May Tunay na Pag-asa ang mga Lingkod ni Jehova
May Tunay na Pag-asa ang mga Lingkod ni Jehova
“Ang mga nalalabi sa Jacob ay magiging tulad ng hamog mula kay Jehova sa gitna ng maraming bayan . . . na hindi umaasa sa tao.”—MIKAS 5:7.
1. Paanong ang espirituwal na Israel ay isang pinagmumulan ng kaginhawahan?
SI Jehova ang dakilang Maylikha ng ulan at hamog. Walang saysay na umasang ang mga tao ang magbibigay ng hamog o ulan. Sumulat si propeta Mikas: “Ang mga nalalabi sa Jacob ay magiging tulad ng hamog mula kay Jehova sa gitna ng maraming bayan, tulad ng saganang ulan sa pananim, na hindi umaasa sa tao o naghihintay sa mga anak ng makalupang tao.” (Mikas 5:7) Sino ang makabagong-panahong “mga nalalabi sa Jacob”? Sila ang espirituwal na mga Israelita, ang mga nalabi ng “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Para sa “maraming bayan” sa lupa, sila ay gaya ng nakagiginhawang “hamog mula kay Jehova” at “saganang ulan sa pananim.” Oo, ang mga pinahirang Kristiyano sa ngayon ay isang pinagmumulan ng kaginhawahan buhat sa Diyos para sa mga tao. Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, ginagamit sila ni Jehova upang ibigay sa mga tao ang kaniyang mensahe ng tunay na pag-asa.
2. Bakit mayroon tayong tunay na pag-asa bagaman nabubuhay tayo sa maligalig na sanlibutang ito?
2 Hindi dapat ipagtaka na ang sanlibutang ito ay walang tunay na pag-asa. Ang kawalang-katatagan sa pulitika, pagkasira ng moral, krimen, krisis sa ekonomiya, terorismo, pagdidigmaan ay mga bagay na inaasahan natin sa isang sanlibutan na pinangingibabawan ni Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Marami ang nangangamba sa mangyayari sa hinaharap. Gayunman, bilang mga mananamba ni Jehova, hindi tayo nangangamba, sapagkat mayroon tayong tiyak na pag-asa sa hinaharap. Ito ay tunay na pag-asa sapagkat nakasalig ito sa Salita ng Diyos. Mayroon tayong pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Salita dahil laging nagkakatotoo ang kaniyang sinasabi.
3. (a) Bakit kikilos noon si Jehova laban sa Israel at Juda? (b) Bakit kumakapit ang mga salita ni Mikas sa ngayon?
3 Ang hula ni Mikas na kinasihan ng Diyos ay nagpapatibay sa atin na lumakad sa pangalan ni Jehova at nagbibigay sa atin ng saligan para sa tunay na pag-asa. Noong ikawalong siglo B.C.E., nang humula si Mikas, ang tipang bayan ng Diyos ay nahahati sa dalawang bansa—ang Israel at Juda—na kapuwa nagwawalang-bahala sa tipan ng Diyos. Ang resulta nito ay ang pagguho ng moral, relihiyosong apostasya, at labis na materyalismo. Kaya, nagbabala si Jehova na kikilos siya laban sa kanila. Sabihin pa, ang mga babala ng Diyos ay ipinatungkol sa mga kapanahon ni Mikas. Gayunman, ang situwasyon sa makabagong-panahon ay kagayang-kagaya niyaong sa panahon ni Mikas anupat ang kaniyang mga salita ay kumakapit din sa ngayon. Ito ay magiging malinaw habang isinasaalang-alang natin ang ilang tampok na bahagi ng pitong kabanata ng aklat ng Mikas.
Kung Ano ang Isinisiwalat ng Kabuuang Pagsusuri
4. Anong impormasyon ang inilalaan ng Mikas kabanata 1 hanggang 3?
4 Suriin natin sa maikli ang mga nilalaman ng aklat ng Mikas. Sa kabanata 1, inilalantad ni Jehova ang paghihimagsik ng Israel at Juda. Dahil sa kanilang pagkadelingkuwente, ang Israel noon ay pupuksain at ang parusa sa Juda ay aabot maging hanggang sa mga pintuang-daan ng Jerusalem. Isinisiwalat ng kabanata 2 na inaapi ng mga mayayaman at makapangyarihan ang mga mahihina at walang-kalaban-laban. Gayunman, mayroon ding pangako ang Diyos. Ang bayan ng Diyos ay titipunin sa pagkakaisa. Iniuulat ng kabanata 3 ang mga kapahayagan ni Jehova laban sa mga lider ng mga bansa at sa delingkuwenteng mga propeta. Binabaluktot ng mga lider ang katarungan, at ang mga propeta ay nagsasalita ng mga kasinungalingan. Sa kabila nito, si Mikas ay pinalakas ng banal na espiritu upang ipahayag ang dumarating na paghatol ni Jehova.
5. Ano ang diwa ng Mikas kabanata 4 at 5?
5 Inihuhula ng kabanata 4 na sa huling bahagi ng mga araw, ang lahat ng bansa ay magtutungo sa itinaas na bundok ng bahay ni Jehova upang magpaturo sa kaniya. Bago mangyari iyon, ipatatapon ang Juda sa Babilonya, ngunit ililigtas siya ni Jehova. Isinisiwalat ng kabanata 5 na isisilang ang Mesiyas sa Betlehem ng Juda. Papastulan niya ang kaniyang bayan at ililigtas sila mula sa mapaniil na mga bansa.
6, 7. Anu-anong mga punto ang inihaharap sa kabanata 6 at 7 ng hula ni Mikas?
6 Iniuulat ng Mikas kabanata 6 ang mga paratang ni Jehova laban sa kaniyang bayan bilang isang usapin sa batas. Ano ang ginawa niya na naging sanhi ng kanilang paghihimagsik? Wala. Ang totoo, lubhang makatuwiran ang kaniyang mga kahilingan. Nais niya na ang kaniyang mga mananamba ay magsagawa ng katarungan at maging mabait at mahinhin habang lumalakad sila na kasama niya. Sa halip na gawin iyon, sinunod ng Israel at Juda ang landasin ng paghihimagsik at kinailangan nilang danasin ang mga epekto nito.
7 Sa huling kabanata ng kaniyang hula, tinuligsa ni Mikas ang kabalakyutan ng kaniyang mga kapanahon. Gayunman, hindi siya nasiraan ng loob, sapagkat determinado siya na ‘magpakita ng mapaghintay na saloobin’ kay Jehova. (Mikas 7:7) Ang aklat ay nagtatapos sa isang kapahayagan ng pagtitiwala na maaawa si Jehova sa kaniyang bayan. Pinatutunayan ng kasaysayan na natupad ang pag-asang ito. Noong 537 B.C.E., nang matapos na ang pagdisiplina ni Jehova sa kaniyang bayan, maawain niyang isinauli ang isang nalabi sa kanilang sariling lupain.
8. Paano mo bubuurin ang mga nilalaman ng aklat ng Mikas?
8 Kay-inam na impormasyon ang isinisiwalat ni Jehova sa pamamagitan ni Mikas! Ang kinasihang aklat na ito ay naglalaan ng mga babalang halimbawa
kung paano nakikitungo si Jehova sa mga nag-aangking naglilingkod sa kaniya ngunit hindi naman mga tapat. Inihuhula nito ang mga pangyayari na nagaganap sa ngayon. At ibinibigay nito ang payo ng Diyos kung paano tayo dapat gumawi sa mahihirap na panahong ito upang maging matibay ang ating pag-asa.Nagsalita ang Soberanong Panginoong Jehova
9. Ayon sa Mikas 1:2, ano ang gagawin ni Jehova?
9 Suriin natin ngayon nang mas detalyado ang aklat ng Mikas. Sa Mikas 1:2, mababasa natin: “Dinggin ninyong lahat na mga bayan; magbigay-pansin ka, O lupa at ang lahat ng naririyan sa iyo, at ang Soberanong Panginoong Jehova nawa ay maging saksi laban sa inyo, si Jehova mula sa kaniyang banal na templo.” Kung ikaw ay nabubuhay noong panahon ni Mikas, tiyak na napukaw ng mga salitang iyon ang iyong pansin. Sa katunayan, talagang mapupukaw ng mga ito ang iyong pansin dahil si Jehova ay nagsasalita mula sa kaniyang banal na templo at kinakausap niya hindi lamang ang Israel at Juda kundi ang mga tao sa lahat ng dako. Noong panahon ni Mikas, matagal nang ipinagwawalang-bahala ng mga tao ang Soberanong Panginoong Jehova. Di-magtatagal at magbabago iyon. Determinado si Jehova na gumawa ng tiyak na pagkilos.
10. Bakit mahalaga sa atin ang mga salita sa Mikas 1:2?
10 Totoo rin ito sa ating panahon. Ipinakikita ng Apocalipsis 14:18-20 na si Jehova ay muling nagpapalabas ng mga mensahe mula sa kaniyang banal na templo. Malapit na siyang gumawa ng tiyak na pagkilos, at muli na namang yayanigin ng mahahalagang pangyayari ang sangkatauhan. Sa pagkakataong ito, ang balakyot na “punong ubas ng lupa” ay ihahagis sa malaking pisaan ng galit ni Jehova, ukol sa lubusang pagkapuksa ng sistema ng mga bagay ni Satanas.
11. Ano ang ibig sabihin ng mga salita sa Mikas 1:3, 4?
11 Pakinggan kung ano ang gagawin ni Jehova. Sinasabi ng Mikas 1:3, 4: “Narito! si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako, at siya ay tiyak na bababa at yayapak sa matataas na dako sa lupa. At ang mga bundok ay matutunaw sa ilalim niya, at ang mabababang kapatagan ay mabibiyak, gaya ng pagkit dahil sa apoy, gaya ng tubig na ibinubuhos sa isang dakong matarik.” Iiwan ba ni Jehova ang kaniyang makalangit na tirahan at literal na yayapakan ang mga bundok at mga kapatagan ng Lupang Pangako? Hindi. Hindi na niya kailangang gawin iyon. Kailangan lamang niyang ibaling ang kaniyang pansin sa lupa upang maisakatuparan ang kaniyang kalooban. Bukod diyan, hindi ang literal na lupa, kundi ang mga naninirahan sa lupa, ang daranas ng mga bagay na inilarawan. Kapag kumilos si Jehova, magiging kapaha-pahamak ang resulta para sa mga di-tapat—na para bang natunaw ang mga bundok na gaya ng pagkit at nabiyak ang mga kapatagan dahil sa lindol.
12, 13. Kasuwato ng 2 Pedro 3:10-12, ano ang nagpapatibay sa ating pag-asa?
12 Maaaring ipaalaala sa iyo ng makahulang mga salita sa Mikas 1:3, 4 ang isa pang kinasihang hula na patiunang bumabanggit sa kapaha-pahamak na mga pangyayari sa lupa. Gaya ng nakaulat sa 2 Pedro 3:10, sumulat si apostol Pedro: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” Katulad ng hula ni Mikas, ang mga salita ni Pedro ay hindi kumakapit sa literal na mga langit at lupa. Tumutukoy ang mga ito sa isang malaking kapighatian na sasapit sa di-makadiyos na sistemang ito ng mga bagay.
13 Sa kabila ng dumarating na kapahamakang iyon, makapagtitiwala ang mga Kristiyano sa hinaharap, gaya ni Mikas. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo na masusumpungan sa kasunod na mga talata ng liham ni Pedro. Bumulalas ang apostol: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Pedro 3:11, 12) Ang ating pag-asa sa hinaharap ay magiging tiyak kung lilinangin natin ang isang masunuring puso at titiyakin na ang ating paggawi ay banal at ang ating buhay ay puspos ng mga gawa ng makadiyos na debosyon. Upang maging matibay ang ating pag-asa, dapat din nating tandaan na tiyak na darating ang araw ni Jehova.
14. Bakit karapat-dapat parusahan ang Israel at Juda?
14 Ipinaliliwanag ni Jehova kung bakit karapat-dapat parusahan ang kaniyang sinaunang bayan. Sinasabi ng Mikas 1:5: “Dahil sa pagsalansang ng Jacob kung kaya nangyayari ang lahat ng ito, dahil nga sa mga kasalanan ng sambahayan ng Israel. Ano ang pagsalansang ng Jacob? Hindi ba ang Samaria? At ano ang matataas na dako ng Juda? Hindi ba ang Jerusalem?” Utang ng Israel at ng Juda kay Jehova ang kanila mismong pag-iral. Gayunman, naghimagsik sila sa kaniya, at ang kanilang paghihimagsik ay nagaganap maging sa kani-kanilang kabiserang lunsod, ang Samaria at Jerusalem.
Laganap ang Balakyot na mga Gawain
15, 16. Ang mga kapanahon ni Mikas ay nakagawa ng anong mga kabalakyutan?
15 Ang isang halimbawa ng kabalakyutan ng mga kapanahon ni Mikas ay malinaw na inilarawan sa Mikas 2:1, 2: “Sa aba niyaong mga nagpapakana ng bagay na nakapipinsala, at niyaong mga nagsasagawa ng masama, habang nasa kanilang mga higaan! Sa liwanag ng umaga ay ginagawa nila iyon, sapagkat iyon ay nasa kapangyarihan ng kanilang kamay. At nagnanasa sila ng mga bukid at inaagaw ang mga iyon; ng mga bahay rin, at kinukuha ang mga iyon; at dinadaya nila ang matipunong lalaki at ang kaniyang sambahayan, ang isang lalaki at ang kaniyang minanang pag-aari.”
16 Ang sakim na mga indibiduwal ay nagpupuyat sa gabi sa pagpapakana kung paano nila aagawin ang mga bukid at bahay ng kanilang mga kapuwa. Sa umaga, nagmamadali silang isagawa ang kanilang mga pakana. Hindi nila gagawin ang gayong balakyot na mga gawa kung ginunita nila ang tipan ni Jehova. Ang Kautusang Mosaiko ay naglalaman ng mga kaayusan upang ipagsanggalang ang mga dukha. Sa ilalim nito, walang pamilya ang dapat na permanenteng mawalan ng pagmamay-ari sa kaniyang mana. Gayunman, binale-wala ito ng sakim na mga indibiduwal na iyon. Ipinagwalang-bahala nila ang mga salita sa Levitico 19:18, na nagsasabi: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”
17. Ano ang maaaring mangyari kapag inuna niyaong mga nag-aangking naglilingkod sa Diyos ang materyal na mga bagay sa kanilang buhay?
17 Ipinakikita nito kung ano ang maaaring mangyari kapag pinabayaan ng mga taong nag-aangking naglilingkod sa Diyos ang espirituwal na mga tunguhin at inuna ang materyal na mga bagay. Nagbabala si Pablo sa mga Kristiyano noong kaniyang panahon: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” (1 Timoteo 6:9) Kapag ginagawang pangunahing tunguhin ng isang tao sa kaniyang buhay ang pagkakamal ng salapi, sa diwa, siya ay sumasamba sa isang huwad na diyos—ang Kayamanan. Ang huwad na diyos na iyan ay hindi nagbibigay ng tiyak na pag-asa para sa hinaharap.—Mateo 6:24.
18. Ano ang mangyayari sa mga materyalistiko noong panahon ni Mikas?
18 Natutuhan ng marami noong panahon ni Mikas sa masaklap na paraan na ang pananalig sa materyal na mga bagay ay walang-kabuluhan. Ayon sa Mikas 2:4, sinasabi ni Jehova: “Sa araw na iyon ay may magbabangon tungkol sa inyo ng isang kasabihan at mananaghoy ng isang panaghoy, ng isa ngang panaghoy. Ang isa ay magsasabi: ‘Kami ay talagang sinamsaman! Ang mismong takdang bahagi ng aking bayan ay binabago niya. Ano’t inaalis niya iyon sa akin! Sa di-tapat ay hinahati-hati niya ang aming sariling mga bukid.’” Oo, ang mga magnanakaw na iyon ng mga tahanan at mga bukid ay mawawalan ng mismong mana nila mula sa kanilang pamilya. Sila ay ipatatapon sa isang banyagang lupain, at ang kanilang mga pag-aari ay magiging samsam ng “di-tapat,” o ng mga tao ng mga bansa. Guguho ang lahat ng pag-asa ukol sa isang masaganang kinabukasan.
19, 20. Ano ang naranasan ng mga Judio na nagtiwala kay Jehova?
19 Gayunman, ang pag-asa niyaong mga nagtitiwala kay Jehova ay hindi mabibigo. Si Jehova ay tapat sa kaniyang mga tipan kina Abraham at David, at siya ay may awa sa mga kagaya ni Mikas na umiibig sa kaniya at nagdadalamhati sa pagkakahiwalay ng kanilang mga kababayan sa Diyos. Alang-alang sa mga matuwid, magkakaroon ng pagsasauli sa takdang panahon ng Diyos.
20 Nangyari iyon noong 537 B.C.E., pagkatapos bumagsak ang Babilonya at bumalik ang nalabi ng mga Judio sa kanilang tinubuang lupain. Nang panahong iyon, ang mga salita sa Mikas 2:12 ay nagkaroon ng unang katuparan. Sinabi ni Jehova: “Tiyak na titipunin ko ang Jacob, kayong lahat; walang pagsalang pipisanin ko ang mga nalalabi sa Israel. Ilalagay ko sila sa pagkakaisa, tulad ng mga tupa sa kural, tulad ng isang kawan sa gitna ng pastulan nito; sila ay magiging maingay dahil sa mga tao.” Talagang napakamaibigin ni Jehova! Matapos disiplinahin ang kaniyang bayan, isang nalabi ang pinahintulutan niyang makabalik at makapaglingkod sa kaniya sa lupain na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno.
Kapansin-pansing mga Pagkakatulad sa Ating Panahon
21. Paano maihahambing ang makabagong-panahong mga kalagayan sa mga kalagayan noong panahon ni Mikas?
21 Habang isinasaalang-alang natin ang unang dalawang kabanata ng Mikas, nagulat ka ba sa laki ng pagkakatulad nito sa ating panahon? Gaya noong panahon ni Mikas, marami sa ngayon ang nag-aangking naglilingkod sa Diyos. Gayunman, kagaya ng Juda at Israel, sila ay nababahagi at nakikipagdigma pa nga sa isa’t isa. Marami sa mga mayayaman sa Sangkakristiyanuhan ang naniniil sa mga mahihirap. Lalo pang kinukunsinti ng mga relihiyosong lider ang mga gawain na tuwirang hinahatulan sa Bibliya. Hindi nakapagtataka na malapit nang magwakas ang Sangkakristiyanuhan pati na ang iba pang bahagi ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon! (Apocalipsis 18:1-5) Subalit katulad ng nangyari noong panahon ni Mikas, si Jehova ay magkakaroon ng tapat na mga lingkod na mananatili sa lupa.
22. Anong dalawang grupo ang naglagak ng kanilang pag-asa sa Kaharian ng Diyos?
22 Noong 1919, ang tapat na mga pinahirang Kristiyano ay humiwalay nang lubusan sa Sangkakristiyanuhan at nagpasimulang maghayag ng mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng bansa. (Mateo 24:14) Una, hinanap nila ang mga nalabi ng espirituwal na Israel. Pagkatapos ay sinimulang tipunin ang “ibang mga tupa,” at ang dalawang grupo ay naging “isang kawan, isang pastol.” (Juan 10:16) Bagaman naglilingkod sila ngayon sa Diyos sa 234 na lupain, ang lahat ng tapat na mananambang ito ni Jehova ay tunay na inilagay “sa pagkakaisa.” Sa ngayon, ang kulungan ng mga tupa ay “maingay dahil sa mga tao,” mga lalaki, babae, at mga bata. Ang kanilang pag-asa ay hindi sa sistemang ito ng mga bagay kundi sa Kaharian ng Diyos, na malapit nang magbigay-daan sa isang makalupang paraiso.
23. Bakit ka kumbinsido na tiyak na ang iyong pag-asa?
23 Tungkol sa tapat na mga mananamba ni Jehova, ang huling talata ng Mikas kabanata 2 ay nagsasabi: “Ang kanilang hari ay daraang una sa kanila, at si Jehova ang nasa unahan nila.” Nakikini-kinita mo ba ang iyong sarili sa prusisyong iyon ng tagumpay, na sumusunod sa iyong Hari, si Jesu-Kristo, samantalang si Jehova naman ang nasa unahan? Kung oo, maaari kang manalig na sigurado na ang tagumpay at tiyak na ang iyong pag-asa. Lalo pa itong magiging maliwanag habang higit pa nating isinasaalang-alang ang mga tampok na bahagi sa hula ni Mikas.
Paano Mo Sasagutin?
• Noong panahon ni Mikas, bakit ipinasiya ni Jehova na kumilos laban sa Juda at Israel?
• Ano ang maaaring mangyari kapag inuna ng mga nag-aangking naglilingkod sa Diyos ang materyal na mga kapakanan sa kanilang buhay?
• Matapos isaalang-alang ang Mikas kabanata 1 at 2, bakit ka kumbinsido na tiyak na ang iyong pag-asa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Mapatitibay tayo ng hula ni Mikas sa espirituwal na paraan
[Mga larawan sa pahina 10]
Kagaya ng nalabing mga Judio noong 537 B.C.E., itinataguyod ng espirituwal na mga Israelita at ng kanilang mga kasamahan ang tunay na pagsamba