‘Si Solomon ay Hindi Nagayakan na Gaya ng Isa sa mga Ito’
‘Si Solomon ay Hindi Nagayakan na Gaya ng Isa sa mga Ito’
ANG mga ligáw na bulaklak, gaya ng makikita rito, ay isang karaniwang tanawin sa mga tabing-daan sa timugang Aprika. Ang mga ito ay tinatawag na cosmos at nagmula sa mga tropiko sa Amerika. Ang gayong magagandang bulaklak ay maaaring magpaalaala sa atin sa aral na itinuro ni Jesus. Marami sa kaniyang mga tagapakinig ang mahihirap, at nababalisa sila sa kanilang pisikal na mga pangangailangan, sa kanilang pagkain at pananamit.
“May kinalaman sa pananamit,” ang tanong ni Jesus, “bakit kayo nababalisa? Kumuha kayo ng aral mula sa mga liryo sa parang, kung paano sila tumutubo; hindi sila nagpapagal, ni nag-iikid man; ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito.”—Mateo 6:28, 29.
Iba’t iba ang ideya hinggil sa kung anong espesipikong uri ng ligáw na bulaklak ang nasa isip ni Jesus. Gayunman, nagpatuloy si Jesus sa paghahalintulad nito sa pangkaraniwang pananim, na sinasabi: “Kung dinaramtan nga ng Diyos nang gayon ang pananim sa parang, na narito ngayon at bukas ay inihahagis sa pugon, hindi ba mas lalong daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya?”—Mateo 6:30.
Bagaman ang cosmos ay hindi nagmula sa Israel, tiyak na sinusuhayan nito ang aral na itinuturo ni Jesus. Ito man ay tinatanaw sa malayo o sinusuri nang malapitan, kahanga-hanga ang kanilang kagandahan at gustung-gusto itong kunan ng larawan ng mga potograpo at iguhit ng mga pintor. Tunay na hindi nagmamalabis si Jesus nang sabihin niyang, “kahit si Solomon sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito.”
Ano ang aral nito para sa atin sa ngayon? Yaong mga naglilingkod sa Diyos ay makatitiyak na kaniyang tutulungan sila na matamo ang kanilang mga pangangailangan kahit sa mahihirap na panahon. Ipinaliwanag ni Jesus: “Patuluyan ninyong hanapin ang . . . kaharian [ng Diyos], at ang mga bagay na ito [gaya ng kinakailangang pagkain at pananamit] ay idaragdag sa inyo.” (Lucas 12:31) Oo, makakamit ang tunay na mga kapakinabangan sa paghahanap sa Kaharian ng Diyos. Ngunit alam mo ba kung ano ang Kaharian ng Diyos at kung ano ang gagawin nito para sa sangkatauhan? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang hanapin ang mga sagot mula sa Bibliya.