Naiibsan ang Pagdurusa Dahil sa Paglilingkod sa Iba
Naiibsan ang Pagdurusa Dahil sa Paglilingkod sa Iba
AYON SA SALAYSAY NI JULIÁN ARIAS
Noong 1988, nang ako ay 40 taóng gulang, waring panatag na ang kinabukasan ko bilang isang propesyonal. Ako ang direktor noon ng rehiyon sa isang multinasyonal na kompanya. Dahil sa aking trabaho, nagkaroon ako ng mamahaling kotse, mataas na suweldo, at magarang opisina sa sentro ng Madrid, Espanya. Nagpahiwatig pa nga ang kompanya na gagawin nila akong pambansang direktor. Wala akong kamalay-malay noon na biglang magbabago ang aking buhay.
ISANG araw ng taóng iyon, sinabi sa akin ng doktor ko na ako ay may multiple sclerosis, isang sakit na wala nang lunas. Para akong pinagsakluban ng lupa at langit. Nang maglaon, noong mabasa ko ang maaaring mangyari sa taong may multiple sclerosis, natakot ako. * Waring sa tuwina ay may nagbabantang panganib sa aking buhay. Paano ko mapangangalagaan ang aking asawang si Milagros, at ang aming tatlong-taóng-gulang na anak na si Ismael? Paano namin ito mapagtatagumpayan? Habang nag-aapuhap ako ng mga sagot sa mga tanong na ito, isa na namang malungkot na dagok ang dumating.
Mga isang buwan matapos sabihin sa akin ng aking doktor ang tungkol sa aking karamdaman, tinawag ako ng aking superbisor sa kaniyang opisina at sinabi sa akin na ang kompanya ay nangangailangan ng mga taong may “magandang personalidad.” At ang sinumang may lumalalang karamdaman—kahit na sa pinakamaagang yugto nito—ay wala nang gayong personalidad. Kaya kaagad akong sinesante ng aking hepe. Biglang-biglang nagwakas ang aking sekular na karera!
Sa harap ng aking pamilya, sinikap kong maglakas-lakasan ng loob, subalit gusto kong mapag-isa, upang pag-isipan ang tungkol sa panibago kong kalagayan, at bulay-bulayin ang aking kinabukasan. Pinagsikapan kong labanan ang tumitinding panlulumo. Ang pinakamasakit sa akin ay na sa isang iglap, nawalan ako ng silbi sa paningin ng aking kompanya.
Pagkasumpong ng Kalakasan Mula sa Kahinaan
Mabuti na lamang, sa nakapanlulumong panahong ito, maaari akong manalig sa ilang pinagmumulan ng kalakasan. Mga 20 taon bago nito, ako ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Kaya taimtim akong nanalangin kay Jehova hinggil sa aking nadarama at sa kawalang-katiyakan ng kinabukasan. Patuloy na naging bukal ng kalakasan ang aking kapananampalatayang asawa, at umalalay rin sa akin ang ilang malalapít na kaibigan na ang kabaitan at pagkamahabagin ay napatunayang tunay na mahalaga.—Kawikaan 17:17.
Ang pagkadama ng pananagutan para sa iba ay nakatulong din. Nais kong palakihin sa wastong paraan ang aking anak na lalaki, turuan siya, makipaglaro sa kaniya, at sanayin siya sa gawaing pangangaral. Kaya hindi ako maaaring sumuko. Karagdagan pa, isa akong matanda sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, at kailangan ng aking mga kapatid na Kristiyano roon ang aking tulong. Kung pahihintulutan kong pahinain ng aking karamdaman ang pananampalataya ko, magiging anong uri kaya ako ng halimbawa sa iba?
Mangyari pa, nagbago ang aking kalusugan at kabuhayan—sa ilang paraan ay ukol sa lalong ikasasamâ ngunit sa ibang mga paraan ay ukol sa lalong ikabubuti. Minsan ay narinig kong sinabi ng isang doktor: “Hindi sinisira ng sakit ang isang tao; sa halip, binabago siya nito.” At natutuhan kong hindi naman pala lahat ng pagbabago ay negatibo.
Una sa lahat, ang aking “tinik sa laman” ay tumulong sa akin na higit na maunawaan ang mga suliranin sa kalusugan ng ibang tao at makiramay sa kanila. (2 Corinto 12:7) Lalo kong naunawaan higit kailanman ang mga salita ng Kawikaan 3:5: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.” Higit sa lahat, ang panibago kong kalagayan ay nagturo sa akin kung anong mga bagay ang talagang mahalaga sa buhay at kung ano ang nagbibigay ng tunay na kasiyahan at halaga sa sarili. Marami pa akong magagawa sa organisasyon ni Jehova. Natuklasan ko ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Isang Bagong Paraan ng Pamumuhay
Di-nagtagal pagkatapos na matuklasan ang aking sakit, ako ay inanyayahan sa isang seminar sa Madrid kung saan tinuruan ang mga boluntaryong Kristiyano na linangin ang pagtutulungan sa pagitan ng mga manggagamot at ng kanilang mga pasyenteng Saksi. Nang maglaon, ang mga boluntaryong iyon ay inorganisa upang maging mga Hospital Liaison Committee. Para sa akin, ang seminar na iyon ay nangyari sa tamang panahon. Natuklasan ko ang isang mas mabuting karera, isa na magdudulot sa akin ng makapupong kasiyahan kaysa sa anumang komersiyal na trabaho.
Natutuhan namin sa seminar na ang bagong tatag na mga Hospital Liaison Committee ay dadalaw sa mga ospital, makikipanayam sa mga doktor, at gagawa ng mga presentasyon sa mga manggagawang pangkalusugan, sa layunin na malinang ang pagtutulungan at maiwasan ang mga komprontasyon. Tutulungan ng mga komite ang mga kapuwa Saksi na humanap ng mga doktor na handang mag-opera nang hindi gumagamit ng dugo. Sabihin pa, bilang isang karaniwang tao, marami akong kailangang matutuhan hinggil sa mga termino sa medisina, mga etika sa panggagamot, at organisasyon sa ospital. Gayunpaman, pagkatapos ng seminar na iyon, umuwi ako na may bagong paraan ng pag-iisip, taglay ang panibagong hamon na nagbibigay sa akin ng pananabik.
Mga Pagdalaw sa Ospital—Pinagmumulan ng Kasiyahan
Bagaman unti-unti at walang-awa akong nilulumpo ng aking sakit, lalo namang lumalaki ang aking mga pananagutan bilang miyembro ng Hospital Liaison Committee. Tumatanggap ako ng pensiyon dahil sa kapansanan, kaya naman may panahon akong dumalaw sa mga ospital. Sa kabila ng paminsan-minsang mga kabiguan, ang mga pagdalaw na ito ay naging mas madali at higit na kapaki-pakinabang kaysa sa inaasahan ko. Bagaman ako ay nasa silyang de-gulong na lamang, hindi ito naging malaking hadlang. Isang kasamahang miyembro ng komite ang laging sumasama sa akin. Karagdagan pa, sanáy nang makipag-usap ang mga doktor sa mga taong nasa silyang de-gulong, at kung minsan sila’y waring nakikinig nang may higit na paggalang kapag napapansin nila ang pagsisikap kong dalawin sila.
Sa nakalipas na sampung taon, nakadalaw na ako sa daan-daang doktor. Ang ilan ay handang tumulong sa atin sa pasimula pa lamang. Si Dr. Juan Duarte—isang siruhano sa puso sa Madrid na malugod na gumagalang sa budhi ng pasyente—ay karaka-rakang nag-alok ng kaniyang paglilingkod. Mula noon, mahigit nang 200 operasyon ang kaniyang naisagawa nang hindi gumagamit ng dugo sa mga pasyenteng Saksi mula sa maraming panig ng Espanya. Sa paglipas ng mga taon, parami nang paraming doktor ang nagsimulang mag-opera nang walang dugo. Nakatulong ang aming regular na mga pagdalaw, subalit ang progreso ay dahil din sa pagsulong sa medisina at sa maiinam na resulta ng pag-opera nang walang dugo. At kami ay kumbinsido na pinagpala ni Jehova ang aming mga pagsisikap.
Lalo na akong napatibay dahil sa pagtugon ng ilang siruhano sa puso na nagpakadalubhasa sa panggagamot sa mga bata. Sa loob ng dalawang taon, dinalaw namin ang isang grupo na binubuo ng dalawang siruhano at ng kani-kanilang anestisyologo. Binigyan namin sila ng mga literatura sa medisina na nagpapaliwanag sa ginagawa ng ibang mga doktor sa larangang ito. Ginantimpalaan ang aming mga pagsisikap noong 1999 sa panahon ng Medical Conference on Infantile Cardiovascular Surgery. Ang dalawang siruhano—sa mahusay na pangangasiwa ng isang nakikipagtulungang siruhano mula sa Inglatera—ay nagsagawa ng napakahirap na operasyon sa isang sanggol na anak ng Saksi na nangangailangan ng modipikasyon sa balbula ng pinakamalaking ugat sa puso. * Nakigalak ako sa mga magulang ng bata nang ang isa sa mga siruhano ay lumabas mula sa operating room upang ibalita na tagumpay ang operasyon at naigalang ang budhi ng pamilya. Ngayon, ang dalawang doktor na ito ay pangkaraniwan nang tumatanggap ng mga pasyenteng Saksi sa buong Espanya.
Ang totoong naging kasiya-siya sa akin sa gayong mga kalagayan ay ang pagkaalam na nakatutulong ako sa aking mga kapatid na Kristiyano. Karaniwan na, kapag nakipag-ugnayan sila sa Hospital Liaison Committee, isa ito sa pinakamahirap na mga panahon sa kanilang buhay. Napapaharap sila sa operasyon, at ang mga doktor sa lokal na ospital ay tumatanggi o kaya’y hindi sila magamot nang walang dugo. Gayunman, kapag nalaman ng mga kapatid na may nakikipagtulungang mga siruhano rito sa Madrid na dalubhasa sa iba’t ibang larangan ng medisina, lubos silang nagiginhawahan. Nakita kong nagbago ang ekspresyon sa mukha ng isang kapatid mula sa pagkabahala tungo sa pagiging kalmado, dahil lamang sa naroroon kami sa kaniyang tabi sa ospital.
Ang Daigdig ng mga Hukom at Etika sa Panggagamot
Sa nakaraang mga taon, ang mga miyembro ng mga Hospital Liaison Committee ay gumawa rin ng mga pagdalaw sa mga hukom. Sa gayong mga pagdalaw, binibigyan namin sila ng publikasyong tinatawag na Family Care and Medical Management for Jehovah’s Witnesses, na pantanging inihanda para ipabatid sa gayong mga opisyal ang ating paninindigan sa paggamit ng dugo at ang pagkakaroon ng medikal na mga alternatibo na hindi gumagamit ng dugo. Kailangang-kailangan ang mga pagdalaw na ito, yamang karaniwan na noon sa Espanya na ang mga hukom ay nagbibigay ng karapatan sa mga doktor na magsalin ng dugo kahit laban sa kagustuhan ng pasyente.
Napakaganda ng mga tanggapan ng mga hukom, at sa aking unang pagdalaw, nanliliit ako habang pinagugulong ko ang aking silyang de-gulong sa mga pasilyo nito. Lalo pang masama, nagkaroon kami ng kaunting aksidente, anupat nahulog ako sa silya at napaluhod. Ang ilang hukom at mga abogado na nakakita sa nangyari ay may kabaitang tumulong sa akin, subalit napahiya ako sa kanila.
Bagaman hindi natitiyak ng mga hukom ang sadya namin sa kanila, ang karamihan ay may kabaitang nakitungo sa amin. Dati nang nag-iisip ang unang hukom na dinalaw ko hinggil sa ating paninindigan, at nagsabing nais niyang makausap kami nang matagal. Sa sumunod naming pagdalaw, personal niyang itinulak ang aking silya sa kaniyang tanggapan at matamang nakinig sa akin. Ang maiinam na resulta ng unang pagdalaw na ito ay nagpalakas-loob sa akin at sa aking mga kasama upang maalis ang aming pangamba, at di-nagtagal, nakita namin ang karagdagan pang mabubuting resulta.
Noong taon ding iyon, nakapag-iwan kami ng kopya ng Family Care sa isa pang hukom, na may kabaitang tumanggap sa amin at nangakong babasahin ang impormasyon. Ibinigay ko sa kaniya ang numero ng aking telepono sakaling kailangan niya kaming tawagan sa panahon ng kagipitan. Pagkalipas ng dalawang linggo, tinawagan niya ako upang sabihin na humihingi sa kaniya ng awtorisasyon ang isang siruhano roon na salinan ng dugo ang isang Saksi na kailangang operahan. Sinabi sa amin ng hukom na nais niyang tumulong kami sa kaniya na makakita ng solusyon upang maigalang ang kagustuhan ng Saksi na umiwas sa dugo. Hindi kami masyadong nahirapang humanap ng ibang ospital kung saan matagumpay na naisagawa ng mga siruhano ang operasyon nang walang pagsasalin ng dugo. Natuwa ang hukom nang marinig niya ang naging resulta, at tiniyak niya sa amin na gayunding solusyon ang kaniyang gagawin sa hinaharap.
Sa mga pagdalaw ko sa ospital, kadalasang bumabangon ang tanong hinggil sa etika sa panggagamot,
yamang nais namin na isaalang-alang ng mga doktor ang mga karapatan at budhi ng pasyente. Inanyayahan ako ng isang nakikipagtulungang ospital sa Madrid na makibahagi sa isang kurso na kanilang iniaalok hinggil sa etika. Dahil sa kursong ito, naiharap ko sa maraming espesyalista sa larangang ito ang ating salig-Bibliyang pangmalas. Nakatulong din ito sa akin na maunawaan ang maraming mahirap na pagpapasiyang kailangang gawin ng mga doktor.Ang isa sa mga guro ng kurso, si Propesor Diego Gracia, ay palaging nag-oorganisa ng isang tanyag na kursong ibinibigay ng mga eksperto sa etika hinggil sa isang partikular na larangan ng medisina para sa mga doktor na Kastila at siya’y naging matatag na tagapagtaguyod ng ating karapatan sa may-kabatirang pagsang-ayon hinggil sa mga pagsasalin ng dugo. * Ang aming regular na pakikipag-ugnayan sa kaniya ang naging dahilan upang anyayahan nila ang ilang kinatawan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya na magpaliwanag hinggil sa ating paninindigan sa postgraduate na mga estudyante ni Propesor Gracia, na ang ilan sa kanila ay kinikilala bilang pinakamahuhusay na doktor sa bansa.
Pagharap sa Tunay na Kalagayan
Sabihin pa, ang kasiya-siyang gawaing ito sa kapakanan ng mga kapananampalataya ay hindi lumutas sa lahat ng aking personal na mga suliranin. Ang sakit ko ay patuloy na lumálalâ. Gayunman, mabuti na lamang at ang aking isip ay alerto. Salamat sa aking asawa at sa aking anak, na hindi kailanman nagrereklamo, anupat nagagampanan ko ang aking mga pananagutan. Kung wala ang kanilang tulong at suporta, ito’y magiging imposible. Ni hindi ko na maibutones ang aking pantalon o maisuot ang aking overcoat. Nasisiyahan ako lalo na sa pangangaral tuwing Sabado kasama ng aking anak na si Ismael, na nagtutulak ng aking silya sa palibot upang makausap ko ang iba’t ibang may-bahay. At kaya ko pa ring magampanan ang aking mga pananagutan bilang isang matanda sa kongregasyon.
Nagkaroon ako ng ilang nakapanlulumong karanasan sa nakaraang 12 taon. Kung minsan, kapag nakikita ko kung paano naaapektuhan ng aking kapansanan ang aking pamilya, higit na kirot ang nadarama ko kaysa sa aktuwal na karamdaman. Alam kong sila ay nagdurusa, kahit hindi nila ito sabihin. Hindi pa natatagalan, sa loob lamang ng isang taon, namatay ang aking biyenang babae at ang aking ama. Noong taon ding iyon, hindi na ako makapaglibot kung walang silyang de-gulong. Ang aking ama, na nakatira sa aming tahanan, ay namatay dahil sa isang papalubhang sakit. Ayon kay Milagros na nag-alaga sa kaniya, parang nakikini-kinita niya kung ano ang mangyayari sa akin sa hinaharap.
Subalit ang magandang bagay naman, nagkakaisa ang aming pamilya habang hinaharap naming magkakasama ang mga kahirapan. Ipinagpalit ko ang isang silyang pang-eksekyutib sa isang silyang de-gulong, subalit mas mabuti ngayon ang aking buhay sapagkat ito ay lubos na nakalaan sa paglilingkod sa iba. Ang pagbibigay ay nakapagpapaginhawa sa pagdurusa ng isa, at talagang tutuparin ni Jehova ang kaniyang pangako na palalakasin tayo sa panahon ng pangangailangan. Kagaya ni Pablo, tunay na masasabi ko: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
[Mga talababa]
^ par. 5 Ang multiple sclerosis ay isang karamdaman sa central nervous system. Kadalasan itong nagiging dahilan ng patuloy na pagkasira ng panimbang, panghihina ng mga paa’t kamay, at kung minsan ay pagkawala ng paningin, pagsasalita, o pag-unawa.
^ par. 19 Kilala ang operasyong ito bilang Ross procedure.
^ par. 27 Tingnan Ang Bantayan, Pebrero 15, 1997, pahina 19-20.
[Kahon sa pahina 24]
Ang Pangmalas ng Isang Asawang Babae
Para sa isang asawang babae, ang pamumuhay kasama ng asawang may multiple sclerosis ay mahirap—sa paraang mental, emosyonal, at pisikal. Kailangan kong maging makatuwiran sa aking pinaplanong gawin at handang magwaksi ng di-kinakailangang kabalisahan hinggil sa hinaharap. (Mateo 6:34) Gayunpaman, ang pamumuhay taglay ang pagdurusa ay maaaring magpalabas ng pinakamabubuting katangian ng isang tao. Mas matibay kaysa sa dati ang aming pagsasama bilang mag-asawa, at mas malapít ang aking relasyon kay Jehova. Ang talambuhay ng iba na may maigting na kalagayang tulad namin ay nagpalakas din nang husto sa akin. Nalalasap ko rin ang kasiyahang nadarama ni Julián dahil sa kaniyang mahalagang paglilingkod sa kapakanan ng mga kapatid, at nasumpungan kong hindi tayo pinababayaan ni Jehova, kahit na ang bawat araw ay magdala ng panibagong hamon sa atin.
[Kahon sa pahina 24]
Ang Pangmalas ng Isang Anak
Mula sa pagbabata at positibong espiritu ng aking ama, nakasumpong ako ng napakagandang halimbawa, at nadarama kong pinakikinabangan ako kapag itinutulak ko ang kaniyang silya sa palibot. Alam kong hindi ko laging magagawa kung ano ang nais kong gawin. Tin-edyer na ako ngayon, subalit paglaki-laki ko pa, nais kong maglingkod bilang isang miyembro ng Hospital Liaison Committee. Nalalaman ko mula sa mga pangako ng Bibliya na ang pagdurusa ay pansamantala lamang at maraming mga kapatid ang nagdurusa nang higit kaysa sa amin.
[Larawan sa pahina 22]
Ang asawa ko ay bukal ng kalakasan para sa akin
[Larawan sa pahina 23]
Habang nakikipag-usap sa siruhano sa puso na si Dr. Juan Duarte
[Larawan sa pahina 25]
Nasisiyahan kaming mag-ama na gumawang magkasama sa ministeryo