Kapag ang mga Pangako ay Isang Garantiya
Kapag ang mga Pangako ay Isang Garantiya
ANG kasaysayan ay punô ng mga pangakong napako. Madalas ay hindi tinutupad ng mga bansa ang pormal na nilagdaang mga kasunduan hinggil sa di-paglusob, sa gayon ay inaakay ang kanilang mga mamamayan sa kahila-hilakbot na mga digmaan. Minsan ay sinabi ni Napoleon: “Tinutupad lamang ng mga pamahalaan ang kanilang mga pangako kapag napilitan silang gawin ito, o kapag kapaki-pakinabang ito sa kanila.”
Kumusta naman ang mga pangako ng mga indibiduwal? Nakalulungkot nga kapag hindi tinupad ng isang tao ang kaniyang pangako! Lalo na itong totoo kapag siya ay iyong kilala at pinagkakatiwalaan. Sabihin pa, maaaring hindi kaya o hindi gustong tuparin ng mga tao ang kanilang mga pangako.
Kaylaking pagkakaiba nga ng mga pangako ng tao at ng mga pangako ng Diyos! Ang mga pangako ng Diyos ay lubos na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ang anumang pangako ng Diyos na Jehova ay isang garantiya. Ito ay tiyak na matutupad. Sa pagtukoy sa di-nabibigong salita ng Diyos, sinasabi ng Isaias 55:11: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”
Kung gayon, paano natin dapat malasin ang mga pangako ng Diyos na nakaulat sa Bibliya? Tiyak na maaasahan natin ang mga ito. Halimbawa, sumulat si apostol Juan: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Maaari mong tamasahin ang gayong mga pagpapala kung kikilos ka kasuwato ng mga salita ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.