Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eusebius—“Ang Ama ng Kasaysayan ng Simbahan”?

Eusebius—“Ang Ama ng Kasaysayan ng Simbahan”?

Eusebius​—“Ang Ama ng Kasaysayan ng Simbahan”?

NOONG taóng 325 C.E., ipinatawag sa Nicaea ni Emperador Constantino ng Roma ang lahat ng obispo. Ang kaniyang layunin: lutasin ang labis na pinagtatalunang isyu tungkol sa kaugnayan ng Diyos sa kaniyang Anak. Kabilang sa mga naroroon ang lalaking itinuturing na pinakamarunong noong kapanahunan niya, si Eusebius ng Cesarea. Masikap na pinag-aralan ni Eusebius ang Kasulatan at naging tagapagtanggol ng monoteismong Kristiyano.

Sa Konseho ng Nicaea, “si Constantino mismo ang nangasiwa,” ang sabi ng The Encyclopædia Britannica, anupat “aktibo niyang pinatnubayan ang mga talakayan, at personal na ipinanukala . . . ang maselan na pormula na nagpapahayag ng kaugnayan ni Kristo sa Diyos ayon sa kredong pinalabas ng konseho, ‘na sila ay magkaisang sangkap ng Ama’ . . . Dahil sa takot sa emperador, ang mga obispo, maliban sa dalawa, ay pumirma sa kredo kahit na laban ito sa paniniwala ng karamihan sa kanila.” Si Eusebius ba ay kabilang sa hindi pumirma? Anong aral ang matututuhan natin hinggil sa naging paninindigan niya? Suriin natin ang tungkol kay Eusebius​—ang kaniyang mga kuwalipikasyon at mga naisagawa.

Ang Katangi-tangi Niyang mga Akda

Malamang na si Eusebius ay ipinanganak sa Palestina noong mga 260 C.E. Sa murang edad, sumama siya kay Pamphilus, isang tagapangasiwa ng simbahan sa Cesarea. Sa pagpasok sa teolohikal na paaralan ni Pamphilus, si Eusebius ay naging isang masigasig na estudyante. Masikap niyang ginamit ang kahanga-hangang aklatan ni Pamphilus. Puspusan ang mga pag-aaral na ginawa ni Eusebius, lalo na ang pag-aaral sa Bibliya. Siya rin ay naging matapat na kaibigan ni Pamphilus, anupat nang maglaon ay tinawag ang kaniyang sarili na “si Eusebius na anak ni Pamphilus.”

Tungkol sa kaniyang mga hangarin, si Eusebius ay nagsabi: “Layunin kong isulat ang salaysay hinggil sa paghahali-halili ng banal na mga Apostol at hinggil sa mga panahong lumipas mula noong kapanahunan ng ating Tagapagligtas hanggang sa atin; upang isalaysay kung paanong ang marami at mahahalagang pangyayari ay sinasabing naganap sa kasaysayan ng simbahan; at upang banggitin yaong mga namahala at nangasiwa sa simbahan sa pinakaprominenteng mga parokya, at yaong mga nagpahayag ng salita ng Diyos sa bawat salinlahi sa pamamagitan man ng bibig o ng sulat.”

Si Eusebius ay natatandaan dahil sa kaniyang kahanga-hangang akda na pinamagatang History of the Christian Church. Ang kaniyang sampung tomo na inilimbag noong mga 324 C.E. ay itinuturing na siyang pinakamahalagang naisulat na kasaysayan ng simbahan mula pa noong unang panahon. Bunga ng naisagawa niyang ito, nakilala si Eusebius bilang ang ama ng kasaysayan ng simbahan.

Bukod sa Church History, isinulat din ni Eusebius ang Chronicle, sa dalawang tomo. Ang unang tomo ay isang sumaryo ng kasaysayan ng daigdig. Noong ikaapat na siglo, ito ang naging pamantayang teksto na kinokonsulta may kaugnayan sa kronolohiya ng daigdig. Ang ikalawang tomo ay bumanggit ng mga petsa ng makasaysayang mga pangyayari. Sa paggamit ng magkakaagapay na tudling, ipinakita ni Eusebius ang paghahali-halili ng mga maharlika ng iba’t ibang bansa.

Isinulat ni Eusebius ang dalawa pang makasaysayang akda, na pinamagatang Martyrs of Palestine at Life of Constantine. Ang unang akda ay sumasaklaw sa mga taon ng 303-10 C.E. at tumatalakay sa mga martir noong panahong iyon. Malamang na nakita mismo ni Eusebius ang mga pangyayaring iyon. Ang huling nabanggit na akda, na inilathala bilang isang set ng apat na aklat pagkamatay ni Emperador Constantino noong 337 C.E., ay naglalaman ng mahahalagang detalye ng kasaysayan. Sa halip na isang nakasulat na kasaysayan lamang, ang kalakhang bahagi nito ay papuri.

Kasali sa mga akda ni Eusebius hinggil sa pagtatanggol ay ang sagot niya kay Hierocles​—isang kakontemporaryo niyang gobernador na Romano. Nang sumulat si Hierocles laban sa mga Kristiyano, si Eusebius ay gumawa ng pagtatanggol. Bukod diyan, bilang suporta sa pagiging may-akda ng Diyos sa Kasulatan, isinulat niya ang 35 aklat, na itinuturing na pinakamahalaga at pinakamaingat na akda sa lahat ng mga katulad nito. Ang unang 15 sa mga aklat na ito ay nilayong ipagtanggol ang ginawang pagtanggap ng mga Kristiyano sa sagradong mga akda ng mga Hebreo. Ang 20 iba pa ay nagpapatunay na tama ang mga Kristiyano sa paglabag sa mga alituntuning Judio at sa pagsunod sa bagong mga simulain at kaugalian. Ang mga aklat na ito ay sama-samang naghaharap ng malawakang pagtatanggol sa Kristiyanismo batay sa pagkaunawa ni Eusebius.

Nabuhay si Eusebius nang mga 80 taon (c.260-c.340 C.E.) at naging isa sa pinakamabungang mga manunulat noong unang panahon. Ang kaniyang mga akda ay sumasaklaw sa mga pangyayaring naganap sa loob ng unang tatlong siglo hanggang sa panahon ni Emperador Constantino. Sa huling bahagi ng kaniyang buhay, ang kaniyang trabaho bilang isang manunulat ay naragdagan pa ng mga gawain niya bilang obispo ng Cesarea. Bagaman higit na nakilala bilang isang istoryador, si Eusebius ay naging isa ring apolohista, topograpo, mangangaral, kritiko, at manunulat ng relihiyon.

Ang Dalawang Layunin Niya

Bakit sinimulan ni Eusebius ang gayong pagkalaki-laking mga proyekto? Ang kasagutan ay masusumpungan sa kaniyang paniniwala na nabubuhay siya sa isang panahon ng pagbabago tungo sa isang bagong yugto ng kasaysayan. Naniniwala siya na may mahahalagang pangyayaring naganap sa nagdaang mga salinlahi at ang isang nasusulat na rekord ay kailangan para sa susunod na mga salinlahi.

Si Eusebius ay may karagdagan pang layunin​—ang pagiging apolohista. Naniniwala siya na ang Kristiyanismo ay buhat sa Diyos. Subalit tutol ang ilan sa ideyang ito. Si Eusebius ay sumulat: “Layunin ko rin na banggitin ang mga pangalan at ang dami at dalas ng mga taong nakagawa ng pinakamalalaking pagkakamali dahil sa paghahangad ng bagong ideya, at nagpahayag na sila ay nakatuklas ng kaalaman, na kabulaanan naman, anupat naging tulad sila ng mga mababangis na lobo na walang-awang sumila sa kawan ni Kristo.”

Itinuring ba ni Eusebius ang kaniyang sarili na isang Kristiyano? Mukhang gayon nga, sapagkat tinukoy niya si Kristo bilang ang “ating Tagapagligtas.” Sinabi niya: “Binabalak ko . . . na isalaysay ang mga kasawian na karaka-rakang sumapit sa buong bansang Judio dahil sa kanilang mga pakana laban sa ating Tagapagligtas, at iulat ang mga paraan at dalas ng pagtuligsa ng mga Gentil sa salita ng Diyos, at ilarawan ang pagkatao ng mga nakipaglaban para rito sa iba’t ibang panahon sa kabila ng pagdanak ng dugo at mga pagpapahirap, at gayundin ang hayagang pagpapakita ng katapatan sa ating kapanahunan, at ang maawain at mabait na tulong na ipinagkaloob sa kanilang lahat ng ating Tagapagligtas.”

Ang Kaniyang Malawak na Pagsasaliksik

Ang bilang ng mga aklat na personal na binasa at ginawang reperensiya ni Eusebius ay pagkarami-rami. Dahil lamang sa mga akda ni Eusebius kung kaya nakilala ang maraming prominenteng indibiduwal noong unang tatlong siglo ng ating Karaniwang Panahon. Ang kapaki-pakinabang na mga ulat na nagsisiwalat ng mahahalagang impormasyon hinggil sa serye ng organisadong mga gawain ay makikita lamang sa kaniyang mga isinulat. Nagmula ang mga ito sa mga reperensiyang hindi na umiiral sa ngayon.

Sa pagtitipon ng materyal, si Eusebius ay masikap at lubhang maingat. Waring masusi niyang kinilala ang pagkakaiba ng mga ulat na mapagkakatiwalaan at di-mapagkakatiwalaan. Subalit may kapintasan din ang kaniyang mga gawa. Kung minsan ay mali ang kaniyang paliwanag at mali pa nga ang unawa niya sa mga tao at sa kanilang mga pagkilos. Kung minsan, siya’y mali sa kronolohiya. Kapos din ang kakayahan ni Eusebius sa artistikong presentasyon. Gayunman, sa kabila ng maliwanag na mga pagkukulang na ito, marami sa kaniyang akda ang kinikilala bilang walang-katumbas na kabang-yaman.

Isa Bang Maibigin sa Katotohanan?

Ikinabahala ni Eusebius ang hindi pa nalulutas na isyu tungkol sa talagang kaugnayan ng Ama at ng Anak. Umiral ba ang Ama nang una sa Anak, gaya ng paniniwala ni Eusebius? O magkasabay bang umiral ang Ama at ang Anak? “Kung sila ay magkasabay na umiral,” ang tanong niya, “paanong ang Ama ay magiging Ama at ang Anak ay magiging Anak?” Sinuhayan pa nga niya ang kaniyang paniniwala sa pamamagitan ng mga reperensiya sa Kasulatan, na binabanggit ang Juan 14:28, na nagsasabing ‘ang Ama ay lalong dakila kaysa kay Jesus,’ at ang Juan 17:3, kung saan tinukoy si Jesus bilang ang isa na “isinugo” ng tanging tunay na Diyos. Sa pagtukoy sa Colosas 1:15 at Juan 1:1, nangatuwiran si Eusebius na ang Logos, o ang Salita, “ang larawan ng di-nakikitang Diyos”​—ang Anak ng Diyos.

Gayunman, kataka-taka na sa pagtatapos ng Konseho ng Nicaea, sinuportahan ni Eusebius ang kasalungat na pangmalas. Kabaligtaran ng kaniyang maka-Kasulatang paninindigan na ang Diyos at si Kristo ay hindi magkapantay sa pag-iral, sumang-ayon siya sa emperador.

Isang Matututuhang Aral

Bakit sumuko si Eusebius sa panggigipit sa Konseho ng Nicaea at sumuporta sa isang di-makakasulatang doktrina? Mayroon ba siyang makapulitikang mga tunguhin sa isipan? Bakit dumalo pa siya sa konseho? Bagaman ipinatawag ang lahat ng obispo, kakaunti lamang​—300​—ang aktuwal na dumalo. Pinangangalagaan kaya ni Eusebius ang kaniyang kalagayan sa lipunan? At bakit napakataas ng pagtingin sa kaniya ni Emperador Constantino? Si Eusebius ay naupo sa kanan ng emperador sa konseho.

Maliwanag na ipinagwalang-bahala ni Eusebius ang kahilingan ni Jesus na ang Kaniyang mga tagasunod ay maging “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16; 18:36) “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos?” ang tanong ng alagad na si Santiago. (Santiago 4:4) Angkop na angkop nga ang payo ni Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya”! (2 Corinto 6:14) Manatili nawa tayong hiwalay sa sanlibutan habang tayo’y “sumasamba [sa Ama] sa espiritu at katotohanan.”​—Juan 4:24.

[Larawan sa pahina 31]

Inilalarawan ng pinturang alpresko ang Konseho ng Nicaea

[Credit Line]

Scala/Art Resource, NY

[Picture Credit Line sa pahina 29]

Courtesy of Special Collections Library, University of Michigan