Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsusunog ng Insenso—May Dako ba Ito sa Tunay na Pagsamba?

Pagsusunog ng Insenso—May Dako ba Ito sa Tunay na Pagsamba?

Pagsusunog ng Insenso​—May Dako ba Ito sa Tunay na Pagsamba?

“GUSTUNG-GUSTO ng mga diyos ang mababangong amoy.” Iyan ay isang karaniwang kasabihan sa sinaunang mga Ehipsiyo. Para sa kanila, ang pagsusunog ng insenso ay may napakalaking bahagi sa kanilang pagsamba. Palibhasa’y naniniwalang naririyan lamang ang mga diyos, araw-araw na nagsusunog ang mga Ehipsiyo ng insenso sa kanilang mga templo at mga altar sa bahay at kahit na habang nagnenegosyo. May gayunding mga kaugalian ang ibang mga bansa.

Ano ba ang insenso? Maaaring tumukoy ang termino sa usok o sa sangkap na sinusunog. Gawa ito sa mababangong resina at sahing, tulad ng olibano at balsamo. Dinidikdik ito hanggang sa maging pulbos at kadalasan nang inihahalo sa mga sangkap na gaya ng mga espesya, balat ng kahoy, at mga bulaklak upang lumikha ng ilang partikular na mababangong amoy para sa espesipikong mga gamit.

Lubhang kanais-nais at napakahalagang bilihin ang insenso noong sinaunang panahon anupat ang mga sangkap nito ay naging mahalagang mga kalakal. Ang mga ito, na mula pa sa malalayong lupain, ay dinadala ng mga pangkat ng naglalakbay na mga negosyante na dumaraan sa mga ruta ng kalakalan. Maaalaala mong ipinagbili ang kabataang anak na lalaki ni Jacob na si Jose sa mga Ismaelitang mangangalakal na ‘nagmula sa Gilead, at ang kanilang mga kamelyo ay may dalang ladano at balsamo at madagtang talob, na yumayaon upang ilusong iyon sa Ehipto.’ (Genesis 37:25) Lubhang lumaki ang pangangailangan sa insenso anupat dahil sa ruta ng kalakalan ng olibano, na walang-alinlangang pinasinayaan ng mga negosyante ng insenso, nagkaroon ng paglalakbay sa pagitan ng Asia at Europa.

Inihahandog pa rin ang insenso sa mga seremonya at mga ritwal ng maraming relihiyon sa ngayon. Karagdagan pa, parami nang paraming tao ang nagnanais na magsunog ng insenso sa kanilang mga tahanan para lamang langhapin ang masarap na amoy nito. Paano ba dapat malasin ng mga Kristiyano ang pagsusunog ng insenso? Katanggap-tanggap ba ito sa Diyos sa pagsamba? Suriin natin ang sinasabi ng Bibliya sa bagay na ito.

“Banal kay Jehova”

Sa sinaunang mga Israelita, ang pagsusunog ng insenso ay may prominenteng bahagi sa mga gawain ng mga saserdote sa tabernakulo. Ganito ang sabi ng McClintock and Strong’s Cyclopedia: “Sa katunayan, ang pagsusunog ng insenso ay waring itinuturing ng mga Hebreo na isang gawa ng pagsamba o isang sagradong paghahandog anupat wala na tayong mababasang iba pang gamit nila sa insenso bukod dito.”

Nagtakda ang Diyos na Jehova ng apat na sangkap na paghahaluin at susunugin sa tabernakulo: “Kumuha ka ng mga pabango: mga patak na estacte at onica at mabangong galbano at dalisay na olibano. Dapat na magkaroon ng pare-parehong dami ng bawat isa. At iyon ay gagawin mong insenso, na pinaghalu-halong mga espesya, na gawa ng isang manggagawa ng ungguento, inasnan, dalisay, banal. At didikdikin mo ang iba niyaon hanggang sa maging pinong pulbos at ilalagay mo ang iba niyaon sa harap ng Patotoo sa tolda ng kapisanan.” (Exodo 30:34-36) Iminumungkahi ng mga iskolar na sa kalaunan ay idinagdag ng mga rabinikong Judio ang iba pang mga sangkap para gamitin sa templo.

Ang insensong sinusunog sa tabernakulo ay sagrado, na bukod-tanging ginagamit sa pagsamba sa Diyos. Iniutos ni Jehova: “Ang insenso na gagawin mo sa halong ito ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili. Para sa iyo ay mananatili itong banal kay Jehova. Ang sinumang gagawa ng anumang tulad nito upang langhapin ang amoy nito ay lilipulin mula sa kaniyang bayan.” (Exodo 30:37, 38) Ang mga saserdote ay nagsusunog ng insenso sa isang nakatalagang altar dalawang beses sa isang araw. (2 Cronica 13:11) At sa Araw ng Pagbabayad-sala, nagsusunog ng insenso ang mataas na saserdote sa dakong Kabanal-banalan.​—Levitico 16:12, 13.

Hindi lahat ng insensong inihahandog ay katanggap-tanggap sa Diyos. Pinarusahan niya ang mga hindi saserdote na may-kapangahasang naghandog nito na para bang sila ay mga saserdote. (Bilang 16:16-18, 35-40; 2 Cronica 26:16-20) Nagalit si Jehova sa insensong inihahandog ng bansang Judio dahil kasabay nito, sila ay nakikibahagi sa mga gawa ng huwad na pagsamba at pinupuno ang kanilang mga kamay ng pagbububo ng dugo. Ang kanilang pagpapaimbabaw ay umakay sa paghahayag ni Jehova: “Insenso​—ito ay karima-rimarim sa akin.” (Isaias 1:13, 15) Naging lubhang pabaya ang mga Israelita sa itinakdang pagsamba kay Jehova anupat isinara nila ang templo at nagsunog ng insenso sa ibang mga altar. (2 Cronica 28:24, 25) Pagkalipas ng maraming taon, ang banal na insenso ay ginamit pa nga sa balakyot na pagsamba sa huwad na mga diyos. Ang gayong mga gawain ay karima-rimarim kay Jehova.​—Ezekiel 16:2, 17, 18.

Ang Insenso at ang Sinaunang mga Kristiyano

Ang tipang Kautusan, kasama na ang makasaserdoteng batas na maghandog ng banal na insenso, ay nagwakas nang pasinayaan ni Kristo ang bagong tipan noong 33 C.E. (Colosas 2:14) Walang ulat na ang sinaunang mga Kristiyano ay nagsunog ng insenso para sa relihiyosong mga layunin. Hinggil dito, sinabi ng McClintock and Strong’s Cyclopedia: “Tiyak na ang insenso ay hindi ginamit [ng sinaunang mga Kristiyano]. Sa katunayan, ang paggamit nito ay nagpapahiwatig ng paganismo . . . Ang paghahagis ng isang deboto ng ilang butil ng insenso sa isang paganong altar ay katumbas ng isang gawa ng pagsamba.”

Tumanggi rin ang sinaunang mga Kristiyano na magsunog ng insenso upang kilalanin ang “pagiging diyos” ng Romanong emperador, bagaman maaaring ang kabayaran nito ay ang kanilang buhay. (Lucas 4:8; 1 Corinto 10:14, 20) Dahil ginagamit ang insenso sa idolatriya noong panahong iyon, hindi nga kataka-taka na hindi man lamang nakibahagi ang sinaunang mga Kristiyano sa pagnenegosyo ng insenso.

Pagsusunog ng Insenso sa Ngayon

Paano ba ginagamit ang insenso sa ngayon? Sa maraming simbahan ng Sangkakristiyanuhan, ang insenso ay inihahandog sa panahon ng mga seremonya at liturhiya. Sa mga taga-Asia, maraming pamilya ang nagsusunog ng insenso sa mga templo o sa harap ng mga altar sa bahay upang parangalan ang mga diyos at bantayan ang mga patay. Sa mga relihiyosong serbisyo, ginagamit ang insenso upang magpausok, magpagaling, magdalisay, at magsanggalang.

Kamakailan, naging popular uli ang insenso kahit na sa mga taong nag-aangking wala silang relihiyon. Ang ilan ay nagsusunog ng insenso habang nagbubulay-bulay. Iminumungkahi ng isang guidebook ang paggamit ng insenso upang matamo ang “mahihiwagang kamalayan” at “mga enerhiya” na nakahihigit sa pisikal na daigdig. Upang malutas ang mga problema sa buhay, iminumungkahi rin nito ang mga ritwal na pagsusunog ng insenso na nagsasangkot ng pakikipag-ugnayan sa “mga personang sobrenatural.” Ang gayong mga gawain ba ay para sa mga Kristiyano?

Tahasang hinahatulan ni Jehova ang mga nagsisikap na paghaluin ang mga gawain ng huwad na relihiyon at ng dalisay na pagsamba. Sinipi ni apostol Pablo ang hula ni Isaias at ikinapit ito sa mga Kristiyano, anupat hinihimok sila na patuloy na umiwas sa maruming impluwensiya ng huwad na relihiyon. Sumulat siya: “ ‘Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’ ” (2 Corinto 6:17; Isaias 52:11) Tinitiyak ng tunay na mga Kristiyano na kanilang iniiwasan ang anumang bagay na may kaugnayan sa huwad na pagsamba o sa okulto.​—Juan 4:24.

Ang bagay ba na ang insenso ay ginagamit sa relihiyosong mga seremonya at sa espiritismo ay nangangahulugang mali ang lahat ng pagsusunog ng insenso? Hindi naman. Marahil ay nais ng isang tao na magsunog ng insenso bilang pabango sa kaniyang tahanan upang malanghap lamang ang mabangong amoy nito. (Kawikaan 27:9) Magkagayunman, sa pagpapasiya kung magsusunog ng insenso o hindi, dapat isaalang-alang ng isang Kristiyano ang ilang salik. Iuugnay kaya ng ibang naninirahan sa inyong lugar ang paggamit ng insenso sa isang gawain ng huwad na relihiyon? Sa inyong komunidad, karaniwan bang iniuugnay ang insenso sa espiritistikong mga ritwal? O karaniwan bang ginagamit ito sa mga layuning wala namang kinalaman sa relihiyon?

Kung magpasiya ang isang indibiduwal na magsunog ng insenso, dapat niyang isaalang-alang sa kaniyang pagpapasiya kapuwa ang kaniyang budhi at ang damdamin ng iba. (1 Corinto 10:29) Kumakapit dito ang mga salita ni apostol Pablo sa mga taga-Roma. Sumulat siya: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa. Huwag mo nang gibain ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoo, ang lahat ng bagay ay malinis, ngunit nakapipinsala ito sa taong kumakain kapag may dahilang ikatitisod. Mabuti ang huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na ikinatitisod ng iyong kapatid.”​—Roma 14:19-21.

Mga Panalangin na ‘Inihandang Gaya ng Insenso’

Ang paghahandog ng mga Israelita ng insenso ay isang angkop na sagisag ng mga panalanging dinirinig ng Diyos. Kaya umawit kay Jehova ang salmistang si David: “Maihanda nawa ang aking panalangin sa harap mo na gaya ng insenso.”​—Awit 141:2.

Hindi minalas ng tapat na mga Israelita ang paghahandog ng insenso bilang isang walang-kabuluhang ritwal. Maingat silang naghahanda at nagsusunog ng insenso sa paraang itinakda ni Jehova. Sa halip na gumamit ng literal na insenso, ang mga Kristiyano sa ngayon ay naghahandog ng mga panalanging nagpapamalas ng masidhing pagpapahalaga at paggalang sa ating makalangit na Ama. Kagaya ng mabangong insensong inihandog ng mga saserdote sa templo, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Ang panalangin ng mga matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”​—Kawikaan 15:8.

[Mga larawan sa pahina 29]

Sagrado ang insensong sinusunog sa tabernakulo at sa templo

[Larawan sa pahina 30]

Angkop ba sa mga Kristiyano ang pagsusunog ng insenso habang nagbubulay-bulay?