Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova ay Laging Nagmamalasakit sa Atin

Si Jehova ay Laging Nagmamalasakit sa Atin

Si Jehova ay Laging Nagmamalasakit sa Atin

AYON SA SALAYSAY NI ENELESI MZANGA

Noon ay 1972. Pinasok ang aming bahay ng sampung kabataang lalaki, mga miyembro ng Youth League ng Malawi, sinunggaban nila ako, at kinaladkad ako sa kalapit na tubuhán. Doon ay binugbog nila ako at iniwan sa pag-aakalang ako’y patay na.

Maraming Saksi ni Jehova sa Malawi ang dumanas ng malulupit na pagsalakay na gaya nito. Bakit sila pinag-usig? Ano ang nakatulong sa kanila na magbata? Hayaan ninyong isalaysay ko sa inyo ang kuwento ng aking pamilya.

ISINILANG ako noong Disyembre 31, 1921, sa isang relihiyosong pamilya. Pastor ang tatay ko sa Central Presbyterian Church sa Aprika. Lumaki ako sa Nkhoma, isang maliit na bayan malapit sa Lilongwe, ang kabisera ng Malawi. Nang ako’y 15 taóng gulang, napangasawa ako ni Emmas Mzanga.

Isang araw, dumalaw sa amin ang isang kaibigan ng tatay ko na isa ring pastor. Napansin niya na nakatira ang mga Saksi ni Jehova malapit sa aming bahay at binabalaan niya kami na huwag makisangkot sa kanila. Sinabi niya sa amin na ang mga Saksi ay inaalihan ng demonyo at kung hindi kami mag-iingat, kami man ay aalihan ng demonyo. Labis naming ikinatakot ang babalang iyon anupat lumipat kami sa ibang nayon, kung saan nakakita ng trabaho si Emmas bilang tindero. Subalit di-nagtagal ay napag-alaman namin na ang aming bagong bahay ay malapit din sa mga Saksi ni Jehova!

Gayunman, di-nagtagal, ang matinding pag-ibig ni Emmas sa Bibliya ay nag-udyok sa kaniya na makipag-usap sa isang Saksi. Pagkatapos masagot sa nakakakumbinsing paraan ang kaniyang maraming katanungan, tinanggap ni Emmas ang alok ng mga Saksi na makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Sa simula, ang pag-aaral sa Bibliya ay idinaraos sa tindahang pinagtatrabahuhan niya, subalit ang lingguhang pag-aaral ay ginaganap na nang maglaon sa aming bahay. Tuwing darating ang mga Saksi ni Jehova, umaalis ako ng bahay dahil natatakot ako sa kanila. Sa kabila nito, nagpatuloy si Emmas sa pag-aaral ng Bibliya. Pagkalipas ng mga anim na buwan mula nang siya’y mag-aral, siya’y nabautismuhan, noong Abril 1951. Gayunman, hindi niya ito sinabi sa akin sapagkat natatakot siya na baka wakasan ko ang aming pagsasama bilang mag-asawa kapag nabalitaan ko ito.

Mahihirap na Sanlinggo

Gayunman, isang araw, sinabi sa akin ng aking kaibigang si Ellen Kadzalero na nabautismuhan ang aking asawa bilang isang Saksi ni Jehova. Nagpupuyos ako sa galit! Mula nang araw na iyon, hindi ko na siya kinausap o ipinaghanda ng pagkain. Inihinto ko na rin ang pag-iigib at pag-iinit ng tubig na panligo niya​—isang atas na ayon sa aming kaugalian ay itinuturing na tungkulin ng asawang babae.

Pagkatapos pagtiisan ang pakikitungong ito sa loob ng tatlong linggo, may-kabaitang hiniling ni Emmas na mag-usap kami, at saka niya sinabi sa akin kung bakit siya nagpasiyang maging isang Saksi. Binasa at ipinaliwanag niya ang ilang kasulatan, gaya ng 1 Corinto 9:16. Naantig nang labis ang aking kalooban at nadama ko na kailangan ko ring makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Kaya nagpasiya akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang mismong gabing iyon, ipinagluto ko siya ng masarap na pagkain na ikinatuwa ng aking maibiging asawa.

Pagbabahagi ng Katotohanan sa Pamilya at mga Kaibigan

Nang mabalitaan ng aming mga magulang na nakikisama kami sa mga Saksi ni Jehova, sinalansang nila kami nang husto. Sinulatan kami ng aking pamilya na nagsasabi sa aming huwag na kaming dumalaw sa kanila. Nalungkot kami sa reaksiyon nila, subalit nagtiwala kami sa pangako ni Jesus na magkakaroon kami ng maraming espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae at mga ama at mga ina.​—Mateo 19:29.

Mabilis akong sumulong sa aking pag-aaral ng Bibliya at nabautismuhan ako noong Agosto 1951, tatlo’t kalahating buwan lamang pagkatapos mabautismuhan ang aking asawa. Naudyukan akong ibahagi ang katotohanan sa aking kaibigang si Ellen. Mabuti naman, tinanggap niya ang alok kong pag-aaral sa Bibliya. Noong Mayo 1952, si Ellen ay nabautismuhan at naging espirituwal na kapatid ko, na lalo pang nagpatibay sa buklod ng aming pagkakaibigan. Sa ngayon, matalik pa rin kaming magkaibigan.

Noong 1954, si Emmas ay naatasang dumalaw sa mga kongregasyon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Nang panahong iyon, may anim na anak na kami. Noon, ang isang naglalakbay na tagapangasiwang may pamilya ay gumugugol ng isang linggo sa pagdalaw sa isang kongregasyon at pagkatapos ay nananatili sa bahay sa kasunod na linggo kasama ng kaniyang asawa at mga anak. Gayunman, kapag naglalakbay si Emmas, lagi niyang tinitiyak na idinaraos ko ang aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Sinisikap naming gawing kawili-wili ang pag-aaral kasama ng aming mga anak. Ipinakikipag-usap din namin sa kanila nang may taos-pusong pananalig ang tungkol sa aming pag-ibig kay Jehova at sa katotohanan mula sa kaniyang Salita, at nakikibahagi kami sa gawaing pangangaral bilang isang pamilya. Ang programang ito ng espirituwal na pagsasanay ang nagpalakas sa pananampalataya ng aming mga anak at naghanda sa kanila para sa pag-uusig na mapapaharap sa amin.

Nagsimula ang Relihiyosong Pag-uusig

Noong 1964, ang Malawi ay naging isang malayang bansa. Nang malaman ng mga opisyal ng namumunong partido ang aming neutral na paninindigan sa pulitika, sinikap nilang pilitin kaming bumili ng mga tarhetang pangmiyembro ng partido. * Sapagkat kami ni Emmas ay tumangging bumili nito, sinira ng mga miyembro ng Youth League ang aming maisan​—ang aming pangunahing suplay ng pagkain para sa darating na taon. Habang pinagtatatagpas ng mga miyembro ng Youth League ang mais, sila’y umaawit: “Sa lahat ng tumatangging bumili ng tarheta ni Kamuzu [Presidente Banda], kakainin ng mga anay ang kanilang luntiang mais at iiyakan ito ng mga taong iyon.” Subalit, sa kabila ng ganitong pagkawala ng pagkain, hindi kami nasiraan ng loob. Nadama namin ang pagmamalasakit ni Jehova. Maibigin niyang pinatibay kami.​—Filipos 4:12, 13.

Sa kalaliman ng gabi noong Agosto 1964, nag-iisa ako sa bahay kasama ng mga bata. Natutulog na kami, subalit nagising ako sa tunog ng awitan sa malayo. Ito ang Gulewamkulu, isang kinatatakutang lihim na samahan ng mga mananayaw ng tribo na sumasalakay sa mga tao at nagkukunwang mga espiritu ng patay na mga ninuno. Isinugo ng Youth League ang Gulewamkulu upang salakayin kami. Karaka-raka kong ginising ang mga bata, at bago nakarating ang mga sumasalakay sa aming bahay, nakatakas na kami patungo sa palumpong.

Mula sa aming taguang dako, nakita namin ang isang maningning na liwanag. Sinilaban ng Gulewamkulu ang aming bahay na kugon ang bubong. Natupok ito ng apoy, pati na ang lahat ng aming ari-arian. Habang papaalis na ang mga sumalakay mula sa nagbabagang kaguhuan ng aming bahay, narinig naming sinasabi nila, “Nagsiga tayo ng apoy para makapagpainit ang Saksing iyon.” Kaylaking pasasalamat namin kay Jehova na kami’y nakaligtas! Totoo, sinira nila ang lahat ng aming ari-arian, subalit hindi nila nasira ang aming determinasyong magtiwala kay Jehova sa halip na sa mga tao.​—Awit 118:8.

Nalaman namin na gayunding kakila-kilabot na bagay ang ginawa ng Gulewamkulu sa lima pang pamilya ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar. Kayligaya namin at kaylaki ng aming pasasalamat nang dumating ang mga kapatid sa kalapit na mga kongregasyon upang tulungan kami! Muli nilang itinayo ang aming mga bahay at tinustusan kami ng pagkain sa loob ng ilang linggo.

Tumindi ang Pag-uusig

Noong Setyembre 1967, nagkaroon ng kampanya upang sapilitang tipunin ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa. Upang masumpungan kami, pinaghahanap ng walang-awa at mabalasik na mga kabataang lalaki​—mga miyembro ng Youth League at mga Young Pioneer ng Malawi, na nasasandatahan ng mga matsete​—ang mga Saksi sa bawat bahay. Kapag nasumpungan nila ang mga ito, inaalok sila ng mga lalaki na bumili ng mga tarheta ng partido pulitika.

Pagdating sa aming bahay, tinanong nila kung mayroon kaming tarheta ng partido. Ang sabi ko: “Wala, hindi ako bumili. Hindi ako bibili nito ngayon, at hindi rin ako bibili nito sa hinaharap.” Pagkatapos nito ay sinunggaban nila kaming mag-asawa at dinala kami sa lokal na istasyon ng pulisya, anupat hindi kami binigyan ng pagkakataong makapagdala ng anumang bagay. Nang dumating sa bahay ang aming maliliit pang mga anak mula sa paaralan, hindi nila kami nakita, at lubha silang nag-alala. Mabuti na lamang, ang aming nakatatandang anak na si Daniel ay dumating na sa bahay hindi pa natatagalan pagkatapos nito at napag-alaman niya mula sa isang kapitbahay kung ano ang nangyari. Karaka-raka, isinama niya ang kaniyang nakababatang mga kapatid at nagtungo sila sa istasyon ng pulisya. Dumating sila samantalang kami ay isinasakay ng mga pulis sa mga trak upang dalhin sa Lilongwe. Sumama ang mga bata.

Sa Lilongwe, isinagawa ang isang pakunwaring paglilitis sa punong-tanggapan ng pulisya. Tinanong kami ng mga opisyal, “Magpapatuloy ba kayo bilang mga Saksi ni Jehova?” Kami’y sumagot, “Oo!” bagaman ang sagot na ito ay tiyak na nangangahulugan ng pitong taóng sentensiya sa bilangguan. Para sa mga itinuturing na nangunguna sa organisasyon, ang sentensiya ay 14 na taon.

Pagkatapos kaming makulong nang isang gabi nang walang pagkain at pahinga, dinala kami ng mga pulis sa Piitan ng Maula. Ang mga selda roon ay siksikan anupat hindi nga kami makasumpong ng isang lugar na matutulugan sa sahig! Ang palikuran ay isa lamang timba sa bawat siksikang selda. Ang mga rasyon ng pagkain ay kakaunti at hindi masarap. Pagkaraan ng dalawang linggo, natalos ng mga opisyal ng bilangguan na kami ay mapapayapang tao anupat pinayagan kaming gamitin ang bakuran sa labas ng bilangguan kung saan nag-eehersisyo ang mga bilanggo. Dahil sa napakarami naming magkakasama, nagkaroon kami ng mga pagkakataon sa araw-araw na magpatibayan sa isa’t isa at magbigay ng mainam na patotoo sa ibang mga bilanggo. Sa aming pagtataka, pagkatapos gugulin ang mga tatlong buwan ng aming sentensiya sa bilangguan, kami’y pinalabas dahil sa internasyonal na panggigipit sa pamahalaan ng Malawi.

Hinimok kami ng mga opisyal ng pulisya na bumalik sa aming mga bahay, subalit sinabi rin nila sa amin na ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal na sa Malawi. Ang pagbabawal na ito ay tumagal mula Oktubre 20, 1967, hanggang Agosto 12, 1993​—halos 26 na taon. Mahihirap na taon iyon, subalit sa tulong ni Jehova ay napanatili namin ang aming mahigpit na neutralidad.

Tinugis na Parang mga Hayop

Noong Oktubre 1972, isang batas ng pamahalaan ang nagbunsod ng bagong yugto ng marahas na pag-uusig. Ipinag-utos ng batas na lahat ng mga Saksi ni Jehova ay paalisin sa kanilang mga pinagtatrabahuhan at na lahat ng Saksing nakatira sa mga nayon ay palayasin sa kanilang mga tahanan. Ang mga Saksi ay tinugis na parang mga hayop.

Nang panahong iyon, isang kabataang kapatid na lalaking Kristiyano ang dumating sa aming bahay taglay ang isang apurahang mensahe para kay Emmas, ‘May pakana po ang Youth League na pugutan kayo ng ulo, ilagay ang inyong ulo sa isang tulos, at dalhin ito sa lokal na mga pinuno.’ Agad-agad na umalis ng bahay si Emmas, subalit ginawa lamang niya iyon matapos maisaayos na kami ay makasunod sa kaniya sa lalong madaling panahon hangga’t maaari. Nagmamadaling pinaalis ko ang mga bata. Pagkatapos, nang papaalis na ako, sampung miyembro ng Youth League ang dumating, na hinahanap si Emmas. Pumasok sila sa aming bahay subalit natuklasan nilang nakaalis na si Emmas. Sa galit nila, kinaladkad ako ng mga lalaki sa kalapit na tubuhán, kung saan pinagsisipa nila ako at pinaghahampas ng mga tangkay ng tubó. Saka nila ako iniwan sa pag-aakalang ako’y patay na. Nang magkamalay ako, gumapang ako pauwi sa bahay.

Nang gabing iyon, pagkagat ng dilim, isinapanganib ni Emmas ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagbalik sa bahay upang hanapin ako. Nang makita niyang grabe ang pagkakabugbog sa akin, marahan akong isinakay ni Emmas at ng isang kaibigan sa kotse na pagmamay-ari nito. Saka kami nagbiyahe patungo sa bahay ng isang kapatid sa Lilongwe, kung saan unti-unti akong gumaling mula sa pagsalakay at nagsimulang magplano si Emmas upang tumakas mula sa bansa.

Mga Lumikas na Walang Patutunguhan

Ang aming anak na babaing si Dinesi at ang kaniyang asawa ay may limang-toneladang trak. May tauhan silang drayber na dating isang Young Pioneer ng Malawi subalit nagkaroon ng simpatiya sa aming kalagayan. Nagboluntaryo siyang tulungan kami at ang iba pang mga Saksi. Sa loob ng ilang gabi, isinasakay ng drayber ang mga Saksi mula sa isinaayos na mga dakong taguan. Saka niya isinusuot ang kaniyang uniporme sa Young Pioneer ng Malawi at minamaneho ang trak nang hindi sinisita sa ilang barikada ng mga pulis. Maraming panganib ang sinuong niya upang tulungan ang daan-daang Saksi na makatawid sa hanggahan patungong Zambia.

Pagkaraan ng ilang buwan, pinabalik kami ng mga awtoridad ng Zambia sa Malawi; subalit hindi kami makabalik sa aming sariling nayon. Ang lahat ng iniwan naming ari-arian ay ninakaw. Maging ang mga bubong na yero ay binaklas sa aming bahay. Palibhasa’y wala kaming ligtas na dakong mapupuntahan, lumikas kami patungong Mozambique at nanirahan kami sa kampo ng mga nagsilikas sa Mlangeni sa loob ng dalawa at kalahating taon. Gayunman, noong Hunyo 1975, isinara ng bagong pamahalaan sa Mozambique ang kampo at sapilitan kaming pinauwi sa Malawi, kung saan hindi nagbago ang mga kalagayan para sa bayan ni Jehova. Wala kaming magawa kundi ang lumikas patungong Zambia sa ikalawang pagkakataon. Narating namin doon ang kampo ng mga nagsilikas sa Chigumukire.

Pagkalipas ng dalawang buwan, isang komboy ng mga bus at mga trak ng militar ang pumarada sa kahabaan ng pangunahing daan, at nilusob ng daan-daang lubhang nasasandatahang mga sundalong taga-Zambia ang kampo. Sinabihan nila kami na kami’y ipinagtayo ng magagandang bahay at na sila ang maglalaan ng transportasyon upang ihatid kami roon. Alam namin na hindi ito totoo. Ipinagtulakan ng mga sundalo ang mga tao sa mga trak at bus, at nagkagulo. Nagsimulang magpaputok sa himpapawid ang mga sundalo ng kanilang awtomatikong mga baril, at libu-libo sa ating mga kapatid ang nagsipangalat sa matinding takot.

Habang nagkakagulo, si Emmas ay di-sinasadyang natumba at natapakan, subalit isa sa mga kapatid na lalaki ang tumulong sa kaniya na makatayo. Akala namin ay ito na ang pasimula ng malaking kapighatian. Ang lahat ng mga nagsilikas ay tumakbo pabalik sa Malawi. Samantalang nasa Zambia pa, narating namin ang isang ilog, at ang mga kapatid na lalaki ay gumawa ng ilang hilera ng mga magkakahawak-kamay upang tulungan ang lahat na makatawid nang ligtas. Subalit sa kabilang panig ng ilog, kami ay hinuli ng mga sundalong taga-Zambia at sapilitang pinabalik sa Malawi.

Sa muli naming pagbabalik sa Malawi, hindi namin alam kung saan kami pupunta. Napag-alaman namin na sa makapulitikang mga pagtitipun-tipon at sa mga pahayagan, ang mga tao ay binabalaan na mag-ingat sa “mga bagong mukha” na dumarating sa kani-kanilang nayon, na tinutukoy ang mga Saksi ni Jehova. Kaya nagpasiya kaming magtungo sa kabiserang lunsod, kung saan hindi kami gaanong mapapansin na gaya sa isang nayon. Nakakuha kami ng isang maliit na bahay na mauupahan, at ipinagpatuloy ni Emmas ang kaniyang lihim na mga pagdalaw sa mga kongregasyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa.

Pagdalo sa mga Pulong ng Kongregasyon

Ano ang tumulong sa amin na manatiling tapat? Ang mga pulong ng kongregasyon! Sa mga kampo ng mga nagsilikas sa Mozambique at Zambia, malaya kaming dumadalo sa mga pulong na idinaraos sa simpleng mga Kingdom Hall na kugon ang bubong. Ang pagtitipon para sa mga pulong sa Malawi ay mapanganib at mahirap​—gayunma’y sulit namang pagsikapan ito. Upang hindi matuklasan, karaniwan nang idinaraos namin ang mga pulong sa kalaliman ng gabi sa liblib na mga dako. Upang hindi makatawag ng pansin sa aming mga pagtitipon, hindi kami pumapalakpak upang ipahayag ang aming pagpapahalaga sa tagapagsalita kundi pinagkukuskos lamang namin ang aming mga palad.

Ang mga bautismo ay isinasagawa sa kalaliman ng gabi. Ang aming anak na lalaking si Abiyudi ay nabautismuhan sa gayong okasyon. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo, siya at ang iba pang kandidato sa bautismo ay inakay sa kadiliman tungo sa isang latian kung saan ginawa ang isang maliit na hukay. Nabautismuhan sila roon.

Isang Ligtas na Kanlungan ang Aming Maliit na Bahay

Sa mga huling taon ng pagbabawal ng pamahalaan, ang aming tahanan sa Lilongwe ay ginamit bilang isang ligtas na imbakan. Ang mga sulat at literatura mula sa tanggapang pansangay ng Zambia ay lihim na inihahatid sa aming tahanan. Ang mga kapatid na lalaking naglingkod bilang mga karterong nakabisikleta ay nagpupunta sa aming bahay upang kunin ang mga kargo mula sa Zambia at ihatid ang mga sulat at literatura sa buong Malawi. Manipis ang mga magasing Bantayan na ipinamamahagi sapagkat ang mga ito’y inimprenta sa maninipis na papel na gamit sa pag-iimprenta ng Bibliya. Pinangyayari nito na ang mga kartero ay makapaghatid ng dobleng dami ng magasin kaysa kung ang mga magasin ay inimprenta sa regular na papel. Ipinamahagi rin ng mga kartero ang maliliit na magasing Bantayan, na nagtatampok lamang ng mga artikulong pag-aaralan. Ang isang maliit na magasin ay madaling itago sa isang bulsa ng kamisadentro sapagkat ito ay isang pilyego lamang ng papel.

Isinasapanganib ng mga karterong ito ang kanilang kalayaan at buhay kapag nagbibisikleta sila sa mga palumpungan, kung minsan sa kadiliman ng gabi, dala ang mga karton ng ipinagbabawal na literatura na patung-patong sa kanilang mga bisikleta. Sa kabila ng mga barikada ng pulisya at iba pang mga panganib, naglakbay sila nang daan-daang kilometro sa lahat ng uri ng lagay ng panahon upang ihatid ang espirituwal na pagkain sa kanilang mga kapatid. Anong tapang nga ng mahal nating mga karterong iyon!

Si Jehova ay Nagmamalasakit sa mga Babaing Balo

Noong Disyembre 1992, habang nagpapahayag sa panahon ng dalaw sa sirkito, si Emmas ay naistrok. Pagkatapos, hindi na siya makapagsalita. Pagkalipas ng ilang panahon ay dumanas siya ng ikalawang istrok, anupat naparalisa ang kalahating katawan niya. Bagaman mahirap para sa kaniya na harapin ang humihina niyang kalusugan, naibsan ang aking pagkasiphayo dahil sa maibiging alalay na tinanggap namin mula sa aming kongregasyon. Naalagaan ko ang aking asawa sa bahay hanggang sa mamatay siya noong Nobyembre 1994, sa edad na 76. Kami ay 57 taóng kasal, at nakita ni Emmas ang wakas ng pagbabawal sa gawain bago siya namatay. Subalit ipinagdadalamhati ko pa rin ang pagkamatay ng aking tapat na kasama.

Pagkatapos kong mabalo, ang aking manugang na lalaki ang naglaan hindi lamang para sa kaniyang asawa at limang anak kundi pati rin naman sa akin. Nakalulungkot, pagkaraan ng sandaling karamdaman, namatay siya noong Agosto 2000. Paano makahahanap ng pagkain at matutuluyan ang aking anak na babae para sa amin? Minsan pa ay napatunayan kong nagmamalasakit si Jehova sa amin at siya ay tunay na “ama ng mga batang lalaking walang ama at hukom ng mga babaing balo.” (Awit 68:5) Si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod sa lupa, ay naglaan ng isang maganda at bagong bahay. Paano nangyari iyon? Nang malaman ng mga kapatid sa aming kongregasyon ang aming mahirap na kalagayan, nagtayo sila ng isang bahay para sa amin sa loob lamang ng limang linggo! Ang mga kapatid na lalaki mula sa ibang kongregasyon na tagapag-asinta ng laryo ay dumating upang tumulong. Walang pagsidlan ang aming kaligayahan sa pag-ibig at kabaitan na ipinakita ng lahat ng mga Saksing ito sapagkat ang bahay na itinayo nila para sa amin ay mas maganda pa sa mga bahay na tinitirhan ng marami sa kanila. Ang pag-ibig na ito na ipinakita ng kongregasyon ay nagbigay ng isang mainam na patotoo sa aming pamayanan. Sa pagtulog ko sa gabi, para bang ako’y nasa Paraiso! Oo, ang aming maganda at bagong tahanan ay yari sa laryo at argamasa, subalit gaya ng komento ng marami, isa itong bahay na talagang itinayo sa pamamagitan ng pag-ibig.​—Galacia 6:10.

Ang Patuloy na Pangangalaga ni Jehova

Bagaman kung minsan ay halos mawalan na ako ng pag-asa, napakabuti sa akin ni Jehova. Pito sa aking siyam na anak ay buháy pa, at ang bilang ng aking pamilya ngayon ay 123 na. Kaylaki ng pasasalamat ko na ang karamihan sa kanila ay may-katapatang naglilingkod kay Jehova!

Ngayon, sa gulang na 82, ako’y lipos ng kagalakan kapag nakikita ko ang nagawa ng espiritu ng Diyos sa Malawi. Sa nakalipas na apat na taon lamang, nakita kong dumami ang bilang ng mga Kingdom Hall mula sa isa hanggang sa mahigit na 600. Mayroon na rin kami ngayong isang bagong tanggapang pansangay sa Lilongwe, at nagtatamasa kami ng walang-patid na daloy ng nakapagpapalakas na espirituwal na pagkain. Talagang naranasan ko ang katuparan ng pangako ng Diyos na masusumpungan sa Isaias 54:17, kung saan tinitiyak sa atin: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” Pagkatapos maglingkod kay Jehova sa loob ng mahigit na 50 taon, kumbinsido ako na anumang pagsubok ang mapaharap sa atin, si Jehova ay laging nagmamalasakit sa atin.

[Talababa]

^ par. 17 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi, tingnan ang 1999 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 149-223, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 24]

Ang aking asawa, si Emmas, ay nabautismuhan noong Abril 1951

[Larawan sa pahina 26]

Isang grupo ng matatapang na kartero

[Larawan sa pahina 28]

Isang bahay na itinayo sa pamamagitan ng pag-ibig