Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Nasumpungan Niya ang Lakas Upang Magbago
Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Nasumpungan Niya ang Lakas Upang Magbago
INILARAWAN ni Sandra, isang babae mula sa Mexico, ang sarili niya bilang ang masamang anak sa kanilang pamilya. Nasira ang mga taon ng kaniyang pagkatin-edyer dahil sa pagkakatakwil at sa kakulangan ng pagmamahal. Sinabi niya: “Dumaan ako sa aking kabataan taglay ang namamalaging damdamin ng kawalang-halaga at maraming pag-aalinlangan tungkol sa aking pag-iral at tungkol sa takbo ng buhay.”
Nasa haiskul pa lamang, nagsimula nang uminom si Sandra ng alak na pag-aari ng kaniyang ama sa kanilang tahanan. Nang maglaon, nagsimula na siyang bumili ng sarili niyang inuming de-alkohol at siya’y naging alkoholiko. “Wala akong dahilan para mabuhay,” ang pag-amin niya. Dahil sa kawalan ng pag-asa, bumaling si Sandra sa droga. “Ang tanging nakatulong sa akin upang malimutan ang mga problema ko,” ang sabi niya, “ay ang dala-dala ko sa aking bag: isang bote ng alak, ilang droga, o kaunting marihuwana.”
Nang magtapos si Sandra sa kaniyang pag-aaral ng medisina, lalo siyang nalulong sa alkoholismo. Sinubukan niyang tapusin ang kaniyang buhay. Ngunit siya ay nakaligtas.
Nabigo si Sandra sa paghahanap ng espirituwal na tulong at emosyonal na suporta mula sa iba’t ibang relihiyon. Dahil nasiraan ng loob at tuluyang bumigay sa kawalang-pag-asa, paulit-ulit siyang dumaing sa Diyos: “Nasaan ka? Bakit hindi mo ako tulungan?” Sumagad na ang pagkawala ng kaniyang pagpapahalaga sa sarili hanggang sa may nakipag-usap sa kaniya na isa sa mga Saksi ni Jehova. Umakay ito sa isang personal na pag-aaral ng Bibliya. Labis na naantig si Sandra nang kaniyang malaman na “si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso.”—Awit 34:18.
Tinulungan si Sandra ng kaniyang guro sa Bibliya upang maunawaang talastas ng Diyos na Jehova na tayo ay mahina dahil sa kasalanan at di-kasakdalan na minana natin kay Adan. Natanto ni Sandra na nauunawaan ng Diyos na tayo ay hindi lubusang makaaabot sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Awit 51:5; Roma 3:23; 5:12, 18) Nagalak siyang malaman na si Jehova ay hindi nagtutuon ng pansin sa ating mga kahinaan, at hindi siya umaasa ng higit sa makakaya nating gawin. Nagtanong ang salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?”—Awit 130:3.
Ang isang mahalagang katotohanan sa Bibliya na ikinasiya ni Sandra ay ang haing pantubos ni Jesu-Kristo. Sa pamamagitan nito, may-kaawaang pinagkalooban ni Jehova ang masunuring mga tao ng matuwid na katayuan sa kabila ng kanilang mga di-kasakdalan. (1 Juan 2:2; 4:9, 10) Oo, makakamit natin ang “kapatawaran ng ating mga pagkakamali” at sa gayon ay matutulungan tayong mapagtagumpayan ang anumang damdamin ng kawalang-halaga.—Efeso 1:7.
Natuto si Sandra ng mahahalagang aral mula sa halimbawa ni apostol Pablo. Lubhang nagpahalaga si Pablo sa kabaitan ng Diyos dahil sa magiliw na pagpapatawad sa dati niyang mga pagkakamali at pag-alalay sa kaniyang puspusang pakikipaglaban upang mapagtagumpayan ang pabalik-balik na mga kahinaan. (Roma 7:15-25; 1 Corinto 15:9, 10) Itinuwid ni Pablo ang landasin ng kaniyang buhay, anupat ‘binubugbog ang kaniyang katawan at ginagawa itong alipin’ upang makapanatili sa landasing sinasang-ayunan ng Diyos. (1 Corinto 9:27) Hindi niya hinayaang mapaalipin ang kaniyang sarili sa makasalanang hilig nito.
Awit 55:22; Santiago 4:8) Sa pagkadamang may personal na interes sa kaniya ang Diyos, nabago ni Sandra ang kaniyang istilo ng pamumuhay. “Nakamit ko ang kaligayahan sa pagtuturo ng Bibliya sa iba nang buong panahon,” ang sabi niya. Nagkaroon si Sandra ng pribilehiyo na tulungan ang kaniyang ate at ang kaniyang nakababatang kapatid na babae na makilala si Jehova. Habang ‘gumagawa siya ng mabuti,’ ginagamit din niya ang kaniyang mga kasanayan sa medisina bilang boluntaryo sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.—Galacia 6:10.
Ginambala si Sandra ng kaniyang mga kahinaan, ngunit patuloy siyang nakipaglaban sa mga ito. Taimtim siyang nanalangin kay Jehova upang tulungan siyang mapagtagumpayan ang mga ito at naghangad ng kaniyang kaawaan. (Kumusta naman ang mga bisyo ni Sandra? May-katiyakan niyang sinabi: “Malinaw na ang aking isipan. Hindi na ako umiinom, naninigarilyo, o gumagamit ng mga droga. Hindi ko kailangan ang mga ito. Nasumpungan ko na ang aking hinahanap.”
[Blurb sa pahina 9]
“Nasumpungan ko na ang aking hinahanap”
[Kahon sa pahina 9]
May Epekto ang mga Simulain ng Bibliya
Narito ang ilan sa mga simulain ng Bibliya na nakatulong sa marami upang makalaya mula sa nagpaparungis na mga bisyo:
“Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Pinagpapala ng Diyos yaong nagsipaglinis ng kanilang mga sarili mula sa karungisan, anupat umiiwas sa maruruming gawain.
“Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” (Kawikaan 8:13) Ang may-pagpipitagang pagkatakot sa Diyos ay makatutulong sa isang tao na makalaya mula sa masasamang bisyo, lakip na ang pag-abuso sa droga. Bukod sa napalulugdan si Jehova, ang nagbagong taong iyon ay naipagsasanggalang laban sa nakatatakot na mga sakit.
“Magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala.” (Tito 3:1) Sa maraming lugar, ang pagmamay-ari o paggamit ng ilang droga ay isang paglabag sa batas. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi nagmamay-ari o gumagamit ng ipinagbabawal na mga droga.