Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May-pananabik Mo Bang Hinahanap si Jehova?

May-pananabik Mo Bang Hinahanap si Jehova?

May-pananabik Mo Bang Hinahanap si Jehova?

GUSTUNG-GUSTO sanang ibahagi ng isang lalaking Kristiyano ang mabuting balita mula sa Bibliya sa ibang mga pasahero sa tren. (Marcos 13:10) Pero, napigil siya ng takot. Sumuko ba siya? Hindi, taimtim siyang nanalangin at pinag-isipan niya kung paano pasisimulan ang isang pag-uusap. Sinagot ng Diyos na Jehova ang kahilingan ng lalaking ito at binigyan siya ng lakas upang magpatotoo.

Mahalaga ang gayong kasigasigan kapag hinahanap natin si Jehova at ang kaniyang pagsang-ayon. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Hindi sapat ang basta paghanap lamang kay Jehova. Ang pandiwang Griego na isinaling “may-pananabik na humahanap” ay nasa isang anyong nagpapahiwatig ng marubdob at puspusang pagsisikap. Kasangkot dito ang buong puso, isip, kaluluwa, at buong lakas ng isa. Kung may-pananabik nating hinahanap si Jehova, hindi tayo kumikilos sa isang di-nababahala, walang pagsisikap, o matamlay na paraan. Sa halip, nagpapakita tayo ng tunay na sigasig sa paghahanap sa kaniya.​—Gawa 15:17.

Yaong mga May-pananabik na Humanap kay Jehova

Ang Kasulatan ay naglalaman ng mga halimbawa ng taimtim na mga nagsumikap sa paghanap kay Jehova. Isang halimbawa nito si Jacob, na puspusang nakipagbuno hanggang sa magbukang-liwayway sa isang anghel ng Diyos na nagkatawang-tao. Dahil dito, si Jacob ay binigyan ng pangalang Israel (Nakipagpunyagi sa Diyos) sapagkat siya’y nakipagpunyagi, o nagpumilit, nagsumikap, nagmatiyaga, sa Diyos. Pinagpala siya ng anghel dahil sa kaniyang marubdob na pagsisikap.​—Genesis 32:24-30.

Nariyan din ang isang babaing taga-Galilea na di-binanggit ang pangalan at pinahirapan ng pag-agas ng dugo sa loob ng 12 taon, anupat siya’y dumanas ng “maraming pahirap.” Sa kalagayang ito, hindi siya dapat humipo sa ibang tao. Gayunman, nagtipon siya ng lakas ng loob na lumabas upang makita si Jesus. Patuloy niyang sinasabi: “Kung mahihipo ko kahit man lamang ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay gagaling ako.” Gunigunihin siya habang nakikipaggitgitan sa ‘pulutong na sumusunod [kay Jesus] at sumisiksik sa kaniya.’ Pagkatapos mahipo ang panlabas na kasuutan ni Jesus, nadama niya na “natuyo ang pagbukal ng kaniyang dugo”​—napagaling ang kaniyang napakatagal nang karamdaman! Natakot siya nang magtanong si Jesus: “Sino ang humipo sa aking mga panlabas na kasuutan?” Subalit magiliw na sinabi sa kaniya ni Jesus: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.” Ginantimpalaan ang kaniyang pagsisikap.​—Marcos 5:24-34; Levitico 15:25-27.

Minsan naman, isang babaing taga-Fenicia ang marubdob na nagsumamo kay Jesus na pagalingin ang kaniyang anak na babae. Sumagot si Jesus na di-angkop na ibigay ang pagkain ng mga bata sa maliliit na aso. Ibig niyang sabihin na magmamalasakit muna siya sa karapat-dapat na mga Judio sa halip na sa mga di-Israelita. Bagaman naunawaan ang punto ng kaniyang ilustrasyon, nagsumamo pa rin ang babae: “Oo, Panginoon; ngunit tunay ngang ang maliliit na aso ay kumakain ng mga mumo na nahuhulog mula sa mesa ng kanilang mga panginoon.” Ang kaniyang matibay na pananampalataya at kataimtiman ay nag-udyok kay Jesus na magsabi: “O babae, malaki ang iyong pananampalataya; mangyari nawa iyon sa iyo gaya ng nais mo.”​—Mateo 15:22-28.

Ano kaya ang nangyari sa mga indibiduwal na ito kung hindi sila nagpumilit? Tumanggap kaya sila ng mga pagpapala kung sumuko na sila nang mapaharap sa unang hadlang o pagtanggi? Hindi! Angkop na inilalarawan ng mga halimbawang ito ang punto na itinuro ni Jesus, na ang “may-tapang na pagpupumilit” ay wasto, mahalaga pa nga, sa paghanap kay Jehova.​—Lucas 11:5-13.

Ayon sa Kaniyang Kalooban

Sa nabanggit na mga ulat ng mga tumanggap ng makahimalang pagpapagaling, ang kasigasigan ba ang tanging kahilingan para mapagaling? Hindi, ang kanilang mga kahilingan ay dapat na kasuwato ng kalooban ng Diyos. Si Jesus ay binigyan ng makahimalang kapangyarihan upang patunayan sa namumukod-tanging paraan na siya ang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 6:14; 9:33; Gawa 2:22) Isa pa, ang mga himalang ginawa ni Jesus ay patikim lamang ng dakilang mga pagpapala sa lupa na ipagkakaloob ni Jehova sa sangkatauhan sa Milenyong Pamamahala ni Kristo.​—Apocalipsis 21:4; 22:2.

Hindi na kalooban ng Diyos na ang mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon ay magkaroon ng makahimalang kapangyarihan, gaya ng kakayahang magpagaling at magsalita ng mga wika. (1 Corinto 13:8, 13) Kalakip sa kalooban niya sa ating panahon ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa upang “ang lahat ng uri ng mga tao ay sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4; Mateo 24:14; 28:19, 20) Wasto lamang na asahan ng mga lingkod ng Diyos na diringgin ang kanilang marubdob na mga panalangin kung taimtim silang magsisikap kasuwato ng kaniyang kalooban.

Maaaring magtanong ang ilan, ‘Bakit kailangan pa nating magsumikap kung magaganap din naman sa bandang huli ang layunin ng Diyos?’ Bagaman totoong maisasakatuparan ni Jehova ang kaniyang layunin kahit walang pagsisikap ng mga tao, nalulugod siyang isangkot ang mga indibiduwal sa paggawa ng kaniyang kalooban. Si Jehova ay maihahalintulad sa isang taong nagtatayo ng isang bahay. Ang tagapagtayo ay may kumpletong plano para sa proyekto, subalit pumipili siya ng mga materyales sa pagtatayo na makukuha sa kanilang lugar. Sa katulad na paraan, may proyekto si Jehova na isinasagawa sa ngayon at nalulugod siyang gamitin ang kaniyang mga lingkod, na kusang naghahandog ng kanilang sarili.​—Awit 110:3; 1 Corinto 9:16, 17.

Isaalang-alang ang karanasan ng kabataang si Toshio. Pagpasok sa haiskul, gusto niyang magbigay ng malaking patotoo hangga’t maaari sa kaniyang naiibang teritoryo sa paaralan. Lagi niyang inihahanda ang kaniyang Bibliya at nagsisikap siyang maging isang huwarang Kristiyano. Sa pagtatapos ng kaniyang unang taon sa paaralan, nagkaroon siya ng pagkakataong magpahayag sa klase. Humingi ng tulong si Toshio kay Jehova sa panalangin at natuwa siyang makita ang buong klase na matamang nakikinig sa kaniyang pahayag na pinamagatang “Ang Tunguhin Kong Gawing Karera ang Pagpapayunir.” Ipinaliwanag niya na gusto niyang maging isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ang isa sa mga estudyante ay sumang-ayon na makipag-aral ng Bibliya sa kaniya at sumulong tungo sa pagpapabautismo. Ang marubdob na mga pagsisikap ni Toshio kasuwato ng kaniyang mga panalangin ay saganang ginantimpalaan.

Gaano Ka Kasigasig?

Maipakikita mo sa iba’t ibang paraan na may-pananabik mong hinahanap si Jehova at ang kaniyang mga pagpapala. Una, may mahahalagang bagay na magagawa ka, gaya ng paghahandang mabuti para sa mga pagpupulong Kristiyano. Sa pamamagitan ng pinaghandaang-mabuti na mga komento, nakagaganyak na mga pahayag, at epektibong mga pagtatanghal, maipakikita mo kung gaano mo karubdob na hinahanap si Jehova. Maipakikita mo rin ang iyong kasigasigan sa pamamagitan ng pagpapasulong sa kalidad ng iyong ministeryo. Bakit hindi mo subuking maging mas palakaibigan sa iyong pakikipag-usap sa may-bahay at gumamit ng mabibisang pambungad na angkop sa inyong teritoryo? (Colosas 3:23) Sa pamamagitan ng buong-pusong pagsisikap, maaaring tumanggap ang isang lalaking Kristiyano ng mga atas sa kongregasyon, gaya ng paglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod o isang matanda. (1 Timoteo 3:1, 2, 12, 13) Kung laging nakalaan ang iyong sarili, mararanasan mo ang kagalakan ng pagbibigay. Maaari kang mag-aplay upang maglingkod sa isang proyekto ng pagtatayo ng sangay o sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Kung ikaw ay isang kuwalipikadong binata, baka gusto mong mag-aral sa Ministerial Training School, na nagsasangkap sa espirituwal na mga lalaki upang maging mabubuting pastol. Kung ikaw ay may-asawa, maaaring ang paglilingkod bilang misyonero ang paraan upang ipakita mo ang iyong masigasig na pagnanais na higit pang mapaglingkuran si Jehova. Ang paglipat kung saan may higit na pangangailangan para sa mga tagapangaral ng Kaharian ay maaaring posible para sa iyo.​—1 Corinto 16:9.

Ang pinakamahalaga ay ang espiritu na ipinakikita mo sa pagtupad ng isang atas. Anumang responsibilidad ang ibigay sa iyo, gawin ito nang may kasigasigan, buong lakas, at taglay ang “kataimtiman ng puso.” (Gawa 2:46; Roma 12:8) Makabubuting malasin mo ang bawat atas bilang isang pagkakataon upang ipakita ang iyong pananabik na purihin si Jehova. Palaging humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin, at gawin ang pinakamainam na magagawa mo. Kung magkagayon, aani ka ng saganang gantimpala.

Ginantimpalaan ang Marubdob na Pagsisikap

Natatandaan mo ba ang lalaking Kristiyano na nanalanging madaig niya sana ang kaniyang takot upang makapangaral siya sa ibang pasahero? Pinagpala ni Jehova ang kaniyang taimtim na hangarin. Sinikap ng kapatid na lalaki na lumapit sa mga tao sa kaayaayang paraan at pumili ng mga paksang makapagbubukas ng usapan. Nagamit niya nang mabisa ang Bibliya upang magpatotoo sa isang lalaking nababahala sa umiigting na ugnayan ng mga tao. Ang pagpapatotoo sa lalaking iyon sa tuwing magkakasabay sila sa tren ay humantong sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Tunay ngang pinagpala ni Jehova ang kaniyang marubdob na pagsisikap!

Baka gayundin ang maging resulta sa iyo kung patuloy mong hahanapin si Jehova nang may pananabik. Kung mapagpakumbaba kang magtitiyaga at gaganapin mo nang buong puso ang anumang teokratikong gawaing isinasagawa mo, gagamitin ka ni Jehova kasuwato ng kaniyang mga layunin at ibubuhos niya sa iyo ang saganang pagpapala.

[Larawan sa pahina 26]

Ano kaya ang nangyari sa babaing ito kung hindi siya nagpumilit?

[Larawan sa pahina 27]

Patuloy ka bang nagsusumamo kay Jehova para sa kaniyang pagpapala?

[Mga larawan sa pahina 28]

Paano mo maipakikitang may-pananabik mong hinahanap si Jehova?