Lubusang Magtiwala kay Jehova sa mga Panahon ng Kabagabagan
Lubusang Magtiwala kay Jehova sa mga Panahon ng Kabagabagan
“Ang Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.”—AWIT 46:1.
1, 2. (a) Anong halimbawa ang nagpapakita na hindi sapat ang basta pag-aangkin na nagtitiwala tayo sa Diyos? (b) Bakit higit pa ang dapat nating gawin kaysa sa basta pagsasabi na nagtitiwala tayo kay Jehova?
MADALING sabihin na nagtitiwala tayo sa Diyos. Ngunit hindi gayon kadaling ipakita ito sa ating mga gawa. Halimbawa, ang pariralang “In God We Trust” (“Sa Diyos Kami Nagtitiwala”) ay matagal nang nakikita sa salaping papel at barya ng Estados Unidos. * Noong 1956, nagpasa ng batas ang Kongreso ng Estados Unidos na nagdedeklara sa pariralang iyon bilang pambansang sawikain ng Estados Unidos. Balintuna naman, maraming tao—hindi lamang sa lupaing iyon kundi sa buong daigdig—ang mas nagtitiwala sa salapi at sa materyal na kayamanan kaysa sa Diyos.—Lucas 12:16-21.
2 Bilang tunay na mga Kristiyano, higit pa ang dapat nating gawin kaysa sa basta sabihing nagtitiwala tayo kay Jehova. Kung paanong “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay,” ang anumang pag-aangkin na nagtitiwala tayo sa Diyos ay wala ring saysay malibang ipakita natin ito sa pamamagitan ng ating mga gawa. (Santiago 2:26) Sa naunang artikulo, natutuhan natin na ang ating pagtitiwala kay Jehova ay naipamamalas kapag bumabaling tayo sa kaniya sa panalangin, kapag humahanap tayo ng patnubay mula sa kaniyang Salita, at kapag umaasa tayo sa patnubay ng kaniyang organisasyon. Isaalang-alang natin ngayon kung paano natin magagawa ang tatlong hakbang na iyon sa mga panahon ng kabagabagan.
Kapag Nawalan ng Trabaho o Kakaunti ang Kita
3. Anong mga panggigipit sa kabuhayan ang nararanasan ng mga lingkod ni Jehova sa “mga panahong [ito na] mapanganib,” at paano natin nalalaman na handang tumulong ang Diyos sa atin?
3 Sa “mga panahong [ito na] mapanganib,” tayong mga Kristiyano ay napapaharap din sa mga 2 Timoteo 3:1) Kaya naman, baka bigla na lamang tayong mawalan ng trabaho. O baka wala na tayong mapagpipilian kundi magtrabaho nang maraming oras para sa kakaunting suweldo. Sa gayong mga kalagayan, baka mahirapan tayong ‘maglaan para roon sa sariling atin.’ (1 Timoteo 5:8) Handa kaya tayong tulungan ng Kataas-taasang Diyos sa gayong mga panahon? Aba, siyempre! Sabihin pa, hindi tayo ipinagsasanggalang ni Jehova sa lahat ng hirap ng buhay sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, kung magtitiwala tayo sa kaniya, ang mga salita sa Awit 46:1 ay magiging totoo sa atin: “Ang Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.” Subalit paano natin maipakikita na lubusan tayong nagtitiwala kay Jehova sa mga panahon ng kabagabagan sa pananalapi?
panggigipit sa kabuhayan na nararanasan ng ibang mga tao. (4. Kapag napaharap sa mga problema sa pananalapi, ano ang maaari nating ipanalangin, at paano tumutugon si Jehova sa gayong mga panalangin?
4 Ang isang paraan upang ipakita ang ating pagtitiwala kay Jehova ay sa pamamagitan ng pagbaling sa kaniya sa panalangin. Subalit ano ang maaari nating ipanalangin? Buweno, palibhasa’y nakaharap sa mga problema sa pananalapi, baka kailangan natin ngayon ang praktikal na karunungan nang higit kailanman. Kung gayon, tiyaking ipanalangin ito! Tinitiyak sa atin ng Salita ni Jehova: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Santiago 1:5) Oo, hilingin kay Jehova ang karunungan—ang kakayahang gamitin ang kaalaman, unawa, at kaunawaan sa mahusay na paraan—upang makagawa ng matatalinong pasiya at tamang mga pagpili. Tinitiyak sa atin ng ating maibigin at makalangit na Ama na pakikinggan niya ang gayong mga panalangin. Lagi siyang handa na ituwid ang mga landas ng mga buong-pusong nagtitiwala sa kaniya.—Awit 65:2; Kawikaan 3:5, 6.
5, 6. (a) Bakit maaari tayong humanap ng tulong sa Salita ng Diyos upang makayanan ang mga panggigipit sa kabuhayan? (b) Ano ang maaari nating gawin upang mabawasan ang kabalisahan kapag nawalan tayo ng trabaho?
5 Ang paghanap ng patnubay sa Salita ng Diyos ay isa pang paraan ng pagpapakita na nagtitiwala tayo kay Jehova. Ang kaniyang matatalinong paalaala na masusumpungan sa Bibliya ay napatunayang “lubhang mapagkakatiwalaan.” (Awit 93:5) Bagaman mahigit sa 1,900 taon na ang nakalilipas nang matapos ito, ang kinasihang aklat na ito ay naglalaman ng maaasahang payo at malalim na kaunawaan na makatutulong sa atin upang higit na makayanan ang mga panggigipit sa kabuhayan. Isaalang-alang ang ilang halimbawa ng karunungan ng Bibliya.
6 Matagal nang sinabi ng marunong na si Haring Solomon: “Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.” (Eclesiastes 5:12) Kailangan ang panahon at salapi upang kumpunihin, linisin, mantinihin, at ingatan ang ating materyal na mga pag-aari. Kaya kapag nawalan ng trabaho, maaari nating gamitin ang pagkakataon upang muling suriin ang ating paraan ng pamumuhay, anupat sinisikap na tiyakin kung alin ang mga kinakailangan at alin ang mga gusto lamang natin. Upang mabawasan ang kabalisahan, baka katalinuhan na gumawa ng ilang pagbabago. Halimbawa, posible ba na pasimplehin ang ating buhay, marahil ay lumipat sa mas maliit na tirahan o bawasan ang di-kinakailangang materyal na mga pag-aari?—Mateo 6:22.
7, 8. (a) Paano ipinakita ni Jesus na alam niyang may hilig ang di-sakdal na tao na labis na mabahala tungkol sa materyal na mga bagay? (Tingnan din ang talababa.) (b) Anong matalinong payo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa kung paano iiwasan ang labis na kabalisahan?
7 Sa Sermon sa Bundok, nagpayo si Jesus: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot.” * (Mateo 6:25) Alam ni Jesus na likas na ikinababahala ng di-sakdal na mga tao ang pagtatamo ng pangunahing mga pangangailangan. Subalit paano natin magagawa na ‘huwag nang mabalisa’ sa gayong mga bagay? “Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian,” ang sabi ni Jesus. Anuman ang mga problema na makaharap natin, dapat nating patuloy na unahin sa ating buhay ang pagsamba kay Jehova. Kung gagawin natin ito, “idaragdag” sa atin ng ating makalangit na Ama ang lahat ng ating mga pangangailangan sa araw-araw. Sa anumang paraan, pangyayarihin niya na makaraos tayo.—Mateo 6:33.
8 Nagbigay pa si Jesus ng karagdagang payo: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” (Mateo 6:34) Hindi katalinuhan na labis na mabalisa tungkol sa maaaring idulot ng bukas. Isang iskolar ang nagsabi: “Ang tunay na mangyayari sa hinaharap ay bihirang maging kasinsama ng ating ipinangangambang mangyari.” Ang mapagpakumbabang pagsunod sa payo ng Bibliya na panatilihing nakatuon ang ating pansin sa ating mga priyoridad at gawin lamang ang kaya nating gawin sa bawat araw ay makatutulong sa atin na maiwasan ang di-kinakailangang kabalisahan.—1 Pedro 5:6, 7.
9. Kapag napaharap sa kabagabagan sa pananalapi, anong tulong ang maaari nating masumpungan sa mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin”?
9 Kapag napaharap sa kabagabagan sa pananalapi, maipakikita rin natin ang ating pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng paghanap ng tulong mula sa mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Sa pana-panahon, ang magasing Gumising! ay nagtatampok ng mga artikulo na naglalaman ng nakatutulong na mga payo at mga mungkahi sa pagharap sa mga problema sa kabuhayan. Ang artikulong “Walang Trabaho—Ano ang mga Kalutasan?” sa isyu ng Agosto 8, 1991 ay nagtala ng walong praktikal na tuntunin na nakatulong sa marami upang manatiling matatag sa pananalapi at sa emosyon kapag nawalan ng trabaho. * Siyempre pa, ang gayong mga tuntunin ay dapat na timbangan ng tamang pangmalas sa tunay na kahalagahan ng salapi. Ito ay tinalakay sa artikulong “Mas Mahalaga Kaysa Salapi,” na lumabas sa isyu ring iyon.—Eclesiastes 7:12.
Kapag Binabagabag ng mga Problema sa Kalusugan
10. Paano ipinakikita ng halimbawa ni Haring David na makatotohanan na magtiwala kay Jehova kapag nagkaroon tayo ng malubhang karamdaman?
10 Makatotohanan bang magtiwala kay Jehova kapag nagkaroon tayo ng malubhang karamdaman? Siyempre, oo! May empatiya si Jehova para sa mga maysakit sa kaniyang bayan. Bukod diyan, handa siyang tumulong. Halimbawa, isaalang-alang si Haring David. Maaaring siya mismo ay may malubhang karamdaman nang isulat niya kung paano nakikitungo ang Diyos sa isang matuwid na maysakit. Sinabi niya: “Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa panahon ng kaniyang pagkakasakit.” (Awit 41:1, 3, 7, 8) Ang pagtitiwala ni David sa Diyos ay nanatiling matibay, at sa wakas ay gumaling ang hari sa kaniyang karamdaman. Subalit paano natin maipamamalas ang pagtitiwala sa Diyos kapag binabagabag tayo ng mga problema sa kalusugan?
11. Kapag nagkaroon tayo ng karamdaman, ano ang maaari nating hilingin sa ating makalangit na Ama?
11 Kapag nagkaroon tayo ng karamdaman, ang isang paraan upang ipakita ang ating pagtitiwala kay Jehova ay sa pamamagitan ng pagsusumamo sa kaniya sa panalangin na tulungan tayong magbata. Maaari nating hilingin sa kaniya na tulungan tayong gamitin ang “praktikal na karunungan” upang mapanatili natin ang isang antas ng kalusugan na makatotohanang ipinahihintulot ng ating mga kalagayan. (Kawikaan 3:21) Maaari rin nating hilingin sa kaniya na tulungan tayong magtiis at magbata upang makayanan ang karamdaman. Higit sa lahat, nanaisin nating hilingin na palakasin tayo ni Jehova, anupat binibigyan tayo ng lakas upang manatiling tapat sa kaniya at palaging maging timbang, anuman ang mangyari. (Filipos 4:13) Ang pagpapanatili ng ating katapatan sa Diyos ay mas mahalaga pa nga kaysa sa pagliligtas sa ating kasalukuyang buhay. Kung mananatili tayong tapat, ang Dakilang Tagapagbigay-Gantimpala ay magkakaloob sa atin ng walang-hanggang sakdal na buhay at kalusugan.—Hebreo 11:6.
12. Anong maka-Kasulatang mga simulain ang makatutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya tungkol sa pagpapagamot?
12 Ang ating pagtitiwala kay Jehova ay nag-uudyok din sa atin na humanap ng praktikal na patnubay mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang mga simulain na masusumpungan sa Kasulatan ay makatutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya tungkol sa pagpapagamot. Halimbawa, dahil sa pagkaalam na hinahatulan ng Bibliya ang “pagsasagawa ng espiritismo,” iiwasan natin ang anumang pamamaraan ng pagsusuri o paggamot na nagsasangkot ng espiritismo. (Galacia 5:19-21; Deuteronomio 18:10-12) Narito ang isa pang halimbawa ng mapagkakatiwalaang karunungan mula sa Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Samakatuwid, kapag pinag-iisipan ang pagpapagamot, isang katalinuhan para sa atin na humanap ng mapananaligang impormasyon sa halip na ‘manampalataya sa bawat salita.’ Ang gayong “katinuan ng pag-iisip” ay makatutulong sa atin na maingat na isaalang-alang ang ating mga mapagpipilian at gumawa ng may-kabatirang pasiya.—Tito 2:12.
13, 14. (a) Anong nakapagtuturong mga artikulo hinggil sa kalusugan ang inilathala sa mga magasing Bantayan at Gumising!? (Tingnan ang kahon sa pahina 17.) (b) Anong payo tungkol sa pagharap sa nagtatagal na mga karamdaman ang iniharap sa Gumising! ng Enero 22, 2001?
13 Maaari rin nating ipamalas ang ating pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga publikasyon ng tapat na alipin. Ang mga magasing Bantayan at Gumising! ay naglalathala sa pana-panahon ng nakapagtuturong mga artikulo hinggil sa napakaraming iba’t ibang uri ng espesipikong mga problema sa kalusugan at mga sakit. * Kung minsan, itinatampok ng mga babasahing ito ang mga artikulo hinggil sa mga indibiduwal na nagtagumpay sa pagharap sa iba’t ibang karamdaman, sakit, at kapansanan. Bukod diyan, ang ilang artikulo ay nagbibigay ng maka-Kasulatang mga mungkahi at praktikal na payo kung paano mamumuhay taglay ang nagtatagal na mga suliranin sa kalusugan.
14 Halimbawa, ang Enero 22, 2001, isyu ng Gumising! ay may seryeng itinampok sa pabalat na pinamagatang “Kaaliwan Para sa Maysakit.” Iniharap ng mga artikulo ang kapaki-pakinabang na mga simulain sa Bibliya at mga impormasyong nakuha mismo Kawikaan 24:5) Magtakda ng praktikal na mga tunguhin, pati na ang mga tunguhing tulungan ang iba, ngunit tandaan na maaaring hindi mo maabot ang tunguhin na naaabot ng iba. (Gawa 20:35; Galacia 6:4) Iwasan ang pagbubukod ng sarili. (Kawikaan 18:1) Gawing isang kaayaayang karanasan para sa iba ang pagdalaw sa iyo. (Kawikaan 17:22) Higit sa lahat, panatilihin ang matalik na kaugnayan kay Jehova at sa kongregasyon. (Nahum 1:7; Roma 1:11, 12) Hindi ba’t dapat tayong magpasalamat dahil sa maaasahang patnubay na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon?
mula sa kinapanayam na mga nakaaalam na indibiduwal na namuhay nang may nakapanghihinang sakit sa loob ng maraming taon. Ang artikulong “Matagumpay na Pamumuhay Taglay ang Iyong Karamdaman—Paano?” ay nagbigay ng ganitong payo: Alamin ang pinakamaraming impormasyon na kaya mong alamin tungkol sa iyong sakit. (Kapag Nananatili ang Isang Kahinaan sa Laman
15. Paano nanaig si apostol Pablo sa kaniyang pakikibaka laban sa mga kahinaan ng di-sakdal na laman, at anong katiyakan ang maaari nating taglayin?
15 “Sa akin ngang laman, ay walang anumang mabuti na tumatahan,” ang sulat ni apostol Pablo. (Roma 7:18) Batid ni Pablo mula mismo sa kaniyang karanasan kung gaano kahirap makipagpunyagi laban sa mga pagnanasa at mga kahinaan ng di-sakdal na laman. Gayunman, may tiwala rin si Pablo na mananaig siya. (1 Corinto 9:26, 27) Paano? Sa pamamagitan ng lubusang pagtitiwala kay Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit masasabi ni Pablo: “Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito? Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:24, 25) Kumusta naman tayo? Tayo rin ay may pakikipagbaka laban sa mga kahinaan ng laman. Habang nakikipagpunyagi tayo sa pagharap sa gayong mga kahinaan, madaling mawala ang ating pagtitiwala, anupat nakukumbinsi na hindi tayo kailanman magtatagumpay. Subalit tutulungan tayo ni Jehova kung tayo, gaya ni Pablo, ay tunay na mananalig sa Kaniya at hindi lamang sa ating sariling lakas.
16. Kapag nananatili ang isang kahinaan ng laman, ano ang kailangan nating ipanalangin, at ano ang dapat nating gawin kung muli tayong magkasala?
16 Kapag nananatili ang isang kahinaan sa laman, maipakikita natin na nagtitiwala tayo kay Jehova sa pamamagitan ng pagsamo sa kaniya sa panalangin. Kailangan nating hilingin, o isamo pa nga, kay Jehova ang tulong ng kaniyang banal na espiritu. (Lucas 11:9-13) Maaari nating espesipikong hilingin ang pagpipigil sa sarili, na isang bahagi ng bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Ano ang dapat nating gawin kung muli tayong magkasala? Huwag na huwag tayong susuko. Huwag tayong manghimagod kailanman sa mapagpakumbabang pananalangin sa ating maawaing Diyos, anupat humihiling ng kapatawaran at tulong. Hindi kailanman itatakwil, o ipagtatabuyan, ni Jehova ang isang pusong “wasak at durog” dahil sa bigat ng nadaramang pagkakasala ng budhi. (Awit 51:17) Kung magsusumamo tayo sa kaniya taglay ang pusong taimtim at nagsisisi, tutulungan tayo ni Jehova na malabanan ang mga tukso.—Filipos 4:6, 7.
17. (a) Bakit kapaki-pakinabang na muni-munihin kung ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa partikular na kahinaan na maaaring pinaglalabanan natin? (b) Anong mga kasulatan ang maaari nating sauluhin kung nakikipagpunyagi tayo upang makontrol ang ating pagkamagagalitin? upang masupil ang ating dila? upang mapaglabanan ang hilig sa di-mabuting libangan?
17 Maipakikita rin natin na nagtitiwala tayo kay Jehova sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kaniyang Salita ukol sa tulong. Sa paggamit ng isang konkordansiya sa Bibliya o ng Watch Tower Publications Index, maaari nating hanapin ang sagot sa tanong na, ‘Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa partikular na kahinaan na pinaglalabanan ko?’ Ang pagmumuni-muni kung ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa bagay na iyon ay makapagpapalakas sa ating hangarin na palugdan siya. Sa gayon, maaari nating madama ang kaniyang nadarama, anupat kapopootan ang kinapopootan niya. (Awit 97:10) Nasumpungan ng ilan na nakatutulong na sauluhin ang mga teksto sa Bibliya na kumakapit sa espesipikong kahinaan na pinaglalabanan nila. Nakikipagpunyagi ba tayo upang makontrol ang ating pagkamagagalitin? Kung gayon ay maaari nating sauluhin ang mga teksto na gaya ng Kawikaan 14:17 at Efeso 4:31. Nahihirapan ba tayong bantayan ang ating dila? Maaari nating sauluhin ang mga teksto na gaya ng Kawikaan 12:18 at Efeso 4:29. May hilig ba tayo sa di-mabuting mga libangan? Maaari nating sikaping tandaan ang mga talatang gaya ng Efeso 5:3 at Colosas 3:5.
18. Bakit hindi natin dapat hayaang pigilan tayo ng hiya sa paghingi ng tulong sa matatanda para daigin ang ating kahinaan?
18 Ang paghingi ng tulong sa hinirang-ng-espiritu na matatanda sa kongregasyon ay isa pang paraan upang maipakita ang ating pananalig kay Jehova. (Gawa 20:28) Tutal, ang “mga kaloob na mga tao” na ito ay isang paglalaan mula kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo upang ipagsanggalang at pangalagaan ang kaniyang mga tupa. (Efeso 4:7, 8, 11-14) Totoo, maaaring hindi madali na humingi ng tulong sa pagharap sa isang kahinaan. Baka mahiya tayo, anupat nangangamba na baka bumaba ang tingin sa atin ng matatanda. Ngunit walang alinlangan na igagalang tayo ng espirituwal na mga lalaking ito sa pagkakaroon ng lakas ng loob na humingi ng tulong. Karagdagan pa, sinisikap ng matatanda na ipamalas ang mismong mga katangian ni Jehova sa pakikitungo sa kawan. Baka ang kanilang nakaaaliw, praktikal na payo at tagubilin mula sa Salita ng Diyos ang tanging kailangan natin upang sapat na mapatibay ang ating determinasyon na daigin ang ating kahinaan.—Santiago 5:14-16.
19. (a) Sa anong paraan sinisikap ni Satanas na gamitin ang kawalang-saysay ng buhay sa sistemang ito? (b) Ano ang nasasangkot sa pagtitiwala, at ano ang dapat nating maging matibay na determinasyon?
19 Huwag kalimutan kailanman na alam ni Satanas na maikli na lamang ang kaniyang panahon. (Apocalipsis 12:12) Nais niyang gamitin ang kawalang-saysay ng buhay sa sanlibutang ito upang sirain ang loob natin at pasukuin tayo. Magkaroon nawa tayo ng lubos na pagtitiwala sa ipinahayag sa Roma 8:35-39: “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo? Ang kapighatian ba o ang kabagabagan o ang pag-uusig o ang gutom o ang kahubaran o ang panganib o ang tabak? . . . Sa kabaligtaran, sa lahat ng mga bagay na ito ay lubusan tayong nagtatagumpay sa pamamagitan niya na umibig sa atin. Sapagkat kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” Kaygandang kapahayagan ng pagtitiwala kay Jehova! Gayunman, ang gayong pagtitiwala ay higit pa kaysa sa damdamin lamang. Sa halip, ito ay pagtitiwala na nagsasangkot ng pinag-isipang mga pagpapasiya na ginagawa natin sa araw-araw na pamumuhay. Kung gayon, patibayin natin ang ating determinasyon na lubusang magtiwala kay Jehova sa mga panahon ng kabagabagan.
[Mga talababa]
^ par. 1 Sa isang liham sa U.S. Mint (Pagawaan ng Barya), na may petsang Nobyembre 20, 1861, sumulat si Treasury Secretary Salmon P. Chase: “Walang bansa ang magiging malakas kung hindi dahil sa lakas ng Diyos, o magiging ligtas kung hindi Niya ito ipagtatanggol. Ang pagtitiwala ng ating bayan sa Diyos ay dapat na ipahayag sa ating pambansang mga barya.” Bilang resulta, ang sawikain na “In God We Trust” ay unang lumitaw sa ginamit na barya ng Estados Unidos noong 1864.
^ par. 7 Ang kabalisahan na inilarawan dito ay binibigyang-kahulugan na “nakababahalang takot, na pumapawi ng lahat ng kagalakan sa buhay.” Ang ilang salin ay kababasahan ng “huwag mabalisa” o “huwag mabahala.” Ngunit ang gayong mga salin ay nagpapahiwatig na hindi tayo dapat magsimulang mabalisa o mabahala. Isang reperensiyang akda ang nagsabi: “Ang panahunan ng Griegong pandiwa ay nasa pautos na pangkasalukuyan, na nagpapahiwatig ng pag-uutos na huminto sa paggawa ng isang bagay na kasalukuyang ginaganap.”
^ par. 9 Ang walong punto ay ang sumusunod: (1) Huwag mataranta; (2) mag-isip nang positibo; (3) buksan ang iyong isip sa bagong uri ng trabaho; (4) mamuhay ayon sa iyong kita—hindi ayon sa kita ng iba; (5) mag-ingat sa utang; (6) panatilihing nagkakaisa ang pamilya; (7) panatilihin ang iyong pagpapahalaga sa sarili; at (8) gumawa ng isang badyet.
^ par. 13 Ang salig-Bibliyang mga babasahing ito ay hindi nagrerekomenda o nagtataguyod ng anumang partikular na panggagamot, anupat kinikilala na ang bagay na ito ay personal na pinagpapasiyahan. Sa halip, ang mga artikulo na tumatalakay sa espesipikong mga sakit o karamdaman ay naglalayong maghatid sa mga mambabasa ng mahahalagang impormasyon ayon sa pagkakaunawa sa mga ito sa kasalukuyan.
Naaalaala Mo Ba?
• Kapag napaharap sa mga problema sa kabuhayan, sa anu-anong paraan natin maipakikita na nagtitiwala tayo kay Jehova?
• Paano natin maipamamalas ang pagtitiwala sa Diyos kapag binabagabag tayo ng mga problema sa kalusugan?
• Kapag nananatili ang isang kahinaan sa laman, paano natin maipakikita na talagang nananalig tayo kay Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 17]
Natatandaan Mo ba ang mga Artikulong Ito?
Kapag binabagabag tayo ng mga problema sa ating kalusugan, nakapagpapatibay-loob na basahin ang karanasan ng iba na nagtagumpay sa pagharap sa mga suliranin sa kalusugan, mga karamdaman, o mga kapansanan. Ang sumusunod ay ilang artikulo na inilathala sa mga magasing Bantayan at Gumising!
Ang “Pananaig sa Aking mga Kahinaan” ay nagtutuon ng pansin sa pagharap sa negatibong kaisipan at panlulumo.—Ang Bantayan, Mayo 1, 1990.
“Hindi Siya Mapahinto sa Pangangaral Kahit ng Isang ‘Iron Lung.’”—Gumising!, Enero 22, 1993.
Ang “Isang Bala na Nagpabago sa Aking Buhay” ay nagtutuon ng pansin sa pagharap sa paralisis.—Gumising!, Oktubre 22, 1995.
Tinalakay ng “Hindi Ninyo Nalalaman Kung Ano ang Magiging Buhay Ninyo Bukas” ang pagharap sa bipolar disorder.—Ang Bantayan, Disyembre 1, 2000.
“Ang Paglisan ni Loida Mula sa Katahimikan” ay nagtutuon ng pansin sa pagharap sa cerebral palsy.—Gumising!, Mayo 8, 2000.
“Ang Aking Pakikipaglaban sa Endometriosis.”—Gumising!, Hulyo 22, 2000.
“Ang Aking Pakikipaglaban sa Scleroderma.”—Gumising!, Agosto 8, 2001.
“Napaglabanan Ko ang ‘Postpartum Depression.’”—Gumising!, Hulyo 22, 2002.
[Larawan sa pahina 15]
Kapag nawalan ng trabaho, baka katalinuhan para sa atin na muling suriin ang paraan ng ating pamumuhay
[Larawan sa pahina 16]
Ipinakikita ng kasaysayan ni Loida kung paano nakatutulong ang pagtitiwala kay Jehova upang makapagbata ang isang tao. (Tingnan ang kahon sa pahina 17)
[Larawan sa pahina 18]
Hindi tayo dapat mahiyang humingi ng tulong upang madaig ang ating mga kahinaan