Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Maglinang ng Tunay na Pag-ibig

Kung Paano Maglinang ng Tunay na Pag-ibig

Kung Paano Maglinang ng Tunay na Pag-ibig

“Ang pag-ibig ang eliksir ng buhay; ang pag-ibig ay buhay.”​—Living to Purpose, ni Joseph Johnson, 1871.

PAANO natututong umibig ang isang tao? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng sikolohiya? Sa pagbabasa ng sariling-sikap na mga aklat? Sa panonood ng romantikong mga pelikula? Hindi. Unang-una na, ang mga tao ay natututong umibig sa pamamagitan ng halimbawa at pagsasanay ng mga magulang. Matututuhan ng mga anak ang kahulugan ng pag-ibig kung, sa isang kapaligirang may mainit na pagmamahal, nakikita nilang pinakakain at ipinagsasanggalang sila ng kanilang mga magulang, nakikipag-usap sa kanila, at may matinding personal na interes sa kanila. Natututo rin silang umibig kapag tinuruan sila ng kanilang magulang na sundin ang tamang mga simulain hinggil sa tama at mali.

Ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang basta pagmamahal o matinding damdamin. Lagi nitong ginagawa ang pinakamabuti para sa kapakanan ng iba, kahit na hindi nila ito lubusang napahahalagahan sa pagkakataong iyon, na kadalasang nangyayari sa mga bata kapag dinidisiplina sa maibiging paraan. Ang isang sakdal na halimbawa ng isa na nagpapakita ng di-makasariling pag-ibig ay ang Maylalang mismo. Sumulat si apostol Pablo: “Anak ko, huwag mong maliitin ang disiplina mula kay Jehova, ni manghina ka man kapag itinutuwid ka niya; sapagkat ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya.”​—Hebreo 12:5, 6.

Mga magulang, paano ninyo matutularan si Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig sa inyong pamilya? Gaano kahalaga ang halimbawang ipinakikita ninyo sa isa’t isa sa inyong ugnayan bilang mag-asawa?

Ituro ang Pag-ibig sa Pamamagitan ng Halimbawa

Kung ikaw ay isang asawang lalaki, iginagalang mo ba, o lubos na pinahahalagahan, ang iyong asawang babae at pinakikitunguhan siya nang may pagpaparangal at paggalang? Kung isa kang asawang babae, ikaw ba ay mapagmahal at sumusuporta sa iyong asawang lalaki? Sinasabi ng Bibliya na dapat magmahalan ang mag-asawa at magpakita ng paggalang sa isa’t isa. (Efeso 5:28; Tito 2:4) Kapag ito ay kanilang ginagawa, nakikita ng kanilang mga anak kung paano mismo ipinamamalas ang pag-ibig Kristiyano. Napakabisa at napakahalagang aral nga niyan!

Itinataguyod din ng mga magulang ang pag-ibig sa loob ng tahanan kapag sinusunod nila ang matataas na pamantayan para sa pamilya may kinalaman sa paglilibang, moralidad, at mga tunguhin at priyoridad. Sa buong daigdig, natuklasan ng mga tao na malaki ang naitutulong ng Bibliya sa pagtatakda ng gayong mga pamantayan sa pamilya, anupat naglalaan ng buháy na katibayan na ang Bibliya ay tunay na “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Sa katunayan, itinuturing ng marami na wala nang makahihigit pa sa Sermon sa Bundok pagdating sa mga batas ng moralidad at patnubay sa buhay.​—Mateo, kabanata 5 hanggang 7.

Kapag umaasa sa Diyos ang buong pamilya para sa patnubay at sumusunod sa kaniyang mga pamantayan, ang bawat isa ay nakadarama ng higit na katiwasayan at mas malamang na lumaki ang mga anak na may pag-ibig at paggalang sa kanilang mga magulang. Sa kabaligtaran naman, ang mga anak ay maaaring maging mayayamutin, magagalitin, at mapaghimagsik sa isang tahanan na may doble, hindi tama, o maluwag na mga pamantayan.​—Roma 2:21; Colosas 3:21.

Kumusta naman ang nagsosolong mga magulang? Sila ba’y halos wala nang pag-asang ituro ang pag-ibig sa kanilang mga anak? Hindi naman. Bagaman hindi mahahalinhan ang isang mabuting ina at ama na magkatuwang, ipinakikita ng karanasan na mapupunan sa paanuman ng magandang ugnayan sa pamilya ang pagiging nag-iisa ng magulang. Kung ikaw ay nagsosolong magulang, sikapin mong sundin ang mga simulain sa Bibliya sa inyong tahanan. Oo, sinasabi sa atin ng isang kawikaan: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas”​—pati na ang landas ng pagiging isang magulang.​—Kawikaan 3:5, 6; Santiago 1:5.

Maraming mahuhusay na kabataan ang pinalaki ng nagsosolong mga magulang at ngayon ay tapat na naglilingkod sa Diyos sa libu-libong kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Pinatutunayan nito na maaari ring magtagumpay ang nagsosolong mga magulang sa pagtuturo nila ng pag-ibig sa kanilang mga anak.

Kung Paano Malilinang ng Lahat ang Pag-ibig

Inihula ng Bibliya na ang “mga huling araw” ay kakikitaan ng kawalan ng “likas na pagmamahal,” samakatuwid, ang kawalan ng likas na pag-ibig na karaniwang nadarama ng magkakapamilya sa isa’t isa. (2 Timoteo 3:1, 3) Subalit, maaaring matutong maglinang ng pag-ibig maging ang mga taong lumaki sa kapaligirang salat sa pag-ibig. Paano? Sa pamamagitan ng pagkatuto mula kay Jehova, na siyang Pinagmumulan ng pag-ibig at nagpapakita ng pag-ibig at pagmamahal sa lahat ng buong-pusong umaasa sa kaniya. (1 Juan 4:7, 8) “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin,” ang sabi ng isang salmista.​—Awit 27:10.

Ipinadarama ni Jehova sa atin ang kaniyang pag-ibig sa iba’t ibang paraan. Kasali na rito ang makaamang patnubay sa pamamagitan ng Bibliya, tulong ng banal na espiritu, at mapagmahal na suporta ng kapatirang Kristiyano. (Awit 119:97-​105; Lucas 11:13; Hebreo 10:24, 25) Isaalang-alang kung paanong ang tatlong paglalaang ito ay makatutulong sa iyo upang mapasidhi ang pag-ibig sa Diyos at sa iyong kapuwa.

Kinasihan at Makaamang Patnubay

Upang malinang ang mainit na buklod sa isang tao, dapat nating makilala nang mabuti ang taong iyon. Sa pagsisiwalat ng kaniyang sarili sa mga pahina ng Bibliya, inaanyayahan tayo ni Jehova na maging malapít sa kaniya. Gayunman, hindi sapat na basta basahin ang Bibliya. Kailangan nating ikapit ang mga turo nito at maranasan ang ibinubungang kapakinabangan nito. (Awit 19:7-10) “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran,” ang sabi ng Isaias 48:17. Oo, si Jehova, ang mismong personipikasyon ng pag-ibig, ang nagtuturo ng ating ikabubuti​—hindi dahil sa gusto niya tayong pagkaitan ng kalayaan sa pamamagitan ng walang-pakinabang na mga utos at tuntunin.

Tinutulungan din tayo ng tumpak na kaalaman sa Bibliya na pasidhiin ang pag-ibig natin sa ating kapuwa. Ito’y sa dahilang itinuturo ng katotohanan sa Bibliya ang pangmalas ng Diyos sa mga tao at ipinakikita sa atin ang mga simulaing dapat umugit sa ating pakikitungo sa isa’t isa. Taglay ang impormasyong iyan, may matatag tayong saligan para linangin ang pag-ibig sa kapuwa. Sinabi ni apostol Pablo: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan.”​—Filipos 1:9.

Upang ipakita kung paano wastong napapatnubayan ng “tumpak na kaalaman” ang pag-ibig, isaalang-alang ang saligang katotohanan na nakasaad sa Gawa 10:34, 35: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Kung hinahatulan ng Diyos ang mga tao salig sa kanilang matuwid na mga gawa at makadiyos na takot, hindi sa kanilang bansa o lahi, hindi ba dapat din nating malasin nang walang pagtatangi ang ating kapuwa?​—Gawa 17:26, 27; 1 Juan 4:7-​11, 20, 21.

Pag-ibig​—Isang Bunga ng Espiritu ng Diyos

Kung paanong tumutulong sa pagkakaroon ng mabuting ani ang pag-ulan sa tamang panahon sa taniman, maaaring magluwal ang espiritu ng Diyos ng mga katangian na inilalarawan ng Bibliya bilang “mga bunga ng espiritu” sa tumatanggap na mga indibiduwal. (Galacia 5:22, 23) Nangunguna sa mga bungang ito ang pag-ibig. (1 Corinto 13:13) Subalit paano natin tataglayin ang espiritu ng Diyos? Ang panalangin ay isang mahalagang paraan. Kung hinihiling natin sa panalangin ang espiritu ng Diyos, ibibigay niya iyon sa atin. (Lucas 11:9-13) Ikaw ba’y “patuloy” na nananalangin ukol sa banal na espiritu? Kung gayon nga, ang mahahalagang bunga nito, kalakip na ang pag-ibig, ay higit na makikita sa iyong buhay.

Subalit may isa pang uri ng espiritu na salungat sa espiritu ng Diyos. Tinatawag ito ng Bibliya na “espiritu ng sanlibutan.” (1 Corinto 2:12; Efeso 2:2) Ito’y isang masamang impluwensiya, at ang pinagmumulan nito ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo, “ang tagapamahala ng sanlibutang ito” ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos. (Juan 12:31) Tulad ng hanging nagpapaalimbukay sa alikabok at dumi, ginigising ng “espiritu ng sanlibutan” ang nakapipinsalang mga pagnanasa na sumisira sa pag-ibig at nagbibigay-kasiyahan sa mga kahinaan ng laman.​—Galacia 5:19-21.

Nasasagap ng mga tao ang masamang espiritung iyon kapag inihahantad nila ang kanilang sarili sa materyalistiko at makasariling kaisipan, mararahas na paggawi, at sa pilipit at kadalasang baluktot na pangmalas sa pag-ibig na pangkaraniwan sa daigdig na ito. Kung ibig mong malinang ang tunay na pag-ibig, dapat na may-katatagan mong tanggihan ang espiritu ng sanlibutan. (Santiago 4:7) Gayunman, huwag kang magtiwala sa iyong sariling lakas; humingi ng tulong kay Jehova. Ang kaniyang espiritu​—ang pinakamalakas na puwersa sa sansinukob​—ay makapagpapatibay sa iyo at magbibigay sa iyo ng tagumpay.​—Awit 121:2.

Matutong Umibig Mula sa Kapatirang Kristiyano

Kung paanong ang mga bata ay natututong magpakita ng pag-ibig dahil nararanasan nila ito sa tahanan, mapasisidhi naman nating lahat​—bata’t matanda​—ang pag-ibig sa pamamagitan ng pakikisama sa iba pang mga Kristiyano. (Juan 13:34, 35) Ang totoo, ang isa sa pangunahing papel na ginagampanan ng kongregasyong Kristiyano ay ang maglaan ng isang kapaligiran kung saan “mapupukaw [ng mga indibiduwal] ang isa’t isa sa pag-ibig sa kapuwa at paggawa ng mabuti.”​—Hebreo 10:24, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino.

Ang gayong uri ng pag-ibig ay pinahahalagahan ng mga taong maaaring “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan” sa daigdig na nakapalibot sa atin na salat sa pag-ibig. (Mateo 9:36) Ipinakikita ng karanasan na napupunan ng maibiging mga ugnayan sa panahon ng pagkaadulto ang marami sa mapapait na karanasang dulot ng kakulangan ng pagmamahal sa panahon ng pagkabata. Sa gayon, napakahalaga talaga na magpakita ng tunay at taos-pusong pagtanggap ang lahat ng nag-alay na mga Kristiyano sa lahat ng baguhan na nagsisimulang makisama sa kanila!

“Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo”

Sinasabi ng Bibliya na “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Paano nangyari iyon? Sinasabi sa atin ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala.” (1 Corinto 13:4, 5) Maliwanag, ang pag-ibig na ito ay hindi bungang-isip lamang o mababaw na damdamin. Sa kabaligtaran​—ang mga nagpapakita nito ay mulat sa katotohanan ng mga kabiguan at pasakit sa buhay, subalit hindi nila pinahihintulutan na sirain ng mga ito ang pag-ibig sa kanilang kapuwa. Tunay ngang “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa” ang pag-ibig na iyon.​—Colosas 3:12-14.

Kunin ang halimbawa ng 17-taóng-gulang na Kristiyanong kabataang babae sa Korea. Nang magsimula siyang maglingkod sa Diyos na Jehova, sinalansang siya ng kaniyang pamilya at pinalayas sa kanilang tahanan. Gayunman, sa halip na magalit, ipinanalangin niya ang bagay na ito, anupat hinayaan niyang hubugin ng Salita at espiritu ng Diyos ang kaniyang pag-iisip. Pagkatapos nito, madalas siyang sumulat sa kaniyang pamilya, na ibinubuhos sa kaniyang mga sulat ang tunay at mainit na pagmamahal na nadarama niya para sa kanila. Bunga nito, ang dalawa niyang kuya ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at nakaalay na mga Kristiyano na sa ngayon. Tinanggap din ng kaniyang ina at bunsong kapatid na lalaki ang katotohanan ng Bibliya. Sa dakong huli, ang kaniyang ama, na labis na salansang, ay nagbago ng saloobin. Sumulat ang babaing Saksi: “Lahat kami ay nakapag-asawa ng kapuwa mga Kristiyano, at ang aming pamilya ng nagkakaisang mga mananamba ay may kabuuang 23 na ngayon.” Nagtagumpay nga ang pag-ibig!

Ibig mo bang malinang ang tunay na pag-ibig at makatulong sa iba na gayundin ang gawin? Kung gayon, umasa kay Jehova, ang Pinagmumulan ng mahalagang katangiang iyan. Oo, isapuso natin ang kaniyang Salita, manalangin para sa kaniyang banal na espiritu, at palaging makisama sa kapatirang Kristiyano. (Isaias 11:9; Mateo 5:5) Nakaaaliw ngang malaman na hindi na magtatagal, ang lahat ng kabalakyutan ay mawawala na, anupat yaon lamang mga nagpapakita ng tunay na Kristiyanong pag-ibig ang maiiwan! Tunay nga na ang pag-ibig ang susi sa kaligayahan at buhay.​—Awit 37:10, 11; 1 Juan 3:14.

[Mga larawan sa pahina 6]

Makatutulong ang panalangin at pag-aaral ng Salita ng Diyos upang malinang natin ang tunay na pag-ibig