Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manatiling Nakatayo at Tingnan ang Pagliligtas ni Jehova!

Manatiling Nakatayo at Tingnan ang Pagliligtas ni Jehova!

Manatiling Nakatayo at Tingnan ang Pagliligtas ni Jehova!

“Lumagay kayo sa inyong dako, manatili kayong nakatayo at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova para sa inyo.”​—2 CRONICA 20:17.

1, 2. Bakit ang napipintong pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog” ay higit na maselan kaysa sa panganib na dulot ng internasyonal na terorismo?

ANG terorismo ay inilarawan ng ilan bilang pagsalakay sa pandaigdig na pamayanan at maging sa sibilisasyon mismo. Mauunawaan naman, ang gayong panganib ay dapat na seryosong isaalang-alang. Sa kabilang panig, isa pang pagsalakay na higit na maselan ang binibigyan ng kaunting pansin o kaya’y hindi pinapansin ng pandaigdig na pamayanan. Ano ito?

2 Ito ay ang pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog,” na binabanggit ng Bibliya sa Ezekiel kabanata 38. Kalabisan bang sabihin na ang pagsalakay na ito ay mas maselan kaysa sa panganib na dulot ng internasyonal na terorismo? Hinding-hindi, sapagkat ang pagsalakay ni Gog ay higit pa kaysa paglusob lamang sa mga pamahalaan ng tao. Ito ay pagsalakay laban sa makalangit na pamahalaan ng Diyos! Gayunman, di-tulad ng mga tao na maaaring limitado lamang ang tagumpay sa pagharap sa mga paglusob sa kanilang sistema, ang Maylalang ay may lubos na kakayahang harapin ang higit na mabalasik na pagsalakay ni Gog.

Pagsalakay sa Pamahalaan ng Diyos

3. Inanyayahan ang mga tagapamahala sa daigdig na gawin ang ano mula noong 1914, at paano sila tumugon?

3 Ang labanan sa pagitan ng nagpupuno na ngayong Hari ng Diyos at ng balakyot na sistema ni Satanas ay nagpapatuloy mula pa nang itatag ang Kaharian ng Diyos sa langit noong 1914. Sa panahong iyon, ang mga tagapamahalang tao ay sinabihan na magpasakop sa hinirang ng Diyos na Tagapamahala. Subalit tumanggi silang gawin iyon, kagaya ng inihula: “Ang mga hari sa lupa ay tumitindig at ang matataas na opisyal ay nagpipisan na tila iisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran, na sinasabi: ‘Lagutin natin ang kanilang mga panggapos at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin!’ ” (Awit 2:1-3) Ang paglaban sa pamamahala ng Kaharian ay maliwanag na sasapit sa kasukdulan nito sa panahon ng pagsalakay ni Gog ng Magog.

4, 5. Paano makalalaban ang mga tao sa di-nakikitang makalangit na pamahalaan ng Diyos?

4 Maaaring mag-isip tayo kung paano makalalaban ang mga tao sa di-nakikitang makalangit na pamahalaan. Ang pamahalaang ito, kagaya ng isinisiwalat ng Bibliya, ay binubuo ng “isang daan at apatnapu’t apat na libo, na binili mula sa lupa,” kasama “ang Kordero,” si Kristo Jesus. (Apocalipsis 14:1, 3; Juan 1:29) Dahil sa pagiging makalangit, ang bagong pamahalaan ay tinutukoy bilang “mga bagong langit,” samantalang ang makalupang mga sakop nito ay makatuwirang tawaging “isang bagong lupa.” (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13) Natapos na ng karamihan sa 144,000 kasamang tagapamahala ni Kristo ang kanilang makalupang landasin nang may katapatan. Kaya napatunayan nila ang kanilang pagiging karapat-dapat na tumanggap sa kanilang bagong mga atas ng paglilingkod sa langit.

5 Gayunman, isang munting nalabi ng 144,000 ang nasa lupa pa. Mula sa mahigit sa 15,000,000 dumalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon noong 2002, may 8,760 lamang ang nagpahayag ng kanilang pag-asa bilang mga pinili para sa makalangit na atas na ito. Ang sinumang mangahas na sumalakay sa natitirang magiging mga miyembro ng Kaharian, sa katunayan, ay sumasalakay sa Kaharian ng Diyos.​—Apocalipsis 12:17.

Nilubos ng Hari ang Kaniyang Pananaig

6. Paano minamalas ni Jehova at ni Kristo ang pagsalansang laban sa bayan ng Diyos?

6 Inihula ang reaksiyon ni Jehova sa pagsalansang sa kaniyang naitatag na Kaharian: “Ang mismong Isa na nakaupo sa langit ay magtatawa; ilalagay sila ni Jehova sa kaalipustaan. Sa panahong iyon ay magsasalita siya sa kanila sa kaniyang galit at sa kaniyang matinding pagkayamot ay liligaligin niya sila, na sinasabi: ‘Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.’ ” (Awit 2:4-6) Sumapit na ang panahon “upang lubusin [ni Kristo] ang kaniyang pananaig” sa ilalim ng patnubay ni Jehova. (Apocalipsis 6:2) Paano minamalas ni Jehova ang pagsalansang sa kaniyang bayan pagsapit ng huling pananaig? Minamalas niya ito bilang aktuwal na paglaban sa kaniya at sa kaniyang nagpupunong Hari. “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata,” ang sabi ni Jehova. (Zacarias 2:8) At may-pagdiriing sinabi ni Jesus na itinuturing niyang ang ginawa o kaya’y hindi ginawa ng mga tao sa kaniyang pinahirang mga kapatid ay ginawa o kaya’y hindi ginawa ng mga tao sa kaniya.​—Mateo 25:40, 45.

7. Sa anong mga dahilan makararanas ng poot ni Gog ang mga kabilang sa “malaking pulutong” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9?

7 Sabihin pa, yaong mga aktibong sumusuporta sa pinahirang nalabi ay makararanas din ng poot ni Gog. Ang magiging mga miyembrong ito ng “bagong lupa” ng Diyos ay “isang malaking pulutong” na tinawag “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Sila ay sinasabing “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti.” Kaya sila ay may sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus. May dalang “mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay,” ibinubunyi nila si Jehova bilang ang nararapat na Soberano ng sansinukob, na ang pamamahala ay ipinahahayag sa pamamagitan ng pagpupuno ng kaniyang iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos.”​—Juan 1:29, 36.

8. Dahil sa pagsalakay ni Gog, ano ang gagawin ni Kristo, taglay ang anong resulta?

8 Dahil sa pagsalakay ni Gog, ang nakaluklok na Hari ng Diyos ay kikilos at makikipagbaka sa digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Yaong mga tumangging kumilala sa soberanya ni Jehova ay daranas ng pagkapuksa. Sa kabilang panig naman, yaong mga nagbabata ng kapighatian dahil sa kanilang pagkamatapat sa Kaharian ng Diyos ay makararanas ng permanenteng kaginhawahan. Hinggil dito, sumulat si apostol Pablo: “Ito ay isang katunayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, na umaakay upang maibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito ay tunay ngang nagdurusa kayo. Kaya naman matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian yaong mga pumipighati sa inyo, ngunit, sa inyo na dumaranas ng kapighatian ay ginhawa na kasama namin sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”​—2 Tesalonica 1:5-8.

9, 10. (a) Paano ibinigay ni Jehova sa Juda ang tagumpay laban sa isang nakatatakot na kaaway? (b) Ano ang dapat na patuloy na gawin ng mga Kristiyano sa ngayon?

9 Sa dumarating na malaking kapighatian, na magtatapos sa Armagedon, si Kristo ay makikipagdigma laban sa lahat ng masama. Subalit hindi na kakailanganing makipaglaban ang kaniyang mga tagasunod, kung paanong hindi na kinailangang makipaglaban ang mga tumatahan sa dalawang tribong kaharian ng Juda, libu-libong taon na ang nakararaan. Kay Jehova ang pakikipagbaka, at siya ang nagbigay ng tagumpay. Ang rekord ay kababasahan ng ganito: “Si Jehova ay naglagay ng mga lalaking tatambang laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab at ng bulubunduking pook ng Seir na pumaparoon sa Juda, at sinaktan nila ang isa’t isa. At ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay tumayo laban sa mga tumatahan sa mga bulubunduking pook ng Seir upang italaga sila sa pagkapuksa at lipulin sila; at nang matapos sila sa mga tumatahan sa Seir, nagkatulungan ang bawat isa sa kanila na lipulin ang kaniyang kapuwa. Ngunit kung tungkol sa Juda, dumating ito sa bantayan sa ilang. Nang ibaling nila ang kanilang mga mukha sa pulutong, aba, naroon sila, ang kanilang mga bangkay ay nakabulagta sa lupa at walang sinumang nakatakas.”​—2 Cronica 20:22-24.

10 Kagayang-kagaya ito ng inihula ni Jehova: “Hindi ninyo kakailanganing lumaban.” (2 Cronica 20:17) Parisan ito para sundin ng mga Kristiyano kapag kumilos na si Jesu-Kristo “upang lubusin ang kaniyang pananaig.” Samantala, patuloy nilang nilalabanan ang kasamaan, hindi sa pamamagitan ng literal na mga sandata, kundi sa pamamagitan ng espirituwal na mga sandata. Sa gayon ay ‘patuloy nilang dinaraig ng mabuti ang masama.’​—Roma 6:13; 12:17-21; 13:12; 2 Corinto 10:3-5.

Sino ang Mangunguna sa Pagsalakay ni Gog?

11. (a) Anong mga grupo ng tao ang gagamitin ni Gog upang maisakatuparan ang kaniyang pagsalakay? (b) Ano ang nasasangkot sa pagiging alisto sa espirituwal?

11 Si Gog ng Magog ay nakilala bilang si Satanas na Diyablo sa kaniyang ibinabang kalagayan mula pa noong 1914. Bilang isang espiritung nilalang, hindi niya maisagawa ang kaniyang pagsalakay nang tuwiran, subalit gagamitin niya ang mga grupo ng tao upang isakatuparan ang kaniyang mga gawa. Sino ang mga grupong ito ng tao? Ang Bibliya ay hindi nagbibigay sa atin ng mga detalye, subalit nagbibigay ito sa atin ng ilang pahiwatig na makatutulong sa atin na makilala kung sino sila. Habang nagaganap ang mga pangyayari sa daigdig bilang katuparan ng mga hula sa Bibliya, unti-unti tayong magkakaroon ng mas maliwanag na larawan. Iniiwasan ng bayan ni Jehova ang espekulasyon subalit nananatili silang alisto sa espirituwal, anupat lubos na gising sa mga kaganapan sa pulitika at relihiyon na umaangkop sa katuparan ng hula ng Bibliya.

12, 13. Paano inihula ni propeta Daniel ang pangwakas na pagsalakay sa bayan ng Diyos?

12 Si propeta Daniel ay nagbibigay ng liwanag hinggil sa pangwakas na pagsalakay laban sa bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsulat ng ganito: “Siya [ang hari ng hilaga] ay tiyak na hahayo sa matinding pagngangalit upang lumipol at magtalaga ng marami sa pagkapuksa. At itatayo niya ang kaniyang malapalasyong mga tolda sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kagayakan.”​—Daniel 11:44, 45.

13 Sa konteksto ng Bibliya, ang “malaking dagat” ay ang Mediteraneo, at ang “banal na bundok” ay ang Sion, na patungkol dito ay sinabi ni Jehova: “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.” (Awit 2:6; Josue 1:4) Kaya sa espirituwal na diwa, ang lupain “sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok” ay kumakatawan sa masaganang espirituwal na kalagayan ng pinahirang mga Kristiyano. Hindi na sila nakikilala na kabilang sa dagat ng sangkatauhang hiwalay sa Diyos, at sila’y umaasang mamamahalang kasama ni Kristo Jesus sa makalangit na Kaharian. Maliwanag, ang pinahirang mga lingkod ng Diyos, pati na ang kanilang matatapat na kasama na malaking pulutong, ang magiging tudlaan ng hari ng hilaga kapag inilunsad na niya ang kaniyang mabalasik na pagsalakay bilang katuparan ng hula ni Daniel.​—Isaias 57:20; Hebreo 12:22; Apocalipsis 14:1.

Ano ang Magiging Reaksiyon ng mga Lingkod ng Diyos?

14. Anong tatlong bagay ang gagawin ng bayan ng Diyos kapag sinalakay sila?

14 Ano ang inaasahang gagawin ng mga lingkod ng Diyos kapag sila ay sinalakay? Muli, ang reaksiyon ng tipikong bansa ng Diyos noong panahon ni Jehosapat ay nagbibigay ng parisan. Pansinin na ang mga mamamayan nito ay pinag-utusan na gawin ang tatlong bagay: (1) lumagay sa kanilang dako, (2) manatiling nakatayo, at (3) tingnan ang pagliligtas ni Jehova. Paano kikilos ang bayan ng Diyos sa ngayon kasuwato ng mga salitang ito?​—2 Cronica 20:17.

15. Ano ang kahulugan ng lumagay sa kanilang dako para sa bayan ng Diyos?

15 Lumagay sa kanilang dako: Patuloy na aktibong susuportahan ng bayan ng Diyos ang Kaharian ng Diyos nang walang pag-uurong-sulong. Patuloy silang maninindigan sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Sila ay magiging ‘matatag, di-natitinag’ sa kanilang matapat na paglilingkod kay Jehova at hayagang magpapatuloy sa pagpuri kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan. (1 Corinto 15:58; Awit 118:28, 29) Walang anumang panggigipit sa kasalukuyan o sa hinaharap ang magpapangyari sa kanila na talikuran ang kalagayang ito na sinang-ayunan ng Diyos.

16. Sa paanong paraan mananatiling nakatayo ang mga lingkod ni Jehova?

16 Manatiling nakatayo: Hindi sisikaping iligtas ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang sarili kundi sila ay maglalagak ng lubos na pagtitiwala kay Jehova. Siya lamang ang may kakayahang sumagip sa kaniyang mga lingkod mula sa kaguluhan ng daigdig, at nangako siyang gagawin iyon. (Isaias 43:10, 11; 54:15; Panaghoy 3:26) Magiging kalakip ng pagtitiwala kay Jehova ang pagtitiwala sa nakikitang makabagong alulod na maliwanag na ginagamit niya sa loob ng marami nang taon upang maisagawa ang kaniyang mga layunin. Higit kailanman, kakailanganin ng mga tunay na Kristiyano sa panahong iyon na maglagak ng kanilang pagtitiwala sa mga kapananampalatayang binigyan ni Jehova at ng kaniyang nagpupunong Hari ng karapatang manguna. Ang tapat na mga lalaking ito ang aakay sa bayan ng Diyos. Ang pagwawalang-bahala sa kanilang patnubay ay magiging kapaha-pahamak.​—Mateo 24:45-47; Hebreo 13:7, 17.

17. Bakit makikita ng matatapat na lingkod ng Diyos ang pagliligtas ni Jehova?

17 Tingnan ang pagliligtas ni Jehova: Kaligtasan ang magiging gantimpala niyaong mga manghahawakan sa kanilang Kristiyanong katapatan at magtitiwala kay Jehova ukol sa kaligtasan. Hanggang sa kahuli-hulihang oras​—at hangga’t magagawa nila​—ihahayag nila ang pagdating ng araw ng paghatol ni Jehova. Dapat makilala ng lahat ng nilalang na si Jehova ang tunay na Diyos at na mayroon siyang tapat na mga lingkod sa lupa. Hindi na kailanman kailangang pagtalunan pa sa loob ng mahabang panahon ang pagkamatuwid ng soberanya ni Jehova.​—Ezekiel 33:33; 36:23.

18, 19. (a) Paano ipinakikita ng awit ng tagumpay sa Exodo kabanata 15 ang damdamin niyaong mga makaliligtas sa pagsalakay ni Gog? (b) Ano ang angkop na gawin ngayon ng bayan ng Diyos?

18 Taglay ang panibagong lakas, papasok ang bayan ng Diyos sa bagong sanlibutan, aawit nang may pananabik ng isang awit ng tagumpay, kagaya ng ginawa ng sinaunang mga Israelita pagkatapos ng pagliligtas sa kanila sa Dagat na Pula. Taglay ang walang-hanggang pasasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang proteksiyon, isahan man o sa kabuuan, uulitin nila ang mga salita noong una: “Aawit ako kay Jehova, sapagkat siya ay lubhang naging dakila. . . . Si Jehova ay tulad-lalaking mandirigma. Jehova ang kaniyang pangalan. . . . Ang iyong kanang kamay, O Jehova, ay makadudurog ng kaaway. At sa kasaganaan ng iyong kadakilaan ay maibabagsak mo yaong mga tumitindig laban sa iyo; inilalabas mo ang iyong nag-aapoy na galit, nilalamon sila nito na tulad ng pinaggapasan. . . . Sa iyong maibiging-kabaitan ay inakay mo ang bayan na iyong tinubos; sa iyong lakas ay papatnubayan mo nga sila sa iyong banal na tinatahanang dako. . . . Dadalhin mo sila at itatanim sila sa bundok ng iyong mana, isang tatag na dako na inihanda mo upang iyong tahanan, O Jehova, isang santuwaryo, O Jehova, na itinatag ng iyong mga kamay. Si Jehova ay mamamahala bilang hari hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”​—Exodo 15:1-19.

19 Ngayong taglay ang mas maliwanag na pag-asa sa buhay na walang-hanggan nang higit kailanman, tunay ngang ito ang angkop na panahon upang ipakita ng mga lingkod ng Diyos ang kanilang debosyon kay Jehova at panariwain ang kanilang determinasyong maglingkod sa kaniya bilang kanilang walang-hanggang Hari!​—1 Cronica 29:11-13.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Bakit ang pagsalakay ni Gog ay itutuon laban sa pinahiran at sa ibang mga tupa?

• Paano lalagay sa kanilang dako ang bayan ng Diyos?

• Ano ang kahulugan ng manatiling nakatayo?

• Paano makikita ng bayan ng Diyos ang pagliligtas ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 18]

Ibinigay ni Jehova kay Jehosapat at sa kaniyang bayan ang tagumpay, anupat hindi na sila kailangang makipaglaban pa

[Larawan sa pahina 20]

Ang pinahiran at ang ibang mga tupa ay nakikibahagi sa pagtataguyod sa soberanya ni Jehova

[Larawan sa pahina 22]

Kagaya ng sinaunang mga Israelita, malapit nang awitin ng bayan ng Diyos ang awit ng tagumpay