Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mayroon Ka Bang “Mapaghintay na Saloobin”?

Mayroon Ka Bang “Mapaghintay na Saloobin”?

Mayroon Ka Bang “Mapaghintay na Saloobin”?

“Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!”​—2 PEDRO 3:11, 12.

1, 2. Paano natin mailalarawan ang pagkakaroon ng “mapaghintay na saloobin” hinggil sa araw ni Jehova?

GUNIGUNIHIN ang isang pamilya na may inaasahang mga bisitang darating na makakasalo nila sa pagkain. Ang takdang oras ng pagdating ng mga bisita ay mabilis na papalapit. Ang asawang babae ay abala sa panghuling mga paghahanda sa pagkain. Ang kaniyang asawa naman at ang kanilang mga anak ay tumutulong upang matiyak na nasa ayos ang lahat. Ang bawat isa ay nananabik. Oo, ang buong pamilya ay sabik na naghihintay sa pagdating ng mga bisita at inaasahan nila ang isang masarap na kainan at mainam na pagsasamahan.

2 Bilang mga Kristiyano, tayo ay naghihintay sa isang bagay na mas mahalaga. Ano iyon? Aba, tayong lahat ay naghihintay sa “araw ni Jehova”! Hangga’t hindi ito dumarating, kailangan tayong maging gaya ng propetang si Mikas, na nagsabi: “Si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Mikas 7:7) Nangangahulugan ba iyan ng pagiging walang ginagawa? Hindi. Napakaraming dapat gawin.

3. Ayon sa 2 Pedro 3:11, 12, ano ang dapat na maging saloobin ng mga Kristiyano?

3 Tinutulungan tayo ni apostol Pedro na magkaroon ng wastong saloobin samantalang naghihintay. Sinabi niya: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Pedro 3:11, 12) Pansinin na ito ay isang pangungusap na padamdam. Si Pedro ay hindi nagtatanong. Sa kaniyang dalawang liham na kinasihan ng Diyos, inilarawan niya kung anong uri ng pagkatao ang nararapat sa mga Kristiyano. Pinayuhan din niya sila na magpamalas ng “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” Bagaman mga 30 taon na noon ang nakalipas mula nang ibigay ni Jesu-Kristo ang tanda “ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” hindi dapat manghinawa ang mga Kristiyano sa pagiging mapagbantay. (Mateo 24:3) Dapat ay kanilang “hinihintay at iniingatang malapit sa isipan” ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.

4. Ano ang ibig sabihin ng “iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova”?

4 Ang Griegong salita rito na isinaling “iniingatang malapit sa isipan” ay literal na nangangahulugang “pinabibilis.” Siyempre pa, hindi natin maaaring literal na ‘pabilisin’ ang araw ni Jehova. Sa katunayan, “hindi [natin] alam ang araw ni ang oras” kung kailan darating si Jesu-Kristo upang isakatuparan ang hatol sa mga kaaway ng kaniyang Ama. (Mateo 24:36; 25:13) Ipinaliliwanag ng isang reperensiyang akda na ang pinagmulang pandiwa ng pananalita rito na “pinabibilis” ay nangangahulugang “ ‘magmadali’ at kung gayon ay may malapit na kaugnayan sa ‘pagiging masigasig, aktibo, nababahala sa isang bagay.’ ” Kaya hinihimok ni Pedro ang mga kapananampalataya na marubdob na hangarín ang pagkanaririto ng araw ni Jehova. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng palaging pagsasaisip dito. (2 Pedro 3:12) Yamang “ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova” ay napakalapit na ngayon, dapat tayong magkaroon ng gayunding takbo ng isipan.​—Joel 2:31.

Maghintay Nang May “Banal na mga Paggawi”

5. Paano natin maipamamalas na marubdob nating hinahangad na makita “ang araw ni Jehova”?

5 Kung tayo ay marubdob na naghahangad na makaligtas sa araw ni Jehova, ipamamalas natin iyon sa pamamagitan ng ating “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” Maaaring ipaalaala sa atin ng pananalitang “banal na mga paggawi” ang payo ni Pedro: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog ayon sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam, kundi, ayon sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’ ”​—1 Pedro 1:14-16.

6. Upang maging banal, ano ang kailangan nating gawin?

6 Upang maging banal, kailangan nating panatilihin ang pisikal, mental, moral, at espirituwal na kalinisan. Naghahanda ba tayo para sa “araw ni Jehova” sa pamamagitan ng pananatili nating banal bilang mga indibiduwal na nagdadala ng pangalan ni Jehova? Hindi madali ngayon na panatilihin ang gayong kalinisan dahil ang moral na mga pamantayan ng sanlibutan ay patuloy na sumasamâ. (1 Corinto 7:31; 2 Timoteo 3:13) Nakikita ba nating lumalaki ang pagkakaiba ng ating moral na mga pamantayan at niyaong sa sanlibutan? Kung hindi, dapat tayong mabahala. Posible kaya na ang ating personal na mga pamantayan, bagaman mas mataas kaysa sa mga pamantayan ng sanlibutan, ay bumababa? Kung oo, kailangan tayong gumawa ng hakbang upang ituwid ang mga bagay-bagay nang sa gayon ay mapalugdan ang Diyos.

7, 8. (a) Paano maaaring mawaglit sa ating pansin ang kahalagahan ng pakikibahagi sa “banal na mga paggawi”? (b) Anong mga pagtutuwid ang maaaring kailanganin?

7 Dahil sa paglitaw ng pornograpya sa Internet at sa pagkakataong mapanood ito nang pribado, ang ilan na dati’y hindi nakapanonood ng gayong imoral na materyal ay nakasusumpong ngayon ng “walang-katapusang suplay ng seksuwal na mga pagkakataon,” ang sabi ng isang doktor sa medisina. Kung hahanapin natin ang gayong maruruming site sa Internet, tiyak na ipinagwawalang-bahala natin ang utos ng Bibliya na “huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi.” (Isaias 52:11) Talaga nga kayang “iniingatan nating malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova”? O baka naman ipinagpapaliban natin sa ating isipan ang araw na iyon, anupat ikinakatuwiran na kahit na dinudumhan natin ang ating isip sa pamamagitan ng maruruming materyal, mayroon pa naman tayong panahon upang linisin ang ating sarili? Kung mayroon tayong problema hinggil sa bagay na ito, tunay ngang kailangan na magsumamo kaagad kay Jehova upang ‘mapalampas ang ating mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan at maingatan tayong buháy sa kaniyang daan’!​—Awit 119:37.

8 Ang lubhang nakararami sa mga Saksi ni Jehova, mga bata at matanda, ay nanghahawakan sa matataas na moral na mga pamantayan ng Diyos at umiiwas sa imoral na mga pang-akit ng sanlibutang ito. Palibhasa’y batid ang pagkaapurahan ng ating panahon at ang babala ni Pedro na ang “araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw,” patuloy silang nagpapamalas ng “banal na mga paggawi.” (2 Pedro 3:10) Pinatutunayan ng kanilang mga gawa na kanilang “hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” *

Maghintay Nang May “mga Gawa ng Makadiyos na Debosyon”

9. Ang makadiyos na debosyon ay dapat mag-udyok sa atin na gawin ang ano?

9 Mahalaga rin ang “mga gawa ng makadiyos na debosyon” upang mapanatili sa isipan ang araw ni Jehova. Nasasangkot sa “makadiyos na debosyon” ang pagpipitagan sa Diyos na nag-uudyok sa atin na gawin kung ano ang kalugud-lugod sa kaniyang mga mata. Ang matapat na pagmamahal kay Jehova ang siyang pangganyak sa gayong mga gawa ng makadiyos na debosyon. Kalooban niya na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) ‘Hindi nais ng Diyos na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.’ (2 Pedro 3:9) Kung gayon, hindi ba dapat tayong pasiglahin ng ating makadiyos na debosyon na pag-ibayuhin ang ating mga pagsisikap upang tulungan ang mga tao na makaalam tungkol kay Jehova at tularan siya?​—Efeso 5:1.

10. Bakit dapat tayong magbantay laban sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan”?

10 Ang ating buhay ay sasagana sa mga gawa ng makadiyos na debosyon kung uunahin natin ang Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:33) Kasangkot dito ang pagkakaroon natin ng timbang na pangmalas sa materyal na mga bagay. Nagbabala si Jesus: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Bagaman marahil ay mahirap gunigunihin na mabubulag tayo ng pag-ibig sa salapi, makabubuting bigyang-pansin na “ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan” ay maaaring ‘sumakal sa salita’ ng Diyos. (Mateo 13:22) Maaaring hindi madali ang paghahanapbuhay. Kaya naman sa ilang bahagi ng daigdig, marami ang nangangatuwiran na upang magkaroon ng mas magandang buhay, kailangan silang lumipat sa isang mas mayamang lupain, marahil ay iniiwan ang kanilang pamilya sa loob ng ilang taon. Maging ang ilan sa bayan ng Diyos ay nangatuwiran nang ganoon. Dahil sa pagpunta sa ibang lupain, maaaring mabigyan nila ng makabagong mga kaalwanan ang kanilang pamilya. Gayunman, ano ang maaaring mangyari sa espirituwal na katayuan ng kanilang naiwang mga minamahal? Kung walang gaganap ng wastong pagkaulo sa tahanan, magkakaroon kaya sila ng kinakailangang espirituwalidad upang makaligtas sa araw ni Jehova?

11. Paano ipinakita ng isang nandayuhang manggagawa na ang mga gawa ng makadiyos na debosyon ay mas mahalaga kaysa sa kayamanan?

11 Isang nandayuhang manggagawa mula sa Pilipinas ang natuto ng katotohanan mula sa mga Saksi ni Jehova sa Hapon. Nang matutuhan niya ang tungkol sa maka-Kasulatang mga pananagutan sa pagkaulo, natanto niya na kailangan niyang tulungan ang kaniyang pamilya na maging mga mananamba ni Jehova. (1 Corinto 11:3) Ang kaniyang asawa na nasa Pilipinas ay salansang na salansang sa kaniyang bagong nasumpungang pananampalataya at nais nito na patuloy siyang magpadala ng salapi sa halip na bumalik sa Pilipinas upang ituro sa pamilya ang kaniyang salig-Bibliyang mga paniniwala. Gayunman, palibhasa’y napasigla ng pagkaapurahan ng panahon at ng pagkabahala sa kaniyang mga minamahal, umuwi siya. Ang kaniyang pagtitiyaga sa maibiging pakikitungo sa mga miyembro ng kaniyang pamilya ay ginantimpalaan. Nang maglaon, ang kaniyang pamilya ay nagkaisa sa tunay na pagsamba, at ang kaniyang asawa ay pumasok sa buong-panahong ministeryo.

12. Bakit dapat nating unahin sa ating buhay ang espirituwal na mga kapakanan?

12 Ang ating situwasyon ay maaaring maitulad sa mga indibiduwal na nasa loob ng isang nasusunog na gusali. Magiging katalinuhan kaya na magtatakbo sa loob upang mailigtas ang materyal na mga bagay mula sa nagliliyab na gusali na malapit nang bumagsak? Sa halip, hindi ba’t lubhang mas mahalaga na mailigtas ang mga buhay​—ang ating buhay at yaong sa ating pamilya at sa iba pang nakatira sa gusali? Buweno, ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay mabilis na patungo sa pagbagsak, at nanganganib ang maraming buhay. Palibhasa’y natatanto ito, tiyak na dapat nating unahin ang espirituwal na mga kapakanan at masigasig na magtuon ng pansin sa nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral ng Kaharian.​—1 Timoteo 4:16.

Kailangan Tayong Maging “Walang Batik”

13. Ano ang dapat na naisin nating maging kalagayan natin kapag sumapit ang araw ni Jehova?

13 Sa pagdiriin sa kahalagahan ng pananatiling may mapaghintay na saloobin, sinabi ni Pedro: ‘Mga minamahal, yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan kayo ng Diyos na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.’ (2 Pedro 3:14) Bukod sa kaniyang payo na makibahagi sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, idiniriin ni Pedro ang kahalagahan na tayo ay masumpungan ni Jehova sa dakong huli bilang mga indibiduwal na nilinis ng mahalagang dugo ni Jesus. (Apocalipsis 7:9, 14) Hinihiling nito na ang isang tao ay manampalataya sa hain ni Jesus at maging isang nakaalay at bautisadong lingkod ni Jehova.

14. Ano ang kahulugan ng pagiging “walang batik”?

14 Hinihimok tayo ni Pedro na gawin ang ating buong makakaya upang masumpungan tayong “walang batik.” Iniingatan ba natin na walang batik ang ating mga kasuutan, ang Kristiyanong paggawi at personalidad, anupat hindi nababahiran ng sanlibutan? Kapag napansin natin ang isang batik sa ating damit, agad nating sinisikap na alisin ito. Kung ang isang paboritong kasuutan ay may batik, tayo ay lalo nang metikuloso sa paglilinis dito. Gayundin ba ang ating nadarama kung ang ating mga kasuutang Kristiyano ay namantsahan, wika nga, dahil sa ilang kapintasan sa ating personalidad o paggawi?

15. (a) Bakit ang mga Israelita ay kailangang gumawa ng mga panggilid na palawit sa mga laylayan ng kanilang mga kasuutan? (b) Bakit naiiba ang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova?

15 Ang mga Israelita ay kailangang gumawa ng “mga panggilid na palawit sa mga laylayan ng kanilang mga kasuutan” at ‘maglagay ng panaling asul sa ibabaw ng panggilid na palawit ng laylayan.’ Bakit? Upang maalaala nila ang mga utos ni Jehova, masunod ang mga ito, at “magpakabanal” sa kanilang Diyos. (Bilang 15:38-40) Bilang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova, naiiba tayo sa sanlibutan dahil sinusunod natin ang mga kautusan at mga simulain ng Diyos. Halimbawa, pinananatili natin ang moral na kalinisan, iginagalang natin ang kabanalan ng dugo, at iniiwasan natin ang lahat ng uri ng idolatriya. (Gawa 15:28, 29) Marami ang gumagalang sa atin dahil sa ating matibay na determinasyong panatilihing walang dungis ang ating sarili.​—Santiago 1:27.

Kailangan Tayong Maging “Walang Dungis”

16. Ano ang kahulugan ng pananatili nating “walang dungis”?

16 Sinabi rin ni Pedro na kailangan tayong masumpungang “walang dungis.” Paano posible iyon? Ang isang batik ay karaniwan nang mapapawi sa punas o linis ngunit ang pagiging ‘nadungisan’ ay nagpapahiwatig ng isang bagay na mas malubha. Nangangahulugan ito na may isang bagay na mali sa loob. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano sa Filipos: “Patuloy ninyong gawin ang lahat ng mga bagay nang walang mga bulung-bulungan at mga argumento, upang kayo ay maging walang kapintasan at walang muwang, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi, na sa gitna nila ay sumisikat kayo bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Filipos 2:14, 15) Kung susundin natin ang payong iyon, maiiwasan natin ang mga bulung-bulungan at mga argumento at mapaglilingkuran ang Diyos udyok ng dalisay na motibo. Mapakikilos tayo ng pag-ibig kay Jehova at sa ating kapuwa habang ipinangangaral natin ang “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 22:35-40; 24:14) Bukod dito, patuloy nating ihahayag ang mabuting balita bagaman maaaring hindi maintindihan ng mga tao sa pangkalahatan kung bakit kusa nating iniuukol ang ating panahon sa pagsisikap na tulungan ang iba na matuto tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya.

17. Ano ang dapat nating maging motibo kapag umaabot tayo ng mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano?

17 Palibhasa’y hangarin nating masumpungan tayo na “walang dungis,” dapat nating suriin ang ating mga motibo sa lahat ng ating mga itinataguyod. Tinalikuran na natin ang paraan ng sanlibutan sa paggawa ng mga bagay-bagay ukol sa makasariling mga dahilan, tulad ng pagsisikap na magtamo ng kayamanan at kapangyarihan. Kung tayo ay umaabot ng mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano, manatili nawang dalisay ang ating mga motibo at lagi nawa tayong maudyukan ng pag-ibig kay Jehova at sa iba. Nakagiginhawang makita ang espirituwal na mga lalaki na “umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa” nang may kagalakan at mapagpakumbabang hangarin na magpaalipin kay Jehova at sa kanilang mga kapananampalataya. (1 Timoteo 3:1; 2 Corinto 1:24) Sa katunayan, yaong mga kuwalipikadong maglingkod bilang matatanda ay ‘nagpapastol sa kawan ng Diyos nang maluwag sa kalooban; hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi nang may pananabik; hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi nagiging mga halimbawa sa kawan.’​—1 Pedro 5:1-4.

Kailangan Tayong Maging “Nasa Kapayapaan”

18. Sa anong mga katangian kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova?

18 Sa wakas, sinasabi sa atin ni Pedro na masumpungan nawa tayong “nasa kapayapaan.” Upang matupad natin ang kahilingang ito, kailangang may pakikipagpayapaan tayo kay Jehova at sa ating kapuwa. Idiniriin ni Pedro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “masidhing pag-ibig sa isa’t isa” at pagpapanatili ng kapayapaan sa ating mga kapuwa Kristiyano. (1 Pedro 2:17; 3:10, 11; 4:8; 2 Pedro 1:5-7) Upang mapanatili ang kapayapaan, dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35; Efeso 4:1, 2) Ang ating pag-ibig at kapayapaan ay lalo nang kitang-kita kapag idinaraos ang ating internasyonal na mga kombensiyon. Sa isang kombensiyon sa Costa Rica noong 1999, isang tindero sa paliparan ang nagalit dahil di-sinasadyang naharangan ng lokal na mga Saksing sumasalubong sa parating na mga delegado ang lugar ng kaniyang negosyo. Subalit nang ikalawang araw, napansin niya ang pag-ibig at kapayapaan na makikita sa masiglang pagsalubong na natanggap ng mga delegado, bagaman hindi sila personal na kakilala ng lokal na mga Saksi. Noong huling araw, nakisali na ang tindero sa pagsalubong at humiling siya ng isang pag-aaral sa Bibliya.

19. Bakit mahalaga na magtaguyod ng kapayapaan sa mga kapananampalataya?

19 Ang ating kataimtiman sa pagtataguyod ng kapayapaan sa ating espirituwal na mga kapatid ay may malaking kaugnayan sa kung gaano tayo kasabik sa paghihintay sa araw ni Jehova at sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan. (Awit 37:11; 2 Pedro 3:13) Ipagpalagay nating nahihirapan tayong mapanatili ang pakikipagpayapaan sa isang kapananampalataya. Maguguniguni kaya natin ang ating sarili na payapang naninirahang kasama niya sa Paraiso? Kung ang isang kapatid ay may isang bagay na laban sa atin, dapat na agad tayong ‘makipagpayapaan sa kaniya.’ (Mateo 5:23, 24) Mahalaga ang paggawa nito upang tayo ay magkaroon ng pakikipagpayapaan kay Jehova.​—Awit 35:27; 1 Juan 4:20.

20. Sa anu-anong paraan dapat mamalas ang “mapaghintay na saloobin”?

20 Personal ba nating “hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkananaririto ng araw ni Jehova”? Ang ating marubdob na hangaring makita ang wakas ng kabalakyutan ay makikita sa ating pananatiling banal sa gitna ng imoral na sanlibutang ito. Bukod dito, ang ating marubdob na pag-asam sa pagdating ng araw ni Jehova at sa buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay makikita sa ating mga gawa ng makadiyos na debosyon. At ang ating pag-asam na mabuhay sa mapayapang bagong sanlibutan ay mamamalas sa pagtataguyod natin ng kapayapaan sa ating mga kapuwa mananamba sa ngayon. Sa gayong mga paraan, ipinakikita natin na mayroon tayong “mapaghintay na saloobin” at ‘iniingatan nating malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’

[Talababa]

^ par. 8 Para sa mga halimbawa, tingnan Ang Bantayan ng Enero 1, 2000, pahina 16 at ang 1997 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 51.

Naaalaala Mo Ba?

• Ano ang ibig sabihin ng ingatang “malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova”?

• Paano naipamamalas ang “mapaghintay na saloobin” may kaugnayan sa ating paggawi?

• Bakit mahalaga ang “mga gawa ng makadiyos na debosyon”?

• Ano ang dapat nating gawin upang masumpungan tayo ni Jehova na “walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan”?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 11]

Ang “mapaghintay na saloobin” ay mamamalas sa banal na mga paggawi

[Mga larawan sa pahina 12]

Ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay nagliligtas-buhay

[Larawan sa pahina 14]

Habang hinihintay natin ang araw ni Jehova, itaguyod natin ang pakikipagpayapaan sa iba