“Narito! Ito ang Ating Diyos”
“Narito! Ito ang Ating Diyos”
Ang mga impormasyong tinalakay sa dalawang araling artikulong ito ay salig sa aklat na Maging Malapít kay Jehova, na inilabas sa mga pandistritong kombensiyon na ginanap sa buong daigdig noong 2002/03.—Tingnan ang artikulong “Pinunan Nito ang Puwang sa Aking Puso,” sa pahina 20.
“Narito! Ito ang ating Diyos. Umaasa tayo sa kaniya, at ililigtas niya tayo. Ito si Jehova.”—ISAIAS 25:9.
1, 2. (a) Paano tinawag ni Jehova ang patriyarkang si Abraham, at ano ang maaaring isipin natin tungkol sa bagay na ito? (b) Paano tinitiyak sa atin ng Bibliya na maaari tayong magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa Diyos?
“AKING kaibigan.” Iyan ang tawag ni Jehova, ang Maylalang ng langit at lupa, sa patriyarkang si Abraham. (Isaias 41:8) Isip-isipin na lamang—isang hamak na tao, kaibigan ng Soberanong Panginoon ng uniberso! Baka isipin mo, ‘Posible kaya akong mápalapít nang ganiyan sa Diyos?’
2 Tinitiyak sa atin ng Bibliya na maaari tayong magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa Diyos. Ipinagkaloob kay Abraham ang malapít na kaugnayang iyan sapagkat siya’y “nanampalataya kay Jehova.” (Santiago 2:23) Gayundin sa ngayon, ang “matalik na pakikipag-ugnayan [ni Jehova] ay sa mga matuwid.” (Kawikaan 3:32) Sa Santiago 4:8, hinihimok tayo ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Maliwanag, kung gagawa tayo ng mga hakbang upang mápalapít kay Jehova, tutugon siya. Oo, lalapit siya sa atin. Subalit ibig bang sabihin ng kinasihang mga salitang ito na tayo—makasalanan at di-sakdal na mga tao—ang gagawa ng unang hakbang? Hinding-hindi. Naging posible lamang ang matalik na pakikipag-ugnayan kay Jehova dahil gumawa ang ating maibiging Diyos ng dalawang mahahalagang hakbang.—Awit 25:14.
3. Anong dalawang hakbang ang ginawa ni Jehova upang maging posible para sa atin na maging kaibigan niya?
3 Una, isinaayos ni Jehova na “ibigay [ni Jesus] ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang haing pantubos na iyan ang nagpaging posible para sa atin na mápalapít sa Diyos. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Kung para sa atin, tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Oo, yamang “unang umibig sa atin” ang Diyos, inilatag niya ang pundasyon upang makipagkaibigan tayo sa kaniya. Ikalawa, nagpakilala si Jehova sa atin. Sa anumang pakikipagkaibigan na ating nililinang, ang buklod ay nakasalig sa tunay na pagkakilala sa tao, sa paghanga at pagpapahalaga sa kaniyang namumukod na mga katangian. Isaalang-alang ang kahulugan nito. Kung si Jehova ay isang Diyos na nakakubli at imposibleng makilala, hindi tayo kailanman magiging malapít sa kaniya. Subalit, sa halip na magkubli, ninais ni Jehova na makilala natin siya. (Isaias 45:19) Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ipinakilala niya ang kaniyang sarili sa paraang mauunawaan natin—katibayan na hindi lamang niya tayo iniibig kundi nais din niyang makilala at ibigin natin siya bilang ating makalangit na Ama.
4. Ano ang madarama natin kay Jehova habang lalo nating nauunawaan ang kaniyang mga katangian?
4 Nakakita ka na ba ng isang bata na itinuturo ang kaniyang ama sa kaniyang mga kaibigan at pagkatapos ay tuwang-tuwa at buong-pagmamalaking nagsasabi, “Iyan ang tatay ko”? Taglay ng mga mananamba sa Diyos ang lahat ng dahilan upang madama ang gayundin tungkol kay Jehova. Inihula ng Bibliya na darating ang panahon na ang tapat na mga tao ay bubulalas: “Narito! Ito ang ating Diyos.” (Isaias 25:8, 9) Habang nagtatamo tayo ng higit na kaunawaan sa mga katangian ni Jehova, lalo nating madarama na tayo’y may pinakamagaling na Ama at pinakamatalik na Kaibigan na mailalarawan sa isip. Oo, ang pagkaunawa sa mga katangian ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng maraming dahilan upang lalong mápalapít sa kaniya. Kaya suriin natin ang pagsisiwalat ng Bibliya sa pangunahing mga katangian ni Jehova—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang unang tatlo sa mga katangiang ito.
“Dakila sa Kapangyarihan”
5. Bakit angkop na si Jehova lamang ang tawaging “ang Makapangyarihan-sa-lahat,” at sa anu-anong paraan niya ginagamit ang kaniyang kasindak-sindak na kapangyarihan?
5 Si Jehova ay “dakila sa kapangyarihan.” (Job 37:23) Sinasabi ng Jeremias 10:6: “Talagang walang sinumang katulad mo, O Jehova. Ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kalakasan.” Di-gaya ng alinmang nilalang, walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova. Dahil dito, siya lamang ang tinatawag na “ang Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 15:3) Ginagamit ni Jehova ang kaniyang kasindak-sindak na kapangyarihan upang lumalang, pumuksa, magsanggalang, at magsauli. Isaalang-alang ang dalawang halimbawa lamang—ang kaniyang kapangyarihang lumalang at ang kaniyang kapangyarihang magsanggalang.
6, 7. Gaano kalakas ang araw, at anong mahalagang katotohanan ang pinatutunayan nito?
6 Kapag nakatayo ka sa labas sa matinding sikat ng araw sa tag-init, ano ang nararamdaman mo sa iyong balat? Ang init ng araw. Kung gayon, tunay ngang nararamdaman mo ang mga resulta ng kapangyarihang lumalang ni Jehova. Gaano ba kalakas ang araw? Sa pinakagitna nito, ang temperatura nito ay mga 15 milyong digri Celsius. Kung makakakuha ka ng isang piraso ng pinakagitna ng araw na sinlaki ng ulo ng aspile at ilalagay iyon dito sa lupa, hindi ka ligtas na makatatagal kahit sa distansiyang 140 kilometro mula sa pagkaliit-liit na pirasong iyon ng init! Bawat segundo, ang araw ay naglalabas ng enerhiyang katumbas ng pagsabog ng daan-daang milyong bomba nuklear. Gayunman, umiikot ang lupa sa palibot ng nakasisindak na pagkainit-init na hurnong iyan sa eksaktong distansiya mula rito. Kung napakalapit, matutuyo ang tubig sa
lupa; kung napakalayo naman, magyeyelong lahat ito. Alinman sa kalabisang ito ay mag-aalis ng buhay sa ating planeta.7 Bagaman nakadepende sa araw ang kanila mismong mga buhay, maraming tao ang nagwawalang bahala rito. Sa gayon, hindi nila nauunawaan ang naituturo sa atin ng araw. Ang Awit 74:16 ay nagsasabi tungkol kay Jehova: “Ikaw . . . ang naghanda ng tanglaw, ng araw nga.” Oo, ang araw ay lumuluwalhati kay Jehova, “ang Maylikha ng langit at ng lupa.” (Awit 146:6) Magkagayunman, ito’y isa lamang sa di-mabilang na mga nilalang na nagtuturo sa atin tungkol sa ubod-dakilang kapangyarihan ni Jehova. Habang mas marami tayong natututuhan tungkol sa kapangyarihang lumalang ni Jehova, lalong sumisidhi ang ating pagkasindak.
8, 9. (a) Anong magiliw na paglalarawan ang nagpapakita sa atin ng pagnanais ni Jehova na ipagsanggalang at pangalagaan ang kaniyang mga mananamba? (b) Anong pangangalaga ang inilalaan ng pastol noong panahon ng Bibliya sa kaniyang mga tupa, at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa ating Dakilang Pastol?
8 Ginagamit din ni Jehova ang kaniyang pagkalawak-lawak na kapangyarihan upang ipagsanggalang ang kaniyang mga lingkod at pangalagaan sila. Ang Bibliya ay gumagamit ng ilang matitingkad ngunit nakaaantig na mga ilustrasyon upang ilarawan ang maingat na pangangalagang ipinangako ni Jehova. Halimbawa, pansinin ang Isaias 40:11. Doon ay inihalintulad ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang pastol at ang kaniyang bayan naman sa mga tupa. Mababasa natin: “Papastulan niyang gaya ng pastol ang kaniyang sariling kawan. Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila. Yaong mga nagpapasuso ay maingat niyang papatnubayan.” Maguguniguni mo ba ang inilalarawan ng talatang iyan?
9 Bibihirang hayop ang walang kalaban-laban na tulad ng inaalagaang tupa. Ang pastol noong panahon ng Bibliya ay dapat na maging matapang upang maipagsanggalang ang kaniyang mga tupa mula sa mga lobo, oso, at mga leon. (1 Samuel 17:34-36; Juan 10:10-13) Subalit may mga panahon na kailangang maging magiliw sa pagsasanggalang at pangangalaga sa mga tupa. Halimbawa, kapag nagsilang ang isang tupa na malayo sa kulungan, paano iniingatang ligtas ng pastol ang walang-kalaban-laban at bagong-silang na kordero? Binubuhat niya ito, marahil sa loob ng ilang araw, “sa kaniyang dibdib”—ang maluluwag na tupi ng pang-itaas na kasuutan niya. Subalit paanong ang maliit na kordero ay mapapasadibdib ng pastol? Baka ang kordero ay lumapit sa pastol at marahan pa ngang sagiin ang kaniyang binti. Gayunman, ang pastol ang siyang kailangang yumuko, bumuhat sa kordero, at marahang maglagay nito sa kaniyang mapagkandiling dibdib. Isa ngang magiliw na paglalarawan ng pagnanais ng ating Dakilang Pastol na ipagsanggalang at pangalagaan ang kaniyang mga lingkod!
10. Anong pagsasanggalang ang inilalaan ni Jehova sa ngayon, at bakit napakahalaga ng gayong pagsasanggalang?
10 Hindi lamang basta nangangako si Jehova ng pagsasanggalang. Noong panahon ng Bibliya, ipinamalas niya sa makahimalang mga paraan na kaya niyang “magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.” (2 Pedro 2:9) Kumusta naman sa ngayon? Batid natin na hindi niya ginagamit ang kaniyang kapangyarihan upang ipagsanggalang tayo mula sa lahat ng kalamidad sa ngayon. Subalit, naglalaan naman siya ng isang bagay na mas mahalaga—ang espirituwal na pagsasanggalang. Ipinagsasanggalang tayo ng ating maibiging Diyos mula sa espirituwal na kapinsalaan sa pamamagitan ng pagsasangkap sa atin ng kailangan natin upang mabata ang mga pagsubok at upang maingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Halimbawa, sinasabi sa Lucas 11:13: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” Ang makapangyarihang puwersang iyan ang magsasangkap sa atin upang maharap ang anumang pagsubok o problema. (2 Corinto 4:7) Sa gayon ay kumikilos si Jehova upang maingatan ang ating buhay, hindi lamang sa loob ng ilang maiikling taon kundi magpakailanman. Taglay sa isip ang pag-asang iyan, maaari nga nating malasin na ang anumang paghihirap sa sistemang ito ay “panandalian at magaan.” (2 Corinto 4:17) Hindi ka ba naaakit sa isang Diyos na buong pagmamahal na gumagamit ng kaniyang kapangyarihan alang-alang sa atin?
“Si Jehova ay Maibigin sa Katarungan”
11, 12. (a) Bakit ang katarungan ni Jehova ay naglalapit sa atin sa kaniya? (b) Ano ang naging konklusyon ni David hinggil sa katarungan ni Jehova, at paano nakaaaliw sa atin ang kinasihang mga salitang ito?
11 Ang ginagawa ni Jehova ay tama at makatuwiran at ginagawa niya ito nang walang pagbabago at walang pagtatangi. Ang katarungan ng Diyos ay
hindi isang walang-pakiramdam at mabagsik na katangiang nagtataboy sa atin, kundi isang mapagmahal na katangiang naglalapit sa atin kay Jehova. Maliwanag na inilalarawan ng Bibliya ang nakagagalak-pusong kakanyahan ng katangiang ito. Kung gayon, isaalang-alang natin ang tatlong paraan ng pagpapakita ni Jehova ng kaniyang katarungan.12 Una, ang katarungan ni Jehova ay nag-uudyok sa kaniya na magpakita ng katapatan sa kaniyang mga lingkod. Naranasan mismo ng salmistang si David ang pitak na ito ng katarungan ni Jehova. Mula sa kaniyang sariling karanasan at mula sa kaniyang pag-aaral ng mga pamamaraan ng Diyos, ano ang naging konklusyon ni David? Nagpahayag siya: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.” (Awit 37:28) Isa nga itong nakaaaliw na katiyakan! Hinding-hindi kailanman pababayaan ng ating Diyos ang mga nagtatapat sa kaniya. Kung gayon ay makaaasa tayo sa kaniyang pagiging malapít at sa kaniyang maibiging pangangalaga. Ginagarantiyahan ito ng kaniyang katarungan!—Kawikaan 2:7, 8.
13. Paano nakikita sa Kautusang ibinigay ni Jehova sa Israel ang pagmamalasakit niya sa mga kapos-palad?
13 Ikalawa, ang katarungan ng Diyos ay madaling tumugon sa mga pangangailangan ng mga napipighati. Ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga kapos-palad ay nakikita sa Kautusan na ibinigay niya sa Israel. Halimbawa, ang Kautusan ay may paglalaan upang matiyak na napangangalagaan ang mga ulila at mga babaing balo. (Deuteronomio 24:17-21) Palibhasa’y alam niya kung gaano kahirap ang magiging buhay ng gayong mga pamilya, si Jehova mismo ang naging kanilang makaamang Hukom at Tagapagsanggalang. (Deuteronomio 10:17, 18) Binabalaan niya ang mga Israelita na kung bibiktimahin nila ang walang-kalaban-labang mga babae at mga bata, pakikinggan niya ang daing ng gayong mga tao. “Ang aking galit ay lalagablab nga,” ang sabi niya, gaya ng nakaulat sa Exodo 22:22-24. Bagaman ang galit ay hindi isa sa nangingibabaw na mga katangian ni Jehova, siya’y napupukaw sa matuwid na pagkagalit dahil sa sinasadyang mga gawa na di-makatarungan, lalo na kung ang mga biktima ay mga dukha at mahihina.—Awit 103:6.
14. Ano ang isang tunay na kahanga-hangang katibayan na walang itinatangi si Jehova?
14 Ikatlo, sa Deuteronomio 10:17, tinitiyak sa atin ng Bibliya na si Jehova ay “hindi nakikitungo kaninuman nang may pagtatangi ni tumatanggap man ng suhol.” Di-gaya ng maraming makapangyarihan o maimpluwensiyang mga tao, si Jehova ay hindi napadadala sa materyal na kayamanan o sa panlabas na anyo. Siya’y walang kinikilingan o itinatangi. Ang isang tunay na kahanga-hangang katibayan na walang itinatangi si Jehova ay ito: Ang pagkakataong maging tunay niyang mga mananamba, na may pag-asang buhay na walang hanggan, ay hindi limitado sa iilang piling tao. Sa halip, ang Gawa 10:34, 35 ay nagsasabi: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Ang pag-asang ito ay bukás sa lahat anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan, kulay ng kanilang balat, o bansang tinitirhan nila. Hindi ba’t iyan ang pinakasukdulang antas ng katarungan? Oo, ang higit na pagkaunawa sa katarungan ni Jehova ay naglálapít sa atin sa kaniya!
“O ang Lalim ng . . . Karunungan . . . ng Diyos!”
15. Ano ang karunungan, at paano ito ipinamamalas ni Jehova?
15 Napakilos si apostol Pablo na bumulalas, gaya ng nakaulat sa Roma 11:33: “O ang lalim ng . . . karunungan at kaalaman . . . ng Diyos!” Oo, habang binubulay-bulay natin ang iba’t ibang aspekto ng pagkalawak-lawak na karunungan ni Jehova, tiyak na malilipos tayo ng panggigilalas. Kung gayon, paano natin bibigyang-kahulugan ang katangiang ito? Ang karunungan ay ang pagkakapit ng kaalaman, kaunawaan, at unawa upang matamo ang ninanais na resulta. Sa paggamit ng kaniyang malawak na kaalaman at ng kaniyang malalim na unawa, si Jehova ay laging gumagawa ng pinakamagagaling na desisyon, anupat isinasagawa ang mga ito sa pamamagitan ng pinakamagaling na pagkilos na maaaring isipin.
16, 17. Paano nagpapatotoo ang mga nilalang ni Jehova sa kaniyang pagkalawak-lawak na karunungan? Magbigay ng halimbawa.
16 Ano ang ilang espesipikong katibayan ng pagkalawak-lawak na karunungan ni Jehova? Ganito ang sabi ng Awit 104:24: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.” Oo, habang mas marami tayong natututuhan tungkol sa mga ginawa ni Jehova, lalo tayong nanggigilalas sa kaniyang karunungan. Aba, napakalaki ng natutuhan ng mga siyentipiko sa pag-aaral nila sa mga nilalang ni Jehova! May isa pa ngang larangan ng inhinyeriya, na tinatawag na biomimetics, na ang hangarin ay magaya ang mga disenyong nakikita sa kalikasan.
17 Halimbawa, marahil ay napapatitig ka sa paghanga sa kagandahan ng isang bahay ng gagamba. Tunay na ito’y isang kamangha-manghang disenyo. Ang ilang mukhang marurupok na hibla ay mas matibay pa sa kasinlaki nitong bakal at mas makunat pa sa mga hibla ng tsalekong di-tinatablan ng bala. Ano ba ang talagang kahulugan nito? Gunigunihin ang isang sapot ng gagamba na pinalaki hanggang sa mákasukát ng isang lambat na ginagamit sa pangisdang bangka. Ang gayong sapot ay napakatibay anupat kaya nitong pahintuin ang isang humahagibis na eroplanong pampasahero! Oo, ginawa ni Jehova ang lahat ng mga bagay na ito “sa karunungan.”
18. Paano nakikita ang karunungan ni Jehova sa kaniyang paggamit ng mga tao upang isulat ang kaniyang Salita, ang Bibliya?
18 Ang pinakamalaking katibayan ng karunungan ni Jehova ay masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang matalinong payo na masusumpungan sa mga pahina nito ay tunay na nagpapakita sa atin ng pinakamahusay na paraan ng pamumuhay. (Isaias 48:17) Subalit ang walang-katulad na karunungan ni Jehova ay makikita rin sa paraan ng pagkakasulat sa Bibliya. Paano? Dahil sa kaniyang karunungan, minabuti ni Jehova na gamitin ang mga tao upang isulat ang kaniyang Salita. Kung ang ginamit niya ay mga anghel upang isulat ang kinasihang Salita, magkakaroon kaya ang Bibliya ng gayunding pang-akit? Totoo nga’t mailalarawan ng mga anghel si Jehova mula sa kanilang matayog na pangmalas at maipahahayag ang kanilang sariling debosyon sa kaniya. Subalit mauunawaan kaya natin ang pananaw ng sakdal na mga espiritung nilalang, na ang kaalaman, karanasan, at kalakasan ay lubhang nakahihigit kaysa sa taglay natin?—Hebreo 2:6, 7.
19. Anong halimbawa ang nagpapakita na ang paggamit ng mga taong tagasulat ay nagbibigay sa Bibliya ng pambihirang puwersa at pang-akit?
19 Ang paggamit ng mga taong tagasulat ay nagbibigay sa Bibliya ng pambihirang puwersa at pang-akit. Ang mga tagasulat nito’y mga taong may damdaming gaya ng sa atin. Palibhasa’y di-sakdal, sila’y napaharap sa mga pagsubok at panggigipit na katulad ng sa atin. Sa ilang pagkakataon, isinulat nila sa unang panauhan ang tungkol sa kanilang sariling damdamin at mga pagpupunyagi. (2 Corinto 12:7-10) Kaya isinulat nila ang mga salitang hindi maipahahayag ng sinumang anghel. Kuning halimbawa ang mga salita ni David na nakatala sa Awit 51. Ayon sa superskripsiyon, kinatha ni David ang awit na ito matapos siyang makagawa ng malubhang pagkakasala. Ibinulalas niya ang laman ng kaniyang puso, na nagpapahayag ng matinding kalungkutan at nakikiusap na siya’y patawarin ng Diyos. Ang talata 2 at 3 ay nagsasabi: “Lubusan mo akong hugasan mula sa aking kamalian, at linisin mo ako mula sa aking kasalanan. Sapagkat alam ko ang aking mga pagsalansang, at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.” Pansinin ang talata 5: “Narito! Sa kamalian ay iniluwal ako na may mga kirot ng panganganak, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” Dagdag pa ng talata 17: “Ang mga hain sa Diyos ay isang wasak na espiritu; ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” Hindi mo ba nadarama ang paghihirap ng sumulat? Sino pa nga ba kundi ang isang di-sakdal na tao ang makapagpapahayag ng gayong taimtim na damdamin?
20, 21. (a) Bakit masasabing sa kabila ng paggamit ng mga taong tagasulat, ang Bibliya ay naglalaman pa rin ng karunungan ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Sa kaniyang paggamit ng gayong di-sakdal na mga tao, ibinigay ni Jehova ang talagang kailangan natin—isang ulat na “kinasihan ng Diyos” ngunit naroroon pa rin ang pananaw ng tao. (2 Timoteo 3:16) Oo, ang mga tagasulat na iyon ay ginabayan ng banal na espiritu. Sa gayon ay karunungan ni Jehova ang kanilang isinulat at hindi ang sa kanila. Ang karunungang iyan ay ganap na mapagkakatiwalaan. Napakalaki ng kahigitan nito sa ating sariling karunungan anupat maibiging hinihimok tayo ng Diyos: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Sa pagsunod sa matalinong payong iyan, tayo’y lalong nápapalapít sa ating Diyos na pinakamarunong sa lahat.
21 Ang pinakakaakit-akit at pinakamaganda sa lahat ng katangian ni Jehova ay ang pag-ibig. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano nagpapakita si Jehova ng pag-ibig.
Natatandaan Mo Ba?
• Anu-anong hakbang ang ginawa ni Jehova upang maging posible para sa atin na malinang ang matalik na pakikipagkaibigan sa kaniya?
• Ano ang ilang halimbawa ng kapangyarihang lumalang ni Jehova at ng kaniyang kapangyarihang magsanggalang?
• Sa anu-anong paraan nagsasagawa si Jehova ng katarungan?
• Paano nakikita ang karunungan ni Jehova sa kaniyang mga nilalang at gayundin sa Bibliya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 10]
Gaya ng isang pastol na binubuhat ang isang kordero sa kaniyang dibdib, si Jehova ay magiliw na nangangalaga sa Kaniyang mga tupa
[Larawan sa pahina 13]
Nakikita ang karunungan ni Jehova sa paraan ng pagkakasulat sa Bibliya