Si Jesu-Kristo—Katibayan na Siya ay Nabuhay sa Lupa
Si Jesu-Kristo—Katibayan na Siya ay Nabuhay sa Lupa
NANINIWALA ka ba sa pag-iral ng taong si Albert Einstein? Maaari kang tumugon agad ng oo, ngunit bakit? Hindi naman siya personal na nakilala ng karamihan ng tao. Gayunman, ang mapananaligang mga ulat hinggil sa kaniyang mga nagawa ay patunay na siya’y talagang umiral. Ang impluwensiya ng kaniyang pag-iral ay nakikita sa pamamagitan ng makasiyentipikong pagkakapit ng kaniyang mga tuklas. Halimbawa, marami ang nakikinabang sa elektrisidad na nagmumula sa lakas nuklear, ang paglalabas ng enerhiyang ito ay may malapit na kaugnayan sa paggamit ng bantog na equation ni Einstein na, E=mc2 (energy equals mass times the speed of light squared).
Ang gayong pangangatuwiran ay kumakapit din kay Jesu-Kristo,
na kinilala bilang ang pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan. Ang ulat tungkol sa kaniya at ang nakikitang katibayan ng naging impluwensiya niya ay matibay na patotoo ng kaniyang pag-iral. Bagaman nakapupukaw-pansin ang kamakailang tuklas sa arkeolohiya na inskripsiyon ni Santiago, na inilarawan sa naunang artikulo, ang pagiging makasaysayan ni Jesus ay hindi nakasalig sa bagay na ito o sa ano pa mang sinaunang bagay. Sa katunayan, makasusumpong tayo ng katibayan sa mga isinulat ng sekular na mga istoryador tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga alagad.Patotoo ng mga Istoryador
Halimbawa, isaalang-alang ang patotoo ni Flavius Josephus, Judiong istoryador noong unang siglo na isang Pariseo. Tinukoy niya si Jesu-Kristo sa aklat na Jewish Antiquities. Bagaman ang ilan ay nag-aalinlangan sa pagiging totoo ng unang pagtukoy ni Josephus kung saan binanggit niya si Jesus bilang ang Mesiyas, sinabi ni Propesor Louis H. Feldman ng Yeshiva University na kaunti lamang ang nag-aalinlangan sa pagiging tunay ng ikalawang pagtukoy. Doon ay sinabi ni Josephus: “Pinulong [ng mataas sa saserdoteng si Ananus] ang mga hukom ng Sanedrin at iniharap sa kanila ang isang lalaking nagngangalang Santiago, kapatid ni Jesus na tinatawag na Kristo.” (Jewish Antiquities, XX, 200) Oo, isang Pariseo, miyembro ng isang sekta na ang mga tagasunod ay umaming kaaway ni Jesus, ang kumilala sa pag-iral ni “Santiago, kapatid ni Jesus.”
Ang impluwensiya ng pag-iral ni Jesus ay nabanaag sa mga gawain ng kaniyang mga tagasunod. Nang mabilanggo si apostol Pablo sa Roma noong 59 C.E., sinabi sa kaniya ng pangunahing mga lalaki ng mga Judio: “Kung tungkol sa sektang ito ay nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito ng masama.” (Gawa 28:17-22) Kanilang tinawag ang mga alagad ni Jesus na “sektang ito.” Kung sila ay pinagsalitaan ng masama sa lahat ng dako, malamang na iulat ng sekular na mga istoryador ang hinggil sa kanila, hindi ba?
Binanggit ni Tacitus, ipinanganak noong mga 55 C.E. at itinuring na isa sa pinakadakilang mga istoryador sa mundo, ang mga Kristiyano sa kaniyang Annals. Sa ulat tungkol sa paninisi ni Nero sa mga Kristiyano hinggil sa malaking sunog sa Roma noong 64 C.E., sumulat siya: “Pinagbintangan ni Nero at pinatawan ng pinakamatinding parusa ang isang grupo na kinasuklaman dahil sa kanilang kasamaan, na tinatawag na mga Kristiyanong mamamayan. Si Kristo, na pinagmulan ng pangalang ito, ay dumanas ng sukdulang parusa sa panahon ng paghahari ni Tiberio sa mga kamay ng isa sa ating mga prokurador, si Poncio Pilato.” Ang detalye ng ulat na ito ay tumutugma sa impormasyon hinggil kay Jesus ng Bibliya.
Ang isa pang manunulat na nagkomento tungkol sa mga tagasunod ni Jesus ay si Pliny na Nakababata, ang gobernador sa Bitinia. Noong mga taóng 111 C.E., sumulat si Pliny kay Emperador Trajan, na nagtatanong kung paano pangangasiwaan ang mga Kristiyano. Ang mga taong napagbibintangang Kristiyano, isinulat ni Pliny, ay nagdarasal sa kanilang mga diyos at sumasamba sa estatuwa ni Trajan, mapatunayan lamang na sila’y hindi mga Kristiyano. Nagpatuloy si Pliny: “Sinasabing hindi mapipilit, yaong tunay na mga Kristiyano, na gawin ang alinman sa mga pagsunod na ito.” Pinatutunayan lamang nito ang katotohanan ng pag-iral ni Kristo, na may mga tagasunod na handang magbuwis ng kanilang buhay dahil sa paniniwala nila sa kaniya.
Pagkatapos repasuhin ang mga pagtukoy ng mga istoryador noong unang dalawang siglo tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang mga tagasunod, ipinalagay ng The Encyclopædia Britannica
(edisyon ng 2002): “Ang magkakahiwalay na mga ulat na ito ay nagpapatunay na noong sinaunang panahon maging ang mga kaaway ng Kristiyanismo ay hindi kailanman nag-alinlangan sa pagiging makasaysayan ni Jesus, na pinagtalunan sa kauna-unahang pagkakataon at batay sa di-sapat na mga saligan sa pagtatapos ng ika-18, noong ika-19, at sa pagsisimula ng ika-20 siglo.”Patotoo ng mga Tagasunod ni Jesus
“Naglalaan ang Bagong Tipan ng halos lahat ng katibayan para sa makasaysayang pagbuo muli ng buhay at kapalaran ni Jesus at para sa pinakaunang Kristiyanong mga pakahulugan sa kaniyang kahalagahan,” ang sabi ng The Encyclopedia Americana. Maaaring hindi tanggapin ng mga nag-aalinlangan ang Bibliya bilang katibayan ng pag-iral ni Jesus. Ngunit ang dalawang hanay ng pangangatuwiran na salig sa mga ulat ng Kasulatan ay partikular na tumutulong upang patunayan na talagang nabuhay si Jesus sa lupa.
Katulad ng nabanggit na, ang dakilang mga teoriya na nagmula kay Einstein ay nagpapatunay ng kaniyang pag-iral. Sa gayunding paraan, ang mga turo ni Jesus ay nagpapatunay sa pagiging totoo ng kaniyang pag-iral. Kuning halimbawa ang Sermon sa Bundok, isang kilaláng pahayag na ibinigay ni Jesus. (Mateo, kabanata 5-7) Isinulat ng apostol na si Mateo ang epekto ng sermong iyon: “Lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo; sapagkat siya ay nagtuturo sa kanila na gaya ng isang taong may awtoridad.” (Mateo 7:28, 29) May kinalaman sa naging epekto ng sermong iyon sa mga tao sa paglipas ng mga siglo, sinabi ni Propesor Hans Dieter Betz: “Ang mga impluwensiyang naidulot ng Sermon sa Bundok sa kabuuan ay lampas pa sa mga hangganan ng Judaismo at Kristiyanismo, o maging sa kultura ng Kanluran.” Isinusog pa niya na ang sermong ito ay may “pambihirang pang-akit sa buong mundo.”
Isaalang-alang ang sumusunod na maiikli at praktikal na mga salita ng karunungan na masusumpungan sa Sermon sa Bundok: “Sinumang sumampal sa iyo sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila.” “Pakaingatan ninyo na huwag isagawa ang inyong katuwiran sa harap ng mga tao.” “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” ‘Huwag ninyong . . . ihagis ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy.’ “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo.” “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan.” “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga.”—Mateo 5:39; 6:1, 34; 7:6, 7, 12, 13, 16, 17.
Walang alinlangang narinig mo na ang ilan sa mga pananalitang ito o ang diwa ng mga ito. Marahil ay naging kasabihan pa nga ang mga ito sa inyong wika. Kinuha ang lahat ng ito sa Sermon sa Bundok. Ang naging impluwensiya ng sermong ito sa maraming tao at mga kultura ay mabisang patotoo ng pag-iral ng “dakilang guro.”
Gunigunihin natin na may umimbento ng isang tauhan na tinatawag na Jesu-Kristo. Ipagpalagay na ang taong iyon ay napakahusay anupat nakagawa ng mga turong kunwari’y galing kay Jesus na nasa Bibliya. Hindi ba’t gagawa siya ng paraan upang hangga’t maaari ay maging katanggap-tanggap si Jesus at ang kaniyang mga turo sa mga tao sa pangkalahatan? Gayunman, sinabi ni apostol Pablo: “Kapuwa ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda at ang mga Griego ay naghahanap ng karunungan; ngunit ipinangangaral namin si Kristo na ibinayubay, sa mga Judio ay sanhi ng ikatitisod ngunit sa mga bansa ay kamangmangan.” (1 Corinto 1:22, 23) Ang mensahe ni Kristo na ibinayubay ay hindi naging kaakit-akit sa mga Judio ni sa ibang mga bansa man. Gayunman, ito ang Kristo na inihayag ng unang-siglong mga Kristiyano. Bakit gayon ang pagkakalarawan sa Kristo na ibinayubay? Ang tanging kasiya-siyang paliwanag ay na ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nag-ulat ng katotohanan hinggil sa buhay at kamatayan ni Jesus.
Ang isa pang hanay ng pangangatuwiran na umaalalay sa pagiging makasaysayan ni Jesus ay makikita sa walang-pagod na pangangaral ng kaniyang mga tagasunod hinggil sa kaniyang mga turo. Mga 30 taon pagkatapos simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, masasabi ni Pablo na ang mabuting balita ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Colosas 1:23) Oo, ang mga turo ni Jesus ay lumaganap noon sa sinaunang sanlibutan sa kabila ng mga pagsalansang. Si Pablo, na nakaranas mismo ng pag-uusig bilang Kristiyano, ay sumulat: “Kung hindi ibinangon si Kristo, ang aming pangangaral ay tiyak na walang kabuluhan, at ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:12-17) Kung ang pangangaral tungkol sa Kristo na hindi naman binuhay-muli ay walang kabuluhan, lalo nang magiging walang kabuluhan ang pangangaral tungkol sa Kristo na hindi naman umiral kailanman. Sa nabasa natin sa ulat ni Pliny na Nakababata, handang mamatay ang unang-siglong mga Kristiyano dahil sa kanilang paniniwala kay Kristo Jesus. Isinapanganib nila ang kanilang buhay para kay Kristo dahil siya ay tunay; siya ay nabuhay sa lupa at namuhay tulad ng nakatala sa rekord ng ulat ng Ebanghelyo.
Nakita Mo Na ang Katibayan
Ang mga Kristiyano ay kinakailangang maniwala muna sa pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo bago sila makapangaral. Sa iyong isipan, mailalarawan mo rin ang binuhay-muling si Jesus sa pagkakita sa epekto ng ginagawa niya sa ngayon.
Mismong bago ibayubay si Jesus, nagbigay siya ng malawakang hula hinggil sa kaniyang pagkanaririto sa hinaharap. Ipinahiwatig din niya na siya’y bubuhaying muli at uupo sa kanang kamay ng Diyos habang naghihintay sa panahon ng pagharap niya sa kaniyang mga kaaway. (Awit 110:1; Juan 6:62; Gawa 2:34, 35; Roma 8:34) Pagkatapos nito, kikilos siya at palalayasin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo mula sa mga langit.—Apocalipsis 12:7-9.
Kailan mangyayari ang lahat ng iyon? Nagbigay si Jesus sa kaniyang mga alagad ng ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ Kabilang sa tanda upang matukoy ang kaniyang di-nakikitang pagkanaririto ay mga digmaan, kakapusan sa pagkain, mga lindol, paglitaw ng bulaang mga propeta, paglago ng katampalasanan, at malulubhang salot. Ang gayong kapaha-pahamak na mga pangyayari ay dapat asahan, yamang ang pagpapalayas kay Satanas na Diyablo ay nangangahulugan ng “kaabahan para sa lupa.” Ang Diyablo ay bumaba sa kapaligiran ng lupa “na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” Karagdagan pa, kalakip sa tanda ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Mateo 24:3-14; Apocalipsis 12:12; Lucas 21:7-19.
Tulad ng mga piraso ng jigsaw puzzle na tugmang-tugma sa isa’t isa, ang mga bagay na inihula ni Jesus ay nagaganap na. Mula nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, nakikita natin ang kabuuang katibayan ng di-nakikitang pagkanaririto ni Jesu-Kristo. Siya ay namamahala bilang Hari sa Kaharian ng Diyos at gumagamit ng napakalaking impluwensiya. Ang bagay na hawak mo ang magasing ito ay isang katibayan na ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay isinasagawa sa ngayon.
Upang higit na maunawaan ang epekto ng pag-iral ni Jesus, kailangan mong mag-aral ng Bibliya. Bakit hindi mo tanungin ang mga Saksi ni Jehova tungkol sa detalye ng pagkanaririto ni Jesus?
[Mga larawan sa pahina 5]
Tinukoy nina Josephus, Tacitus, at Pliny na Nakababata si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod
[Credit Line]
Lahat ng tatlong larawan: © Bettmann/CORBIS
[Larawan sa pahina 7]
Kumbinsido ang sinaunang mga Kristiyano na si Jesus ay tunay