Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Patitibayin ang Iyong Pag-aasawa

Kung Paano Patitibayin ang Iyong Pag-aasawa

Kung Paano Patitibayin ang Iyong Pag-aasawa

GUNIGUNIHIN ang isang bahay na sira-sira. Natutuklap na ang pintura, sira ang bubong, at maging ang damuhan ay hindi na naasikaso. Maliwanag, ang gusali ay napinsala na ng matitinding bagyo sa nakalipas na mga taon, at napabayaan na. Dapat ba itong gibain na? Hindi naman. Kung matibay ang pundasyon at matatag naman ang istraktura, ang bahay ay malamang na maaari pang ayusing muli.

Ipinaaalaala ba sa iyo ng kondisyon ng bahay na yaon ang iyong pag-aasawa? Sa paglipas ng mga taon, maaaring naapektuhan ng matitinding bagyo, wika nga, ang ugnayan ninyong mag-asawa. Maaaring napabayaan ito ng isa sa inyo o ninyong dalawa. Maaaring nadarama mo ang gaya ng nadama ni Sandy. Pagkatapos makasal sa loob ng 15 taon, sinabi niya: “Sa isang bagay lamang kami nagkakaisa, ang pagiging mag-asawa namin. At hindi iyon sapat.”

Kahit pa ganiyan na ang inyong pag-aasawa, huwag kaagad maghinuha na dapat na itong wakasan. Malamang na maaayos pang muli ang inyong pag-aasawa. Depende ito sa saklaw ng pangako ninyo sa isa’t isa bilang mag-asawa. Ang gayong pangako sa isa’t isa ay makatutulong upang maging matatag ang pag-aasawa sa mga panahon ng pagsubok. Subalit ano nga ba ang pangako sa isa’t isa? At paano makatutulong sa iyo ang Bibliya upang mapatibay ito?

Kasangkot sa Pangako sa Isa’t Isa ang Obligasyon

Ayon sa isang diksyunaryo, ang pangako sa isa’t isa ay tumutukoy sa “kalagayan ng pagiging obligado.” Kung minsan, ang salita ay ikinakapit sa isang bagay na di-personal, gaya ng kasunduan sa negosyo. Halimbawa, ang isang kontratista ay maaaring maobliga na tuparin ang mga hinihiling ng isang kontrata na pinirmahan niya upang magtayo ng isang bahay. Maaaring hindi niya personal na nakikilala ang isa na nagpapagawa. Gayunman, nadarama niya ang obligasyong tuparin ang kaniyang pangako.

Bagaman ang pag-aasawa ay hindi naman isang transaksiyon sa negosyo, sangkot sa pangakong ito ang obligasyon. Malamang na kayong mag-asawa ay taimtim na nanata sa harap ng Diyos at ng mga tao na kayo’y mananatiling magkasama, anuman ang mangyari. Sinabi ni Jesus: “Siya na lumalang sa [lalaki at babae] mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa.’ ” Idinagdag pa ni Jesus: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:4-6) Kaya, kapag bumangon ang mga problema, kailangang matatag na ipasiya ninyong mag-asawa na tuparin ang pangakong inyong ginawa. * Ganito ang sabi ng isang asawang babae: “Bumuti lamang ang mga bagay-bagay noong tumigil kami sa pagsasaalang-alang sa diborsiyo bilang isang mapagpipilian.”

Gayunman, ang pagtupad ng mag-asawa sa pangako sa isa’t isa ay hindi lamang dahil sa obligasyon. Ano pa ang nasasangkot?

Pinatitibay ng Pagtutulungan ang Pangako ng Mag-asawa sa Isa’t Isa

Ang pangako ng mag-asawa sa isa’t isa ay hindi nangangahulugan na ang mag-asawa ay laging magkakasundo. Kapag nag-away, dapat silang magsikap na lutasin ito hindi lamang dahil sa inoobliga sila ng panata kundi dahil sa pagmamahal. May kinalaman sa asawang lalaki at babae, sinabi ni Jesus: “Hindi na sila dalawa, kundi isang laman.”

Ano ang ibig sabihin ng pagiging “isang laman” ninyo ng iyong kabiyak? Si apostol Pablo ay sumulat na “dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.” (Efeso 5:28, 29) Kung gayon, sa isang bahagi, ang pagiging “isang laman” ay nangangahulugan na nababahala ka sa kapakanan ng iyong kabiyak na gaya ng pagkabahala mo sa iyong kapakanan. Kailangang baguhin ng mga may-asawa ang kanilang pag-iisip mula sa “akin” tungo sa “atin,” mula sa “ako” tungo sa “tayo.” Ganito ang isinulat ng isang tagapayo: “Dapat tigilan ng mag-asawa ang pagsasapuso na para silang walang asawa, kundi isapuso na sila ay may asawa.”

Isinasapuso ba ninyong dalawa na kayo ay mag-asawa? Posibleng maging magkasama kayo sa loob ng maraming taon at gayunma’y hindi maging “isang laman” sa gayong diwa. Oo, maaaring mangyari iyan, subalit ang aklat na Giving Time a Chance ay nagsasabi: “Ang pag-aasawa ay nangangahulugan ng pagiging magkasalo sa buhay, at miyentras mas marami silang ginagawa na magkasama, lalong gumaganda ang kanilang pagsasama.”

Ang ilang mag-asawa na di-maligaya ay nananatiling magkasama alang-alang sa kanilang mga anak o dahil sa pinansiyal na seguridad. Ang iba naman ay nagtitiis dahil tutol na tutol sila sa diborsiyo o dahil natatakot sila sa kung ano ang iisipin ng iba kung maghihiwalay sila. Bagaman kapuri-puri na nagtatagal ang mga pag-aasawang ito, tandaan na ang inyong tunguhin ay ang magkaroon ng isang maibiging ugnayan, hindi lamang basta nagtatagal na ugnayan.

Itinataguyod ng Di-makasariling Saloobin ang Pangako ng Mag-asawa sa Isa’t Isa

Inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw,” ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili.” (2 Timoteo 3:1, 2) Gaya ng sinasabi ng hulang ito, ang pagdiriin sa ngayon ay waring hinggil sa halos pagsamba sa sarili. Sa maraming pag-aasawa, ang pagbibigay ng sarili nang walang garantiyang masusuklian ng gayundin ay minamalas bilang isang tanda ng kahinaan. Subalit sa isang matagumpay na pag-aasawa, ang mag-asawa ay nagpapakita ng mapagsakripisyong espiritu. Magagawa mo ba iyon?

Sa halip na magtuon ng pansin sa tanong na, ‘Ano ang mapapala ko sa ugnayang ito?’ tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang personal na ginagawa ko upang patibayin ang aking pag-aasawa?’ Sinasabi ng Bibliya na dapat “itinutuon [ng mga Kristiyano] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng [kanilang] sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Filipos 2:4) Samantalang minumuni-muni ang simulaing ito ng Bibliya, suriin ang iyong mga ikinilos sa nakalipas na sanlinggo. Gaano kadalas kang nagpakita ng kabaitan para lamang sa kapakinabangan ng iyong asawa? Nang gustong magsalita ng iyong kabiyak, nakinig ka ba​—kahit na wala ka sa kondisyong makinig? Ilang gawain ang isinagawa mo na naging higit na kawili-wili sa iyong kabiyak kaysa sa iyo?

Sa pagmumuni-muni sa mga tanong na iyan, huwag kang mag-alala na hindi mapapansin o hindi gagantimpalaan ang iyong mabubuting gawa. “Sa karamihan ng mga ugnayan,” ang sabi ng isang reperensiyang akda, “ang positibong paggawi ay sinusuklian, kaya gawin mo ang iyong pinakamabuti upang himukin ang iyong kabiyak na gumawi nang positibo sa pamamagitan ng pagiging higit na positibo mo mismo.” Ang mapagsakripisyong mga gawa ay nagpapatibay sa iyong pag-aasawa sapagkat ipinakikita nito na pinahahalagahan mo ang iyong pag-aasawa at nais mo itong panatilihin.

Mahalaga na Malasin ang Pag-aasawa Bilang Panghabang-Buhay na Pagsasama

Pinahahalagahan ng Diyos na Jehova ang pagkamatapat. Oo, sinasabi ng Bibliya: “Sa matapat ay kikilos ka [Jehova] nang may pagkamatapat.” (2 Samuel 22:26) Ang pananatiling matapat sa Diyos ay nangangahulugan ng pananatiling matapat sa kaayusan ng pag-aasawa na itinatag niya.​—Genesis 2:24.

Kung kayong mag-asawa ay matapat sa isa’t isa, natatamasa ninyo ang pagiging permanente ng inyong pagsasama. Kung iisipin ninyo ang mga buwan, taon, at mga dekada sa hinaharap, nakikita ninyong kayo pa rin ang magkasama. Hindi ninyo matanggap na hindi na kayo mag-asawa, at ang pangmalas na ito ay nagdudulot ng katiwasayan sa inyong ugnayan. Ganito ang sabi ng isang asawang babae: “Kahit na galit na galit ako sa [aking asawa] at labis akong naguguluhan sa nangyayari sa amin, hindi ako nababahala na magwawakas ang aming pagsasama. Nababahala ako kung paano namin panunumbalikin ang aming pagmamahalan. Wala akong alinlangan na maaayos din ang aming ugnayan​—bagaman sa panahong iyon ay hindi ko alam kung paano ko ito gagawin.”

Mahalagang bahagi ng pangako sa asawa na malasin ang pag-aasawa bilang panghabang-buhay na pagsasama, subalit nakalulungkot na hindi ganito sa maraming pag-aasawa. Sa panahon ng mainit na mga pagtatalo, maaaring sumigaw ang isang asawa, “Iiwan na kita!” o, “Hahanap ako ng isa na talagang magpapahalaga sa akin!” Sabihin pa, karaniwang hindi naman talaga gayon ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Gayunman, binabanggit ng Bibliya na ang dila ay maaaring maging “punô ng nakamamatay na lason.” (Santiago 3:8) Ang mga pagbabanta at ultimatum ay naghahatid ng mensaheng: ‘Hindi ko itinuturing na permanente ang ating pagsasama. Maaari ko itong iwan anumang oras.’ Ang pagpapahiwatig ng gayong bagay ay nakasisira sa pag-aasawa.

Kung minamalas mo ang pag-aasawa bilang panghabang-buhay na pagsasama, inaasahan mong makasama ang iyong asawa sa hirap at ginhawa. Ito ay may karagdagang pakinabang. Magiging mas madali para sa inyong mag-asawa na tanggapin ang mga kahinaan at mga pagkakamali ninyo at patuloy na pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa. (Colosas 3:13) “Sa mabuting pag-aasawa,” ang sabi ng isang manwal, “posibleng magkamali kayong dalawa, subalit patuloy pa ring mapananatili ang pagsasama sa kabila nito.”

Noong araw ng iyong kasal, nangako ka, hindi sa institusyon ng pag-aasawa, kundi sa isang buháy na tao​—ang iyong asawa. Ang bagay na ito ay dapat magkaroon ng matinding epekto sa iyong pag-iisip at pagkilos ngayon bilang isang taong may-asawa. Hindi ka ba sumasang-ayon na dapat kang manatili sa iyong asawa hindi lamang dahil sa matibay ang iyong paniniwala sa kabanalan ng pag-aasawa kundi dahil din naman sa iniibig mo ang taong pinakasalan mo?

[Talababa]

^ par. 7 Sa sukdulang mga kalagayan, maaaring may makatuwirang dahilan upang maghiwalay ang mag-asawa. (1 Corinto 7:10, 11; tingnan Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, pahina 160-1, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.) Karagdagan pa, ipinahihintulot ng Bibliya ang diborsiyo kung ang dahilan ay pakikiapid (seksuwal na imoralidad).​—Mateo 19:9.

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

Kung Ano ang Magagawa Mo Ngayon

Kumusta na ang iyong pag-aasawa kung tungkol sa pangako sa isa’t isa? Marahil napapansin mo na maaari pa itong pasulungin. Upang mapatibay ang iyong pangako, subukin ang sumusunod:

● Suriin ang sarili. Tanungin ang sarili: ‘Talaga bang isinasapuso ko ang pagiging may-asawa, o ako ba’y nag-iisip at kumikilos pa rin na parang walang asawa?’ Alamin kung ano ang nadarama ng iyong asawa tungkol sa iyo sa bagay na ito.

● Basahin ang artikulong ito kasama ang iyong asawa. Pagkatapos, sa mahinahong paraan, pag-usapan ang mga pamamaraan kung paano ninyo mapatitibay ang inyong pangako sa inyong pag-aasawa.

● Kasama ng iyong asawa, makibahagi sa mga gawain na magpapatibay sa inyong pangako. Halimbawa: Tingnan ang mga larawan ng inyong kasal o iba pang di-malilimot na mga pangyayari. Gawin ang mga bagay na nasisiyahan kayong gawin noong panahon ng pagliligawan o noong mga unang taon ng inyong pag-aasawa. Magkasamang pag-aralan ang mga artikulong salig sa Bibliya mula sa Bantayan at Gumising! na tungkol sa pag-aasawa.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Sa Pag-aasawa, ang Pangako ay Nangangahulugan ng . . .

Obligasyon “Ang ipinanata mo ay tuparin mo. Mas mabuting hindi ka manata kaysa sa ikaw ay manata at hindi tumupad.”​—Eclesiastes 5:4, 5.

Pagtutulungan “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa . . . Sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.”​—Eclesiastes 4:9, 10.

Pagsasakripisyo sa Sarili “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Panghabang-Buhay na Pangmalas ‘Binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’​—1 Corinto 13:4, 7.

[Mga larawan sa pahina 7]

Kapag gustong magsalita ng iyong asawa, nakikinig ka ba?