Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Kung Paano Binago ng Bibliya ang Taong Ito
Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Kung Paano Binago ng Bibliya ang Taong Ito
MUSIKA ang pinakamahalaga sa buhay ni Rolf-Michael. Droga ang kaniyang kinahuhumalingan. Bilang isang kabataan sa Alemanya, malakas siyang uminom ng alak at walang-taros sa paggamit ng LSD, cocaine, marihuwana, at iba pang droga na nakaaapekto sa isipan.
Samantalang nagtatangkang magpuslit ng droga sa isang bansa sa Aprika, si Rolf-Michael ay naaresto at nakulong nang 13 buwan sa bilangguan. Ang pagkakulong na iyon sa bilangguan ay nagbigay sa kaniya ng panahon upang mag-isip tungkol sa tunay na layunin ng buhay.
Puspusang hinanap ni Rolf-Michael at ng kaniyang asawa, si Ursula, ang kahulugan ng buhay at sinaliksik ang katotohanan. Sa kabila ng di-kaayaayang mga karanasan sa diumano’y mga relihiyong Kristiyano, mayroon silang masidhing hangarin na makilala ang Diyos. Subalit may mga tanong sila at wala silang natanggap na kasiya-siyang kasagutan mula sa iba’t ibang relihiyosong grupo. Karagdagan pa, ang mga relihiyong ito ay hindi nagbigay sa kanila ng malakas na pangganyak upang baguhin ang kanilang buhay.
Nang maglaon ay nakilala nina Rolf-Michael at Ursula ang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos simulang mag-aral ng Bibliya, si Rolf-Michael ay lubhang naantig ng payo na: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Determinado siyang ‘alisin ang lumang personalidad na naaayon sa kaniyang dating landasin ng paggawi at magbihis ng bagong personalidad, na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.’—Efeso 4:22-24.
Paano makapagbibihis si Rolf-Michael ng bagong personalidad? Ipinakita sa kaniya mula sa Bibliya na “sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman,” ang personalidad ng isa ay maaaring ‘baguhin ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito,’ samakatuwid nga, ang Diyos na Jehova.—Colosas 3:9-11.
Habang kumukuha siya ng tumpak na kaalaman, sinikap ni Rolf-Michael na baguhin ang kaniyang buhay na kasuwato ng mga simulain ng Salita ng Diyos. (Juan 17:3) Mahirap huminto sa paggamit ng droga, subalit naunawaan ni Rolf-Michael ang kahalagahan ng paglapit kay Jehova sa panalangin at ng maranasan ang kaniyang tulong. (1 Juan 5:14, 15) Natulungan pa siya ng malapit na pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, anupat nagpupunyaging gawin ang kalooban ng Diyos.
Nakatulong din kay Rolf-Michael ang kaalaman na ang sanlibutan ay lumilipas at na yaong gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Nakatulong ito sa kaniya na piliin, hindi ang pansamantalang pag-ibig ng sanlibutan, kundi ang walang-hanggang pagpapala ng isang malapít na kaugnayan sa maibiging Diyos, si Jehova. (1 Juan 2:15-17) Lubhang naantig si Rolf-Michael sa pananalita ng Kawikaan 27:11: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” May-pagpapahalagang sinabi niya: “Ipinakikita ng talatang ito ang tindi ng pag-ibig ni Jehova, yamang binibigyan niya ang mga tao ng pagkakataong pasayahin ang kaniyang puso.”
Tulad ni Rolf-Michael, ng kaniyang asawa, at ng kanilang tatlong anak, daan-daang libo ang nakinabang na sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Ang mga indibiduwal na iyon ay masusumpungan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Nakalulungkot na sa ilang bansa, ang mga Saksi ay may-kamaliang inaakusahan ng pagiging isang mapanganib na sekta na nagwawasak ng mga pamilya. Pinasisinungalingan ito ng karanasan ni Rolf-Michael.—Hebreo 4:12.
Sinabi ni Rolf-Michael na ang Mateo 6:33, na nagpapayo sa atin na unahin ang espirituwal na mga tunguhin, ang “kompas” ng kaniyang pamilya, na nagtuturo sa kanila sa tamang direksiyon. Siya at ang kaniyang pamilya ay lubos na nagpapasalamat kay Jehova dahil sa maligayang buhay pampamilya na natatamasa nila bilang mga Kristiyano. Sumasang-ayon sila sa damdamin ng salmista na umawit: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?”—Awit 116:12.
[Blurb sa pahina 9]
Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong pasayahin ang kaniyang puso
[Kahon sa pahina 9]
Mabibisang Simulain ng Bibliya
Kabilang sa mga simulain ng Bibliya na nag-udyok sa marami na iwan ang nakamamatay na pagkasugapa ang sumusunod:
“O kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.” (Awit 97:10) Pagkatapos makumbinsi sa kasamaan ng nakamamatay na mga gawain at magkaroon ng tunay na pagkapoot sa mga ito, nasusumpungan ng isang tao na mas madaling gawin kung ano ang nakalulugod sa Diyos.
“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Upang matanggihan ang droga at ang iba pang nakasusugapang substansiya, kailangang maingat na piliin ng isang tao ang kaniyang mga kasama. Ang paglinang ng pakikipagkaibigan sa mga Kristiyano na susuporta sa kaniyang pasiya na tanggihan ang pagkasugapa ay talagang kapaki-pakinabang.
“Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang gayong kapayapaan ng puso at isipan ay hindi matutumbasan ng anumang iba pang bagay. At ang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ay tumutulong sa isa na maharap ang mga problema sa buhay nang hindi bumabaling sa nakasusugapang mga droga.