Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Sa anu-anong paraan nagsilbing isang mainam na halimbawa si Ruth?
Siya ay kapuri-puri sa kaniyang pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang matapat na pag-ibig kay Noemi, at sa pagpapakita ng mga katangian ng kasipagan at kapakumbabaan. Hindi nga kataka-taka na itinuring siya ng bayan na “isang mahusay na babae.” (Ruth 3:11)—4/15, pahina 23-6.
• Paano natin nalalaman na nagmamalasakit si Jehova sa ordinaryong mga tao?
Sinabi niya sa mga Israelita, na pinagmalupitan mismo sa Ehipto, na huwag pagmamalupitan ang ordinaryong mga tao. (Exodo 22:21-24) Si Jesus, na tumulad sa kaniyang Ama, ay nagpakita ng tunay na interes sa ordinaryong mga tao, at pinili niya bilang kaniyang mga apostol ang mga lalaking “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13; Mateo 9:36) Matutularan natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa iba, gaya sa mga kabataan.—4/15, pahina 28-31.
• Anong dahilan mayroon tayo para maniwalang napapansin ni Jehova ang ating ginagawa?
Ipinakikita ng mga ulat sa Bibliya na napapansin ni Jehova ang mga ginagawa ng mga tao. Napansin niya ang haing inihandog ni Abel, at napapansin niya ang ating ‘mga hain ng papuri, ang bunga ng mga labi.’ (Hebreo 13:15) Napansin ni Jehova na sinikap ni Enoc na palugdan siya sa pamamagitan ng pamumuhay nang malinis sa moral. At napansin ng Diyos kung paano ibinahagi ng di-Israelitang babaing balo ng Zarepat ang taglay niyang kaunting pagkain sa propetang si Elias. Napapansin din ni Jehova ang ating mga gawa ng pananampalataya.—5/1, pahina 28-31.
• Bakit masasabi na pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ang mga Judiong naging mga Kristiyano ay kailangang gumawa ng personal na pag-aalay sa Diyos?
Noong 1513 B.C.E., ang sinaunang mga Israelita ay pumasok sa isang nakaalay na pakikipag-ugnayan kay Jehova. (Exodo 19:3-8) Mula noon, isinilang ang mga Judio sa nakaalay na bansang iyon sa ilalim ng tipang Kautusan. Subalit inalis ni Jehova ang tipang Kautusan sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo noong 33 C.E. (Colosas 2:14) Mula noon, ang mga Judio na nagnanais na maglingkod nang kalugud-lugod sa Diyos ay kailangang mag-alay sa kaniya at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo.—5/15, pahina 30-1.
• May dako ba sa tunay na pagsamba sa ngayon ang pagsusunog ng insenso?
Ang paggamit ng insenso ay bahagi ng tunay na pagsamba sa sinaunang Israel. (Exodo 30:37, 38; Levitico 16:12, 13) Subalit ang tipang Kautusan, lakip na ang paggamit ng insenso, ay nagwakas pagkamatay ni Kristo. Ang mga Kristiyano ay makapagpapasiya para sa kanilang sarili kung gagamit sila ng insenso para sa mga layuning walang kinalaman sa relihiyon, subalit hindi ito bahagi ng tunay na pagsamba sa ngayon. Dapat din namang isaalang-alang ang damdamin ng iba upang hindi sila matisod.—6/1, pahina 28-30.
• Anong balita kamakailan ang nag-udyok sa marami na pag-isipan ang katunayan na nabuhay si Jesus sa lupa?
Maraming publisidad ang ibinigay sa isang kahon, isang imbakan ng buto, na natagpuan sa Israel. Waring ito ay mula pa noong unang siglo, at may inskripsiyon dito na kababasahan ng ganito: “Santiago, anak ni Jose, kapatid ni Jesus.” Itinuturing ito ng ilan bilang “ang pinakamatandang arkeolohikal na katibayan na masusumpungan bukod sa Bibliya” tungkol sa pag-iral ni Jesus.—6/15, pahina 3-4.
• Paano natututong umibig ang isang tao?
Ang mga tao ay natututong umibig mula muna sa halimbawa at pagsasanay ng kanilang mga magulang. Kapag ang mag-asawa ay nagpakita ng pag-ibig at paggalang sa isa’t isa, ang mga anak ay natututong umibig. (Efeso 5:28; Tito 2:4) Kahit na ang isang tao ay hindi nagmula sa isang maibiging pamilya, matututuhan niyang umibig sa pamamagitan ng pagtanggap sa makaamang patnubay ni Jehova, sa paghingi ng tulong ng banal na espiritu, at sa pakikinabang mula sa magiliw na suporta ng kapatirang Kristiyano.—7/1, pahina 4-7.
• Sino si Eusebius, at ano ang matututuhan natin sa kaniyang buhay?
Si Eusebius ay isang sinaunang istoryador na tumapos sa sampung-tomong akda na pinamagatang History of the Christian Church noong 324 C.E. Bagaman naniniwala siya na umiral ang Ama bago ang Anak, tinanggap ni Eusebius ang ibang palagay sa konseho ng Nicaea. Maliwanag na ipinagwalang-bahala niya ang kahilingan ni Jesus na ang Kaniyang mga tagasunod ay maging “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16)—7/15, pahina 29-31.
• Nagbago ba si Jehova sa kaniyang pangmalas hinggil sa poligamya?
Hindi, hindi nagbago si Jehova sa kaniyang pangmalas hinggil sa poligamya. (Malakias 3:6) Ang kaayusan ng Diyos para sa unang lalaki ay na “pipisan siya sa kaniyang asawa” at sila ay magiging isang laman. (Genesis 2:24) Sinabi ni Jesus na nagiging mangangalunya ang isa dahil sa pagdidiborsiyo at muling pag-aasawa, maliban kung pakikiapid ang saligan ng diborsiyo. (Mateo 19:4-6, 9) Ang pagpapahintulot ni Jehova sa poligamya ay nagwakas sa pagkatatag ng kongregasyong Kristiyano.—8/1, pahina 28.