Paaralang Gilead—60 Taon ng Pagsasanay sa mga Misyonero
Paaralang Gilead—60 Taon ng Pagsasanay sa mga Misyonero
“DAHIL sa aming puspusang pag-aaral ng Bibliya, kami ay lalong napalapít kay Jehova at higit na natuto tungkol sa kaniyang organisasyon. Ito ay naghanda sa amin para sa pamumuhay sa isang atas sa ibang bansa.” Ganiyan ang paglalarawan ng isang nagtapos sa unang klase hinggil sa kaniyang pakikibahagi sa kurso ng pag-aaral sa Watchtower Bible School of Gilead. Mula noong pasinayaan ito mga 60 taon na ang nakalilipas, ang Paaralang Gilead ay patuloy na nagpapadala ng mga misyonero. Noong Marso 8, 2003, ang gradwasyon ng ika-114 na klase ay naganap sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Ang 6,404 na nagtipon sa awditoryum at sa iba pang mga lugar na doo’y pinalabas ito sa telebisyon ay matamang nakinig sa programa, na binubuo ng mga pahayag, mga panayam, at pagtalakay ng grupo.
Si Theodore Jaracz, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagsilbing tsirman. Ang kaniyang pambukas na pananalita ay tumawag-pansin sa internasyonal na katangian ng mga grupo ng tagapakinig, na binubuo ng mga panauhing mula sa Asia, Carribbean, Sentral at Timog Amerika, at Europa. Sa kaniyang mga komento na salig sa 2 Timoteo 4:5, itinampok ni Brother Jaracz ang pangunahing gawain ng misyonero na sinanay sa Gilead—ang “gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador.” Ang mga misyonero ay nagpapatotoo sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng Bibliya sa mga tao.
Tumanggap ang mga Estudyante ng Pangwakas na Tagubilin
Bilang pagpapasimula sa serye ng maiikling pahayag, si John Larson, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos, ay nagsalita hinggil sa nakapagpapatibay-pananampalatayang paksa na “Kung ang Diyos ay Panig sa Atin, Sino ang Magiging Laban sa Atin?” (Roma 8:31) Ipinaliwanag ng tagapagsalita ang saligan mula sa Bibliya upang magkaroon ng ganap na pagtitiwala ang mga estudyante sa kapangyarihan ni Jehova na tutulong sa kanilang mapagtagumpayan ang anumang hadlang na maaaring mapaharap sa kanila sa kanilang mga atas. Sa paggamit ng Roma 8:38, 39, pinayuhan ni Brother Larson ang mga estudyante: “Huminto at bulay-bulayin ang kapangyarihan na ginagamit ng Diyos para sa inyong kapakanan, at tandaan na walang anumang bagay ang makasisira sa personal na kaugnayan ni Jehova sa inyo.”
Ang sumunod sa programa ay si Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala. Pinili niya ang temang “Panatilihing Maligaya ang Inyong mga Mata!” (Lucas 10:23) Ipinaliwanag niya na kalakip ng tunay na kaligayahan ang pagkakilala kay Jehova at pagkaunawa sa kaniyang walang-hanggang layunin at ang pagkakita sa katuparan ng mga hula sa Bibliya. Saanman sila pumunta, maiingatan ng mga estudyante ang tunay na kaligayahan sa pamamagitan ng pananatiling maligaya ng kanilang mga mata. Pinasigla ni Brother Pierce ang mga nagsipagtapos na maingat nilang bulay-bulayin ang kabutihan ni Jehova at panatilihin ang kanilang isip at puso na nakapako sa pagsasagawa ng Kaniyang kalooban. (Awit 77:12) Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng positibong saloobin, mapagtatagumpayan ng mga nagsipagtapos ang anumang problema na mapapaharap sa kanila.
Pagkatapos ay tumanggap ang klase ng pangwakas na pampatibay-loob mula sa dalawang instruktor na nagturo sa kanila araw-araw. “Naghahanap Ka ba ng Kaluwalhatian?” ang tanong na iniharap ni Lawrence Bowen sa pamagat ng kaniyang pahayag. Iniisip ng karamihan ang kaluwalhatian may kaugnayan Awit 73:24, 25) Ang nagsipagtapos na mga estudyante ay pinasigla na panatilihin ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng patuloy na puspusang pag-aaral sa Bibliya. Ang mga anghel ay “nagnanasang magmasid” sa mga detalye hinggil sa katuparan ng layunin ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo. (1 Pedro 1:12) Nais nilang matuto nang higit pa tungkol sa kanilang Ama upang maipakita ang kaniyang kaluwalhatian. Pagkatapos ay hinimok ng tagapagsalita ang mga estudyante na luwalhatiin si Jehova sa kanilang mga atas bilang misyonero sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na masumpungan ang kayamanan na walang kasinghalaga.
sa papuri, karangalan, at pagkakakilanlan sa kanila. Gayunman, naunawaan ng salmistang si Asap ang tunay na kaluwalhatian—ang walang katumbas na kayamanan ng isang pinagpalang kaugnayan kay Jehova. (Winakasan ng registrar ng paaralan na si Wallace Liverance ang serye ng mga pahayag sa pamamagitan ng temang “Salitain ang Karunungan ng Diyos sa Isang Sagradong Lihim.” (1 Corinto 2:7) Ano itong makadiyos na karunungang sinasabi ni apostol Pablo sa panahon ng kaniyang paglilingkod bilang misyonero? Iyon ay tungkol sa matalino at mapuwersang paraan ni Jehova upang mapairal ang pansansinukob na kapayapaan at pagkakaisa. Ang karunungang ito ay nakasentro kay Jesus. Sa halip na ipangaral ang isang ebanghelyong panlipunan, tinulungan ni Pablo ang mga tao na makita kung paano aalisin ng Diyos ang idinulot ng kasalanan ni Adan. (Efeso 3:8, 9) Pinayuhan ng tagapagsalita ang kaniyang mga tagapakinig: “Gamitin ninyo ang inyong pribilehiyo ng paglilingkod na gaya ng ginawa ni Pablo, na nakakita sa kaniyang atas bilang misyonero na isang pagkakataon upang tulungan ang mga tao na makita kung paano isasagawa ni Jehova ang kaniyang layunin.”
Kasunod nito, si Mark Noumair, isa pang instruktor ng Gilead, ay nangasiwa sa isang masiglang talakayan kasama ng ilang estudyante ng klase. Itinampok ng temang “Ang Pag-aaral ng Salita ng Diyos ay Nagbubunga ng Masisigasig na Ministro” ang mga salita ni Pablo sa Roma 10:10. Inilahad ng klase ang ilang karanasan sa paglilingkod sa larangan na tinamasa nila samantalang nag-aaral. Ang kanilang mga karanasan ay nagpapakita na kapag pinag-aaralan at binubulay-bulay natin ang Salita ng Diyos, ang kamangha-manghang mga bagay hinggil sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Kaharian ay pupuno sa ating puso at sasabihin natin ito sa iba. Sa loob ng limang buwang pagtigil sa Watchtower Educational Center, nakapagsimula ang mga estudyante ng mahigit na 30 pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado sa madalas-gawing teritoryo ng kalapit na mga kongregasyon.
Nagsalita ang mga Maygulang
Sa panahon ng kanilang pag-aaral, ang mga estudyante ay nakinabang sa pakikisama sa mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos. Ang mga miyembro ng sangay na sina Robert Ciranko at Robert P. Johnson ay nagsagawa ng mga panayam sa ilang matagal nang tapat na mga lingkod ni Jehova, lakip na rito ang naglalakbay na mga tagapangasiwa na noon ay tumatanggap ng pantanging pagsasanay sa Watchtower Educational Center. Ang lahat ng mga kinapanayam ay mga nagsipagtapos sa Gilead at naglingkod noon bilang mga misyonero. Nagbibigay-katiyakan sa mga estudyante at sa kanilang mga pamilya at mga kaibigan na marinig ang mga salita ng karunungan mula sa makaranasang espirituwal na mga lalaking ito.
Ganito ang kalakip sa kanilang payo: “Manatiling abala hangga’t maaari sa ministeryo at sa kongregasyon.” “Huwag masyadong isipin ang inyong sariling kahalagahan. Manatiling nakapokus sa inyong layunin bilang misyonero, at gawin ninyong tahanan ang inyong atas na teritoryo.” Inilarawan ng iba pang nakatutulong na mga komento kung paanong ang pagsasanay sa Gilead ay nagsasangkap sa isang ministro ukol sa mabubuting gawa, saanman siya inatasan. Narito ang ilan sa mga ito: “Natutuhan naming makipagtulungan at gumawang magkakasama.” “Ang paaralan ay nakatulong sa amin na tanggapin ang mga bagong kultura.” “Tinuruan kaming gumamit ng Kasulatan mula sa isang naiibang pangmalas.”
Si John E. Barr, isang matagal nang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pangunahing pahayag sa programa. Ang kaniyang maka-Kasulatang tema ay “Sa Buong Lupa ay Lumabas ang Kanilang Tinig.” (Roma 10:18) Ibinangon niya ang tanong na, Naisagawa ba ng bayan ng Diyos ang mahirap na atas na ito sa ngayon? Oo, tunay na tunay! Noon pang 1881, tinanong na ang mga mambabasa ng magasing Bantayan: “Kayo ba ay nangangaral?” Pagkatapos ay ipinaalaala ng tagapagsalita sa lahat ng tagapakinig ang makasaysayang panawagan sa kombensiyon noong 1922 sa Cedar Point, Ohio, E.U.A.: “Ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang Kaharian!” Sa paglipas ng panahon, ang sigasig ng matatapat na lingkod ng Diyos ay nagpakilos sa kanila na magpahayag ng kamangha-manghang mga katotohanan ng Kaharian sa lahat ng mga bansa. Sa pamamagitan ng nakalimbag na mga pahina at sa pamamagitan ng salita sa bibig, ang mabuting balita ay nakaabot sa kadulu-duluhan ng tinatahanang lupa—ang lahat ay sa karangalan at kapurihan ni Jehova. Sa isang masiglang konklusyon, pinayuhan ni Brother Barr ang mga nagsipagtapos na bilangin ang kanilang mga pagpapala, sa pagsasabing: “Sa araw-araw, kapag kayo ay nananalangin kay Jehova sa inyong atas, pasalamatan siya mula sa kaibuturan ng inyong puso dahil sa bahagi ninyo sa katuparan ng mga salitang, ‘sa buong lupa ay lumabas ang kanilang tinig.’ ”
Pagkatapos ng pahayag na ito, binasa ang mga pagbati, at ibinigay ng tsirman ang diploma sa bawat nagsipagtapos. Pagkatapos, taglay ang magkahalong damdamin ng kagalakan at kalungkutan sa paglisan sa minamahal na paaralan, isang kinatawan ng klase ang bumasa ng isang taos-pusong resolusyon patungkol sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel, na naglalaman ng determinasyon ng mga nagsipagtapos na pagpalain si Jehova “mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 115:18.
Idinadalangin namin na ang mga nagsipagtapos na ito ay matutong makibagay sa kanilang bagong mga tahanan at makatulong sa pagsulong ng pambuong-daigdig na gawaing pangangaral, kagaya ng ginawa niyaong mga nauna sa kanila mga 60 taon na ang nakalilipas.
[Kahon sa pahina 23]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 12
Bilang ng mga bansang magiging atas: 16
Kabuuang bilang ng mga estudyante: 48
Katamtamang edad: 34.4
Katamtamang taon sa katotohanan: 17.6
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.5
[Larawan sa pahina 24]
Ang Ika-114 na Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Rosa, D.; Garrigolas, J.; Lindström, R.; Pavanello, P.; Tait, N. (2) Van Hout, M.; Donabauer, C.; Martínez, L.; Millar, D.; Festré, Y.; Nutter, S. (3) Martínez, P.; Clarke, L.; Maughan, B.; Fischer, L.; Romo, G. (4) Romo, R.; Eadie, S.; Tuynman, C.; Campbell, P.; Millar, D.; Rosa, W. (5) Lindström, C.; Garrigolas, J.; Markevich, N.; Lindala, K.; van den Heuvel, J.; Tait, S.; Nutter, P. (6) Maughan, P.; Pavanello, V.; Eadie, N.; West, A.; Clarke, D.; Markevich, J. (7) Fischer, D.; Donabauer, R.; Curry, P.; Curry, Y.; Carfagno, W.; West, M.; Tuynman, A. (8) Van Hout, M.; Campbell, C.; Festré, Y.; Carfagno, C.; van den Heuvel, K.; Lindala, D.