Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tunay na Tulong sa mga Dukha

Tunay na Tulong sa mga Dukha

Tunay na Tulong sa mga Dukha

NANG si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ay nasa lupa, nagpakita siya ng tunay na interes sa pagtulong sa mga dukha. May kinalaman sa ministeryo ni Jesus, isang aktuwal na nakakita ang nagsabi: “Ang mga bulag ay muling nakakakita, at ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay napalilinis at ang mga bingi ay nakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinapahayag ang mabuting balita.” (Mateo 11:5) Subalit, kumusta naman ang milyun-milyong dukha sa ngayon? Mayroon bang anumang mabuting balita para sa kanila? Oo, may mensahe ng pag-asa!

Bagaman ang mga dukha ay kadalasang ipinagwawalang-bahala at kinaliligtaan ng daigdig sa pangkalahatan, ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nangangako: “Hindi laging malilimutan ang dukha, ni maglalaho ang pag-asa ng maaamo kailanman.” (Awit 9:18) Ang nakaaaliw na pananalitang ito ay matutupad kapag hinalinhan na ng Kaharian ng Diyos, isang tunay na makalangit na pamahalaan, ang lahat ng pamamahala ng tao. (Daniel 2:44) Bilang Hari ng makalangit na pamahalaang iyon, si Jesus ay ‘maaawa sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.’​—Awit 72:13, 14.

Ano ang magiging kalagayan ng buhay kapag si Jesus na ang namahala sa lupa? Yaong mga mabubuhay sa ilalim ng pandaigdig na pamamahala ni Kristo ay masisiyahan sa mga bunga ng kanilang pagpapagal. Sinasabi ng Bibliya sa Mikas 4:3, 4: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.” Lulutasin ng Kaharian ng Diyos maging ang mga problema ng sakit at kamatayan. (Isaias 25:8) Iyon ay magiging ibang-ibang daigdig! Mapaniniwalaan natin ang mga pangakong ito ng Bibliya sapagkat ang mga ito ay kinasihan mismo ng Diyos.

Bukod pa sa pagbibigay ng mensahe ng pag-asa, ang Bibliya ay tumutulong sa atin na maharap ang mga suliranin sa araw-araw, gaya ng kung paano mapagtatagumpayan ang kawalan ng paggalang sa sarili, na maaaring bunga ng pagiging dukha. Nalalaman ng isang nagdarahop na Kristiyano mula sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya na siya ay kasinghalaga ng isang mayamang Kristiyano sa paningin ng Diyos. Binabanggit ng aklat ng Bibliya na Job na ang Diyos ay “hindi nagpapakundangan nang higit sa taong mahal kaysa sa maralita, sapagkat silang lahat ay gawa ng kaniyang mga kamay.” (Job 34:19) Kapuwa sila mahal ng Diyos.​—Gawa 10:34, 35.