Isang Video na Dinisenyo Upang Antigin ang Puso ng mga Kabataan
Isang Video na Dinisenyo Upang Antigin ang Puso ng mga Kabataan
MARAMING kabataan ang napasigla na taimtim na pag-isipan ang kanilang paggawi nang mapanood nila ang video na Young People Ask—How Can I Make Real Friends? * Ang video ay naglalaman ng mainam na maka-Kasulatang payo, personal na mga kapahayagan ng mga kabataang Kristiyano, at isang nakaaantig na makabagong drama na batay sa ulat ng Bibliya tungkol kay Dina. (Genesis, kabanata 34) Ang sumusunod na mga kapahayagan hinggil sa video ay nagmula sa Mexico.
Inilahad ni Martha: “Lubhang naantig ang puso ko sa video. Para bang sinadyang gawin ito para sa akin. Akala ko ay sapat na ang malaman ng aking mga guro at kaeskuwela na ako’y isang Saksi ni Jehova. Hindi ko napatunayan ito sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa kanila. Nagpapasalamat ako sa lahat ng impormasyong inilalaan ni Jehova, lalo na kapag lubhang nakaaantig ito sa amin gaya ng ginawa ng video na ito.”
Ganito naman ang sabi ni Juan Carlos: “Talagang pag-iisipin ka ng video na ito. Bilang kabataan, nakagawa ako ng ilang pagkakamali at naiugnay ko ang aking sarili sa ilang tauhan sa drama. Mga ilang taon na ang nakalipas, nagkaroon ako ng dobleng pamumuhay, ngunit natanto ko na ang gayong buhay ay may masasamang epekto. Pagkapanood ng video, naging determinado akong maging tapat kay Jehova.”
Inamin ni Sulem: “Nang mapanood ko ang video, nadala ako ng aking emosyon. Bago ito, inihinto ko na ang aking pagbabasa ng Bibliya, at hindi na ako masyadong nananalangin kay Jehova. Nang marinig ko ang mga komento ng mga kabataan sa video, naudyukan akong muling pasimulan ang aking pag-aaral ng Bibliya at manalangin kay Jehova.”
Ang mga kabataan sa ngayon ay napapaharap sa maraming hamon, at ang napipili nilang mga kaibigan ay kadalasan nang may malakas na impluwensiya sa paraan ng kanilang pamumuhay. (Awit 26:4; Kawikaan 13:20) Ang video na Young People Ask—How Can I Make Real Friends? ay nakatutulong sa marami na gumawa ng mabubuting pasiya hinggil dito.
[Talababa]
^ par. 2 Ginawa ng mga Saksi ni Jehova.