“Pinunan Nito ang Puwang sa Aking Puso”
“Pinunan Nito ang Puwang sa Aking Puso”
“BUONG-PUSO akong nagpapasalamat sa inyo sa magandang regalo na Maging Malapít kay Jehova. Pinunan nito ang puwang sa aking puso—ang pangangailangang makadama ng pag-ibig at pagmamahal ni Jehova. Nadarama ko ngayon na higit akong nápalapít kay Jehova at sa kaniyang mahal na Anak. Gusto kong masabi sa lahat ng tao ang tungkol sa aklat na ito at makapagbigay ng kopya sa lahat ng mahal ko sa buhay.” Ganito ang nadama ng isang Saksi ni Jehova tungkol sa bagong 320-pahinang aklat na inilabas sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon na ginanap noong 2002/03. Suriin natin ang ilang katangian ng bagong aklat na ito at kung bakit ito inilathala.
Ilang Katangian ng Bagong Aklat
Ano ang nilalaman ng bagong aklat na ito? Lahat ng impormasyong iniharap sa dalawang araling artikulo sa isyung ito—at napakarami pa! Ang aklat ay may 31 kabanata, na bawat isa ay halos kasinghaba ng isang araling artikulo sa Bantayan. Pagkatapos ng paunang salita at ng unang tatlong kabanata, ang aklat ay hinati sa apat na seksiyon, isa sa bawat pangunahing katangian ni Jehova. Bawat seksiyon ay nagsisimula sa isang sumaryo ng katangian. Ang sumunod na ilang kabanata ay tumatalakay naman kung paano ipinamamalas ni Jehova ang katangiang iyan. Ang bawat seksiyon ay naglalaman ng isang kabanata tungkol kay Jesus. Bakit? Buweno, sinabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Yamang isang sakdal na larawan ni Jehova, si Jesus ay naglalaan sa atin ng matitingkad na halimbawa ng pagpapakita ng mga katangian ng Diyos. Ang bawat seksiyon ay nagtatapos sa isang kabanatang nagtuturo sa atin kung paano matutularan si Jehova sa pagpapamalas ng isinasaalang-alang na katangian. Sa pagtalakay sa mga katangian ni Jehova, ang bagong aklat na ito ay bumabanggit sa bawat aklat ng Bibliya.
Ang aklat na Maging Malapít kay Jehova ay mayroon ding ilang pambihirang katangian. Mula sa kabanata 2, bawat kabanata ay may isang kahon na pinamagatang “Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay.” Ang inilaang mga teksto at mga tanong ay hindi para sa pagrerepaso ng kabanata. Sa halip, ang mga ito’y dinisenyo upang tulungan kang gumamit ng Bibliya sa iyong malalim na pagbubulay-bulay hinggil sa paksa. Iminumungkahi na basahin mong mabuti ang bawat talata sa Kasulatan. Pagkatapos ay pag-isipang mabuti ang tanong at pagsikapang ikapit ito sa sarili. Ang gayong pagbubulay-bulay ay magpapasigla sa iyong puso, anupat tutulong sa iyo na higit pang mápalapít kay Jehova.—Awit 19:14.
Ang mga larawan sa Maging Malapít kay Jehova ay maingat na sinaliksik at inihanda upang makapagturo at makaganyak. Labimpitong kabanata ang naglalaman ng magaganda at buong-pahinang larawan ng mga eksena sa Bibliya.
Bakit Kaya Inilathala?
Bakit kaya inilathala ang aklat na Maging Malapít kay Jehova? Ang pangunahing layunin ng bagong publikasyong ito ay upang tulungan tayong higit pang makilala si Jehova nang sa gayon ay magkaroon tayo ng mas matibay at personal na kaugnayan sa ating Diyos.
May naiisip ka bang sinuman na maaaring makinabang sa aklat na Maging Malapít kay Jehova, marahil isang estudyante sa Bibliya o maging isang di-aktibong kapatid na Kristiyano? Ikaw naman—binabasa mo na ba ang bagong aklat na ito? Kung hindi pa, bakit hindi mag-iskedyul na simulan ito sa lalong madaling panahon? Gumugol ng panahon sa pagbubulay-bulay sa iyong binabasa. Matulungan ka sana ng bagong publikasyong ito na higit pang mápalapít sa Diyos na Jehova, upang maihayag mo ang kaniyang mabuting balita ng Kaharian taglay ang matinding galak at sigasig!