Arkeolohikal na Katibayan ba ng Pag-iral ni Jesus?
Arkeolohikal na Katibayan ba ng Pag-iral ni Jesus?
“NAKASULAT sa Bato ang Katibayan Tungkol kay Jesus.” Iyan ang pahayag ng pabalat ng Biblical Archaeology Review (Nobyembre/Disyembre 2002). Itinampok ng pabalat na iyon ang isang kahong lagayan ng buto na yari sa batong-apog, isang imbakan ng buto (ossuary), na natagpuan sa Israel. Nauso noon sa mga Judio ang paggamit ng mga imbakan ng buto sa loob ng maikling yugto ng panahon mula unang siglo B.C.E. hanggang 70 C.E. Lalo pa itong naging mahalaga dahil sa Aramaikong inskripsiyon sa isang gilid nito. Sumang-ayon ang mga iskolar na ganito ang mababasa rito: “Santiago, anak ni Jose, kapatid ni Jesus.”
Ayon sa Bibliya, si Jesus ng Nazaret ay may kapatid na nagngangalang Santiago na itinuring na anak ni Jose, asawa ni Maria. Nang magturo si Jesu-Kristo sa kaniyang sariling bayan, nagtanong ang namanghang mga tagapakinig: “Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kaniyang ina ay tinatawag na Maria, at ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay sina Santiago at Jose at Simon at Hudas? At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi ba kasama natin silang lahat?”—Mateo 13:54-56; Lucas 4:22; Juan 6:42.
Oo, angkop ang paglalarawan ng inskripsiyong nasa imbakan tungkol kay Jesus na Nazareno. Kung ang nabanggit na Santiago sa inskripsiyon ay ang kapatid ni Jesu-Kristo sa ina, kung gayon ito na ang “pinakamatandang arkeolohikal na katibayan tungkol kay Jesus na masusumpungan bukod sa Bibliya,” ang pahayag ni André Lemaire, isang awtoridad sa sinaunang mga inskripsiyon at ang sumulat ng nabanggit nang artikulo sa Biblical Archaeology Review. Ang editor ng magasin, si Hershel Shanks, ay nagkomento na ang imbakang ito “ay isang bagay na nahahawakan at nakikita na nagmula pa sa panahon ng nag-iisang pinakamahalagang persona na nabuhay kailanman sa lupa.”
Gayunman, lahat ng tatlong pangalan na mababasa sa inukit na imbakan ay pangkaraniwan noong unang siglo. Kaya posible na may isa pang pamilya na ang mga miyembro ay isang Santiago, isang Jose, at isang Jesus bukod pa sa pamilya ni Jesu-Kristo. Tinantiya ni Lemaire: “Sa panahon ng dalawang henerasyon bago 70 C.E. sa Jerusalem, mayroon . . . marahil halos 20 tao ang maaaring tawagin na ‘Santiago/Jacob na anak ni Jose na kapatid ni Jesus.’ ” Gayunpaman, sa palagay niya ay may 90-porsiyentong posibilidad na ang nakasulat na Santiago sa imbakan ay ang kapatid ni Jesu-Kristo sa ina.
May isa pang dahilan kung bakit naniniwala ang ilan na ang Santiago na nasa inskripsiyon ay ang kapatid ni Jesu-Kristo sa ina. Bagaman karaniwan nang binabanggit ang pangalan ng ama ng namatay sa gayong mga inskripsiyon, bihirang-bihirang banggitin ang kapatid na lalaki.
Kaya, naniniwala ang ilang mga iskolar na gayon na lamang kahalaga ang Jesus na ito, anupat iniisip nila na siya nga si Jesu-Kristo, ang tagapagtatag ng Kristiyanismo.Tunay ba Talaga ang Imbakan?
Ano nga ba ang imbakan? Ito ay isang kahon, o baul, kung saan inilalagay ang mga buto ng taong namatay pagkatapos nitong maagnas sa kuwebang libingan. Maraming mga imbakan ang ninanakaw noon sa mga libingan sa palibot ng Jerusalem. Ang kahon na may inskripsiyong Santiago ay nagmula sa tindahan ng mga antigo, at hindi sa isang opisyal na pinaghuhukayan. Sinasabing binili ng may-ari ang imbakang ito sa halagang ilang daang dolyar noong dekada ng 1970. Sa gayon, ang pinagmulan ng imbakan ay nababalot ng misteryo. “Kung hindi mo matukoy kung saan natagpuan at kung saan napadpad ang isang antigong bagay sa loob ng halos 2,000 taon, hindi mo maaaring basta na lamang pagdugtungin ang kaugnayan ng isang bagay at ng mga tao na maaaring binabanggit nito,” ang sabi ni Propesor Bruce Chilton ng Bard College, sa New York.
Upang mapunan ang kakulangan nito ng impormasyon sa arkeolohiya, ipinadala ni André Lemaire ang kahon sa Geological Survey ng Israel. Pinatunayan ng mga mananaliksik doon na ang kahon ay gawa nga sa batong-apog noong una o ikalawang siglo C.E. Kanilang iniulat na “wala silang nakitang palatandaan na ginamitan ito ng modernong kasangkapan o instrumento.” Gayunman, ipinahayag ng mga iskolar ng Bibliya na kinapanayam ng The New York Times ang kanilang opinyon na “ang kaugnay na katibayan na sumusuhay sa kaugnayan nito kay Jesus ay maaaring matibay, ngunit nananatili pa ring kaugnay na katibayan lamang.”
Nagkomento ang magasing Time na “halos walang edukadong tao sa ngayon ang nag-aalinlangan na si Jesus ay nabuhay.” Gayunman, nadarama ng marami na may katibayan pa dapat sa pag-iral ni Jesus bukod sa Bibliya. Ang arkeolohiya ba ang dapat na maging basehan ng paniniwala ng isa kay Jesu-Kristo? Anong katibayan mayroon tayo sa pagiging makasaysayan ng “nag-iisang pinakamahalagang persona na nabuhay kailanman sa lupa”?
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
Kaliwa, Imbakan ng Buto ni Santiago: AFP PHOTO/J.P. Moczulski; kanan, inskripsiyon: AFP PHOTO/HO