Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ipinahintulot ni Jehova ang poligamya sa kaniyang sinaunang mga lingkod, ang mga Israelita, ngunit hindi na niya ipinahihintulot ito sa ngayon. Pabagu-bago ba ang kaniyang pamantayan?

Hindi nagbabago ng pangmalas si Jehova hinggil sa poligamya. (Awit 19:7; Malakias 3:6) Hindi ito bahagi ng kaniyang kaayusan para sa mga tao buhat sa pasimula, at hindi rin ito ang kaayusan niya sa ngayon. Nang lalangin niya si Eva bilang asawa ni Adan, sinabi ni Jehova na ang banal na pamantayan ay isang asawang babae para sa isang asawang lalaki. “Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”​—Genesis 2:24.

Nang nasa lupa si Jesu-Kristo, inulit niya ang pamantayang ito sa pagsagot sa mga nagtatanong sa kaniya tungkol sa diborsiyo at muling pag-aasawa. Sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman.” Idinagdag pa ni Jesus: “Sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mateo 19:4-6, 9) Maliwanag mula rito na ang pagkuha ng isa o higit pang karagdagang asawang babae ay isa ring pangangalunya.

Kung gayon, bakit ipinahintulot ang poligamya noong sinaunang panahon? Tandaan na hindi nagmula kay Jehova ang gawaing ito. Ang unang binanggit sa Bibliya na nagkaroon ng mahigit sa isang asawang babae ay si Lamec, isang inapo ni Cain. (Genesis 4:19-24) Nang pasapitin ni Jehova ang Baha noong panahon ni Noe, si Noe at ang kaniyang tatlong anak na lalaki ay may tig-iisa lamang asawang babae. Ang lahat ng poligamo ay napuksa sa Baha.

Pagkaraan ng mga dantaon nang piliin ni Jehova ang mga Israelita bilang kaniyang bayan, isinasagawa na ng ilan ang poligamya, bagaman tila mas karaniwan para sa mga lalaki na magkaroon ng isa lamang asawang babae. Hindi hinihiling ng Diyos na sirain ang mga pamilya na may mahigit sa isang asawang babae. Sa halip, mahigpit niyang pinangasiwaan ang bagay na ito.​—Exodo 21:10, 11; Deuteronomio 21:15-17.

Makikitang pansamantala lamang ang pagpapahintulot na ito ng poligamya hindi lamang sa sinabi ni Jesus may kinalaman sa orihinal na pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa kundi sa isinulat din ni apostol Pablo sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu ng Diyos. Sinabi niya: “Magkaroon ang bawat lalaki ng kaniyang sariling asawa at magkaroon ang bawat babae ng kaniyang sariling asawa.” (1 Corinto 7:2) Kinasihan din si Pablo upang isulat na ang sinumang lalaki na hinihirang bilang isang tagapangasiwa o isang ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano ay dapat na maging “asawa ng isang babae.”​—1 Timoteo 3:2, 12; Tito 1:6.

Sa gayon, ang pagpapahintulot ni Jehova sa poligamya ay nagwakas sa pagkatatag ng kongregasyong Kristiyano mga 2,000 taon na ang nakalipas. Nang panahong iyon, ang pamantayan sa pag-aasawa ay ibinalik sa kung ano ito sa pasimula ng paglalang ng Diyos sa lalaki at babae: isang asawang lalaki para sa isa lamang asawang babae. Ito ang pamantayan sa ngayon sa bayan ng Diyos sa buong daigdig.​—Marcos 10:11, 12; 1 Corinto 6:9, 10.