Matutuhan ang Lihim ng Kasiyahan sa Sarili
Matutuhan ang Lihim ng Kasiyahan sa Sarili
Sa isang nakapagpapatibay-loob na liham sa mga Kristiyano sa Filipos, sumulat si apostol Pablo: “Natutuhan ko, anuman ang kalagayan ko, na masiyahan sa sarili. . . . Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.”—Filipos 4:11, 12.
Ano kaya ang lihim ng kasiyahan sa sarili na taglay ni Pablo? Dahil sa mataas na halaga ng pamumuhay at sa pagiging mabuway ng ekonomiya sa panahon nating ito, tiyak na magiging kapaki-pakinabang para sa tunay na mga Kristiyano na matutuhan kung paano masiyahan sa sarili upang makapanatili silang nakatutok sa kanilang paglilingkod sa Diyos.
SA BANDANG unahan ng kaniyang liham, inilarawan ni Pablo ang kaniyang dating matagumpay na karera. Ang sabi niya: “Kung ang sinumang ibang tao ay nag-iisip na may mga saligan siya upang magtiwala sa laman, lalo na ako: tinuli nang ikawalong araw, mula sa angkan ng pamilya ni Israel, sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na ipinanganak mula sa mga Hebreo; kung may kinalaman sa kautusan, isang Pariseo; kung may kinalaman sa sigasig, pinag-usig ang kongregasyon; kung may kinalaman sa katuwiran na sa pamamagitan ng kautusan, isa na napatunayang walang kapintasan.” (Filipos 3:4-6) Karagdagan pa, bilang isang masigasig na Judio, si Pablo ay may atas at suporta mula sa mga punong saserdote sa Jerusalem. Lahat ng ito ay nangangako sa kaniya ng kapangyarihan at katanyagan—sa pulitika, relihiyon, at lalo na nga sa pinansiyal—sa sistema ng mga Judio.—Gawa 26:10, 12.
Gayunman, nang si Pablo ay maging isang masigasig na ministrong Kristiyano, biglang nagbago ang mga bagay-bagay. Alang-alang sa mabuting balita, kusang-loob niyang iniwan ang kaniyang matagumpay na karera at ang lahat ng bagay na dating itinuturing na mahalaga. (Filipos 3:7, 8) Paano niya ngayon susuportahan ang kaniyang sarili? Tatanggap ba siya ng suweldo bilang isang ministro? Paano na ang kaniyang mga pangangailangan?
Isinagawa ni Pablo ang kaniyang ministeryo nang walang bayad. Upang hindi maging pasanin sa kaniyang mga pinaglilingkuran, sumama siya kina Aquila at Priscila sa paggawa ng tolda habang nasa Corinto, at gumawa rin siya ng ibang mga bagay para masustentuhan ang sarili. (Gawa 18:1-3; 1 Tesalonica 2:9; 2 Tesalonica 3:8-10) Gumawa si Pablo ng tatlong malalayong paglalakbay bilang misyonero, at naglakbay rin siya patungo sa mga kongregasyon na nangangailangan ng pagdalaw. Palibhasa’y abalang-abala sa paglilingkod sa Diyos, wala siyang gaanong materyal na pag-aari. Karaniwan nang ang mga kapatid ang naglalaan ng kaniyang mga pangangailangan. Subalit kung minsan, dahil sa masasamang kalagayan, nagtiis siya ng kakapusan at kawalan. (2 Corinto 11:27; Filipos 4:15-18) Magkagayunman, hindi kailanman nagreklamo si Pablo sa naging kalagayan niya, at hindi siya nag-imbot sa pag-aari ng iba. Kusang-loob at maligaya siyang nagpagal para sa kapakinabangan ng kapuwa mga Kristiyano. Sa katunayan, si Pablo ang sumipi ng bantog na mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” Talaga ngang isa itong pambihirang halimbawa para sa ating lahat!—Gawa 20:33-35.
Ang Kahulugan ng Kasiyahan sa Sarili
Ang isang pangunahing dahilan ng kaligayahan ni Pablo ay ang pagkakaroon niya ng kasiyahan sa sarili. Kung gayon, ano ang kahulugan ng kasiyahan sa sarili? Sa simpleng pananalita, ito’y nangangahulugan ng pagiging kontento sa pangunahing mga bagay. Tungkol dito, sinabi ni Pablo kay Timoteo na kasama niya sa ministeryo: “Ang totoo, ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:6-8.
Pansinin na iniugnay ni Pablo ang kasiyahan sa sarili sa makadiyos na debosyon. Kinilala niyang ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa makadiyos na debosyon, samakatuwid nga, sa pag-una sa ating paglilingkod sa Diyos, at hindi sa materyal na mga pag-aari o kayamanan. “Pagkain at pananamit” lamang ang kailangan upang makapagpatuloy siya sa pagtataguyod ng makadiyos na debosyon. Kaya para kay Pablo, ang lihim ng kasiyahan sa sarili ay ang magtiwala kay Jehova, anuman ang maging kalagayan.
Maraming tao sa ngayon ang dumaranas ng malubhang kabalisahan at kalungkutan dahil hindi nila alam ang lihim na iyon o kaya naman ay ipinagwawalang-bahala nila ito. Sa halip na pasulungin ang kasiyahan sa sarili, mas minamabuti pa nilang magtiwala sa salapi at sa mabibili ng salapi. Gustong ipadama sa mga tao ng mga industriya ng pag-aanunsiyo at ng media na hindi sila 1 Timoteo 6:9, 10.
liligaya malibang magkaroon sila ng pinakabago at pinakamamahaling produkto at mga gadyet—at matamo kaagad ang mga ito. Dahil dito, marami ang nabibiktima ng paghahangad sa salapi at materyal na mga bagay. Sa halip na makasumpong ng kaligayahan at kasiyahan, sila’y “nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.”—Natutuhan Nila ang Lihim
Sa panahong ito, talaga nga kayang posibleng mabuhay nang may makadiyos na debosyon at kasiyahan sa sarili at makasumpong ng kaligayahan at kasiyahan? Oo. Sa katunayan, gayung-gayon ang ginagawa ng milyun-milyong tao sa ngayon. Natutuhan nila ang lihim ng pagiging maligaya anumang materyal na mga bagay ang taglay nila. Sila ang mga Saksi ni Jehova, na nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos, na gumagawa ng kaniyang kalooban at nagtuturo ng kaniyang layunin sa mga tao saanmang dako.
Halimbawa, isaalang-alang yaong Mateo 24:14) Kadalasan, ang mga kalagayan ng pamumuhay sa mga lupaing pinagdadalhan sa kanila ay hindi kasing-asenso na gaya ng nakasanayan na nila. Halimbawa, nang dumating ang mga misyonero sa isang bansa sa Asia noong unang mga buwan ng 1947, nakikita pa rin ang epekto ng digmaan, at iilang tahanan lamang ang may kuryente. Sa maraming lupain, nakita ng mga misyonero na ang mga damit ay isa-isang nilalabhan sa tablang labahan o sa mga bato sa ilog sa halip na sa de-kuryenteng washing machine. Subalit sila’y dumating doon para turuan ang mga tao ng katotohanan sa Bibliya, kaya nakibagay sila sa mga kalagayan doon at nagpakaabala sa ministeryo.
mga nagboboluntaryo para masanay at maipadala bilang mga misyonero sa di-kilalang mga lupain upang mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Ang iba naman ay buong-panahong naglilingkod o lumilipat sa mga lugar na hindi pa nararating ng mabuting balita. Si Adulfo ay mahigit nang 50 taóng naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro sa iba’t ibang bahagi ng Mexico. Ang sabi niya: “Gaya ni apostol Pablo, natutuhan naming mag-asawa na ibagay ang aming sarili sa mga kalagayan. Halimbawa, isa sa mga kongregasyong dinadalaw namin noon ay napakalayo sa alinmang lunsod o pamilihan. Tuwing kakain, ang mga kapatid ay nasisiyahan na sa isang tortilya na may kaunting mantika at asin at isang tasang kape. Iyon lamang ang kinakain nila—tatlong tortilya sa isang araw. Kaya naman natutuhan naming mamuhay na gaya ng mga kapatid na ito. Nagkaroon ako ng maraming karanasang gaya nito sa loob ng 54 na taóng paglilingkod ko kay Jehova nang buong panahon.”
Naalaala ni Florentino kung paanong silang mag-anak ay kinailangang makibagay sa mahihirap na kalagayan. Sa paggunita sa kaniyang kabataan, sinabi niya: “Ang aking tatay ay isang mayamang negosyante. Marami siyang lupain. Natatandaan ko pa ang counter sa tindahan ng groseri na pag-aari namin. May isang drower ito na mga 50 sentimetro ang luwang at 20 sentimetro naman ang lalim, at mayroon itong apat na pitak. Doon namin inilalagay ang mga napagbibilhan sa buong maghapon. Sa pagtatapos ng maghapon, lagi itong umaapaw sa mga barya at mga kuwartang papel.
“Nang biglang-bigla, nagipit kami sa pinansiyal at mula sa pagkakaroon ng kasaganaan, kami’y nagtiis ng kakapusan. Walang natira sa amin kundi ang aming tahanan. Bukod dito, isa sa aking mga kapatid ay naaksidente at naging paralitiko. Ibang-iba na ngayon ang aming kalagayan. May panahon na nagtitinda ako ng mga prutas at karne. Nag-ani rin ako ng bulak, ubas, at alfalfa, at sumama ako sa pagpapatubig sa bukid. Ang tawag sa akin ng ilan ay isang taong marunong sa lahat ng trabaho. Palagi kaming inaaliw ng aking nanay sa pagsasabing nasa amin ang katotohanan, isang espirituwal na kayamanan na iilan lamang ang nagtataglay. Kaya natutuhan kong magkaroon ng kasaganaan at magkaroon din naman ng kaunti o mawalan ng lahat-lahat. Ngayong mga 25 taon na akong naglilingkod kay Jehova nang buong panahon, masasabi ko na araw-araw akong nakadarama ng kagalakan sa pagkaalam na pinili ko ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay—ang paglilingkod kay Jehova nang buong panahon.”
Mariing sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” Dahil dito, hinihimok din tayo nito: “[Hayaang] yaong mga nagsasaya ay maging gaya niyaong mga hindi nagsasaya, at yaong mga bumibili ay maging gaya niyaong mga hindi nagmamay-ari, at yaong mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan.”—1 Corinto 7:29-31.
Kung gayon, ngayon na ang panahon upang suriin ang iyong paraan ng pamumuhay. Kung ikaw ay nasa kakapusan, mag-ingat na huwag makadama ng paghihinanakit, anupat magkimkim pa nga ng galit at pagkainggit. Sa kabilang dako, anumang materyal na mga pag-aari ang taglay mo, isang katalinuhang ilagay ang mga ito sa tamang dako sa iyong buhay upang hindi mo maging panginoon ang mga ito. Gaya ng payo ni apostol Pablo, sa anumang paraan ay ilagak ang iyong pag-asa, “hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.” Kung gagawin mo iyan, ikaw man ay makapagsasabi na natutuhan mo ang lihim ng kasiyahan sa sarili.—1 Timoteo 6:17-19.
[Larawan sa pahina 9]
Nagtrabaho si Pablo sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kamay upang hindi maging pabigat sa iba
[Mga larawan sa pahina 10]
Libu-libo ang nakasusumpong ng kaligayahan sa isang buhay na may “makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili”