Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Tinanggap Ninyo Nang Walang Bayad, Ibigay Ninyo Nang Walang Bayad”

“Tinanggap Ninyo Nang Walang Bayad, Ibigay Ninyo Nang Walang Bayad”

“TINANGGAP ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Ibinigay ni Jesus ang tagubiling iyan sa kaniyang mga apostol nang isugo niya sila upang mangaral ng mabuting balita. Sinunod ba ng mga apostol ang utos na ito? Oo, at patuloy nilang ginawa ito kahit na wala na si Jesus sa lupa.

Halimbawa, nang makita ng dating manggagaway na si Simon ang makahimalang kapangyarihang taglay ng mga apostol na sina Pedro at Juan, inalok niyang bayaran sila upang bigyan siya ng gayong kapangyarihan. Ngunit sinaway ni Pedro si Simon, na sinasabi: “Malipol nawang kasama mo ang iyong pilak, sapagkat inisip mong ariin sa pamamagitan ng salapi ang walang-bayad na kaloob ng Diyos.”​—Gawa 8:18-20.

Ipinamalas din ni apostol Pablo ang espiritu na katulad ng kay Pedro. Maaari sanang hayaan ni Pablo na maging pasanin siya sa gastusin ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano sa Corinto. Gayunman, naghanapbuhay siya sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kamay upang tustusan ang kaniyang sarili. (Gawa 18:1-3) Kaya naman, masasabi niya nang may pagtitiwala na ipinangaral niya ang mabuting balita sa mga taga-Corinto “nang walang bayad.”​—1 Corinto 4:12; 9:18.

Nakalulungkot, ang marami sa nag-aangking mga tagasunod ni Kristo ay hindi nagpamalas ng gayunding pagnanais na ‘magbigay nang walang bayad.’ Sa katunayan, marami sa mga lider ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ay ‘magtuturo kapalit lamang ng isang halaga.’ (Mikas 3:11) Ang ilang lider ng relihiyon ay naging mayaman pa nga dahil sa salapi na nakokolekta nila mula sa kanilang mga kawan. Noong 1989, isang ebanghelista sa Estados Unidos ang sinentensiyahang mabilanggo nang 45 taon. Ang dahilan? Matagal na niyang “dinadaya ang mga tagasuporta ng milyun-milyong dolyar at ginagamit niya ang bahagi ng salapi sa pagbili ng mga bahay, kotse, pambakasyon at maging ng naka-air-condition na kulungan ng aso.”​—People’s Daily Graphic, Oktubre 7, 1989.

Sa Ghana, ayon sa Ghanaian Times ng Marso 31, 1990, kinuha ng isang paring Romano Katoliko ang salaping nakolekta sa isang serbisyo sa simbahan at ibinato ito pabalik sa kongregasyon. “Ang kaniyang dahilan,” ang sabi ng pahayagan, “ay na, bilang mga adulto, sila ay inaasahang mag-aabuloy ng mas malalaking halaga.” Hindi kataka-taka na sinusubok pa nga ng maraming simbahan na pukawin ang kasakiman sa mga miyembro nito, anupat aktibong itinataguyod ang mga sugal at iba pang mga pakana upang makapaglikom ng salapi.

Sa kabaligtaran naman, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na tularan si Jesus at ang kaniyang mga alagad noong unang siglo. Wala silang bayarang mga klero. Ang bawat Saksi ay isang ministro na binigyan ng pananagutang mangaral ng “mabuting balita ng kaharian” sa iba. (Mateo 24:14) Kaya ang mahigit na anim na milyong miyembro nila sa buong daigdig ay nakikibahagi sa pagdadala ng “tubig ng buhay” sa mga tao nang walang bayad. (Apocalipsis 22:17) Sa ganitong paraan, maging yaong mga “walang salapi” ay maaaring makinabang sa mensahe ng Bibliya. (Isaias 55:1) Bagaman ang kanilang gawain sa buong daigdig ay tinutustusan ng kusang-loob na mga donasyon, hindi sila kailanman nangingilak ng salapi. Bilang tunay na mga ministro ng Diyos, hindi sila “mga tagapaglako ng salita ng Diyos,” kundi sila ay nagsasalita “dahil sa kataimtiman, oo, gaya ng isinugo mula sa Diyos.”​—2 Corinto 2:17.

Subalit bakit handang tumulong sa iba ang mga Saksi ni Jehova, anupat ginagawa ito sa sariling gastos? Ano ang nag-uudyok sa kanila? Ang pagbibigay ba nang walang bayad ay nangangahulugan na ginagawa nila ito nang walang anumang gantimpala para sa kanilang mga pagsisikap?

Isang Sagot sa Hamon ni Satanas

Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay pangunahin nang nauudyukan ng hangaring palugdan si Jehova​—hindi ng hangaring payamanin ang kanilang sarili. Dahil dito ay nakapagbibigay sila ng sagot sa hamon na ibinangon ni Satanas na Diyablo maraming siglo na ang nakalilipas. May kaugnayan sa matuwid na lalaking si Job, hinamon ni Satanas si Jehova sa pamamagitan ng pagtatanong: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan?” Ipinaratang ni Satanas na naglilingkod lamang si Job sa Diyos dahil naglagay Siya ng pananggalang na bakod sa palibot niya. Kung aalisin kay Job ang kaniyang materyal na mga pag-aari, ang katuwiran ni Satanas, susumpain ni Job ang Diyos nang mukhaan!​—Job 1:7-11.

Upang masagot ang hamong ito, hinayaan ng Diyos na subukin ni Satanas si Job, sa pagsasabing: “Ang lahat ng kaniyang pag-aari ay nasa iyong kamay.” (Job 1:12) Ano ang kinalabasan nito? Pinatunayan ni Job na sinungaling si Satanas. Anuman ang kahirapang sumapit sa kaniya, nanatiling matapat si Job. “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” ang sabi niya.​—Job 27:5, 6.

Ipinamamalas ng tunay na mga mananamba sa ngayon ang saloobin na katulad ng kay Job. Ang kanilang paglilingkod sa Diyos ay hindi udyok ng pagkabahala sa materyal na mga bagay.

Ang Walang-Bayad na Kaloob ng Diyos na Di-sana-nararapat na Kabaitan

Ang isa pang dahilan kung bakit handa ang tunay na mga Kristiyano na ‘magbigay nang walang bayad’ ay sapagkat sila mismo ay tumanggap “nang walang bayad” mula sa Diyos. Ang sangkatauhan ay alipin ng kasalanan at kamatayan dahil sa kasalanan ng ating ninunong si Adan. (Roma 5:12) Maibiging isinaayos ni Jehova na mamatay ang kaniyang Anak bilang hain​—isang bagay na nagbunga ng napakalaking kawalan sa Diyos. Ang sangkatauhan ay tiyak na hindi karapat-dapat dito. Ito ay kaloob lamang mula sa Diyos.​—Roma 4:4; 5:8; 6:23.

Gaya ng nakaulat sa Roma 3:23, 24, iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos, at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.” Yaong mga may pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa ay tatanggap din ng “kaloob na walang bayad.” Kasali sa kaloob na ito ang pribilehiyo na maipahayag na matuwid bilang mga kaibigan ni Jehova.​—Santiago 2:23; Apocalipsis 7:14.

Pinangyayari rin ng haing pantubos ni Kristo na maglingkod ang lahat ng mga Kristiyano bilang mga ministro ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ako ay naging isang ministro nito [ng sagradong lihim] ayon sa walang-bayad na kaloob ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Efeso 3:4-7) Yamang inatasan sa ministeryong ito sa pamamagitan ng isang probisyon na hindi karapat-dapat sa kanila o hindi nila maaaring matamo sa ganang sarili, ang tunay na mga ministro ng Diyos ay hindi makaaasa ng materyal na kabayaran sa pamamahagi sa iba ng balita hinggil sa probisyong ito.

Buhay na Walang Hanggan​—Isa Bang Pamukaw sa Kasakiman?

Kung gayon, nangangahulugan ba ito na inaasahan ng Diyos na maglilingkod sa kaniya ang mga Kristiyano nang walang anumang inaasahang gantimpala? Hindi naman, sapagkat sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) At hindi rin kakikitaan ng kawalang-katarungan si Jehova. (Deuteronomio 32:4) Sa kabaligtaran, si Jehova ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Subalit hindi ba pamukaw sa kasakiman ang pangako hinggil sa buhay na walang hanggan sa Paraiso?​—Lucas 23:43.

Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay pangunahin nang nauudyukan ng hangaring palugdan si Jehova​—hindi ng hangaring payamanin ang kanilang sarili

Hinding-hindi. Una na rito, ang pagnanais na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ay nanggaling sa Diyos mismo. Siya ang nagbigay ng pag-asang ito sa unang mag-asawa. (Genesis 1:28; 2:15-17) Pinangyari rin niya na maisauli ang pag-asang ito nang hindi na ito maipamana nina Adan at Eva sa kanilang mga inapo. Kaya naman ipinangangako ng Diyos sa kaniyang Salita na “ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Kung gayon, ganap na wasto lamang para sa mga Kristiyano sa ngayon, gaya ni Moises noong una, na ‘tuminging mabuti sa gantimpalang kabayaran.’ (Hebreo 11:26) Hindi iniaalok ni Jehova ang gantimpalang ito bilang suhol. Iniaalok niya ito udyok ng dalisay na pag-ibig sa mga naglilingkod sa kaniya. (2 Tesalonica 2:16, 17) Bilang tugon naman, “tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”​—1 Juan 4:19.

Wastong Motibo sa Paglilingkod sa Diyos

Gayunpaman, dapat na patuloy na suriin ng mga Kristiyano sa ngayon ang kanilang sariling mga motibo sa paglilingkod sa Diyos. Sa Juan 6:10-13, mababasa natin na makahimalang pinakain ni Jesus ang isang pulutong na may bilang na mahigit sa limang libo. Dahil dito, ang ilan ay nagsimulang sumunod kay Jesus udyok lamang ng sakim na mga dahilan. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hinahanap ninyo ako . . . dahil sa kumain kayo mula sa mga tinapay at nabusog.” (Juan 6:26) Pagkalipas ng ilang dekada, ang ilang nakaalay na Kristiyano ay naglingkod din sa Diyos ngunit “hindi [nila] taglay ang dalisay na motibo.” (Filipos 1:17) Ang ilan na ‘hindi sumang-ayon sa nakapagpapalusog na mga salita ni Jesu-Kristo’ ay humanap pa nga ng mga paraan upang personal na makinabang mula sa kanilang pakikipagsamahan sa mga Kristiyano.​—1 Timoteo 6:3-5.

Sa ngayon, ang isang Kristiyano na naglilingkod lamang dahil nais niyang mabuhay magpakailanman sa Paraiso ay maaaring naglilingkod din nang may sakim na motibo. Sa katagalan, magbubunga ito ng espirituwal na kabiguan. Dahil ang sistema ng mga bagay ni Satanas ay waring nagtatagal nang higit kaysa sa inaasahan, baka ‘manghimagod’ siya, anupat nakadarama na nagluluwat ang wakas. (Galacia 6:9) Baka maghinanakit pa nga siya dahil sa materyal na mga bagay na isinakripisyo niya. Ipinaalaala ni Jesus sa atin: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Oo, ang isang tao na ang pangunahing dahilan sa paglilingkod sa Diyos ay pag-ibig ay hindi nagtatakda ng limitasyon sa kaniyang paglilingkod. Siya ay determinadong maglingkod kay Jehova magpakailanman! (Mikas 4:5) Hindi niya pinagsisisihan ang anumang mga sakripisyong ginawa niya may kaugnayan sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. (Hebreo 13:15, 16) Ang pag-ibig sa Diyos ang nag-uudyok sa kaniya na unahin ang mga kapakanan ng Diyos sa kaniyang buhay.​—Mateo 6:33.

Sa ngayon, mahigit sa anim na milyong tunay na mananamba ang ‘kusang-loob na naghahandog ng kanilang sarili’ sa paglilingkod kay Jehova. (Awit 110:3) Isa ka ba sa kanila? Kung hindi, bulay-bulayin kung gayon ang iniaalok ng Diyos: dalisay na kaalaman sa katotohanan; (Juan 17:3) kalayaan mula sa pagkaalipin sa huwad na relihiyosong mga turo; (Juan 8:32) ang pag-asa na mabuhay magpakailanman. (Apocalipsis 21:3, 4) Matutulungan ka ng mga Saksi ni Jehova na matutuhan kung paano mo matatanggap ang lahat ng ito mula sa Diyos​—nang walang bayad.