Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Purihin si Jehova “sa Gitna ng Kongregasyon”

Purihin si Jehova “sa Gitna ng Kongregasyon”

Purihin si Jehova “sa Gitna ng Kongregasyon”

ANG mga Kristiyanong pagpupulong ay paglalaan mula kay Jehova upang ang kaniyang bayan ay mapanatiling malakas sa espirituwal. Sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga pulong, ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa mga paglalaan ni Jehova. Bukod diyan, nabibigyan tayo ng pagkakataong ‘udyukan ang ating mga kapatid sa pag-ibig at sa maiinam na gawa,’ na isang mahalagang paraan ng pagpapamalas ng ating pag-ibig sa isa’t isa. (Hebreo 10:24; Juan 13:35) Gayunman, paano natin mauudyukan ang ating mga kapatid sa mga pulong?

Gumawa ng mga Pangmadlang Pagpapahayag

Si Haring David ay sumulat tungkol sa kaniyang sarili: “Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita. Sa iyo magmumula ang aking papuri sa malaking kongregasyon.” “Dadakilain kita sa malaking kongregasyon; sa gitna ng maraming tao ay pupurihin kita.” “Inihayag ko ang mabuting balita ng katuwiran sa malaking kongregasyon. Narito! Ang aking mga labi ay hindi ko pinipigilan.”​—Awit 22:22, 25; 35:18; 40:9.

Noong panahon ni apostol Pablo, kapag ang mga Kristiyano ay nagtitipong sama-sama para sa pagsamba, gayundin ang ginagawa nilang kapahayagan ng kanilang pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang kaluwalhatian. Sa ganitong paraan, sila ay nagpapatibayan sa isa’t isa at nag-uudyukan sa isa’t isa sa pag-ibig at sa maiinam na gawa. Sa ating panahon, maraming siglo na ang nakalipas pagkatapos nina David at Pablo, tunay na ating “nakikita na papalapit na ang araw [ni Jehova].” (Hebreo 10:24, 25) Ang sistema ni Satanas ay sumusuray-suray na tungo sa pagkapuksa, at patuloy na dumarami ang mga suliranin. Higit kailanman, tayo ay ‘nangangailangan ng pagbabata.’ (Hebreo 10:36) Kung hindi ang ating mga kapatid, sino pa kaya ang makapagpapatibay sa atin upang makapagbata?

Sa ngayon, gaya rin noong una, ang bawat mananampalataya ay binibigyan ng pagkakataon na magpahayag ng kaniyang pananampalataya “sa gitna ng kongregasyon.” Isang pagkakataong bukás para sa lahat ang pagbibigay ng mga komento bilang sagot sa mga tanong na inihaharap sa tagapakinig sa mga pulong ng kongregasyon. Huwag maliitin ang mga kapakinabangang maidudulot nito. Halimbawa, ang mga komento na nagtatanghal kung paano mapagtatagumpayan o maiiwasan ang mga suliranin ay magpapatibay sa determinasyon ng ating mga kapatid na sundin ang mga simulain ng Bibliya. Ang mga komento na nagpapaliwanag sa mga binanggit subalit hindi siniping mga teksto sa Bibliya o naglalakip ng mga impormasyong natamo sa personal na pagsasaliksik ay maaaring magpasigla sa iba na magkaroon ng mas mabuting mga kaugalian sa pag-aaral.

Ang pagkaalam na makikinabang tayo at ang iba pa kapag tayo’y nagkokomento sa mga pulong ay dapat gumanyak sa lahat ng mga Saksi ni Jehova na daigin ang pagkamahiyain. Lalo nang mahalaga na magkomento sa mga pulong ang matatanda at mga ministeryal na lingkod, yamang sila ay inaasahan na mangunguna sa pakikibahagi sa pulong, at gayundin sa pagdalo. Gayunman, paano susulong ang isang indibiduwal sa partikular na aspektong ito ng kaniyang gawaing Kristiyano kung nahihirapan siyang magkomento?

Mga Mungkahi Upang Sumulong

Tandaan na si Jehova ay nasasangkot. Ipinaliwanag ng isang Kristiyanong sister na taga-Alemanya kung paano niya minamalas ang kaniyang mga komento. “Ang mga ito ay personal kong sagot sa pagtatangka ni Satanas na hadlangan ang bayan ng Diyos sa pagpapahayag ng kanilang pananampalataya.” Isang bagong bautisadong kapatid na lalaki na kaugnay sa kongregasyon ding iyon ang nagsabi: “Kung tungkol sa pagkokomento, lagi akong nananalangin.”

Maghandang mabuti. Kung hindi mo patiunang napag-aralan ang materyal, mahihirapan kang magkomento at ang iyong mga komento ay hindi magiging gaanong mabisa. Ang mga mungkahi para sa pagkokomento sa mga pulong ng kongregasyon ay ibinigay sa publikasyong Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, pahina 70. *

Magtakda ng tunguhin na magbigay ng kahit isang komento sa bawat pulong. Nangangahulugan ito ng paghahanda ng ilang sagot, yamang habang mas madalas kang magtaas ng kamay, mas malamang na matawag ka ng kapatid na nangangasiwa. Maaari mo pa ngang sabihin sa kaniya nang patiuna kung aling mga tanong ang handa mong sagutin. Nakatutulong ito lalo na kung ikaw ay isang baguhan. Yamang maaaring nag-aatubili kang magtaas ng iyong kamay “sa malaking kongregasyon,” ang pagkaalam na ito ang iyong pinaghandaang parapo at na aabangan ng nangangasiwa ang iyong kamay ay magpapasigla sa iyo na magkomento.

Magkomento agad. Ang isang mahirap na gawain ay hindi nagiging mas madali sa pamamagitan ng pagpapaliban nito. Ang maagang pagkokomento sa pulong ay makatutulong. Magugulat ka na mas madaling magkomento sa ikalawa o ikatlong pagkakataon minsang nakalampas ka na sa balakid ng unang pagkokomentong iyon.

Pumili ng angkop na upuan. Mas nadadaliang magkomento ang ilan kapag sila ay nakaupo sa gawing unahan ng Kingdom Hall. Kakaunti ang panggambala roon, at malamang na hindi sila makaligtaan ng nangangasiwa. Kapag sinubukan mo ito, tandaang magsalita nang may sapat na lakas upang marinig ng lahat, lalo na kung ang kongregasyon ay hindi gumagamit ng inililibot na mikropono.

Makinig na mabuti. Ito ay tutulong sa iyo na maiwasang ulitin ang kasasabi lamang ng iba. Gayundin, ang mga komento na ginawa ng iba ay maaaring magpagunita sa iyo ng isang teksto o isang punto na magpapalawak sa kasasabi pa lamang na ideya. Sa pana-panahon, ang isang maikling karanasan ay maaaring maglarawan sa puntong tinatalakay. Ang gayong mga komento ay lubhang nakatutulong.

Matutong sumagot sa sarili mong pananalita. Ang pagbabasa ng komento mula sa materyal na pinag-aaralan ay maaaring magpahiwatig na nasumpungan mo ang tamang sagot, at ito ay maaaring maging isang mabuting paraan upang magsimulang magkomento. Subalit ang pagsulong upang makasagot sa sarili mong pananalita ay nagpapakita na nauunawaan mo ang punto. Hindi naman kailangang sipiin ang ating mga publikasyon nang salita por salita. Hindi basta na lamang inuulit ng mga Saksi ni Jehova kung ano ang sinasabi ng kanilang mga publikasyon.

Manatili sa paksa. Ang mga komento na walang kaugnayan sa paksa o hiwalay sa tinatalakay na pangunahing kaisipan ay hindi angkop. Ito’y nangangahulugan na ang iyong mga komento ay dapat na kaugnay ng paksang tinatalakay. Kung magkagayon, mapasusulong nito ang nakapagpapatibay-sa-espirituwal na pagtalakay hinggil sa binubuong tema.

Maging tunguhin na magpatibay. Yamang ang mahalagang dahilan ng pagkokomento ay upang mapatibay ang iba, dapat nating iwasang magsabi ng mga bagay na makasisira ng loob nila. Karagdagan pa, huwag saklawin nang lubusan ang parapo anupat kakaunti o wala nang natira pa upang sabihin ng iba. Ang mahahaba at masasalimuot na sagot ay nagpapalabo ng kahulugan. Ang maiikling sagot na binubuo lamang ng ilang salita ay maaaring maging napakabisa, at ang mga ito ay magpapasigla sa mga baguhan na magbigay ng kanilang maiikling sagot.

Ang Papel ng mga Nangangasiwa sa mga Pulong

Kung tungkol sa pagiging nakapagpapatibay, ang isang nangangasiwa sa pulong ay may mabigat na pananagutan. Nagpapakita siya ng tunay na interes sa bawat ibinibigay na komento sa pamamagitan ng maingat na pakikinig at magalang na pagtingin sa isa na nagkokomento sa halip na maging abala sa ibang bagay. Tunay ngang di-angkop na dahil sa hindi niya pakikinig nang maingat, maulit nang di-kinakailangan kung ano ang kasasabi lamang o kaya’y magbangon siya ng isang tanong na kasasagot lamang!

Nakasisira rin ng loob kung laging uulitin ng nangangasiwa ang isang ibinigay na komento sa medyo naiibang mga salita, na para bang nagpapahiwatig na tila kulang pa ang komento. Sa kabilang panig, tunay ngang nakapagpapatibay kapag ang mga komento ay nakatutulong sa higit pang pagtalakay sa isang mahalagang punto. ‘Paano natin maikakapit ito sa ating kongregasyon?’ o, ‘Aling teksto sa parapo ang umaalalay sa kasasabi pa lamang?’ ang siyang uri ng mga tanong na humihimok ng positibong mga komento, na lubhang nakatutulong.

Sabihin pa, lalo nang dapat papurihan ang mga baguhan o mahiyain kapag sila ay nagkomento. Maaari itong gawin nang personal pagkatapos ng pag-aaral upang maiwasan ang posibleng pagkapahiya at upang ito’y maging isang pagkakataon para sa nangangasiwa na makapagbigay ng mga mungkahi kung angkop.

Sa karaniwang pag-uusap, ang isang tao na laging nangingibabaw sa isang talakayan ay nakahahadlang sa pag-uusap. Nadarama ng nakikinig sa kaniya na hindi na sila kailangang magsalita pa. Sapat na para sa kanila na maging tagapakinig lamang, kung talaga ngang nakikinig sila. Ang ganito rin ay maaaring mangyari kapag pinangingibabawan ng nangangasiwa ang talakayan sa pamamagitan ng madalas na pagkokomento. Gayunman, maaaring paminsan-minsan ay akayin ng nangangasiwa sa pulong ang mga tagapakinig at pukawin ang kanilang isipan sa paksa sa pamamagitan ng karagdagang mga tanong. Ang gayong mga tanong ay hindi dapat gamitin nang madalas.

Hindi naman kailangang tawagin ng nangangasiwa ang unang tao na nagtaas ng kaniyang kamay. Baka masiraan ng loob ang mga nangangailangan ng kaunting panahon upang buuin ang kanilang mga iniisip. Sa pamamagitan ng paghihintay ng ilang sandali, mabibigyan niya ng pagkakataon ang hindi pa nakapagkokomento na magawa ito. Maipakikita rin niya ang kaunawaan sa pamamagitan nang hindi pagtawag sa maliliit na bata upang sagutin ang mga tanong tungkol sa mga paksang hindi abot ng kanilang pag-iisip.

Kumusta naman kung mali ang ibinigay na sagot? Dapat iwasan ng nangangasiwa na hiyain ang taong sumagot. Ang mga komento kahit na mali ay kadalasang may bahagi ring tama. Sa pamamagitan ng mataktikang pagpili sa bagay na maaaring tama, sa paghaharap ng tanong sa ibang paraan, o sa pagbibigay ng karagdagang tanong, maaaring maituwid ng nangangasiwa ang mga bagay-bagay nang hindi nagdudulot ng kahihiyan.

Upang mapasigla ang pagkokomento, makabubuting iwasan ng nangangasiwa sa pulong ang pangkalahatang mga tanong, tulad ng, ‘Mayroon pa bang magkokomento?’ Ang tanong na, ‘Sino pa ba ang hindi nakapagkokomento? Ito na ang huli ninyong pagkakataon!’ ay maaaring may mabuting intensiyon, subalit hindi nito mapasisiglang malayang magpahayag ang isang tao. Hindi dapat ipadama sa mga kapatid na parang sila’y nagkakasala dahil sa hindi pagkokomento kaagad sa pag-aaral. Sa halip, dapat silang mapasigla na ibahagi ang kanilang nalalaman sapagkat ang pakikibahagi ay isang kapahayagan ng pag-ibig. Bilang karagdagan, pagkatapos tawagin ng nangangasiwa ang isa upang magkomento, makabubuting huwag nang sabihing, “Pagkatapos niya, mapakikinggan naman natin ang komento ni Brother Kuwan at saka ang komento ni Sister Kuwan.” Dapat na makinig muna sa komento ang nangangasiwa at saka alamin kung kailangan pa ang karagdagang komento.

Isang Pribilehiyo ang Pagkokomento

Ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong ay isang espirituwal na pangangailangan; ang pagkokomento sa mga ito ay isang pribilehiyo. Sa ating pakikibahagi sa natatanging paraang ito ng pagpuri kay Jehova “sa gitna ng kongregasyon,” tinutularan natin ang halimbawa ni David at dinidibdib ang payo ni Pablo. Ang ating pakikibahagi sa mga pulong ay nagpapatunay na iniibig natin ang ating mga kapatid at na tayo ay bahagi ng malawak na kongregasyon ni Jehova. Saan mo pa nanaising dumoon habang ‘iyong nakikita na papalapit na ang araw’?​—Hebreo 10:25.

[Talababa]

^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 20]

Kapuwa ang pakikinig at pagkokomento ay may dako sa mga Kristiyanong pagpupulong

[Larawan sa pahina 21]

Ipinakikita ng nangangasiwa ang tunay na interes sa bawat komento