Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Naaalaala ang Ilan

Kung Paano Naaalaala ang Ilan

Kung Paano Naaalaala ang Ilan

MGA tatlong libong taon na ang nakalilipas, si David ay tumatakas noon mula kay Haring Saul ng Israel. Nagpadala si David ng sugo kay Nabal, isang mayamang tagapagpastol ng mga tupa at kambing, upang humingi ng pagkain at tubig. Ang totoo, si Nabal ay may utang na loob kay David at sa kaniyang mga tagasunod dahil sa pagsasanggalang nila sa mga kawan ni Nabal. Gayunman, si Nabal ay ayaw magpamalas ng anumang pagkamapagpatuloy. Sinigawan pa nga niya ng mga panlalait ang mga tauhan ni David. Isinasapanganib ni Nabal ang kaniyang sarili, sapagkat hindi maaaring hamakin si David nang gayon na lamang.​—1 Samuel 25:5, 8, 10, 11, 14.

Ang saloobin ni Nabal ay hindi kasuwato ng kaugalian sa Gitnang Silangan ng pagiging mapagpatuloy sa mga panauhin at sa mga estranghero. Kaya, anong uri ng pangalan ang ginawa ni Nabal para sa kaniyang sarili? Sinasabi ng ulat ng Bibliya na siya “ay mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa” at “napakawalang-kabuluhang tao.” Ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang “hangal” at talagang ipinakita niya ang katangiang ito. (1 Samuel 25:3, 17, 25) Nais mo bang maalaala ka sa gayunding paraan? Ikaw ba ay mabagsik at walang-awa kapag nakikitungo sa iba, lalo na kung lumilitaw na mas mahihina sila? O ikaw ba ay mabait, mapagpatuloy at makonsiderasyon?

Si Abigail​—Isang Matinong Babae

Dahil sa kaniyang mabagsik na saloobin, si Nabal ay nanganib. Isinakbat ni David at ng 400 tauhan niya ang kanilang mga tabak at humayo upang turuan si Nabal ng isang leksiyon. Narinig ni Abigail, na asawa ni Nabal, kung ano ang nangyari. Batid niyang napipinto ang isang pagtutuos. Ano ang magagawa niya? Nagmadali siya upang maghanda ng sapat na pagkain at mga probisyon at lumabas upang salubungin si David at ang kaniyang mga tauhan. Nang magkaharap na sila, nagmakaawa siya kay David na huwag magbubo ng dugo nang walang dahilan. Lumambot ang puso ni David. Nakinig siya sa kaniyang mga pakiusap at humupa ang kaniyang galit. Di-nagtagal pagkatapos ng pangyayaring ito, si Nabal ay namatay. Dahil sa pagkatanto sa mabubuting katangian ni Abigail, kinuha siya ni David bilang kaniyang asawa.​—1 Samuel 25:14-42.

Anong uri ng reputasyon ang tinaglay ni Abigail? Siya ay “may mabuting kaunawaan,” o “matalino,” gaya ng sinasabi ng orihinal na Hebreo. Maliwanag na siya ay matino at praktikal at nalalaman niya kung paano at kailan dapat kumilos. Kumilos siya nang may katapatan upang ipagsanggalang ang kaniyang hangal na asawa at ang kaniyang sambahayan sa kapahamakan. Sa dakong huli ay namatay siya, subalit taglay ang pambihirang reputasyon bilang isang matinong babae.​—1 Samuel 25:3.

Anong Klase ng Rekord ang Iniwan ni Pedro?

Umabante tayo sa panahon tungo sa unang siglo C.E. at isaalang-alang natin ang 12 apostol ni Jesus. Walang-alinlangan na ang isa na lubhang masalita at padalus-dalos ay si Pedro, o Cefas, isang dating mangingisda sa Galilea. Maliwanag na siya ay isang masiglang indibiduwal na hindi natatakot magpahayag ng kaniyang saloobin. Halimbawa, may pagkakataong hinuhugasan noon ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga alagad. Ano ang naging reaksiyon ni Pedro nang mga paa na niya ang huhugasan?

Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?” Bilang sagot ay sinabi ni Jesus: “Ang ginagawa ko ay hindi mo nauunawaan sa kasalukuyan, ngunit mauunawaan mo pagkatapos ng mga bagay na ito.” Nagsabi si Pedro: “Tiyak na hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Pansinin ang mariin subalit padalus-dalos na reaksiyon ni Pedro. Paano tumugon si Jesus?

“Malibang hugasan kita,” ang sagot ni Jesus, “wala kang bahagi sa akin.” Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro: “Panginoon, hindi lamang ang aking mga paa, kundi gayundin ang aking mga kamay at ang aking ulo.” Sumobra naman si Pedro! Subalit laging nalalaman ng mga tao kung ano ang saloobin ni Pedro. Wala siyang anumang pagpapaimbabaw.​—Juan 13:6-9.

Si Pedro ay naaalaala rin dahil sa mismong mga kahinaan niya bilang tao. Halimbawa, ipinagkaila niya si Kristo nang tatlong ulit sa harap ng mga tao na nagparatang sa kaniya ng pagiging tagasunod ng hinatulang Jesus ng Nazaret. Nang matanto ni Pedro ang kaniyang pagkakamali, tumangis siya nang may kapaitan. Hindi siya takót na magpahayag ng kaniyang kalungkutan at pagsisisi. Mahalaga ring naitala ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang ulat na ito ng pagkakaila ni Pedro​—na posibleng si Pedro mismo ang pinanggalingan ng impormasyon! Lubha siyang mapagpakumbaba upang aminin ang kaniyang mga pagkakamali. Taglay mo ba ang gayunding katangian?​—Mateo 26:69-75; Marcos 14:66-72; Lucas 22:54-62; Juan 18:15-18, 25-27.

Sa loob lamang ng ilang linggo pagkatapos maipagkaila niya si Kristo, si Pedro na puspos ng banal na espiritu, ay buong-tapang na nangaral sa karamihan ng mga Judio noong Pentecostes. Ito ay isang tiyak na tanda na may pagtitiwala sa kaniya ang binuhay-muling si Jesus.​—Gawa 2:14-21.

Sa isa namang pagkakataon, si Pedro ay nahulog sa naiibang silo. Ipinaliwanag ni apostol Pablo na bago dumating sa Antioquia ang ilang kapatid na Judio, malayang nakikisalamuha si Pedro sa mga mananampalatayang Gentil. Gayunman, humiwalay siya sa mga ito “dahil sa takot doon sa mga uring tuli” na kararating pa lamang mula sa Jerusalem. Inilantad ni Pablo ang dobleng pamantayan ni Pedro.​—Galacia 2:11-14.

Gayunman, sino sa mga alagad ang nagsalita noong kritikal na sandali nang waring marami sa mga tagasunod ni Jesus ang handa nang iwan siya? Ang pangyayaring iyon ay noong ihayag ni Jesus ang isang bagong bagay, hinggil sa kahalagahan ng pagkain ng kaniyang laman at pag-inom ng kaniyang dugo. Sinabi niya: “Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.” Ang karamihan sa mga Judiong tagasunod ni Jesus ay natisod at nagsabi: “Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?” Ano ang nangyari pagkatapos? “Dahil dito ay marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.”​—Juan 6:50-66.

Sa kritikal na sandaling ito, bumaling si Jesus sa 12 apostol at nagharap ng isang lubhang mapanuring tanong: “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan; at naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”​—Juan 6:67-69.

Anong uri ng reputasyon ang tinaglay ni Pedro? Ang isa na bumabasa ng salaysay tungkol sa kaniya ay hahanga sa kaniyang matuwid at prangkang pagkatao, sa kaniyang katapatan, at sa kaniyang kusang pagkilala sa kaniyang sariling mga kahinaan. Kay-inam na pangalan ang ginawa niya para sa kaniyang sarili!

Ano ang Naaalaala ng mga Tao Tungkol kay Jesus?

Ang makalupang ministeryo ni Jesus ay tumagal lamang nang tatlo at kalahating taon. Subalit, paano siya naaalaala ng kaniyang mga tagasunod? Dahil ba sa sakdal siya at walang kasalanan, wala na siyang malasakit? Naghari-harian ba siya sapagkat nalalaman niya na siya ang Anak ng Diyos? Tinakot ba niya at pinilit ang kaniyang mga alagad upang sumunod? Siya ba ay masyadong seryoso anupat hindi na marunong magpatawa? Masyado ba siyang abala anupat wala nang panahon para sa mahihina at maysakit o para sa mga bata? Hinamak ba niya ang mga tao ng ibang mga lahi at ang mga babae, kagaya ng kadalasang ginagawa ng mga lalaki noon? Ano ba ang sinasabi sa atin ng ulat?

Si Jesus ay interesado sa mga tao. Ang pag-aaral sa kaniyang ministeryo ay nagsisiwalat na sa maraming pagkakataon, pinagaling niya ang mga pilay at maysakit. Nagsikap siyang makatulong sa mga nangangailangan. Nagpakita siya ng interes sa mga kabataan, anupat tinagubilinan ang kaniyang mga alagad: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan.” Pagkatapos ay “kinuha [ni Jesus] sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” Naglalaan ka ba ng panahon para sa mga bata, o masyado kang abala para mapansin man lamang sila?​—Marcos 10:13-16; Mateo 19:13-15.

Nang nasa lupa si Jesus, ang mga Judio ay nabibigatan sa mga alituntunin at mga regulasyon ng relihiyon na labis pa sa mga kahilingan ng Kautusan. Ang mga tao ay pinagdadala ng mabibigat na pasanin ng kanilang mga relihiyosong lider, samantalang ayaw man lamang nilang galawin ang mga pasanin sa pamamagitan ng isa sa kanilang mga daliri. (Mateo 23:4; Lucas 11:46) Kaya, ibang-iba si Jesus! Sinabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.”​—Mateo 11:28-30.

Ang mga tao ay naginhawahan nang sila’y sumama kay Jesus. Hindi niya pinahina ang loob ng kaniyang mga alagad, kaya hindi naman sila natatakot magpahayag ng kanilang niloloob. Sa katunayan, nagtatanong siya upang maipahayag nila ang kanilang iniisip. (Marcos 8:27-29) Makabubuting tanungin ng mga tagapangasiwang Kristiyano ang kanilang sarili: ‘Gumagawa ba ako ng gayunding impresyon sa mga kapananampalataya ko? Talaga bang sinasabi sa akin ng ibang matatanda ang kanilang opinyon, o nag-aatubili silang gawin iyon?’ Kaylaking ginhawa kung ang mga tagapangasiwa ay madaling lapitan, nakikinig sa iba, at patuloy na nakikibagay! Ang pagiging di-makatuwiran ay humahadlang sa prangka at malayang pag-uusap.

Kahit na si Jesus ang Anak ng Diyos, hindi niya kailanman inabuso ang kaniyang kapangyarihan o awtoridad. Sa halip, nakipagkatuwiranan siya sa kaniyang mga tagapakinig. Gayon ang nangyari nang siya ay pagsikapang siluin ng mga Pariseo sa pamamagitan ng isang mapandayang tanong: “Kaayon ba ng kautusan na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?” Sinabi sa kanila ni Jesus na ipakita sa kaniya ang isang barya at pagkatapos ay nagtanong sa kanila: “Kaninong larawan at sulat ito?” Sinabi nila: “Kay Cesar.” Nang magkagayon ay sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:15-21) Ang simpleng lohika ay sapat na.

Si Jesus ba ay marunong ding magpatawa? Maaaring madama ng ilang mambabasa ang bahagyang katatawanan kapag binabasa nila ang bahagi kung saan sinabi ni Jesus na mas madali pa para sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na makapasok sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 19:23, 24) Ang mismong ideya na ang isang kamelyo ay nagtatangkang lumusot sa butas ng isang literal na karayom na panahi ay pinalabis. Ang isa pang halimbawa ng gayong hyperbole ay yaong tungkol sa pagkakita ng dayami sa mata ng isang kapatid subalit hindi pagmamasid sa tahilan sa sarili niyang mata. (Lucas 6:41, 42) Tunay, si Jesus ay hindi isang taong mahigpit sa pagdidisiplina. Siya ay masigla at palakaibigan. Para sa mga Kristiyano sa ngayon, ang pagpapatawa ay maaaring magpagaan sa kalunus-lunos na kalagayan sa mga panahon ng kaigtingan.

Ang Pagkamahabagin ni Jesus sa mga Babae

Ano ang nadama ng mga babae na kasa-kasama ni Jesus? Walang-alinlangan na marami siyang matatapat na babaing tagasunod, lakip na ang kaniyang sariling ina, si Maria. (Lucas 8:1-3; 23:55, 56; 24:9, 10) Ang mga babae ay malayang nakalalapit kay Jesus anupat sa isang pagkakataon, isang babae na ‘kilala bilang isang makasalanan’ ang naghugas ng Kaniyang mga paa sa pamamagitan ng kaniyang luha at pinahiran ang mga ito ng mabangong langis. (Lucas 7:37, 38) Isa pang babae, na inaagasan ng dugo sa loob ng maraming taon, ang nakipaggitgitan para mahipo ang kaniyang kasuutan upang mapagaling. Pinuri ni Jesus ang kaniyang pananampalataya. (Mateo 9:20-22) Oo, nasumpungan ng mga babae na si Jesus ay madaling lapitan.

Sa isa pang pagkakataon, si Jesus ay nakipag-usap sa isang babaing Samaritana sa isang balon. Siya ay lubhang namangha anupat sinabi niya: “Paano ngang ikaw, bagaman isang Judio, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong isa akong babaing Samaritana?” Makikita mo rito na ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano. Si Jesus ay patuloy na nagturo sa kaniya ng kamangha-manghang katotohanan tungkol sa ‘tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.’ Palagay ang loob niya kapag kasama ang mga babae. Hindi niya nadarama na para bang hinahamon ang kaniyang katayuan.​—Juan 4:7-15.

Si Jesus ay naaalaala dahil sa marami niyang makataong katangian, kasali na ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. Siya ang sagisag ng makadiyos na pag-ibig. Si Jesus ay naglagay ng pamantayan para sa lahat ng nagnanais na maging mga tagasunod niya. Gaano kaingat mong tinutularan ang kaniyang halimbawa?​—1 Corinto 13:4-8; 1 Pedro 2:21.

Paano Naaalaala ang Modernong-Panahong mga Kristiyano?

Sa modernong panahon, libu-libong tapat na mga Kristiyano ang namatay na, marami sa kanila ay dahil sa katandaan at ang iba naman ay maituturing na nasa kabataan pa. Subalit sila ay nag-iwan ng mabuting reputasyon. Ang ilan, kagaya ni Crystal, na namatay dahil sa katandaan, ay naaalaala dahil sa kanilang pag-ibig at malayang pakikihalubilo. Ang iba naman, kagaya ni Dirk, na namatay sa gulang na mahigit na 40 taon, ay naaalaala dahil sa kanilang masayang saloobin at espiritu ng pagkukusa.

Naririyan din ang halimbawa ni José mula sa Espanya. Noong mga dekada ng 1960, nang ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay nasa ilalim pa ng pagbabawal sa bansang iyon, nag-asawa si José at nagkaroon ng tatlong anak na batang babae. May matatag siyang trabaho sa Barcelona. Subalit noong panahong iyon, nangangailangan ng mga may-gulang na matatandang Kristiyano sa timugang Espanya. Iniwan ni José ang kaniyang matatag na trabaho at lumipat sa Málaga kasama ang pamilya niya. Kailangan silang makaraos sa panahong mahirap ang buhay, na kadalasan ay dahil sa walang mapagtrabahuhan.

Subalit si José ay nakilala sa kaniyang tapat at maaasahang halimbawa sa ministeryo at sa huwarang pagpapalaki sa kaniyang mga anak na babae, na naisagawa niya sa tulong ng kaniyang mapagkalingang asawa, si Carmela. Kapag nangangailangan ng mag-oorganisa ng mga kombensiyong Kristiyano sa rehiyon, laging handang tumulong si José. Nakalulungkot, bagaman mahigit lamang sa 50 taóng gulang, siya ay nagkaroon ng malubhang sakit na naging sanhi ng kaniyang kamatayan. Gayunman, nag-iwan siya ng isang reputasyon ng pagiging maaasahan, masipag na matanda at maibiging asawang lalaki at ama.

Kaya, paano ka naman maaalaala? Kung namatay ka kahapon, ano kaya ang sasabihin ng mga tao tungkol sa iyo ngayon? Ito ay isang tanong na maaaring gumanyak sa ating lahat upang pagbutihin ang ating pagkilos.

Ano ang magagawa natin upang magkaroon ng isang mabuting reputasyon? Maaari nating pasulungin sa tuwina ang pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu​—pag-ibig, mahabang pagtitiis, kabaitan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili bukod sa iba pa. (Galacia 5:22, 23) Oo, tiyak na “ang [mabuting] pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.”​—Eclesiastes 7:1; Mateo 7:12.

[Larawan sa pahina 5]

Si Abigail ay naaalaala dahil sa kaniyang katinuan

[Larawan sa pahina 7]

Si Pedro ay naaalaala dahil sa kaniyang padalus-dalos subalit matuwid na pagkatao

[Larawan sa pahina 8]

Naglaan si Jesus ng panahon para sa mga bata