Pangkaraniwang mga Lalaki ang Nagsalin ng Bibliya
Pangkaraniwang mga Lalaki ang Nagsalin ng Bibliya
NOONG 1835, natapos ni Henry Nott, isang kanterong Ingles, at ni John Davies, isang taga-Wales na aprentis sa groseri, ang isang pagkalaki-laking proyekto. Pagkatapos magpagal nang mahigit sa 30 taon, natapos nila sa wakas ang isang salin ng buong Bibliya sa wikang Tahitiano. Anong mga hamon ang napaharap sa dalawang pangkaraniwang lalaking ito, at ano ang naging mga resulta ng kanilang gawa ng pag-ibig?
“The Great Awakening”
Noong ikalawang bahagi ng ika-18 siglo, ang mga miyembro ng isang kilusang Protestante na tinatawag na Great Awakening, o basta Awakening, ay nangangaral sa mga liwasang nayon at sa malapit na mga minahan at mga pabrika sa Britanya. Ang kanilang tunguhin ay maabot ang mga manggagawa. Pinasigla ng mga mangangaral ng Awakening ang pamamahagi ng Bibliya.
Ang tagapagpasimula ng kilusan, isang Baptist na nagngangalang William Carey, ay nagkaroon ng bahagi sa pagtatatag ng London Missionary Society (LMS) noong 1795. Sinanay ng LMS ang mga taong nagnanais matuto ng mga katutubong wika at maglingkod bilang mga misyonero sa rehiyon sa Timog Pasipiko. Ang tunguhin ng mga misyonerong ito ay upang ipangaral ang Ebanghelyo sa wika ng mga tagaroon.
Ang pulo ng Tahiti, na katutuklas pa lamang noon, ay naging unang larangang pangmisyonero para sa LMS. Para sa mga miyembro ng Awakening, ang mga pulóng ito ay ‘madidilim na lugar’ ng paganismo, kabukirang handa nang anihin.
Matagumpay na Hinarap ng Pangkaraniwang mga Tao ang Mahirap na Atas
Upang matipon ang ani, mga 30 misyonero na dali-daling pinili at hindi pa gaanong handa ang sumakay sa Duff, isang bapor na binili ng LMS. Ang ulat ay nagtala ng “apat na ordenadong pastor [na walang pormal na pagsasanay], anim na karpintero, dalawang sapatero, dalawang kantero, dalawang manghahabi, dalawang sastre, isang tindero, isang manggagawa ng siya ng kabayo, isang alila, isang hardinero, isang manggagamot, isang panday, isang manggagawa ng batya, isang manggagawa ng bulak, isang manggagawa ng sumbrero, isang manggagawa ng tela, isang manggagawa ng kabinet, limang asawang babae, at tatlong anak.”
Ang tanging mga kasangkapang taglay ng mga misyonerong ito para matutuhan ang orihinal na mga wika ng Bibliya ay isang diksyunaryong Griego-Ingles
at isang Bibliya na may diksyunaryong Hebreo. Sa loob ng pitong buwan sa dagat, isinaulo ng mga misyonero ang ilang salitang Tahitiano na inilista ng mga dating bumisita roon, na ang karamihan sa kanila ay mga rebelde sa Bounty. Sa wakas, ang Duff ay dumating sa Tahiti, at noong Marso 7, 1797, lumunsad ang mga misyonero. Gayunman, paglipas ng isang taon, ang karamihan ay nasiraan ng loob at lumisan. Pitong misyonero na lamang ang natira.Sa pitong iyon, si Henry Nott, na dating kantero, ay 23 taóng gulang pa lamang. Batay sa unang mga liham na kaniyang isinulat, mayroon lamang siyang saligang edukasyon. Gayunpaman, pasimula pa lamang ay pinatunayan na niyang siya’y madaling matuto ng wikang Tahitiano. Inilarawan siya bilang tapat, relaks, at masayahin.
Noong 1801, si Nott ay napili upang magturo ng Tahitiano sa siyam na bagong datíng na misyonero. Kabilang sa mga ito ang 28-taóng-gulang na si John Davies na taga-Wales, na napatunayang isang mahusay na estudyante at isang masipag na manggagawa na hindi madaling magalit at bukas-palad. Hindi nagtagal, nagpasiya ang dalawang lalaking ito na isalin ang Bibliya sa wikang Tahitiano.
Isang Mahirap na Atas
Gayunman, ang pagsasalin sa wikang Tahitiano ay napatunayang isang mahirap na atas, sapagkat ang Tahitiano ay hindi pa isang nakasulat na wika noon. Kailangang lubusang matutuhan ito ng mga misyonero sa pamamagitan lamang ng pakikinig. Wala sila ni isang diksyunaryo, ni isang aklat sa balarila. Dahil sa mga tunog ng wika na inihihingang palabas na may impit sa dulo, sa napakarami nitong sunud-sunod na mga patinig (hanggang lima sa isang salita), at sa iilang katinig nito, nasiraan ng loob ang mga misyonero. “Maraming salita ang puro patinig lamang, at bawat isa ay may kani-kaniyang tunog,” ang hinagpis nila. Kanilang inamin na hindi nila “marinig ang eksaktong tunog ng mga salita na kailangan nila.” Inakala pa nga nila na hindi umiiral ang mga tunog na naririnig nila!
Ang mas mahirap pa nito, sa pana-panahon ay ipinagbabawal ang ilang salita sa wikang Tahitiano anupat kailangang palitan ang mga ito. Ang mga salitang magkasingkahulugan ay nagbibigay ng isa pang sakit ng ulo. Para sa salitang “panalangin,” may mahigit itong 70 termino sa wikang Tahitiano. Ang pagbuo ng mga pangungusap sa wikang Tahitiano, na ibang-iba sa Ingles, ay isa pang hamon. Sa kabila ng mga suliraning ito, ang mga misyonero ay unti-unting nakaipon ng mga nakalistang salita na sa dakong huli makalipas ang 50 taon ay inilathala ni Davies bilang isang diksyunaryong may 10,000 salita.
Karagdagan pa, naririyan ang hamon sa pagsulat ng wikang Tahitiano. Sinikap ng mga misyonero na gawin iyon sa pamamagitan ng paggamit ng naitatag na ortograpiyang Ingles. Gayunman, ang paggamit sa Ingles ng alpabetong Latin ay hindi katugma ng tunog ng wikang Tahitiano. Kaya, sumunod ang walang-katapusang talakayan hinggil sa palatinigan at pagbaybay. Kadalasang umiimbento ang mga misyonero ng bagong mga pagbaybay, yamang sila ang mga nauna sa South Seas na gumawa ng nasusulat na anyo ng wika na dati’y binibigkas lamang. Wala silang kamalay-malay na sa dakong huli, ang kanilang ginawa ay magiging modelo para sa maraming wika sa Timog Pasipiko.
Kapos sa mga Kasangkapan Subalit Sagana sa Pamamaraan
Ang mga tagapagsalin ay nagtataglay ng iilan lamang aklat na maaaring gamitin bilang reperensiya. Iniutos ng LMS na gamitin nila ang Textus Receptus at ang King James Version bilang saligang mga teksto. Hiniling ni Nott sa LMS na magpadala ng karagdagang diksyunaryong Hebreo at Griego at gayundin ng mga Bibliya sa dalawang wikang iyon. Hindi natin alam kung natanggap niya ang mga aklat na iyon. Tungkol kay Davies, tumanggap siya ng ilang akademikong aklat mula sa mga kaibigan niya sa Wales. Ang rekord ay nagpapakita na sa paanuman ay nagkaroon siya ng isang diksyunaryong Griego, isang Bibliyang Hebreo, isang Bagong Tipan sa Griego, at ng Septuagint.
Samantala, nanatiling di-mabunga ang gawaing pangangaral ng mga misyonero. Bagaman ang mga misyonero ay 12 taon na sa Tahiti, wala kahit isang tagaroon ang nabautismuhan. Sa wakas, dahil sa patuloy na gera sibil, napilitan ang lahat ng misyonero na tumakas tungo sa Australia maliban
kay Nott na desididong magpaiwan. Sa ilang panahon, siya lamang ang tanging misyonerong nanatili sa Windward Islands na nasa grupo ng Society Islands, subalit siya’y kinailangang sumunod kay Haring Pomare II nang tumakas ang hari sa kalapit na pulo ng Moorea.Gayunman, ang pag-alis ni Nott ay hindi nagpahinto sa gawaing pagsasalin, anupat pagkatapos ng dalawang taóng pananatili ni Davies sa Australia, muli itong sumama kay Nott. Samantala, si Nott ay nag-aral ng Griego at Hebreo at siya’y naging dalubhasa sa mga wikang iyon. Dahil dito, sinimulan niyang isalin ang ilang bahagi ng Hebreong Kasulatan sa wikang Tahitiano. Pumili siya ng mga teksto sa Bibliya na naglalaman ng mga ulat na madaling maintindihan ng mga taong katutubo.
Sa paggawang kasama ni Davies, sinimulan ni Nott na isalin ang Ebanghelyo ni Lucas, na natapos noong Setyembre 1814. Gumawa siya ng isang salin na natural sa wikang Tahitiano, samantalang inihambing naman ni Davies ang salin sa orihinal na mga teksto. Noong 1817, hiniling ni Haring Pomare II na siya ang personal na mag-imprenta ng unang pahina ng Ebanghelyo ni Lucas. Ginawa niya iyon sa isang maliit na manu-manong palimbagan na dinala sa Moorea ng ibang mga misyonero. Ang istorya ng salin ng Bibliya sa wikang Tahitiano ay hindi magiging kumpleto kung hindi babanggitin ang isang tapat na Tahitiano na nagngangalang Tuahine, na nanatiling kasama ng mga misyonero sa paglipas ng mga taon at tumulong sa kanila na maunawaan ang maliliit na detalye ng wikang iyon.
Natapos ang Pagsasalin
Noong 1819, pagkatapos ng anim na taóng pagpapagal, ang pagsasalin ng mga Ebanghelyo, Mga Gawa ng mga Apostol, at aklat ng mga Awit ay nakumpleto. Isang palimbagan, na dala ng kararating na mga misyonero, ang nagpabilis sa pag-iimprenta at pamamahagi ng mga aklat na ito ng Bibliya.
Isang yugto ng puspusang pagsasalin, pagwawasto, at pagrerebisa ang sumunod. Pagkatapos manirahan sa Tahiti sa loob ng 28 taon, si Nott ay nagkasakit noong 1825, anupat pinahintulutan siya ng LMS na maglayag pabalik sa Inglatera. Nakatutuwa na sa panahong iyon, ang salin ng Griegong Kasulatan ay halos tapos na. Ipinagpatuloy niya ang pagsasalin ng natitirang bahagi ng Bibliya sa panahon ng kaniyang paglalakbay patungong Inglatera at sa kaniyang paninirahan doon. Si Nott ay bumalik sa Tahiti noong 1827. Makalipas ang walong taon, noong Disyembre 1835, tumigil siya sa pagsasalin. Pagkalipas ng mahigit na 30 taóng pagpapagal, ang buong Bibliya ay naisalin.
Noong 1836, si Nott ay naglakbay pabalik sa Inglatera upang maipaimprenta sa London ang buong Bibliyang Tahitiano. Noong Hunyo 8, 1838, ipinagkaloob ng galak na galak na si Nott kay Reyna Victoria ang kauna-unahang nakalimbag na edisyon ng Bibliya sa wikang Tahitiano. Mauunawaan na isang madamdaming sandali ito para sa dating kantero na 40 taon ang kaagahan ay naglayag
sa Duff at sumunod sa kultura ng Tahitiano upang makumpleto ang kaniyang pagkalaki-laki at panghabang-buhay na gawaing ito.Pagkalipas ng dalawang buwan, si Nott ay bumalik sa Timog Pasipiko taglay ang 27 kahon na naglalaman ng unang 3,000 kopya ng kumpletong Bibliya sa wikang Tahitiano. Pagkatapos tumigil sa Sydney, muli siyang nagkasakit, subalit tumangging mapahiwalay sa napakahalagang mga kahong iyon. Matapos gumaling, nakarating siya sa Tahiti noong 1840, kung saan sinugod ng mga tao ang kaniyang dalang mga kahon upang makakuha ng mga kopya ng Bibliyang Tahitiano. Si Nott ay namatay sa Tahiti noong Mayo 1844 sa edad na 70.
Isang Napakalawak na Epekto
Gayunman, nanatili ang akda ni Nott. Ang kaniyang salin ay nagkaroon ng napakalawak na epekto sa mga wikang Polynesian. Sa pagkakaroon ng nasusulat na wikang Tahitiano, napanatili ng mga misyonero ang wikang iyon. Isang awtor ang nagsabi: “Si Nott ang nagtakda ng klasikong balarilang Tahitiano. Kakailanganing laging basahin ang Bibliya upang matutuhan ang tunay na wikang Tahitiano.” Dahil sa matiyagang paggawa ng mga tagapagsaling ito, napanatili ang libu-libong salita na sana’y nabaon na sa limot. Makalipas ang isang siglo, isang awtor ang nagsabi: “Ang kamangha-manghang Bibliyang Tahitiano ni Nott ay isang obra maestra ng wikang Tahitiano—sang-ayon dito ang lahat.”
Hindi lamang mga Tahitiano ang nakinabang sa mahalagang gawang ito kundi naitatag din nito ang isang pundasyon para sa iba pang mga salin sa mga wika sa Timog Pasipiko. Halimbawa, ginamit itong modelo ng mga tagapagsalin sa Cook Islands at Samoa. “Sadyang tinularan ko si G. Nott, na ang salin ay maingat kong sinuri,” ang sabi ng isang tagapagsalin. Iniulat na isa pang tagapagsalin ‘ang gumamit ng Hebreong aklat ng mga Awit at ng mga bersiyong Ingles at Tahitiano’ habang ‘isinasalin niya sa wikang Samoano ang isa sa mga awit ni David.’
Bilang pagsunod sa halimbawa ng mga miyembro ng Awakening sa Inglatera, masiglang itinaguyod ng mga misyonero sa Tahiti ang pagbasa at pagsulat. Sa katunayan, sa mahigit na isang siglo, ang Bibliya ang tanging aklat na magagamit ng mamamayan ng Tahiti. Ito kung gayon ay naging isang mahalagang bahagi ng kulturang Tahiti.
Ang malimit na paglitaw ng banal na pangalan sa Hebreo at Griegong Kasulatan ay isa sa pinakamagagandang katangian ng Nott Version. Bilang resulta, kilalang-kilala na sa ngayon ang pangalan ni Jehova sa Tahiti at sa mga pulo nito. Makikita pa nga ito sa ilang simbahang Protestante. Gayunman, ang pangalan ng Diyos ay talagang nauugnay sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang masigasig na gawaing pangangaral, kung saan lubos nilang ginagamit ang Bibliyang Tahitiano na isinalin ni Nott at ng kaniyang mga katulong. At ang puspusang mga pagsisikap na ginawa ng gayong mga tagapagsaling kagaya ni Henry Nott ay nagpapaalaala sa atin kung gaano kalaki ang dapat na maging pasasalamat natin na kaagad makukuha ang Salita ng Diyos ng karamihan ng mga tao sa ngayon.
[Mga larawan sa pahina 26]
Unang mga salin ng Bibliya sa Tahitiano noong 1815. Lumilitaw ang pangalan ni Jehova
Si Henry Nott (1774-1844), ang pangunahing tagapagsalin ng Bibliyang Tahitiano
[Credit Lines]
Bibliyang Tahitiano: Copyright the British Library (3070.a.32); Henry Nott at liham: Collection du Musée de Tahiti et de ses Îles, Punaauia, Tahiti; katesismo: With permission of the London Missionary Society Papers, Alexander Turnbull Library, Wellington, New Zealand
[Larawan sa pahina 28]
Ang katesismo ng 1801 sa dalawang wika na Tahitiano at Welsh, kung saan lumilitaw ang pangalan ng Diyos
[Credit Line]
With permission of the London Missionary Society Papers, Alexander Turnbull Library, Wellington, New Zealand
[Larawan sa pahina 29]
Simbahang Protestante na may pangalan ni Jehova sa harapan, sa pulo ng Huahine, French Polynesia
[Credit Line]
Avec la permission du Pasteur Teoroi Firipa