Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Mahirap ay Lalong Naghihirap

Ang Mahirap ay Lalong Naghihirap

Ang Mahirap ay Lalong Naghihirap

“Walang lipunan ang maaaring maging tunay na maunlad at maligaya, kung ang mas nakararaming miyembro nito ay mahihirap at miserable.”

GANIYAN ang sinabi ng ekonomistang si Adam Smith noong ika-18 siglo. Marami ang kumbinsido na lalo nang kitang-kita sa ngayon ang katotohanan ng kaniyang sinabi. Ang pagkakaiba ng mga mayayaman at mahihirap ay lalong lumalaki. Sa Pilipinas, sangkatlo ng populasyon ang nakararaos sa wala pang $1 (U.S.) sa bawat araw, isang halaga na karaniwan nang kinikita sa loob ng ilang minuto sa mas mayayamang bansa. Sinasabi ng Human Development Report 2002 ng United Nations na “ang 5% ng pinakamayayaman sa populasyon ng daigdig ay kumikita nang 114 na ulit kaysa sa 5% ng pinakamahihirap.”

Bagaman ang ilan ay namumuhay nang medyo maalwan, milyun-milyon naman ang namumuhay bilang mga iskuwater, anupat nagtatayo ng mga barung-barong saanman maaari. Ang iba naman ay hindi gayon kapalad; nakatira sila sa lansangan, na marahil ay isang piraso lamang ng karton o plastik ang hinihigaan. Ang marami sa kanila ay nagpapagal nang husto upang mabuhay sa anumang paraan na kaya nila​—paghahalukay sa mga tambakan ng basura, pagkakargador, o pangongolekta ng mga bagay na maaari pang iresiklo na inilululan sa mga kariton.

Ang di-pagkakapantay-pantay ng mayaman at mahirap ay hindi lamang masusumpungan sa papaunlad na mga bansa, bagkus, gaya ng sinasabi ng World Bank, “ ‘ang karalitaan sa ilang maliliit na lugar’ ay karaniwan na sa lahat ng bansa.” Mula sa Bangladesh hanggang sa Estados Unidos, gaanuman kariwasa ang ilan, masusumpungan pa rin ang mga nagpupunyagi upang may sapat na makain o upang may matirahan. Sinipi ng The New York Times ang isang report ng U.S. Census Bureau noong 2001 na nagpapakitang ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap sa Estados Unidos ay patuloy na lumalaki. Sinabi nito: “Ang kinita ng sangkalima ng pinakanakaririwasa sa populasyon ay katumbas ng kalahati ng kinita ng lahat ng pamilya nitong nakaraang taon . . . Ang kinita naman ng sangkalima ng pinakamahihirap ay katumbas lamang ng 3.5 porsiyento.” Ang situwasyon ay pareho rin o mas malala pa nga sa maraming iba pang bansa. Ipinakita ng isang report ng World Bank na mga 57 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay nakararaos sa wala pang $2 bawat araw.

Ang mas mahirap pa nito, noong 2002, nabagabag ang milyun-milyon sa mga ulat hinggil sa mga ehekutibo na yumaman sa ilalim ng kuwestiyunableng mga kalagayan. Bagaman walang ginawa na tuwirang ilegal, nadama ng marami na ang mga opisyal na ito ng kompanya, gaya ng nakasaad sa magasing Fortune, “ay yumayaman nang husto, nang labis-labis, sa kasuklam-suklam na paraan.” Kung isasaalang-alang ang nangyayari sa daigdig, ang ilan ay nag-iisip kung paanong ang gayong pagkalalaking halaga, na tinatayang umaabot sa daan-daang milyong dolyar para sa ilang indibiduwal, ay mabibigyang-katuwiran gayong napakarami ang namumuhay sa karalitaan.

Mananatili Kaya Magpakailanman ang Karalitaan?

Hindi ibig sabihin nito na walang nagsisikap na magbigay ng lunas sa kaawa-awang kalagayan ng mahihirap. Ang mga opisyal ng pamahalaan at mga organisasyon sa pagtulong na may mabubuting intensiyon ay talagang nagmumungkahi ng mga pagbabago. Gayunman, nananatili pa ring nakasisiphayo ang mga pangyayari. Sinasabi ng Human Development Report 2002 na “maraming bansa ang mas mahirap pa ngayon kaysa noong nakalipas na 10, 20 at sa ilang kaso ay 30 taon,” sa kabila ng maraming mararangal na pagsisikap na magdulot ng kaunlaran.

Nangangahulugan ba ito na wala nang pag-asa ang mahihirap? Inaanyayahan ka naming basahin ang susunod na artikulo upang isaalang-alang ang ilang praktikal na karunungan na makatutulong sa ngayon gayundin ang mga solusyon na baka hindi mo pa napag-isipan.