Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa Hebreo 2:14, bakit tinawag si Satanas na “ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan”?

Sa maikli, ibig sabihin ni Pablo na si Satanas mismo o sa pamamagitan ng kaniyang mga kinatawan, ay maaaring magpangyari ng pisikal na kamatayan ng mga tao. Kasuwato nito, tinawag ni Jesus si Satanas na isang “mamamatay-tao nang siya ay magsimula.”​—Juan 8:44.

Maaaring magkaroon ng maling pagkaunawa sa Hebreo 2:14 dahil sa pagkakasalin dito ng ilan, na nagsasabing si Satanas ay may “kapangyarihan ng kamatayan” o “kapangyarihan sa kamatayan.” (Ang Biblia​—New Pilipino Version; Magandang Balita Biblia; New International Version; Jerusalem Bible) Maaaring lumitaw sa gayong mga salin na walang limitasyon ang kakayahan ni Satanas na pumatay ng sinumang nais niyang patayin. Gayunman, maliwanag na hindi gayon. Sapagkat kung magkakagayon, malamang na matagal na niyang nalipol ang mga mananamba ni Jehova sa balat ng lupa.​—Genesis 3:15.

Ang pananalitang Griego na isinaling “kapangyarihan sa kamatayan” sa ilang Bibliya at “kakayahang magpangyari ng kamatayan” sa New World Translation ay “kraʹtos tou tha·naʹtou.” Ang tou tha·naʹtou ay isang anyo ng pananalitang nangangahulugang “kamatayan.” Ang kraʹtos ay karaniwang nangangahulugang “puwersa, lakas, kapangyarihan.” Ayon sa Theological Dictionary of the New Testament, ipinahihiwatig nito “ang presensiya at kahalagahan ng puwersa o lakas sa halip na ang paggamit nito.” Kaya sa Hebreo 2:14, hindi gustong ipakahulugan ni Pablo na si Satanas ay may lubos na kapangyarihan sa kamatayan. Sa halip, ipinakikita niya ang kakayahan o potensiyal ni Satanas na magpangyari ng kamatayan.

Paano ginagamit ni Satanas ang “kakayahang magpangyari ng kamatayan”? Sa aklat ng Job, may mababasa tayong isang pangyayari na medyo di-pangkaraniwan. Sinasabi ng ulat na ginamit ni Satanas ang isang bagyo upang ‘pangyarihin ang kamatayan’ ng mga anak ni Job. Gayunman, pansinin na nagawa iyon ni Satanas dahil lamang sa kapahintulutan ng Diyos sapagkat may isang mahalagang isyu na nilulutas. (Job 1:12, 18, 19) Sa katunayan, hindi napatay ni Satanas si Job mismo. Hindi ibinigay ang pahintulot para rito. (Job 2:6) Nagpapakita ito na kahit na kung minsan ay napangyayari ni Satanas ang kamatayan ng tapat na mga tao, hindi tayo kailangang matakot na mapapatay niya tayo kahit kailan niya gusto.

Napangyayari rin ni Satanas ang kamatayan sa pamamagitan ng paggamit ng kinatawang mga tao. Kaya, maraming Kristiyano ang namatay dahil sa kanilang pananampalataya, ang ilan ay pinaslang ng galít na mga mang-uumog o walang-katarungang ipinapatay sa utos ng mga opisyal ng pamahalaan o ng tiwaling mga hukom.​—Apocalipsis 2:13.

Karagdagan pa, pinangyayari ni Satanas kung minsan ang kamatayan sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga kahinaan ng tao. Noong kapanahunan ng Israel, pinayuhan ni propeta Balaam ang mga Moabita na akitin ang mga Israelita “na magsagawa ng kawalang-katapatan kay Jehova.” (Bilang 31:16) Iyon ay nagbunga ng kamatayan ng mahigit sa 23,000 Israelita. (Bilang 25:9; 1 Corinto 10:8) Gayundin sa ngayon, ang ilan ay nahuhulog sa “mga pakana” ni Satanas at nabubuyo sa imoralidad o sa iba pang di-makadiyos na mga gawain. (Efeso 6:11) Totoo, hindi naman namamatay kaagad ang gayong mga tao. Subalit isinasapanganib nila ang kanilang pagkakataong mabuhay nang walang-hanggan, at sa gayong paraan ay pinangyayari ni Satanas ang kanilang kamatayan.

Kahit na kinikilala natin na maaaring magdulot ng kapinsalaan si Satanas, hindi naman natin kailangang labis-labis na katakutan siya. Nang sabihin ni Pablo na may kakayahan si Satanas upang magpangyari ng kamatayan, sinabi rin niya na si Kristo ay namatay upang “mapawi niya [si Satanas] . . . at upang mapalaya niya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.” (Hebreo 2:14, 15) Oo, nagbayad si Jesus ng pantubos anupat napalaya ang sumasampalatayang sangkatauhan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan.​—2 Timoteo 1:10.

Sabihin pa, makatuwirang isipin na si Satanas ay may kakayahang magpangyari ng kamatayan, subalit nagtitiwala tayo na malulunasan ni Jehova ang anumang pinsala na pinangyari ni Satanas at ng kaniyang mga kinatawan. Tinitiyak sa atin ni Jehova na ‘sisirain ng binuhay-muling si Jesus ang mga gawa ng Diyablo.’ (1 Juan 3:8) Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova, bubuhaying muli ni Jesus ang mga patay at sa gayon ay papawiin ang kamatayan mismo. (Juan 5:28, 29) Sa bandang huli, lubusang ilalantad ni Jesus ang limitasyon ng kapangyarihan ni Satanas sa pamamagitan ng pagbubulid sa kaniya sa kalaliman. Si Satanas sa wakas ay itatalaga sa walang-hanggang pagkapuksa.​—Apocalipsis 20:1-10.