Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaaliwan Para sa mga Humihingi ng Tulong

Kaaliwan Para sa mga Humihingi ng Tulong

Kaaliwan Para sa mga Humihingi ng Tulong

ANG Bibliya ay hindi isang manwal para sa kalusugan ng isip. Gayunman, nagbibigay ito ng kaaliwan sa atin at tumutulong sa atin na mapahalagahan ang buhay bagaman napapaharap tayo sa mga suliranin. Ang totoo, sinasabi talaga ng Kasulatan: “Ang tao na ipinanganak ng babae ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Ang ating sariling di-kasakdalan ang nagiging dahilan ng ilang pagsubok sa atin. Subalit sino ang pangunahing may pananagutan sa pagdurusa ng mga tao?

Ipinakikilala ng Bibliya ang isang iyon bilang isang balakyot na espiritu na tinatawag na Diyablo at Satanas. Siya ang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa” at nagiging dahilan ng maraming suliranin na sumasalot sa sangkatauhan. Subalit, sinasabi rin sa atin ng Bibliya na nauubos na ang kaniyang panahon. (Apocalipsis 12:9, 12) Di-magtatagal at magwawakas na ang lahat ng kabagabagang idinulot ni Satanas sa mga naninirahan sa lupa dahil makikialam ang Diyos. Ayon sa Bibliya, wawakasan ng bagong sanlibutan ng katuwiran na ipinangako ng Diyos ang kawalang-pag-asa at pagkasiphayo.​—2 Pedro 3:13.

Kaylaking kaaliwan na malamang ang pagdurusa ng mga tao ay pansamantala lamang! Sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo, ang kawalang-katarungan at pagdurusa ay magwawakas. Kung tungkol sa Hari na hinirang ng Diyos, ang Kasulatan ay nagsasabi: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”​—Awit 72:12-14.

Ang panahon para matupad ang makahulang mga salitang ito ay napakalapit na. Tatamasahin natin ang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa sa ilalim ng kamangha-manghang mga kalagayan. (Lucas 23:43; Juan 17:3) Ang pagkakaroon ng kaalaman sa nakaaaliw na mga pangakong ito ng Kasulatan ay nagbibigay ng pag-asa at kaaliwan sa mga humihingi ng tulong.

[Picture Credit Line sa pahina 32]

Nanlulumong batang babae: Photo ILO/J. Maillard