Bakit Dapat Tayong Manalangin Nang Walang Lubay?
Bakit Dapat Tayong Manalangin Nang Walang Lubay?
“Manalangin kayo nang walang lubay. May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.”—1 Tesalonica 5:17, 18.
1, 2. Paano ipinakita ni Daniel na kaniyang pinahahalagahan ang pribilehiyo ng pananalangin, at nagkaroon ito ng anong epekto sa kaniyang kaugnayan sa Diyos?
ANG propetang si Daniel ay may kaugalian na manalangin sa Diyos nang tatlong ulit sa isang araw. Siya ay lumuluhod sa may bintana ng kaniyang silid-bubungan, na nakaharap sa lunsod ng Jerusalem, at naghahandog ng kaniyang mga panalangin. (1 Hari 8:46-49; Daniel 6:10) Kahit na nang ipagbawal ng maharlikang batas ang pagsusumamo sa sinuman maliban kay Dario, na hari ng Media, si Daniel ay hindi nag-urong-sulong kahit na isang sandali. Isapanganib man nito o hindi ang kaniyang buhay, ang mapanalangining taong ito ay walang-lubay na nagsumamo kay Jehova.
2 Paano minalas ni Jehova si Daniel? Nang dumating ang anghel na si Gabriel upang sagutin ang isa sa mga panalangin ni Daniel, inilarawan niya ang propeta bilang “lubhang kalugud-lugod” o “totoong minahal.” (Daniel 9:20-23; Ang Biblia) Sa hula ni Ezekiel, tinukoy ni Jehova si Daniel bilang isang matuwid na tao. (Ezekiel 14:14, 20) Sa paglipas ng mga taon, naging malapít ang kaugnayan ni Daniel sa kaniyang Diyos dahil sa mga panalangin niya, isang katotohanan na kinilala maging ni Dario.—Daniel 6:16.
3. Gaya ng ipinakita ng karanasan ng isang misyonero, paano makatutulong sa atin ang panalangin upang mapanatili ang integridad?
3 Ang regular na pananalangin ay makatutulong din sa atin na harapin ang matitinding pagsubok. Halimbawa, isaalang-alang ang nangyari kay Harold King, isang misyonero sa Tsina na nahatulang makulong nang nag-iisa sa loob ng limang taon. May kinalaman sa kaniyang karanasan, sinabi ni Brother King: “Maaari akong maihiwalay sa aking kapuwa, ngunit walang sinuman ang makapaghihiwalay sa akin mula sa Diyos. . . . Kaya, sa paningin ng sinumang maaaring dumaan sa aking selda, lumuluhod ako sa aking selda nang tatlong ulit sa isang araw at malakas na nananalangin,
anupat isinasaisip si Daniel, na binabanggit ng Bibliya. . . . Waring sa gayong mga pagkakataon ay inakay ng espiritu ng Diyos ang aking isipan sa pinakakapaki-pakinabang na mga bagay at pinakalma ako. Sagana ngang espirituwal na lakas at kaaliwan ang naidulot sa akin ng panalangin!”4. Anong mga tanong hinggil sa panalangin ang ating isasaalang-alang sa artikulong ito?
4 Sinasabi ng Bibliya: “Manalangin kayo nang walang lubay. May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.” (1 Tesalonica 5:17, 18) Dahil sa payong ito, isaalang-alang natin ang sumusunod na mga tanong: Bakit dapat nating maingat na pag-ukulan ng pansin ang ating mga panalangin? Anong mga dahilan ang taglay natin sa paglapit kay Jehova sa tuwina? At ano ang dapat nating gawin kung nadarama natin na hindi tayo karapat-dapat manalangin sa Diyos dahil sa ating mga pagkukulang?
Linangin ang Pagkakaibigan sa Pamamagitan ng Panalangin
5. Tinutulungan tayo ng panalangin na tamasahin ang anong pambihirang pakikipagkaibigan?
5 Gusto mo bang alalahanin ka ni Jehova bilang kaibigan niya? Ganiyan ang sinabi niya tungkol sa patriyarkang si Abraham. (Isaias 41:8; Santiago 2:23) Nais ni Jehova na malinang natin ang ganiyang uri ng kaugnayan sa kaniya. Siya’y aktuwal na nag-aanyaya sa atin na lumapit sa kaniya. (Santiago 4:8) Hindi ba’t dahil sa ganiyang paanyaya ay nararapat nating pag-isipang mabuti ang pambihirang probisyon ng panalangin? Kayhirap ngang makipagtipan upang makausap ang isang importanteng opisyal ng pamahalaan, lalo pa nga ang maging kaibigan niya! Gayunman, pinasisigla tayo ng Maylalang ng sansinukob na malayang lumapit sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin, kailanma’t gusto o kailangan nating gawin iyon. (Awit 37:5) Ang ating walang-lubay na pananalangin ay tumutulong sa atin na magkaroon ng matalik na pakikipagkaibigan kay Jehova.
6. Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ni Jesus tungkol sa pangangailangang “manalangin nang patuluyan”?
6 Gayunman, kaydali nating makaligtaan ang panalangin! Ang pagharap lamang sa mga panggigipit sa araw-araw na pamumuhay ay maaaring kumuha ng malaking bahagi ng ating pansin anupat hindi na tayo makagawa ng pagsisikap na makipag-usap sa Diyos. Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “manalangin nang patuluyan,” at ginawa niya mismo iyon. (Mateo 26:41) Bagaman abala siya sa tuwina mula umaga hanggang gabi, naglaan siya ng panahon upang makipag-usap sa kaniyang makalangit na Ama. Kung minsan, bumabangon si Jesus nang “maaga sa kinaumagahan, samantalang madilim pa,” upang manalangin. (Marcos 1:35) Sa ibang mga pagkakataon, nagpahinga siya sa isang tahimik na dako sa katapusan ng maghapon upang makipag-usap kay Jehova. (Mateo 14:23) Si Jesus ay laging naglalaan ng panahon upang manalangin, at dapat na gayon din tayo.—1 Pedro 2:21.
7. Anong mga kalagayan ang dapat magpakilos sa atin na makipag-usap sa ating makalangit na Ama araw-araw?
7 Maraming angkop na pagkakataon para sa pribadong pananalangin ang nabubuksan sa araw-araw habang napapaharap tayo sa mga suliranin at mga tukso, at gumagawa ng mga pagpapasiya. (Efeso 6:18) Kapag hinahanap natin ang patnubay ng Diyos sa lahat ng aspekto ng buhay, ang ating pakikipagkaibigan sa kaniya ay tiyak na susulong. Kapag ang magkaibigan ay magkasamang humaharap sa mga suliranin, hindi ba’t ang bigkis ng kanilang pagkakaibigan ay lalong tumitibay? (Kawikaan 17:17) Totoo rin ito kapag tayo ay nananalig kay Jehova at nararanasan ang kaniyang tulong.—2 Cronica 14:11.
8. Mula sa mga halimbawa nina Nehemias, Jesus, at Hana, ano ang matututuhan natin tungkol sa haba ng ating personal na mga panalangin?
8 Kayligaya natin na hindi nililimitahan ng Diyos kung gaano katagal o gaano kadalas tayo maaaring makipag-usap sa kaniya sa panalangin! Mabilis na bumigkas ng tahimik na panalangin si Nehemias bago siya nagsumamo sa hari ng Persia. (Nehemias 2:4, 5) Nanalangin din nang maikli si Jesus nang kaniyang hilingin kay Jehova na ibigay sa kaniya ang kapangyarihang buhaying muli si Lazaro. (Juan 11:41, 42) Sa kabilang panig naman, si Hana ay ‘nanalangin nang matagal sa harap ni Jehova’ nang ibuhos niya ang nilalaman ng kaniyang puso sa kaniya. (1 Samuel 1:12, 15, 16) Ang ating personal na mga panalangin ay maaaring maging maikli o mahaba ayon sa pangangailangan o mga kalagayan.
9. Bakit dapat ilakip sa ating mga panalangin ang papuri at pasasalamat sa lahat ng ginagawa ni Jehova para sa atin?
9 Maraming panalanging nasa Bibliya ang nagpapahayag ng taos-pusong pagpapahalaga sa kataas-taasang posisyon ni Jehova at sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa. (Exodo 15:1-19; 1 Cronica 16:7-36; Awit 145) Sa isang pangitain, nakita ni apostol Juan ang 24 na matatanda—ang kumpletong bilang ng mga pinahirang Kristiyano sa kanilang makalangit na posisyon—na pumupuri kay Jehova, sa pagsasabing: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” (Apocalipsis 4:10, 11) Tayo rin ay may dahilan upang laging purihin ang Maylalang. Kayligaya ng mga magulang kapag taos-puso silang pinasasalamatan ng kanilang anak dahil sa ginawa nila para sa kaniya! Ang may-pagpapahalagang pagbubulay-bulay sa mga kabaitan ni Jehova at pagpapahayag ng ating taos-pusong pasasalamat para sa mga ito ay isang mainam na paraan upang mapasulong ang kalidad ng ating mga panalangin.
“Manalangin Kayo Nang Walang Lubay”—Bakit?
10. Anong bahagi ang ginagampanan ng panalangin sa ikalalakas ng ating pananampalataya?
10 Ang regular na pananalangin ay mahalaga sa ating pananampalataya. Pagkatapos ilarawan Lucas 18:1-8) Ang marubdob at taos-pusong panalangin ay nagpapatibay ng pananampalataya. Nang tumatanda na ang patriyarkang si Abraham at wala pa rin siyang supling, nakipag-usap siya sa Diyos tungkol dito. Bilang sagot, hiniling muna sa kaniya ni Jehova na tumingin sa langit at bilangin ang mga bituin, kung kaya niya. Pagkatapos ay muling tiniyak ng Diyos kay Abraham: “Magiging gayon ang iyong binhi.” Ano ang naging resulta? Si Abraham ay “nanampalataya kay Jehova; at ibinilang niya itong katuwiran sa kaniya.” (Genesis 15:5, 6) Kung bubuksan natin ang ating puso kay Jehova sa panalangin, tatanggapin ang kaniyang mga pagtiyak mula sa Bibliya, at susundin siya, palalakasin niya ang ating pananampalataya.
ang pangangailangan na ‘laging manalangin at huwag manghimagod,’ nagtanong si Jesus: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang pananampalataya?” (11. Paano makatutulong sa atin ang panalangin upang maharap ang mga suliranin?
11 Ang panalangin ay makatutulong din sa atin na harapin ang mga suliranin. Ang atin bang kalagayan sa buhay ay nakapagpapabigat at ang mga situwasyong napapaharap sa atin ay mahirap batahin? Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Kapag napaharap sa mahihirap na pagpapasiya, maaari nating tularan ang halimbawa ni Jesus. Ginugol niya ang buong magdamag sa pribadong pananalangin bago niya hinirang ang kaniyang 12 apostol. (Lucas 6:12-16) At noong gabi bago siya mamatay, marubdob na nanalangin si Jesus anupat ang “kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” (Lucas 22:44) Ano ang resulta? “Malugod siyang pinakinggan dahil sa kaniyang makadiyos na takot.” (Hebreo 5:7) Ang ating marubdob at walang-lubay na mga panalangin ay tutulong sa atin na harapin ang maiigting na kalagayan at mahihirap na pagsubok.
12. Paano namamalas sa pribilehiyo ng pananalangin ang personal na interes ni Jehova sa atin?
12 Ang isa pang dahilan kung bakit dapat lumapit kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin ay sapagkat, bilang tugon, lumalapit din siya sa atin. (Santiago 4:8) Kapag isinisiwalat natin ang nilalaman ng ating puso kay Jehova sa panalangin, hindi ba natin nadarama na siya ay interesado sa ating mga pangangailangan at may magiliw na pagmamalasakit sa atin? Nararanasan natin ang pag-ibig ng Diyos sa napakapersonal na paraan. Hindi ipinaubaya ni Jehova sa kaninuman ang pananagutang duminig ng bawat panalanging iniuukol sa kaniya ng kaniyang mga lingkod bilang kanilang makalangit na Ama. (Awit 66:19, 20; Lucas 11:2) At inaanyayahan niya tayo na ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng ating kabalisahan sapagkat nagmamalasakit siya sa atin.’—1 Pedro 5:6, 7.
13, 14. Anong mga dahilan ang taglay natin upang manalangin nang walang lubay?
13 Ang panalangin ay makatutulong sa atin na magkaroon ng higit na sigasig para sa pangmadlang ministeryo at magpapalakas sa atin kapag ang kawalang-interes o pagsalansang ay para bang nag-uudyok sa atin na sumuko na. (Gawa 4:23-31) Ang panalangin ay maaari ring magsanggalang sa atin laban sa “mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11, 17, 18) Kapag nakikipagpunyagi upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa araw-araw, palagi tayong makahihiling sa Diyos na palakasin tayo. Kalakip sa modelong panalangin ni Jesus ang kahilingan na “iligtas [tayo ni Jehova] mula sa isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo.—Mateo 6:13.
14 Kung patuloy tayong mananalangin ukol sa tulong sa pagkontrol sa ating makasalanang mga hilig, mararanasan natin ang mapagkandiling kamay ni Jehova. Taglay natin ang katiyakang ito: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Corinto 10:13) Naranasan mismo ni apostol Pablo ang nakapagpapatibay na pangangalaga ni Jehova sa napakaraming iba’t ibang kalagayan. “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” ang sabi niya.—Filipos 4:13; 2 Corinto 11:23-29.
Magmatiyaga sa Pananalangin sa Kabila ng mga Pagkukulang
15. Ano ang maaaring mangyari kapag ang ating paggawi ay hindi nakaabot sa mga pamantayan ng Diyos?
15 Upang ang ating mga panalangin ay dinggin nang may pagsang-ayon, hindi natin dapat itakwil ang payo ng Salita ng Diyos. “Anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya,” ang sulat ni apostol Juan, “sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang paningin.” (1 Juan 3:22) Gayunman, ano ang maaaring mangyari kapag ang ating paggawi ay hindi nakaabot sa mga pamantayan ng Diyos? Sina Adan at Eva ay nagkubli pagkatapos nilang magkasala sa hardin ng Eden. Tayo man ay maaaring magkaroon ng tendensiyang magtago ‘mula sa mukha ni Jehova’ at huminto sa pananalangin. (Genesis 3:8) “Napansin ko na ang unang maling hakbang na laging ginagawa ng mga humihiwalay kay Jehova at sa kaniyang organisasyon ay tumitigil sila sa pananalangin,” ang sabi ni Klaus, isang makaranasang naglalakbay na tagapangasiwa. (Hebreo 2:1) Ito ang nangyari kay José Ángel. Sinabi niya: “Sa loob ng halos walong taon, bihira akong manalangin kay Jehova. Sa palagay ko’y hindi na ako karapat-dapat makipag-usap sa kaniya, bagaman itinuturing ko pa rin siya bilang aking makalangit na Ama.”
16, 17. Magbigay ng mga halimbawa kung paanong ang regular na pananalangin ay makatutulong sa atin na mapagtagumpayan ang espirituwal na kahinaan.
16 Ang ilan sa atin ay maaaring makadama ng pagiging di-karapat-dapat manalangin dahil sa espirituwal na kahinaan o dahil sa nakagawa tayo ng masama. Subalit ito mismo ang panahon na kailangan nating lubos na samantalahin ang probisyon ng panalangin. Tinakbuhan ni Jonas ang kaniyang atas. Subalit ‘dahil sa kaniyang kabagabagan, tumawag si Jonas kay Jehova, at sumagot Siya sa kaniya. Mula sa tiyan ng Sheol, humingi ng tulong si Jonas, at dininig ni Jehova ang kaniyang tinig.’ (Jonas 2:2) Si Jonas ay nanalangin, si Jehova ay sumagot sa kaniyang panalangin, at si Jonas ay gumaling sa espirituwal na paraan.
17 Si José Ángel ay marubdob ding nanalangin ukol sa tulong. Nagugunita niya: “Binuksan ko ang aking puso at nagmakaawa sa Diyos ukol sa kapatawaran. At tinulungan niya ako. Sa palagay ko’y hindi ako makapanunumbalik sa katotohanan kung walang tulong ng panalangin. Ako ngayon ay nananalangin nang regular araw-araw, at inaasam-asam ko ang mga pagkakataong ito.” Hindi tayo dapat mag-atubili na laging makipag-usap nang tapatan sa Diyos hinggil sa ating mga pagkakamali at mapagpakumbabang humingi ng kaniyang kapatawaran. Nang ipagtapat ni Haring David ang kaniyang mga pagkakasala, pinatawad ni Jehova ang kaniyang mga kasalanan. (Awit 32:3-5) Ang nais ni Jehova ay tulungan tayo, hindi ang hatulan tayo. (1 Juan 3:19, 20) At ang mga panalangin ng matatandang lalaki sa kongregasyon ay tutulong sa atin sa espirituwal na paraan, sapagkat ang gayong pagsusumamo ay may “malakas na puwersa.”—Santiago 5:13-16.
18. Sa ano makapagtitiwala ang mga lingkod ng Diyos gaano man kalayo sila naligaw?
18 Sinong ama ang magtatakwil sa isang anak na mapagpakumbabang humihingi sa kaniya ng tulong at payo pagkatapos makagawa ng isang pagkakamali? Ang talinghaga ng alibughang anak ay nagpapakita na gaano man kalayo tayo naligaw, nagagalak ang ating makalangit na Ama kapag tayo ay nagbabalik sa kaniya. (Lucas 15:21, 22, 32) Hinihimok ni Jehova na tumawag sa kaniya ang lahat ng nagkakasala, “sapagkat magpapatawad siya nang sagana.” (Isaias 55:6, 7) Bagaman nakagawa si David ng ilang malulubhang kasalanan, siya ay tumawag kay Jehova, na nagsasabi: “Pakinggan mo, O Diyos, ang aking panalangin; at huwag kang magtago sa paghiling ko ng lingap.” Sinabi rin niya: “Gabi at umaga at katanghalian ay wala akong magawa kundi ang mabahala at ako ay dumaraing, at dinirinig [ni Jehova] ang aking tinig.” (Awit 55:1, 17) Tunay ngang nakapagpapatibay!
19. Bakit hindi tayo dapat mag-akala na ang panalangin na tila hindi sinasagot ay katunayan ng di-pagsang-ayon ng Diyos?
19 Paano kung ang ating pagsusumamo ay hindi kaagad tugunin? Kung gayon, dapat nating tiyakin na ang ating pakiusap ay kasuwato ng kalooban ni Jehova at hiniling sa pangalan ni Jesus. (Juan 16:23; 1 Juan 5:14) Binanggit ng alagad na si Santiago ang tungkol sa ilang Kristiyano na ang mga panalangin ay hindi sinasagot sapagkat sila ay ‘humihingi ukol sa maling layunin.’ (Santiago 4:3) Sa kabilang panig, hindi tayo dapat maging mabilis sa pag-aakala na ang mga panalangin na tila hindi sinasagot ay laging katunayan ng di-pagsang-ayon ng Diyos. Kung minsan ay pinahihintulutan ni Jehova ang tapat na mga mananamba na patuloy na manalangin tungkol sa isang bagay sa loob ng ilang panahon bago maging malinaw ang sagot niya. “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 7:7) Kaya, kailangan tayong ‘magmatiyaga sa pananalangin.’—Roma 12:12.
Manalangin Nang Regular
20, 21. (a) Bakit kailangan tayong manalangin nang walang lubay sa “mga huling araw” na ito? (b) Ano ang ating tatanggapin kapag lumalapit tayo araw-araw sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova?
20 Ang mga panggigipit at suliranin ay dumarami sa “mga huling araw” na ito, na doo’y makikita ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) At madaling mapuspos ng mga pagsubok ang ating isipan. Gayunman, ang ating walang-lubay na pananalangin ay tutulong sa atin na mapanatiling nakatuon ang ating mga buhay sa espirituwal na mga bagay sa kabila ng namamalaging mga suliranin, tukso, at pagkasira ng loob. Ang ating araw-araw na pananalangin kay Jehova ay makapagbibigay ng mahalagang tulong na kailangan natin.
21 Si Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin,” ay hindi kailanman lubhang abala para makinig sa atin. (Awit 65:2) Huwag nawa tayong maging lubhang abala anupat hindi na natin magawang makipag-usap sa kaniya. Ang ating pakikipagkaibigan sa Diyos ang pinakamahalagang pag-aari na taglay natin. Huwag nawa nating ipagwalang-bahala ito. “Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”—Hebreo 4:16.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang ating matututuhan kay propeta Daniel tungkol sa kahalagahan ng panalangin?
• Paano natin mapatitibay ang ating pakikipagkaibigan kay Jehova?
• Bakit dapat tayong manalangin nang walang lubay?
• Bakit hindi dapat makahadlang sa ating pananalangin kay Jehova ang pagkadama ng pagiging di-karapat-dapat?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 16]
Si Nehemias ay bumigkas ng maikli at tahimik na panalangin bago nakipag-usap sa hari
[Larawan sa pahina 17]
Si Hana ay ‘nanalangin nang matagal sa harap ni Jehova’
[Mga larawan sa pahina 18]
Si Jesus ay nanalangin nang buong magdamag bago niya hinirang ang kaniyang 12 apostol
[Mga larawan sa pahina 20]
Ang mga pagkakataon para manalangin ay nabubuksan sa maghapon