Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hanapin ang Mabuti sa Bawat Isa

Hanapin ang Mabuti sa Bawat Isa

Hanapin ang Mabuti sa Bawat Isa

“Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.”​—NEHEMIAS 13:31.

1. Paano kumikilos si Jehova nang may kabutihan sa lahat ng tao?

PAGKATAPOS ng maraming maulap at makulimlim na mga araw, nakalulugod na pagbabago ang idinudulot ng sikat ng araw. Sumisigla ang mga tao, at gumaganda ang kanilang pakiramdam. Gayundin, pagkatapos ng mga yugto ng nakapapasong sikat ng araw at tagtuyot, ang pagbuhos ng ulan​—kahit na bugso lamang nito​—ay nakapagbibigay ng kaginhawahan. Dinisenyo ng ating maibiging Maylalang, si Jehova, ang atmospera ng lupa na taglay ang kamangha-manghang kaloob na ito na mga lagay ng panahon. Itinuon ni Jesus ang pansin sa pagkabukas-palad ng Diyos nang kaniyang ituro: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:43-45) Oo, kumikilos si Jehova nang may kabutihan sa lahat ng tao. Dapat pagsikapan ng kaniyang mga lingkod na tularan siya sa pamamagitan ng paghahanap ng mabuti sa iba.

2. (a) Salig sa ano kumikilos si Jehova nang may kabutihan? (b) Ano ang pinagmamasdan ni Jehova hinggil sa ating pagtugon sa kaniyang kabutihan?

2 Salig sa ano kumikilos si Jehova nang may kabutihan? Mula nang magkasala si Adan, hindi nagkulang si Jehova sa paghahanap ng mabuti sa mga tao. (Awit 130:3, 4) Ang kaniyang layunin ay isauli ang masunuring sangkatauhan sa buhay sa Paraiso. (Efeso 1:9, 10) Ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan ay nagbigay sa atin ng pag-asang makaligtas mula sa kasalanan at di-kasakdalan sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi. (Genesis 3:15; Roma 5:12, 15) Ang pagtanggap sa kaayusan ng pantubos ay nagbukas ng daan sa magaganap na pagsasauli sa kasakdalan. Pinagmamasdan ngayon ni Jehova ang bawat isa sa atin upang makita niya, bukod pa sa ibang mga bagay, ang ating reaksiyon sa kaniyang pagkabukas-palad. (1 Juan 3:16) Napapansin niya ang anumang ginagawa natin upang ipakita ang ating pagpapahalaga sa kaniyang kabutihan. “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan,” ang sulat ni apostol Pablo.​—Hebreo 6:10.

3. Anong tanong ang nararapat nating isaalang-alang?

3 Kung gayon, paano natin matutularan si Jehova sa paghahanap ng mabuti sa iba? Isaalang-alang natin ang mga sagot sa tanong na ito sa apat na pitak ng buhay: (1) sa ministeryong Kristiyano, (2) sa pamilya, (3) sa kongregasyon, at (4) sa ating pakikipag-ugnayan sa iba.

Sa Pangangaral at Paggawa ng Alagad

4. Paanong ang pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano ay isang kapahayagan ng paghahanap ng mabuti sa iba?

4 “Ang bukid ay ang sanlibutan,” ang paliwanag ni Jesus bilang sagot sa mga tanong ng kaniyang mga alagad hinggil sa kahulugan ng talinghaga ng mga trigo at ng mga panirang-damo. Bilang makabagong-panahong mga alagad ni Kristo, kinikilala natin ang katotohanang ito kapag gumagawa tayo sa ating ministeryo. (Mateo 13:36-38; 28:19, 20) Kalakip sa ating ministeryo sa larangan ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pananampalataya. Ang mismong katotohanan na ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala ngayon sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay at sa mga lansangan ay nagpapatotoo sa ating kasipagan sa paghahanap ng lahat ng karapat-dapat sa mensahe ng Kaharian. Sa katunayan, nagtagubilin si Jesus: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.”​—Mateo 10:11; Gawa 17:17; 20:20.

5, 6. Bakit tayo nagmamatiyaga sa paulit-ulit na pagdalaw sa mga tao sa kanilang mga tahanan?

5 Kapag dumadalaw tayo sa mga tao nang di-inaasahan, pinagmamasdan natin ang kanilang reaksiyon sa ating mensahe. Kung minsan, mapapansin nating nakikinig sa atin ang isang miyembro ng sambahayan samantalang ang isa naman, na nasa bahay ring iyon ay sumisigaw, “Hindi kami interesado,” at doon nagtatapos ang pagdalaw. Talaga namang nakapanghihinayang kapag ang pagsalansang o kawalan ng interes ng isang tao ay nakaapekto sa pagtugon ng iba! Kung gayon, ano ang magagawa natin upang magmatiyaga sa paghahanap ng mabuti sa bawat isa?

6 Ang susunod nating pagdalaw sa tahanan kapag nangaral tayo sa lugar na iyon ay maaaring magbigay ng pagkakataong makausap nang tuwiran ang taong humadlang sa naunang pagdalaw. Ang pag-alaala sa nakaraan ay makatutulong sa atin na maghanda. Baka maganda naman ang motibo ng mananalansang sa kaniyang ikinilos, anupat ipinalalagay na dapat niyang pigilan ang taong tumugon mula sa pakikinig sa mensahe ng Kaharian. Marahil, ang kaniyang mga pangmalas ay naimpluwensiyahan ng maling impormasyon hinggil sa ating mga intensiyon. Ngunit hindi tayo pinipigilan nito na magpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa tahanang iyon, kundi sa halip ay sinisikap nating ituwid ang maling mga palagay sa mataktikang paraan. Interesado tayong tulungan ang lahat na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos. Baka sa pagkakataong iyon ay ilapit na ni Jehova ang taong iyon sa Kaniya.​—Juan 6:44; 1 Timoteo 2:4.

7. Ano ang makatutulong sa atin na maging positibo kapag lumalapit tayo sa mga tao?

7 Kasama rin sa mga tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang pagsalansang ng pamilya. Hindi ba’t sinabi niya: “Pumarito ako upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi, ng lalaki laban sa kaniyang ama, at ng anak na babae laban sa kaniyang ina, at ng kabataang asawang babae laban sa kaniyang biyenang babae”? Idinagdag pa ni Jesus: “Ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mateo 10:35, 36) Subalit nagbabago ang mga kalagayan at mga saloobin. Ang biglang pagkakasakit, pagkamatay ng isang kamag-anak, mga sakuna, suliranin sa emosyon, at di-mabilang na iba pang mga salik ay nakaiimpluwensiya sa reaksiyon ng mga tao sa ating pangangaral. Kung may negatibo tayong pangmalas​—na ang mga taong ating pinangangaralan ay mananatiling di-tumutugon​—talaga nga kayang hinahanap natin ang mabuti sa kanila? Bakit hindi dalawing muli nang may kagalakan ang kanilang mga tahanan sa ibang pagkakataon? Baka masumpungan natin ang iba namang reaksiyon. Kung minsan, hindi lamang kung ano ang sinasabi natin kundi kung paano natin ito sinasabi kung kaya nagbabago ang pagtugon. Ang marubdob na pananalangin kay Jehova bago tayo mangaral ay tiyak na tutulong sa atin na maging positibo at maiharap ang mensahe ng Kaharian sa isang nakaaakit na paraan sa lahat ng tao.​—Colosas 4:6; 1 Tesalonica 5:17.

8. Ano ang maaaring maging resulta kapag hinahanap ng mga Kristiyano ang mabuti sa kanilang di-sumasampalatayang mga kamag-anak?

8 Sa ilang kongregasyon, maraming miyembro ng iisang pamilya ang naglilingkod kay Jehova. Kadalasan, hinahangaan at iginagalang ng mga kabataan sa loob ng pamilya ang pagmamatiyaga ng isang nakatatandang kamag-anak na may magandang pakikipag-ugnayan sa loob ng pamilya at sa asawa na nagbigay-daan sa pagbabago ng saloobin ng mga kabataan. Ang pagsunod sa payo ni apostol Pedro ay nakatulong sa maraming Kristiyanong babae na mawagi ang kanilang asawa “nang walang salita.”​—1 Pedro 3:1, 2.

Sa Pamilya

9, 10. Paano hinanap kapuwa ni Jacob at ni Jose ang mabuti sa kanilang pamilya?

9 Ang malapit na ugnayang nagbubuklod sa mga miyembro ng isang pamilya ay isa pang pitak kung saan makahahanap tayo ng mabuti sa iba. Isaalang-alang ang isang aral mula sa pakikitungo ni Jacob sa kaniyang mga anak na lalaki. Sa Genesis kabanata 37, talata 3 at 4, ipinakikita ng Bibliya na pantanging inibig ni Jacob si Jose. Nanibugho ang mga kapatid ni Jose, anupat humantong pa nga ito sa pagsasabuwatan upang patayin ang kanilang kapatid. Gayunman, pansinin ang naging saloobin nina Jacob at Jose sa dakong huli ng kanilang buhay. Kapuwa nila hinanap ang mabuti sa kanilang pamilya.

10 Noong naglilingkod si Jose bilang punong administrador ng pagkain sa Ehipto na sinalot ng taggutom, malugod niyang tinanggap ang kaniyang mga kapatid. Bagaman hindi agad siya nagpakilala, minaniobra niya ang mga pangyayari upang matiyak na sila ay inaasikasong mabuti at may madadalang pagkain pabalik sa kanilang matanda nang ama. Oo, sa kabila ng pagiging biktima ng kanilang pagkapoot, kumilos si Jose alang-alang sa kanilang kapakanan. (Genesis 41:53–​42:8; 45:23) Gayundin, nang mamamatay na si Jacob, ipinahayag niya ang makahulang mga pagpapala sa lahat ng kaniyang mga anak na lalaki. Bagaman nawalan sila ng ilang pribilehiyo dahil sa kanilang maling mga pagkilos, ang lahat ay nakatanggap ng mana sa lupain. (Genesis 49:3-28) Tunay ngang isang kamangha-manghang kapahayagan ng walang-maliw na pag-ibig ang ipinakita roon ni Jacob!

11, 12. (a) Anong makahulang halimbawa ang nagdiriin sa kahalagahan ng paghahanap ng mabuti sa loob ng pamilya? (b) Anong aral ang matututuhan natin sa halimbawa ng ama sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa alibughang anak?

11 Ang mahabang pagtitiis ni Jehova sa pakikitungo sa walang-pananampalatayang bansang Israel ay naglalaan ng higit pang kaunawaan hinggil sa kung paano niya hinahanap ang mabuti sa kaniyang bayan. Sa pamamagitan ng kalagayan ng pamilya ni propeta Oseas, inilarawan ni Jehova ang kaniyang walang-maliw na pag-ibig. Paulit-ulit na nangalunya si Gomer na asawa ni Oseas. Sa kabila nito, tinagubilinan ni Jehova si Oseas: “Yumaon ka nang minsan pa, umibig ka sa isang babae na iniibig ng isang kasamahan at nangangalunya, gaya ng pag-ibig ni Jehova sa mga anak ni Israel habang sila ay bumabaling sa ibang mga diyos at maibigin sa mga kakaning pasas.” (Oseas 3:1) Bakit ganito ang mga tagubilin? Alam ni Jehova na mula sa bansang lumihis sa kaniyang mga daan, may mga indibiduwal na tutugon sa kaniyang pagtitiis. Ipinahayag ni Oseas: “Pagkatapos ay babalik ang mga anak ni Israel at hahanapin si Jehova na kanilang Diyos, at si David na kanilang hari; at nanginginig silang paroroon kay Jehova at sa kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga araw.” (Oseas 3:5) Tiyak na ito ay isang mainam na halimbawa na dapat pag-isipan kapag napaharap sa mga problema sa pamilya. Ang patuloy mong paghahanap ng mabuti sa ibang mga miyembro ng pamilya ay makapagbibigay sa paanuman ng mainam na halimbawa ng pagtitiis.

12 Ang talinghaga ni Jesus hinggil sa alibughang anak ay nagbibigay ng karagdagan pang kaunawaan hinggil sa kung paano natin hahanapin ang mabuti sa ating sariling pamilya. Umuwi ang nakababatang anak pagkatapos niyang iwan ang kaniyang bulagsak na buhay. May-kaawaan siyang pinakitunguhan ng kaniyang ama. Paano tumugon ang ama sa mga reklamo ng nakatatandang anak na hindi kailanman umiwan sa kaniyang pamilya? Habang kinakausap ang kaniyang nakatatandang anak, sinabi ng ama: “Anak, lagi na kitang kasama, at lahat ng mga bagay na akin ay iyo.” Hindi ito isang mapait na pagtutol kundi pagtiyak lamang ng pag-ibig ng isang ama. “Kailangang magpakasaya tayo at magalak,” ang patuloy niya, “sapagkat ang kapatid mong ito ay patay na at nabuhay, at siya ay nawala at nasumpungan.” Maaari rin nating patuloy na hanapin ang mabuti sa iba sa katulad na paraan.​—Lucas 15:11-32.

Sa Kongregasyong Kristiyano

13, 14. Ano ang isang paraan upang maisagawa ang makaharing kautusan ng pag-ibig sa loob ng kongregasyong Kristiyano?

13 Bilang mga Kristiyano, tunguhin nating isagawa ang makaharing kautusan ng pag-ibig. (Santiago 2:1-9) Totoo, maaaring tanggapin natin ang ating mga kakongregasyon na iba ang kalagayan sa materyal kaysa sa atin. Ngunit mayroon ba tayong mga “pagtatangi-tangi” salig sa lahi, kultura, o kaya’y relihiyosong pinagmulan? Kung gayon, paano natin masusunod ang payo ni Santiago?

14 Ang malugod na pagtanggap sa lahat ng dumadalo sa mga pulong Kristiyano ay nagpapatotoo sa ating pagkamapagpatuloy. Kapag nagkukusa tayong makipag-usap sa mga baguhang dumadalaw sa Kingdom Hall, anumang kaba at hiya nila sa una ay malamang na mawala. Sa katunayan, ang ilang dumadalo sa isang pulong Kristiyano sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkokomento: “Napakapalakaibigan ng lahat. Para bang kilala na ako ng bawat isa. Naging palagay ang loob ko.”

15. Paano matutulungan ang mga kabataan sa kongregasyon na magpakita ng interes sa mga mas nakatatanda?

15 Sa ilang kongregasyon, maaaring magtipun-tipon ang ilang kabataan sa loob o labas ng Kingdom Hall pagkatapos ng pulong, anupat umiiwas na makisama sa mas nakatatandang mga kapatid. Anong positibong hakbang ang maaaring gawin upang mapagtagumpayan ang hilig na ito? Siyempre pa, ang unang hakbang ay sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa tahanan, na inihahanda sila sa mga pulong. (Kawikaan 22:6) Maaaring atasan sila na ihanda ang iba’t ibang publikasyon upang taglayin ng lahat ang kinakailangan nilang dalhin sa mga pulong. Ang mga magulang ay nasa pinakamabuti ring kalagayan na himukin ang kanilang mga anak na sandaling makipag-usap sa mga mas nakatatanda at mahihina na sa Kingdom Hall. Ang pagsasabi ng isang bagay na makabuluhan sa gayong mga tao ay makapagbibigay ng kasiyahan sa mga bata.

16, 17. Paano makahahanap ng mabuti ang mga adulto sa mga kabataan sa kongregasyon?

16 Ang mas nakatatandang mga kapatid ay dapat magpakita ng interes sa mga kabataan sa kongregasyon. (Filipos 2:4) Maaari silang kusang makipag-usap sa mga kabataan sa nakapagpapasiglang paraan. Karaniwan nang may ilang namumukod-tanging mga punto na tinalakay sa pulong. Maaaring tanungin ang mga kabataan kung nasiyahan sila sa pulong at kung mayroon silang partikular na mga puntong pinahalagahan at maikakapit. Bilang isang mahalagang bahagi ng kongregasyon, ang mga kabataan ay dapat pahalagahan sa kanilang pakikinig at papurihan sa anumang komentong ibinibigay nila sa pulong o sa anumang bahagi nila sa programa. Ang paraan ng pakikitungo ng mga kabataan sa mga mas nakatatanda sa kongregasyon at ang paraan ng paghawak nila sa simpleng mga gawain sa tahanan ang magpapahiwatig na marahil ay kaya na nilang balikatin ang higit na responsibilidad kapag nagkaedad na sila.​—Lucas 16:10.

17 Sa pamamagitan ng pagtanggap ng pananagutan, ang ilang kabataan ay sumusulong hanggang sa punto na kaya na nilang tumanggap ng mas mabibigat na atas dahil sa kanilang espirituwal na mga katangian. Ang pagkakaroon ng gawain ay makatutulong din upang masugpo ang mangmang na paggawi. (2 Timoteo 2:22) Ang gayong mga atas ay maaaring magsilbing ‘pagsubok sa pagiging karapat-dapat’ ng mga kapatid na lalaking umaabot sa pribilehiyo na maging mga ministeryal na lingkod. (1 Timoteo 3:10) Ang kanilang pagiging handa sa pakikibahagi sa mga pulong at ang kanilang sigasig sa ministeryo, gayundin ang kanilang personal na interes sa lahat ng nasa kongregasyon, ay nagpapangyari sa matatanda na malaman ang kanilang potensiyal kapag isinasaalang-alang sila para sa karagdagang mga atas.

Paghahanap ng Mabuti sa Lahat

18. Anong patibong sa paghatol ang dapat iwasan, at bakit?

18 “Ang pagpapakita ng pagtatangi sa paghatol ay hindi mabuti,” ang pahayag ng Kawikaan 24:23. Hinihiling ng makalangit na karunungan na iwasan ng matatanda ang pagtatangi kapag gumagawa ng mga paghatol sa kongregasyon. Ipinahayag ni Santiago: “Ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi, hindi mapagpaimbabaw.” (Santiago 3:17) Maliwanag na bagaman naghahanap ng mabuti sa iba, kailangang tiyakin ng matatanda na ang kanilang paghatol ay hindi naaapektuhan ng personal na kaugnayan o emosyon. “Ang Diyos ay nakatayo sa kapulungan ng Makapangyarihan,” isinulat ng salmistang si Asap. “Sa gitna ng mga diyos [o kaya’y “mga tulad-diyos,” na tumutukoy sa mga taong hukom] ay humahatol siya: ‘Hanggang kailan kayo hahatol sa kawalang-katarungan at magtatangi sa mga balakyot?’ ” (Awit 82:1, 2) Alinsunod dito, iniiwasan ng Kristiyanong matatanda ang anumang tendensiya na magkaroon ng paboritismo kapag nasasangkot sa isang usapin ang isang kaibigan o kamag-anak. Sa ganitong paraan, pinananatili nila ang pagkakaisa ng kongregasyon at pinahihintulutan ang espiritu ni Jehova na malayang dumaloy.​—1 Tesalonica 5:23.

19. Sa anu-anong mga paraan tayo makahahanap ng mabuti sa iba?

19 Sa paghahanap ng mabuti sa ating mga kapatid, ipinakikita natin ang saloobin ni Pablo nang kausapin niya ang kongregasyon sa Tesalonica. Sinabi niya: “Bukod diyan, may pagtitiwala kami sa Panginoon may kinalaman sa inyo, na ginagawa ninyo at patuloy na gagawin ang mga bagay na aming iniuutos.” (2 Tesalonica 3:4) Mas malamang na palampasin natin ang mga pagkakamali ng iba kapag hinahanap natin ang mabuti sa kanila. Maghahanap tayo ng mga pitak kung saan mapupuri natin ang ating mga kapatid, anupat tiyak na iniiwasan ang mapamunang espiritu. “Ang hinahanap sa mga katiwala,” isinulat ni Pablo, “ay ang masumpungang tapat ang isang tao.” (1 Corinto 4:2) Ang katapatan hindi lamang niyaong mga katiwala sa kongregasyon kundi ng lahat ng ating kapatid na Kristiyano ang nagiging dahilan kung kaya’t napapamahal sila sa atin. Kaya lalo tayong nápapalapít sa kanila, anupat napatitibay ang mga buklod ng Kristiyanong pakikipagkaibigan. Tinutularan natin ang pangmalas ni Pablo sa mga kapatid noong panahon niya. Sila ay “mga kamanggagawa para sa kaharian ng Diyos” at isang “tulong na nagpapalakas” sa atin. (Colosas 4:11) Sa gayon ay ipinakikita natin ang saloobin ni Jehova.

20. Anu-anong mga pagpapala ang darating sa mga naghahanap ng mabuti sa bawat isa?

20 Tiyak na inuulit natin ang panalangin ni Nehemias: “Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.” (Nehemias 13:31) Kaylaking tuwa natin na hinahanap ni Jehova ang mabuti sa mga tao! (1 Hari 14:13) Nawa’y gayundin ang gawin natin sa ating pakikitungo sa iba. Ang paggawa nito ay nagbibigay sa atin ng pag-asa ng katubusan at buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan na napakalapit na.​—Awit 130:3-8.

Paano Mo Sasagutin?

Salig sa ano kumikilos si Jehova nang may kabutihan sa lahat?

Paano tayo makahahanap ng mabuti sa iba

sa ating ministeryo?

sa ating pamilya?

sa ating kongregasyon?

sa lahat ng ating pakikipag-ugnayan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 18]

Sa kabila ng naunang pagkapoot ng mga kapatid niya sa kaniya, hinanap ni Jose ang mabuti sa kanila

[Larawan sa pahina 19]

Hindi tayo napipigilan ng pagsalansang sa pagsisikap na tulungan ang lahat

[Larawan sa pahina 20]

Sa kabila ng kanilang nakaraan, ang lahat ng mga anak na lalaki ni Jacob ay pinagkalooban ng mga pagpapala

[Larawan sa pahina 21]

Malugod na tanggapin ang lahat sa mga pulong Kristiyano