Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa maraming bahagi ng daigdig, kaugalian nang magregalo sa kasal. Anu-anong maka-Kasulatang simulain ang dapat nating isaalang-alang kapag nagbibigay o tumatanggap ng gayong mga regalo?
Sinasang-ayunan ng Bibliya ang pagreregalo kapag ito ay ginagawa taglay ang tamang motibo at sa tamang okasyon. May kinalaman sa pagbibigay, pinasisigla ng Bibliya ang tunay na mga Kristiyano na tularan ang kanilang bukas-palad na Tagapaglaan na si Jehova. (Santiago 1:17) Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” Sa gayon, ang mga Kristiyano ay pinasisiglang maging bukas-palad.—Hebreo 13:16; Lucas 6:38.
Sa ilang bansa, karaniwan na sa mga nagpapakasal na magparehistro sa isang department store sa pamamagitan ng pagtingin sa mga paninda at paggawa ng listahan ng mga bagay na nanaisin nilang tanggapin bilang regalo. Ang mga kamag-anak at mga kaibigan ng ikakasal ay tumatanggap ng imbitasyong nagmumungkahi na magtungo sila sa nasabing tindahan upang bumili ng isang bagay na nasa listahan ng mga regalong gustong tanggapin ng ikakasal. Mula sa praktikal na pangmalas, ang nagreregalo kung gayon ay hindi na gugugol ng mahabang oras sa paghahanap ng isang regalo kundi pipili na lamang siya sa listahan, at ang mga tumatanggap ng regalo ay hindi na kailangang magsauli ng di-nagustuhang mga regalo sa tindahan.
Kung gusto ng ikakasal na gumamit ng gayong listahan, iyan ay isang personal na desisyon. Gayunman, nanaisin ng isang Kristiyano na maging maingat upang maiwasan ang anumang gawain na maaaring lumabag sa mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, paano kung ang mga ikakasal ay gumawa ng listahan ng napakamahal na mga bagay? Sa gayong kalagayan, yaong mga may limitadong pera ay baka hindi makabili ng isang regalo, o maaaring ipalagay nila na makabubuti pang tanggihan ang imbitasyong dumalo sa kasal upang huwag silang mapahiya sa pagdadala ng di-mamahaling regalo. Isang babaing Kristiyano ang sumulat: “Ang pagreregalo ay nagiging mabigat na pasanin na. Naging bukas-palad ako, ngunit kamakailan lamang ay nawala ang lahat ng kaligayahan na dating nadarama ko sa pagbibigay.” Kaylungkot nga kung ang isang kasalan ay pagmulan ng pagkasira ng loob!
Siyempre pa, hindi dapat madama ng mga nagbibigay na upang maging katanggap-tanggap ang kanilang regalo, kailangan itong bilhin sa isang espesipikong tindahan o hindi ito dapat bababa sa isang partikular na iminungkahing presyo. Tutal, ipinakita ni Jesu-Kristo na ang pinakamahalaga sa paningin ng Diyos ay ang saloobin ng puso ng nagbibigay, hindi ang halaga ng regalo. (Lucas 21:1-4) Sa katulad na paraan, may kinalaman sa mga kaloob ng awa sa mga nangangailangan, sumulat si apostol Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Corinto 9:7.
Ayon sa Bibliya, wala namang masama kung ipababatid ng isa na siya ang nagkaloob ng regalo, marahil sa pamamagitan ng paglalagay ng isang maikling sulat na kasama ng regalo. Gayunman, sa ilang lugar, kaugalian nang ipakilala ang nagbigay ng regalo sa lahat ng naroroon. Ang kaugaliang ito ay maaaring humantong sa mga problema. Baka ayaw magpakilala ng mga nagbibigay ng regalo upang maiwasan na maging tampulan sila ng pansin. Ang gayong mga indibiduwal ay kumikilos na kasuwato ng simulaing masusumpungan sa Mateo 6:3, kung saan sinabi ni Jesus: “Ngunit ikaw, kapag nagbibigay ng mga kaloob ng awa, huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanan.” Maaaring ipalagay ng iba na ang pagreregalo ay isang personal na bagay na dapat ay siya lamang at ang binibigyan ng regalo ang nakaaalam. Bukod diyan, ang pagpapakilala sa mga nagbigay ay maaaring humantong sa paghahambing ng mga regalo, anupat “nagsusulsol ng pagpapaligsahan.” (Galacia 5:26) Tiyak na nanaisin ng mga Kristiyano na iwasang ipahiya ang sinuman sa publiko sa pamamagitan ng paghahayag ng mga pangalan ng mga nagbigay.—1 Pedro 3:8.
Oo, sa pamamagitan ng pagkilos na kasuwato ng mga simulaing masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang pagreregalo ay mananatiling isang pinagmumulan ng kaligayahan.—Gawa 20:35.