Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtiwala Ka kay Jehova

Magtiwala Ka kay Jehova

Magtiwala Ka kay Jehova

“Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata.”​—Awit 71:5.

1. Anong hamon ang napaharap sa batang pastol na si David?

ANG lalaki ay may taas na halos tatlong metro. Hindi nga kataka-taka na ang lahat ng kawal sa mga hukbo ng Israel ay takot na humarap sa kaniya! Sa loob ng maraming sunud-sunod na linggo, bawat umaga at bawat gabi, tinutuya ng higanteng Filisteo na si Goliat ang hukbo ng Israel, anupat hinahamon silang magsugo ng isang tagapagtanggol upang makipaglaban sa kaniya. Sa wakas, ang hamon ay tinanggap, hindi ng isang kawal, kundi ng isang kabataan lamang. Ang batang pastol na si David ay napakaliit kung ihahambing sa kaniyang kalaban. Aba, baka mas magaan pa nga siya sa baluti at mga sandata ni Goliat! Magkagayunman, hinarap ng kabataan ang higante at naging isa siyang namamalaging sagisag ng lakas ng loob.​—1 Samuel 17:1-51.

2, 3. (a) Bakit nakayang harapin ni David si Goliat taglay ang lubos na pagtitiwala? (b) Anong dalawang hakbang ang tatalakayin natin upang tayo ay magtiwala kay Jehova?

2 Ano ang nagbigay kay David ng gayong lakas ng loob? Isaalang-alang ang ilang salita na maliwanag na isinulat ni David noong huling mga taon ng kaniyang buhay: “Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata.” (Awit 71:5) Oo, bilang isang kabataan, lubusang nagtiwala si David kay Jehova. Nakaharap niya noon si Goliat, na sinasabi: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya.” (1 Samuel 17:45) Bagaman si Goliat ay nagtiwala sa kaniyang pambihirang lakas at sa kaniyang mga sandata, si David naman ay nagtiwala kay Jehova. Yamang nasa panig niya ang Soberanong Panginoon ng sansinukob, bakit matatakot si David sa isang hamak na tao, gaano man ito kalaki at kakumpleto sa sandata?

3 Habang binabasa mo ang tungkol kay David, hinahangad mo ba na sana’y mas matibay pa ang iyong pagtitiwala kay Jehova? Malamang na ganiyan ang hangad ng marami sa atin. Kaya suriin natin ang dalawang hakbang na maaari nating gawin upang magtiwala tayo kay Jehova. Una, kailangan nating matamo at mapanatili ang pananagumpay sa isang karaniwang hadlang sa gayong pagtitiwala. Ikalawa, kailangan nating malaman kung ano talaga ang nasasangkot sa pagtitiwala kay Jehova.

Pananagumpay sa Isang Karaniwang Hadlang sa Pagtitiwala kay Jehova

4, 5. Bakit maraming tao ang nahihirapang magtiwala sa Diyos?

4 Ano ang nakahahadlang sa mga tao sa paglalagak ng tiwala sa Diyos? Kadalasan, ang ilan ay naguguluhan kung bakit nangyayari ang masasamang bagay. Marami ang tinuruan na ang Diyos ang may pananagutan sa pagdurusa. Kapag may nangyaring trahedya, maaaring sabihin ng mga klerigo na “kinuha” ng Diyos ang mga biktima upang makasama niya sa langit. Bukod diyan, maraming relihiyosong lider ang nagtuturo na matagal nang itinadhana ng Diyos ang bawat pangyayari​—pati na ang bawat trahedya at balakyot na gawa​—na nagaganap sa sanlibutang ito. Mahirap magtiwala sa gayong manhid na Diyos. Si Satanas, na bumubulag sa mga kaisipan ng mga di-sumasampalataya, ay sabik na magtaguyod ng lahat ng gayong “turo ng mga demonyo.”​—1 Timoteo 4:1; 2 Corinto 4:4.

5 Nais ni Satanas na mawalan ng tiwala ang mga tao kay Jehova. Hindi gusto ng kaaway na iyan ng Diyos na malaman natin ang tunay na mga sanhi ng pagdurusa ng tao. At kung nalaman na natin ang maka-Kasulatang mga dahilan ng pagdurusa, gusto ni Satanas na malimutan natin ang mga ito. Kaya naman, makabubuti na repasuhin natin sa pana-panahon ang tatlong pangunahing dahilan kung bakit may pagdurusa sa sanlibutan. Sa paggawa nito, maaari nating mabigyang-katiyakan ang ating puso na hindi si Jehova ang may pananagutan sa mga suliraning nakakaharap natin sa buhay.​—Filipos 1:9, 10.

6. Paano tinutukoy ng 1 Pedro 5:8 ang isang dahilan ng pagdurusa ng tao?

6 Ang isang dahilan ng pagdurusa ng tao ay ang pagnanais ni Satanas na sirain ang integridad ng tapat na bayan ni Jehova. Sinubukan niyang sirain ang katapatan ni Job. Nabigo noon si Satanas, ngunit hindi pa siya sumusuko. Bilang tagapamahala ng sanlibutang ito, naghahanap siya ng “masisila” sa tapat na mga lingkod ni Jehova. (1 Pedro 5:8) Kabilang diyan ang bawat isa sa atin! Nais ni Satanas na pahintuin tayo sa paglilingkod kay Jehova. Kaya naman madalas siyang magsulsol ng pag-uusig. Bagaman masakit ang gayong pagdurusa, may mabuting dahilan tayo upang magbata. Sa paggawa nito, tumutulong tayo sa pagpapatunay na sinungaling si Satanas at sa gayo’y pinalulugdan natin si Jehova. (Job 2:4; Kawikaan 27:11) Habang pinalalakas tayo ni Jehova upang mabata ang pag-uusig, tumitibay naman ang ating pagtitiwala sa kaniya.​—Awit 9:9, 10.

7. Ang Galacia 6:7 ay tumutulong sa atin na kilalanin ang anong dahilan ng pagdurusa?

7 Ang ikalawang dahilan ng pagdurusa ay masusumpungan sa simulaing ito: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Kung minsan, ang mga tao ay naghahasik sa pamamagitan ng maling mga pagpapasiya at umaani ng isang antas ng pagdurusa bilang resulta niyaon. Maaari nilang ipasiya na maging walang-ingat sa pagmamaneho, na nagbubunga ng aksidente. Marami ang nagpapasiyang manigarilyo, na humahantong sa pagkakaroon ng sakit sa puso o kanser sa baga. Yaong mga nagpapasiyang makibahagi sa imoral na paggawi hinggil sa sekso ay nanganganib na dumanas ng nasirang mga ugnayan sa pamilya, pagkawala ng paggalang sa sarili, sakit na naililipat sa pagtatalik, at di-ninanais na pagdadalang-tao. Maaaring sisihin ng mga tao ang Diyos dahil sa gayong pagdurusa, ngunit ang totoo ay mga biktima sila ng kanila mismong maling mga pasiya.​—Kawikaan 19:3.

8. Ayon sa Eclesiastes 9:11, bakit nagdurusa ang mga tao?

8 Ang ikatlong dahilan ng pagdurusa ay nakasaad sa Eclesiastes 9:11: “Ako ay nagbalik upang makita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi sa matutulin, ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan, ni ang pagkain man ay sa marurunong, ni ang kayamanan man ay sa mga may-unawa, ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” Kung minsan, ang mga tao ay nagkataon lamang na nasa isang lugar sa di-tamang panahon. Anuman ang ating personal na kalakasan o kahinaan, maaaring magdusa at mamatay ang sinuman sa atin nang di-inaasahan sa anumang panahon. Halimbawa, noong panahon ni Jesus, isang tore sa Jerusalem ang bumagsak at pumatay ng 18 katao. Ipinakita ni Jesus na hindi iyon parusa ng Diyos sa kanila dahil sa nagawa nilang mga kasalanan. (Lucas 13:4) Hindi, si Jehova ay hindi dapat sisihin sa gayong pagdurusa.

9. Ano ang hindi nauunawaan ng marami tungkol sa pagdurusa?

9 Mahalagang maunawaan ang ilang sanhi ng pagdurusa. Gayunman, may isang aspekto ng bagay na ito na mahirap maunawaan ng marami. Ito ay: Bakit pinahihintulutan ng Diyos na Jehova ang pagdurusa?

Bakit Pinahihintulutan ni Jehova ang Pagdurusa?

10, 11. (a) Ayon sa Roma 8:19-22, ano ang nangyari sa “buong sangnilalang”? (b) Paano natin matitiyak kung sino ang nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang?

10 Isang talata sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma ang nagbibigay-liwanag sa mahalagang paksang ito. Sumulat si Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi ayon sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito, salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Sapagkat alam natin na ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”​—Roma 8:19-22.

11 Upang maunawaan ang punto sa mga talatang ito, kailangan muna nating sagutin ang ilang pinakasusing tanong. Halimbawa, Sino ang nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang? Ang sagot ng ilan ay si Satanas: ang iba naman ay si Adan daw. Ngunit pareho nilang hindi maipasasakop ang sangnilalang sa kawalang-saysay. Bakit hindi? Dahil ang isa na nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang ay gumawa nito “salig sa pag-asa.” Oo, nagbibigay siya ng pag-asa na sa dakong huli ay “palalayain [ang mga tapat] sa pagkaalipin sa kasiraan.” Hindi si Adan ni si Satanas man ang makapagbibigay ng gayong pag-asa. Si Jehova lamang ang makapagbibigay niyaon. Kung gayon, maliwanag na siya ang nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang.

12. Anong kalituhan ang bumangon hinggil sa kahulugan ng “buong sangnilalang,” at paano maaaring sagutin ang tanong na ito?

12 Subalit ano ang “buong sangnilalang” na tinutukoy sa talatang ito? Sinasabi ng ilan na ang “buong sangnilalang” ay tumutukoy sa daigdig ng kalikasan, pati na ang mga hayop at mga pananim. Ngunit umaasa ba ang mga hayop at mga halaman na matamo ‘ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos’? Hindi. (2 Pedro 2:12) Kung gayon, ang “buong sangnilalang” ay maaaring tumukoy lamang sa sangkatauhan. Ito ang sangnilalang na apektado ng kasalanan at kamatayan dahil sa paghihimagsik sa Eden at lubhang nangangailangan ng pag-asa.​—Roma 5:12.

13. Ano ang naidulot sa sangkatauhan ng paghihimagsik sa Eden?

13 Ano nga ba talaga ang naidulot sa sangkatauhan ng paghihimagsik na iyon? Inilalarawan ni Pablo ang mga resulta nito sa iisang salita: kawalang-saysay. * Ayon sa isang reperensiyang akda, inilalarawan ng salitang ito “ang kawalang-saysay ng isang bagay na hindi gumagana ayon sa pagkakadisenyo nito.” Ang mga tao ay dinisenyong mabuhay magpakailanman, gumawang magkakasama bilang isang sakdal at nagkakaisang pamilya sa pangangalaga sa isang malaparaisong lupa. Sa halip, naging maikli, puno ng pasakit, at malimit na nakasisiphayo ang kanilang pag-iral. Gaya ng sabi ni Job, “ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Kawalang-saysay nga!

14, 15. (a) Anong katibayan ng katarungan ang masusumpungan natin sa hatol na iginawad ni Jehova sa sangkatauhan? (b) Bakit sinabi ni Pablo na ipinasakop ang sangnilalang sa kawalang-saysay “hindi ayon sa sarili nitong kalooban”?

14 Ngayon ay sumapit na tayo sa pinakapangunahing tanong: Bakit ipinasakop ng “Hukom ng buong lupa” ang sangkatauhan sa puno-ng-pasakit at nakasisiphayong pag-iral na ito? (Genesis 18:25) Naging makatuwiran ba siya sa paggawa nito? Buweno, tandaan ang ginawa ng ating unang mga magulang. Sa paghihimagsik sa Diyos, pumanig sila kay Satanas, na nagbangon ng malawakang hamon sa pagkasoberano ni Jehova. Sa kanilang ginawa, sinuportahan nila ang pag-aangkin na mas mapapabuti ang tao kung wala si Jehova, anupat pamamahalaan niya ang kaniyang sarili sa ilalim ng patnubay ng isang mapaghimagsik na espiritung nilalang. Sa paggawad ng hatol sa mga naghimagsik, sa diwa ay ibinigay ni Jehova sa kanila kung ano ang kanilang hinihingi. Pinahintulutan niya ang tao na pamahalaan ang kaniyang sarili sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ano pang pasiya ang magiging higit na makatuwiran kaysa sa ipasakop ang sangkatauhan sa kawalang-saysay ngunit salig sa pag-asa?

15 Sabihin pa, hindi ito ayon sa “sariling kalooban” ng sangnilalang. Isinilang tayo bilang mga alipin ng kasalanan at kabulukan nang walang anumang mapagpipilian. Ngunit dahil sa awa ni Jehova ay pinahintulutan niyang mabuhay pa at magsilang ng mga supling sina Adan at Eva. Bagaman tayo, na kanilang mga inapo, ay ipinasakop sa kawalang-saysay ng kasalanan at kamatayan, may pagkakataon tayong gawin ang hindi ginawa nina Adan at Eva. Maaari nating pakinggan si Jehova at matutuhan na ang kaniyang soberanya ay matuwid at sakdal, samantalang ang pamamahala ng tao na hiwalay kay Jehova ay magdudulot lamang ng pasakit, pagkasiphayo, at kawalang-saysay. (Jeremias 10:23; Apocalipsis 4:11) At pinalulubha lamang ng impluwensiya ni Satanas ang mga bagay-bagay. Pinatutunayan ng kasaysayan ng tao ang mga katotohanang ito.​—Eclesiastes 8:9.

16. (a) Bakit tayo makatitiyak na hindi si Jehova ang may pananagutan sa pagdurusa na nakikita natin sa daigdig sa ngayon? (b) Anong pag-asa ang maibiging inilaan ni Jehova para sa tapat na mga tao?

16 Maliwanag, may makatuwirang mga dahilan si Jehova na ipasakop ang sangkatauhan sa kawalang-saysay. Subalit nangangahulugan ba iyon na si Jehova ang sanhi ng kawalang-saysay at pagdurusa na pumipighati sa bawat isa sa atin sa ngayon? Buweno, gunigunihin ang isang hukom na naggawad ng makatuwirang hatol sa isang kriminal. Maaaring magdusa nang husto ang nahatulan habang tinatapos niya ang sentensiya sa kaniya, ngunit makatuwiran ba niyang masisisi ang hukom bilang siyang sanhi ng kaniyang pagdurusa? Siyempre, hindi! Isa pa, si Jehova ay hindi kailanman pinagmumulan ng kabalakyutan. Sinasabi ng Santiago 1:13: “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” Tandaan din natin na iginawad ni Jehova ang hatol na ito “salig sa pag-asa.” Maibigin siyang gumawa ng mga kaayusan upang masaksihan ng tapat na mga inapo nina Adan at Eva ang wakas ng kawalang-saysay at malugod sa “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Hindi na kailangang mabahala magpakailanman ang tapat na sangkatauhan na baka muli na namang masadlak ang buong sangnilalang sa kalagayan na puno ng pasakit at kawalang-saysay. Ang makatuwirang pangangasiwa ni Jehova sa mga bagay-bagay ang magpapatunay sa pagiging matuwid ng kaniyang soberanya sa habang panahon.​—Isaias 25:8.

17. Paano tayo dapat maapektuhan ng pagrerepaso sa mga dahilan ng pagdurusa sa daigdig sa ngayon?

17 Habang nirerepaso natin ang mga dahilang ito ng pagdurusa ng tao, may nakikita ba tayong anumang saligan para isisi ang kabalakyutan kay Jehova o para mawala ang ating pagtitiwala sa kaniya? Sa kabaligtaran, ang gayong pag-aaral ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang sumang-ayon sa mga salitang ito ni Moises: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga bagay na ito, panariwain natin ang ating unawa sa mga ito sa pana-panahon. Sa gayon, kapag napaharap tayo sa mga pagsubok, lalabanan natin ang mga pagsisikap ni Satanas na maghasik ng mga pag-aalinlangan sa ating isipan. Subalit ano naman ang ikalawang hakbang na binanggit sa pasimula? Ano ang nasasangkot sa pagtitiwala kay Jehova?

Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Magtiwala kay Jehova

18, 19. Sa anong mga salita tayo pinasisigla ng Bibliya na magtiwala kay Jehova, ngunit tungkol sa bagay na ito, anong maling mga ideya ang pinanghahawakan ng ilan?

18 Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Ang mga ito ay kalugud-lugod at nagbibigay-katiyakang mga salita. Tiyak na wala nang mas mapagkakatiwalaan sa buong sansinukob kundi ang ating mahal at makalangit na Ama. Gayunman, ang mga salitang iyon sa Kawikaan ay mas madaling basahin kaysa sa ikapit.

19 Marami ang may maling mga ideya hinggil sa kung ano ang ibig sabihin ng magtiwala kay Jehova. Inaakala ng ilan na ang gayong pagtitiwala ay basta damdamin lamang, isang uri ng napakaligayang emosyon na dapat ay kusang bumukal sa puso. Waring naniniwala ang iba na ang pagtitiwala sa Diyos ay nangangahulugang maaasahan natin na ipagsasanggalang niya tayo sa lahat ng kahirapan, bibigyang-lunas ang lahat ng ating problema, lulutasin ang bawat hamon sa araw-araw ayon sa ating inaasahan​—at agad-agad! Ngunit ang gayong mga palagay ay walang batayan. Ang pagtitiwala ay hindi basta damdamin lamang, at ito ay makatotohanan. Sa mga adulto, nasasangkot sa pagtitiwala ang paggawa ng kinusa at pinag-isipang mga pagpapasiya.

20, 21. Ano ang nasasangkot sa pagtitiwala kay Jehova? Ilarawan.

20 Pansinin muli ang sinasabi ng Kawikaan 3:5. Inihahambing nito ang pagtitiwala kay Jehova sa pananalig sa ating sariling pagkaunawa, anupat ipinahihiwatig na hindi natin maaaring parehong gawin ito. Nangangahulugan ba ito na hindi tayo pinahihintulutang gumamit ng ating mga kakayahan ng pang-unawa? Hindi, sapagkat si Jehova, na nagbigay sa atin ng gayong mga kakayahan, ay umaasa na gagamitin natin ang mga ito sa paglilingkod sa kaniya. (Roma 12:1) Subalit sa ano tayo nananalig, o umaasa? Kapag ang ating pag-iisip ay hindi nakasuwato ng pag-iisip ni Jehova, tinatanggap ba natin ang kaniyang karunungan ayon sa kung ano ito​—makapupong nakahihigit kaysa sa atin? (Isaias 55:8, 9) Ang pagtitiwala kay Jehova ay nangangahulugan na hahayaan nating akayin ng kaniyang pag-iisip ang ating pag-iisip.

21 Upang ilarawan: Gunigunihin ang isang maliit na bata na nakaupo sa likurang upuan ng isang kotse, habang ang kaniyang mga magulang ay nakaupo naman sa harapan. Ang kaniyang ama ang nagmamaneho. Kapag may mga problemang bumangon sa panahon ng paglalakbay​—kung alin ang tamang ruta o marahil ay isang problema hinggil sa lagay ng panahon o kalagayan ng kalsada​—ano ang reaksiyon ng isang masunurin at nagtitiwalang bata? Isisigaw ba niya kung saan ang tamang mga direksiyon mula sa kaniyang kinauupuan sa likuran, anupat sinasabi sa kaniyang ama kung paano mamanehuhin ang kotse? Mag-aalinlangan kaya siya sa mga pasiya ng kaniyang mga magulang o tututol kaya siya kapag pinaalalahanan nila siya na panatilihing nakasuot sa kaniya ang sinturong pangkaligtasan habang siya’y nakaupo? Hindi, likas lamang na magtitiwala siya na mapangangasiwaan ng kaniyang mga magulang ang gayong mga bagay, bagaman sila ay di-sakdal. Kung tungkol naman kay Jehova, mayroon tayong sakdal na Ama. Hindi ba dapat na lubos tayong magtiwala sa kaniya, lalo na kapag napapaharap tayo sa mahihirap na mga situwasyon?​—Isaias 30:21.

22, 23. (a) Bakit dapat nating ilagak ang ating pagtitiwala kay Jehova kapag napaharap tayo sa mga problema, at paano natin ito magagawa? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

22 Gayunman, ipinahihiwatig ng Kawikaan 3:6 na dapat nating ‘isaalang-alang si Jehova sa lahat ng ating mga lakad,’ hindi lamang kapag napapaharap tayo sa mahihirap na situwasyon. Kaya ang mga pasiya natin sa araw-araw ay dapat na kakitaan ng ating pagtitiwala kay Jehova. Kapag bumangon ang mga problema, hindi tayo dapat masiphayo, mataranta, o tumutol sa patnubay ni Jehova hinggil sa kung ano ang pinakamainam na paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay. Kailangan nating malasin ang mga pagsubok bilang mga pagkakataon upang sumuporta sa soberanya ni Jehova, upang tumulong sa pagpapatunay na sinungaling si Satanas, at upang malinang ang pagkamasunurin at ang iba pang mga katangian na nakalulugod kay Jehova.​—Hebreo 5:7, 8.

23 Maipakikita natin ang ating pagtitiwala kay Jehova anuman ang mga hadlang na maaaring magbanta sa atin. Magagawa natin ito sa ating mga panalangin at sa paraan ng pag-asa natin sa patnubay ng Salita ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Subalit sa espesipikong paraan, paano natin maipamamalas ang pagtitiwala kay Jehova kapag napaharap sa mga problema na bumabangon sa sanlibutan sa ngayon? Tatalakayin ng ating susunod na artikulo ang paksang iyan.

[Talababa]

^ par. 13 Ang Griegong salita na ginamit ni Pablo para sa “kawalang-saysay” ay siya ring ginamit sa Griegong Septuagint upang isalin ang pananalita na paulit-ulit na ginamit ni Solomon sa aklat ng Eclesiastes, tulad sa pananalitang “ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan!”​—Eclesiastes 1:2, 14; 2:11, 17; 3:19; 12:8.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano ipinakita ni David na nagtiwala siya kay Jehova?

• Ano ang tatlong sanhi ng pagdurusa ng tao sa ngayon, at bakit makabubuti na repasuhin ang mga ito sa pana-panahon?

• Anong hatol ang iginawad ni Jehova sa sangkatauhan, at bakit isa itong makatuwirang hatol?

• Ano ang nasasangkot sa pagtitiwala kay Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 8]

Nagtiwala si David kay Jehova

[Larawan sa pahina 10]

Ipinakita ni Jesus na nang bumagsak ang isang tore sa Jerusalem, hindi si Jehova ang may pananagutan