Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mali bang kitlin ang buhay ng isang alagang hayop na may malubhang sakit at napakatanda na?

Karamihan sa mga tao ay nagkakainteres at nasisiyahan sa iba’t ibang hayop. Ang ilang inaalagaang hayop ay nagiging maiinam na kasama sa bahay. Halimbawa, kilalá ang mga aso sa kanilang ganap na pagsunod at pagmamahal sa mga amo nila. Kaya, mauunawaan ang pagmamahal na maaaring taglayin ng mga tao sa isang alagang hayop, lalo na kung nakasama na nila ito sa loob ng maraming taon.

Gayunman, ang buhay ng maraming alagang hayop ay hindi naman napakahaba. Maaaring mabuhay ang mga aso sa loob ng humigit-kumulang 10 hanggang 15 taon, gayundin ang mga pusa, depende sa lahi. Kapag nagkaedad na ang mga ito, maaaring dumanas ang mga alagang hayop ng mga sakit at kapansanan na maaaring makabalisa sa mga nagmamay-ari sa kanila, na nakaaalaala sa mga taon ng pagiging bata at malakas ng mga hayop na ito. Mali kayang wakasan na ang paghihirap ng mga hayop na ito, anupat kitlin na lamang ang buhay ng mga ito?

Nanaisin ng isang Kristiyano na kumilos kasuwato ng kalooban ng Diyos pagdating sa pakikitungo sa mga hayop. Ang pagmamalupit sa mga ito ay tiyak na laban sa kalooban ng Diyos, sapagkat sinasabi ng kaniyang Salita: “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop.” (Kawikaan 12:10) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na pareho ang pangmalas ng Diyos sa mga hayop at sa mga tao. Nang lalangin ng Diyos ang mga tao, ipinakita niya ang maliwanag na pagkakaiba ng mga tao at ng mga hayop. Halimbawa, binigyan niya ng pag-asang buhay na walang hanggan ang mga tao, ngunit hindi niya kailanman ipinaabot ang pag-asang ito sa mga hayop. (Roma 6:23; 2 Pedro 2:12) Yamang siya ang Maylalang, karapatan niyang magtakda kung ano ang tamang ugnayan ng mga tao at ng mga hayop.

Sinasabi sa atin ng Genesis 1:28 kung ano ang ugnayang iyan. Ganito ang sabi ng Diyos sa unang mga tao: “Magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” Gayundin, sinasabi ng Awit 8:6-8: ‘Ang lahat ng bagay ay inilagay ng Diyos sa ilalim ng mga paa ng tao: mga tupa at kambing at mga barakong baka, ang lahat ng mga ito, at gayundin ang mga hayop sa malawak na parang, ang mga ibon sa langit at ang isda sa dagat.’

Niliwanag ng Diyos na ang mga hayop ay maaaring angkop na gamitin at patayin ng tao. Halimbawa, maaaring gamitin ang kanilang mga balat bilang mga kasuutan. Pinahintulutan din ng Diyos ang mga tao na kainin ang karne ng mga hayop pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe bilang kapupunan sa pagkaing pananim na ibinigay noong una.​—Genesis 3:21; 4:4; 9:3.

Hindi nito pinahihintulutan ang walang-pakundangang pagpatay sa mga hayop para lamang sa libangan. Sa Genesis 10:9, inilarawan ng Bibliya si Nimrod bilang “isang makapangyarihang mangangaso.” Ngunit sinasabi ng talatang iyan na dahil dito ay itinuring siyang “salansang kay Jehova.”

Kaya bagaman may kapamahalaan ang tao sa mga hayop, hindi niya dapat abusuhin ang awtoridad na ito kundi sa halip ay gamitin ito kasuwato ng mga simulain sa Salita ng Diyos. Maaaring kasama rito ang hindi na pagpapahintulot na maghirap pa ang alagang hayop dahil sa ito ay napakatanda na, may malubhang pinsala, o nakamamatay na sakit. Sa gayong kaso, pananagutan ng isang Kristiyano na magpasiya kung ano ang dapat gawin. Kung mapagpasiyahan niyang pagpapakita ng awa ang hindi na hayaang maghirap ang alagang hayop dahil wala nang makatuwirang pag-asa na ito’y gagaling pa, maaari niyang piliin na kitlin na lamang ang buhay nito.