Pinagkaisa ng Tunay na Pagsamba ang Isang Pamilya
Pinagkaisa ng Tunay na Pagsamba ang Isang Pamilya
SI Maria ay 13 taóng gulang nang siya at ang kaniyang nakababatang kapatid na babae, si Lucy, ay makarinig tungkol kay Jehova mula sa isang kamag-anak. Ipinaliwanag din nito ang tungkol sa pag-asang Paraiso sa lupa. Palibhasa’y napukaw ang kanilang interes, sumama sila sa kaniya sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Humanga si Maria sa malinaw na pagtuturo roon. Ibang-iba ito sa simbahan, kung saan wala sila halos ginawa kundi umawit! Di-nagtagal, ang mga batang ito ay nakikipag-aral na ng Bibliya sa isang Saksi ni Jehova.
Ang kanilang kuya, si Hugo, ay interesado sa pilosopiya at ebolusyon. Itinuturing niya ang kaniyang sarili na isang ateista. Subalit habang naglilingkod sa militar, binasa niya ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? * Nasumpungan niya ang mga sagot sa mga tanong na hindi masagot ng ibang relihiyon. Nang matapos niya ang kaniyang paglilingkod sa militar, sinimulan niyang palakasin ang kaniyang bagong tuklas na pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pagpupulong kasama ng kaniyang mga kapatid na babae. Sina Maria at Lucy ay nabautismuhan noong 1992, pagkalipas ng dalawang taon mula nang una nilang marinig ang katotohanan, at ang kanilang kuya naman, pagkaraan ng dalawang taon.
Samantala, ang kanilang mga magulang, mga deboto sa mga tradisyong Katoliko, ay hindi gaanong interesado sa katotohanan. Itinuturing nilang nakayayamot ang mga Saksi ni Jehova, bagaman hinahangaan nila ang mabubuting ugali at mahinhing pananamit ng mga kabataang Saksi na inaanyayahan ng mga anak nila sa kanilang bahay. At sa panahon ng pagkain, ibinabahagi ng mga anak ang mga bagay na natutuhan nila sa mga pulong, anupat napukaw na mag-usisa ang kanilang mga magulang.
Gayunman, ang mag-asawang ito ay interesado pa rin sa pangkukulam. Ang ama ay isang lasenggo na nambubugbog ng asawa. Halos maghihiwalay na ang pamilya. Pagkatapos, ang ama ay nakulong nang dalawang linggo dahil sa magulong paggawi dala ng kalasingan. Samantalang nasa bilangguan, sinimulan niyang basahin ang Bibliya. Habang nagbabasa siya, napansin niya ang mga salita ni Jesus tungkol sa palatandaan ng mga huling araw. Palibhasa’y naguguluhan, ang mag-asawa ay nagtungo sa Kingdom Hall at tumanggap ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nang matuto ng katotohanan, sinira nila ang lahat ng kanilang mga aklat hinggil sa pangkukulam at nakasumpong sila ng ginhawa sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan ni Jehova kapag sumasalakay ang demonyo. Nagsimula silang gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang mga personalidad.
Maguguniguni mo ba kung gaano nabagbag ang damdamin nina Maria at Lucy habang pinagmamasdan nila ang kanilang mga magulang na binabautismuhan ni Hugo sa isa sa mga pandistritong kombensiyon sa Bolivia noong 1999? Naganap ito pagkalipas ng mga siyam na taon mula nang unang marinig nina Maria at Lucy ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Kasama ni Hugo, sila ngayon ay nasa buong-panahong ministeryo. Anong ligaya nga nila na pinagkaisa ng tunay na pagsamba ang kanilang pamilya!
[Talababa]
^ par. 3 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.