Kung Ano ang Maituturo sa Atin ng mga Ibon
Kung Ano ang Maituturo sa Atin ng mga Ibon
“MASDAN ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” (Mateo 6:26) Sinabi ni Jesu-Kristo ang mga salitang ito sa isang bantog na sermong ibinigay niya sa tabi ng isang bundok na malapit sa Dagat ng Galilea. Hindi lamang ang kaniyang mga tagasunod ang nakikinig noon. Isang malaking pulutong na posibleng maging mga alagad niya mula sa lahat ng bahagi ng lupain ang naroroon. Ang marami sa kanila ay mga taong dukha na nagdala ng mga maysakit upang pagalingin ni Jesus.—Mateo 4:23–5:2; Lucas 6:17-20.
Pagkatapos pagalingin ang lahat ng maysakit, itinawag-pansin ni Jesus ang higit na mahalagang espirituwal na mga pangangailangan. Kabilang sa mga aral na itinuro niya ay ang isa na binanggit sa itaas.
Matagal nang umiiral ang mga ibon sa langit. Ang ilan sa kanila ay kumakain ng mga insekto, at ang iba naman ay prutas at mga binhi. Kung ipinagkaloob ng Diyos sa mga ibon ang gayong saganang mga paglalaan, tiyak na may kakayahan siyang tulungan ang kaniyang mga lingkod na tao na magkaroon ng pang-araw-araw na pagkain. Maaari niyang gawin ito sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makasumpong ng trabaho upang kumita ng perang pambili ng pagkain. O maaaring ipagkaloob niya sa kanila ang tagumpay sa pag-aani ng kanilang sariling pagkain. Sa mga panahon ng kagipitan, mapakikilos ng Diyos ang puso ng mababait na kapitbahay at mga kaibigan upang bahaginan ang mga nangangailangan ng taglay nilang pagkain.
Marami pa tayong matututuhan sa pamamagitan ng maingat na pagmamasid sa buhay ng mga ibon. Nilalang ng Diyos ang mga ibon na may kamangha-manghang likas na ugali sa paggawa ng mga pugad kung saan mapalalaki nila ang kanilang mga supling. Pansinin ang dalawang magkaibang uri ng pugad. Ang larawang nasa kaliwa ay pugad ng isang rock martin sa Aprika. Ginagawa ito sa harap na bahagi ng isang bato o sa dingding ng isang bahay. Ang bubong ng gayong mga pugad ay isang nakausling bato o, kagaya ng makikita sa larawang ito, ang medya-agwa ng isang gusali. Ang pinakasahig ng pugad ay gawa sa maliliit na putik na bilóg na pinagdikit-dikit upang maging hugis-tasa. Ang lalaki at babaing ibon ay kapuwa nagsisikap na mangolekta ng mga putik na bilóg at maaaring tumagal nang mahigit sa isang buwan bago matapos ang kanilang pugad. Saka nila nilalatagan ng damo at mga balahibo ang panloob na bahagi nito. Kapuwa sila nagpapakain sa kanilang mga supling. Ang nasa ibaba naman ay pugad ng isang lalaking masked weaver. Ang masipag na ibong ito sa Aprika ay gumagawa ng kaniyang pugad sa pamamagitan ng mga dahon ng damo o mga piraso ng iba pang pananim. Maaari nitong matapos ang isang pugad sa loob ng isang araw at maaaring maglala ang mga ito ng mahigit sa 30 pugad sa isang panahon!
Ano ang aral nito? Kung ang Diyos ay nagbigay sa mga ibon ng gayong mga kakayahan at saganang materyales upang gumawa ng mga pugad, tiyak na matutulungan niya ang kaniyang mga lingkod na tao upang magkaroon ng kinakailangang tirahan. Gayunman, ipinakita ni Jesus na mayroon pang kailangan kung nais nating tulungan tayo ng Diyos na Jehova na magkaroon ng materyal na mga pangangailangan. “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo,” ang pangako ni Jesus. (Mateo 6:33) Marahil ay iisipin mo, ‘Ano ang nasasangkot sa paghanap muna sa Kaharian ng Diyos?’ Malulugod ang mga Saksi ni Jehova, na namamahagi ng magasing ito, na sagutin ang katanungang iyan.