Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinahahalagahan Mo ba ang May-edad Nang mga Kapananampalataya?

Pinahahalagahan Mo ba ang May-edad Nang mga Kapananampalataya?

Pinahahalagahan Mo ba ang May-edad Nang mga Kapananampalataya?

NANG ang bayan ng sinaunang Israel ay may pakikipagtipan pa sa Diyos, sila ay inutusan: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda, at matakot ka sa iyong Diyos.” (Levitico 19:32) Sa gayon, isang sagradong tungkulin ang paggalang sa mga may-edad na, anupat may malapit itong kaugnayan sa pagpapasakop sa Diyos. Bagaman ang mga Kristiyano sa ngayon ay wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ipinaaalaala nito sa atin na minamalas ni Jehova na mahalaga ang mga lingkod niyang may-edad na. (Kawikaan 16:31; Hebreo 7:18) Ipinakikita ba natin ang pangmalas ni Jehova? Pinahahalagahan ba natin ang ating may-edad nang mga kapatid na Kristiyano?

Pinahalagahan Niya ang Kaniyang Nakatatandang Kaibigan

Ang isang ulat ng Bibliya na nagtatampok sa pagpapakita ng paggalang sa mga nakatatanda ay masusumpungan sa aklat ng Ikalawang Hari. Naglalaman ito ng paglalarawan kung paano hinalinhan si propeta Elias ng nakababatang propeta na si Eliseo. Isaalang-alang kung ano ang nangyari noong huling araw ni Elias bilang isang propeta sa sampung-tribong kaharian ng Israel.

Nang araw na iyon, pinag-utusan ni Jehova ang may-edad nang propeta na maglakbay mula sa Gilgal hanggang sa Bethel, mula sa Bethel hanggang sa Jerico, at mula sa Jerico hanggang sa Ilog Jordan. (2 Hari 2:1, 2, 4, 6) Sa paglalakbay na iyon na halos 50 kilometro, tatlong beses na hinimok ni Elias si Eliseo na huwag nang sumunod sa kaniya. Subalit kung paanong mga dantaon bago nito ay matatag na tumanggi ang kabataang si Ruth na iwan si Noemi, tumanggi rin si Eliseo na iwan ang nakatatandang propeta. (Ruth 1:16, 17) Tatlong beses na sinabi ni Eliseo: “Buháy si Jehova at buháy ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan.” (2 Hari 2:2, 4, 6) Hanggang sa panahong iyon, mga anim na taon nang tumutulong kay Elias si Eliseo. Subalit nais niyang maglingkod kasama ni Elias hangga’t maaari. Sa katunayan, sinasabi pa ng ulat: “At nangyari, habang naglalakad sila, na nag-uusap habang sila ay naglalakad, aba, narito! . . . si Elias ay umakyat.” (Talata 11) Sina Elias at Eliseo ay nag-uusap hanggang sa huling sandali ng ministeryo ni Elias sa Israel. Maliwanag na ang nakababatang propeta ay sabik na makarinig ng maraming tagubilin at pampatibay-loob hangga’t maaari mula sa nakatatanda at mas makaranasang propeta. Maliwanag, pinahalagahan niya ang kaniyang nakatatandang kaibigan.

‘Gaya ng sa mga Ama at mga Ina’

Madaling maunawaan kung bakit minahal ni Eliseo ang nakatatandang propeta bilang isang kaibigan​—bilang isang espirituwal na ama pa nga. (2 Hari 2:12) Bago matapos ang atas ni Elias sa Israel, sinabi niya kay Eliseo: “Hilingin mo kung ano ang gagawin ko para sa iyo bago ako kunin mula sa iyo.” (Talata 9) Kaya hanggang sa wakas, si Elias ay nagpakita ng pagmamalasakit sa espirituwal na kapakanan ng hahalili sa kaniya at sa ikapagpapatuloy ng gawain ng Diyos.

Sa ngayon, nakapagpapasiglang makita ang gayunding makaama at makainang pagmamalasakit sa ating nakatatandang mga kapatid na Kristiyano habang sagana nilang ibinabahagi ang kanilang kaalaman at karunungan sa mga nakababata. Halimbawa, kusang tinutulungan ng matatagal nang boluntaryong naglilingkod sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang bagong mga miyembro ng pamilyang Bethel na magkaroon ng mga kasanayang kailangan nila upang maisagawa ang kanilang paglilingkod. Gayundin, maligayang ibinabahagi ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa na maraming taon nang dumadalaw sa mga kongregasyon ang kanilang maraming karanasan sa mga sinasanay maglingkod bilang naglalakbay na mga ministro. Bukod diyan, sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, may nakatatandang mga kapatid na lalaki at babae na maraming dekada nang naglilingkod nang tapat kay Jehova at malugod na ibinabahagi ang kanilang praktikal na karunungan at karanasan sa mas bagong mga miyembro ng kongregasyon.​—Kawikaan 2:7; Filipos 3:17; Tito 2:3-5.

Ang taimtim na pagmamalasakit na ipinakikita ng mga mahal na nakatatandang mga Kristiyanong ito ang nagpapangyaring maging tunay na kaluguran ang paggalang sa gayong mga nakatatanda. Kaya, nais nating tularan ang halimbawa ni Eliseo sa taimtim na pagpapahalaga sa may-edad nang mga kapananampalataya. Gaya ng ipinaaalaala sa atin ni apostol Pablo, patuloy nating pakitunguhan ang “isang matandang lalaki . . . gaya ng sa isang ama” at ang “matatandang babae gaya ng sa mga ina.” (1 Timoteo 5:1, 2) Sa paggawa nito, nakatutulong tayo nang malaki sa mahusay na takbo at pagsulong ng kongregasyong Kristiyano sa buong daigdig.

[Larawan sa pahina 30]

Ninais ni Eliseo na maglingkod kasama ni Elias hangga’t maaari

[Mga larawan sa pahina 31]

Lubhang nakikinabang ang mga nakababata mula sa mga may-edad nang mga Kristiyano