Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailangang-Kailangan ang Pag-ibig

Kailangang-Kailangan ang Pag-ibig

Kailangang-Kailangan ang Pag-ibig

ANUMAN ang edad, kultura, wika, o lahi, ang lahat ng tao ay may matinding paghahangad sa pag-ibig. Kung hindi masasapatan ang paghahangad na iyan, hindi sila maligaya. Isang mananaliksik sa medisina ang sumulat: “Ang pag-ibig at matalik na kaugnayan ay mahahalagang salik para malaman natin kung ano ang nagdudulot sa atin ng sakit at kung ano ang nagpapagaling sa atin, kung ano ang nagpapalungkot at kung ano ang nagpapaligaya, kung ano ang nagpapangyari sa ating magdusa at kung ano ang umaakay sa paggaling. Kung may gayunding epekto ang isang bagong gamot, irerekomenda ito ng halos lahat ng doktor sa bansa sa kanilang mga pasyente. Magiging mali ang hindi pagrereseta nito.”

Gayunman, ang makabagong lipunan, lalo na ang media nito at tinitingalang mga tao, ay kadalasang nagpapakita ng higit na pagpapahalaga sa kayamanan, kapangyarihan, katanyagan, at sekso kaysa sa pangangailangan ng tao na magkaroon ng mainit at maibiging mga relasyon. Idiniriin ng maraming tagapagturo ang sekular na mga tunguhin at mga karera, anupat sinusukat ang tagumpay ayon sa mga ito. Totoo, mahalaga ang edukasyon at paglinang sa kakayahan ng isa, ngunit ito na lamang ba ang pagbubuhusan ng isip at panahon anupat wala nang oras ang isa para sa kaniyang pamilya at mga kaibigan? Inihalintulad ng isang edukadong manunulat noong sinaunang panahon, na isang matamang tagapagmasid sa kalikasan ng tao, ang isang may kakayahan ngunit walang pag-ibig na indibiduwal sa “isang tumutunog na piraso ng tanso o isang tumataguntong na simbalo.” (1 Corinto 13:1) Maaaring yumaman ang gayong mga tao, maging tanyag pa nga, ngunit hindi kailanman tunay na maligaya.

Naging pinakamahalagang bahagi ng mga turo ni Jesu-Kristo, na may malalim na unawa at natatanging pagkagiliw sa mga tao, ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Sinabi niya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip. . . . Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:37-39) Yaon lamang sumusunod sa mga salitang ito ang talagang magiging mga tagasunod ni Jesus. Kaya naman, sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35.

Gayunman, paano malilinang ng isa ang pag-ibig sa daigdig sa ngayon? At paano maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pag-ibig? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.

[Mga larawan sa pahina 3]

Isang hamon ang maglinang ng pag-ibig sa isang sanlibutan na namamayani ang kasakiman