matuto ng wika mula sa mga tao. Tutulungan nila kayo.” Habang pinagsisikapan kong matutuhan ang bagong wikang ito, gunigunihin kung ano ang nadama ko nang sa loob ng dalawang linggo pagkarating namin, inatasan akong maging punong tagapangasiwa ng Kongregasyon ng Callao! Pinuntahan ko si Sidney Fraser, ngunit ang payo niya ay kagaya rin niyaong payo na ibinigay sa Gilead—makihalubilo sa kongregasyon at sa mga tao sa inyong teritoryo. Determinado akong sundin ang payong ito.
Isang umaga ng Sabado, nakausap ko ang isang karpintero sa kaniyang puwesto. “Kailangan kong ipagpatuloy ang aking trabaho,” ang sabi niya, “ngunit pakisuyo, maupo ka at kausapin mo ako.” Sinabi ko sa kaniya na gagawin ko ito ngunit sa isang kondisyon: “Kapag nagkamali ako, pakisuyong ituwid mo ako. Hindi ako magagalit.” Tumawa siya at sumang-ayon sa aking hiling. Dinalaw ko siya nang dalawang beses sa isang linggo at nasumpungan ko ngang ito ay isang napakainam na paraan upang maging pamilyar ako sa aking bagong wika, gaya ng sinabi sa akin.
Nagkataon naman na sa Ica, ang aming ikalawang atas bilang mga misyonero, nakilala ko ang isa pang karpintero at ipinaliwanag sa kaniya ang kaayusang ginawa ko sa Callao. Sumang-ayon din siya na tulungan ako, kaya naman naging mahusay ang pagsulong ko sa pagsasalita ng Kastila, bagaman gumugol ako ng tatlong taon bago ako naging talagang sanáy sa pagsasalita ng wikang ito. Palaging abala ang lalaking ito, ngunit napagdausan ko naman siya ng isang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pagbabasa namin ng mga Kasulatan at pagkatapos ay ipinaliliwanag ko sa kaniya ang kahulugan nito. Isang sanlinggo nang dalawin ko siya, sinabi sa akin ng kaniyang amo na nagbitiw na siya upang maghanap ng bagong trabaho sa Lima. Pagkalipas ng ilang panahon nang dumating kami ni Irene sa Lima upang daluhan ang isang kombensiyon, nakita ko uli ang lalaking ito. Laking tuwa kong malaman na nakipag-ugnayan pala siya sa lokal na mga Saksi upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at na siya at ang kaniyang buong pamilya ay pawang nakaalay nang mga lingkod ni Jehova!
Sa isang kongregasyon, natuklasan namin na hindi pa pala kasal ang isang kabataang mag-asawa, pero nabautismuhan na sila. Nang talakayin namin sa kanila ang maka-Kasulatang mga simulaing nasasangkot, nagpasiya sila na gawing legal ang kanilang pagsasama, upang maging kuwalipikado sila na maging bautisadong mga Saksi. Kaya gumawa ako ng kaayusan na isama sila sa munisipyo at irehistro ang kanilang kasal. Ngunit bumangon ang isang problema dahil may apat silang anak na hindi pa rin narerehistro, at isa itong legal na kahilingan. Natural lamang na mag-isip kami kung ano ang gagawin ng alkalde. “Dahil tiniyak ng mabubuting taong ito, ang mga kaibigan ninyong Saksi ni Jehova, na dapat kayong legal na maikasal,” ang sabi ng alkalde, “hindi na ako magpapalabas ng mga subpena para sa bawat bata kundi sa halip ay irerehistro sila nang walang bayad.” Laking pasasalamat namin, yamang maralita ang pamilyang ito at ang anumang multang ipapataw ay tiyak na magiging isang malaking pabigat para sa kanila!
Nang maglaon, dinalaw kami ni Albert D. Schroeder mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn at inirekomenda niya na magtayo ng isang bagong tahanan ng mga misyonero sa ibang bahagi ng Lima. Kaya kami ni Irene, kasama ang dalawang kapatid na babae, sina Frances at Elizabeth Good mula sa Estados Unidos, at isang mag-asawang taga-Canada ay lumipat sa distrito ng San Borja. Sa loob ng dalawa o tatlong taon, pinagpala kami sa pagkakaroon ng isa pang masulong na kongregasyon.
Nang maglingkod naman kami sa Huancayo, mahigit na 3,000 metro ang taas sa gitnang bulubunduking lugar, umugnay kami sa kongregasyon
nito na may 80 Saksi. Doon, nakibahagi ako sa konstruksiyon ng ikalawang Kingdom Hall na itatayo sa bansa. Inatasan ako na maging legal na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova, yamang kinailangan naming magpunta sa hukuman nang tatlong beses upang matiyak ang aming legal na mga karapatan sa lupang binili namin. Ang gayong mga pagkilos, lakip na ang malawak na paggawa ng mga alagad ng maraming tapat na misyonero noong unang mga taong iyon, ay nakapagtatag ng isang matibay na pundasyon para sa mainam na pagsulong na makikita natin ngayon sa Peru—mula 283 Saksi noong 1953 hanggang mahigit sa 83,000 sa ngayon.Malungkot na Pamamaalam
Natamasa namin ang kamangha-manghang pakikipagsamahan sa mga kapuwa misyonero sa lahat ng naging tahanan namin bilang mga misyonero, kung saan ay madalas akong magkaroon ng pribilehiyo na maglingkod bilang tagapangasiwa sa tahanan. Tuwing Lunes ng umaga, nagsasama-sama kami upang pag-usapan ang aming gagawin sa darating na linggo at mag-atas ng mga pananagutan sa pangangalaga ng aming tahanan. Natanto namin na ang pangunahing bagay ay ang pangangaral, at sa layuning iyan, ang lahat ay sama-samang gumagawa nang may pagkakaisa. Natutuwa akong alalahanin na hindi kami kailanman nagkaroon ng matinding alitan sa alinmang tahanang tinuluyan namin.
Ang aming huling atas ay sa Breña, isa pang karatig-pook ng Lima. Ang maibiging kongregasyon nito, na binubuo ng 70 Saksi, ay mabilis na dumami nang mahigit sa 100, nang mabuo ang isa pang kongregasyon sa Palominia. Sa panahong ito nagkasakit si Irene. Una ay napansin kong hindi niya maalaala paminsan-minsan ang kaniyang mga sinabi, at kung minsan naman ay hindi niya matandaan kung paano uuwi. Bagaman tumanggap siya ng mahusay na paggagamot, unti-unting lumala ang kaniyang kalagayan.
Nakalulungkot, noong 1990, kinailangan kong isaayos na makauwi kami sa Inglatera kung saan may-kabaitan kaming tinanggap ng aking ate na si Ivy sa kaniyang tahanan. Pagkalipas ng apat na taon, sa kaniyang ika-81 taóng gulang, namatay si Irene. Nagpatuloy ako sa buong-panahong ministeryo, at naglilingkod bilang isang matanda sa isa sa tatlong kongregasyon sa aking sariling bayan. Paminsan-minsan, naglalakbay rin ako sa Manchester upang pasiglahin ang grupo roon na nagsasalita ng Kastila.
Kamakailan ay nagkaroon ako ng isang nakaaantig-pusong karanasan na nagsimula noong nakalipas na mga dekada noong ako’y nagpapatugtog ng limang-minutong mga sermon sa aking ponograpo sa mga may-bahay. Tandang-tanda ko pa ang isang batang babaing mág-aarál na nakatayo sa likod ng kaniyang ina sa may pintuan at nakikinig sa mensahe.
Nang dakong huli, ang batang babaing ito ay nandayuhan sa Canada, at isang kaibigan na nakatira pa rin sa Runcorn at ngayo’y isa nang Saksi ang nakipagsulatan sa kaniya. Kamakailan ay sumulat siya na may dalawang Saksing dumalaw sa kaniya at gumamit ng mga pananalitang di-inaasahan ay nagpaalaala sa kaniya hinggil sa limang-minutong plakang iyon. Yamang natanto na ito ang katotohanan, siya ngayon ay isa nang nakaalay na lingkod ni Jehova at humiling na ipaabot ang kaniyang pasasalamat sa kabataang lalaki na dumalaw sa tahanan ng kaniyang ina mga 60 taon na ang lumipas! Tunay na hindi natin alam kung paano magkakaugat at tutubo ang mga binhi ng katotohanan.—Eclesiastes 11:6.
Oo, nagugunita ko ang nakaraan taglay ang malaking pasasalamat na ginugol ko ang aking buhay sa mahalagang paglilingkuran kay Jehova. Mula nang ako’y mag-alay noong 1931, hindi ako kailanman lumiban sa pagpupulong ng bayan ni Jehova. Bagaman kami ni Irene ay walang anak, natutuwa akong magkaroon ng mahigit na 150 anak sa espirituwal, na lahat ay naglilingkod sa ating makalangit na Ama, si Jehova. Gaya ng sinabi ng aking mahal na asawa, ang aming mga pribilehiyo ay tunay na isang kagalakang di-matutumbasan.
[Mga talababa]
^ par. 9 “Pagsunod sa Yapak ng Aking mga Magulang,” talambuhay ni Hilda Padgett, lumitaw sa Ang Bantayan Oktubre 1, 1995, pahina 19-24.
^ par. 12 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 24]
Si Inay, noong unang mga taon ng 1900
[Larawan sa pahina 24, 25]
Kaliwa: Si Hilda Padgett, ako, si Irene, at si Joyce Rowley sa Leeds, Inglatera, 1940
[Larawan sa pahina 25]
Itaas: Ako at si Irene sa harapan ng aming tahanang treyler
[Larawan sa pahina 27]
Pag-aanunsiyo ng isang pahayag pangmadla sa Cardiff, Wales, 1952