Makatutulong ang Bibliya sa Iyong Pag-aasawa
Makatutulong ang Bibliya sa Iyong Pag-aasawa
PAG-AASAWA—para sa ilan, ang salita ay nagpapaalaala ng kaayaayang mga kaisipan. Para naman sa iba, ito’y nagdudulot ng dalamhati. “Pakiramdam ko, para akong hiwalay sa aking asawa,” ang panangis ng isang asawang babae. “Nadarama kong ako’y pinabayaan at malungkot sa lahat ng panahon.”
Ano ang dahilan upang mawalan ng pagmamahal ang dalawang tao na dating nagsumpaan na iibigin at aarugain ang isa’t isa? Ang isang salik ay ang kakulangan ng edukasyon hinggil sa kung ano ang nasasangkot sa pag-aasawa. “Nag-aasawa tayo nang walang anumang kabatiran sa pananagutang kaakibat nito,” ang sabi ng isang peryodista sa medisina.
Pinatutunayan ng isang pagsusuri ng The National Marriage Project, isang pananaliksik na isinagawa ng Rutgers University sa New Jersey, E.U.A., na iilan lamang ngayon ang may kabatiran tungkol sa pag-aasawa. “Marami sa kasali sa pagsusuring ito ang lumaki na kasama ng mga magulang na di-maligaya ang pag-aasawa o diborsiyado,” ang sulat ng mga direktor ng proyekto. “Alam na alam nila kung ano ang di-maligayang pag-aasawa, subalit hindi nila tiyak kung ano ang mabuting pag-aasawa. Nailalarawan lamang ng ilan ang isang mabuting pag-aasawa bilang ‘ang kabaligtaran ng sa aking mga magulang.’ ”
Hindi ba apektado ng mga suliraning pangmag-asawa ang mga Kristiyano? Apektado sila. Sa katunayan, ang ilang Kristiyano noong unang siglo ay nangailangan ng tuwirang payo na ‘huwag nang hangaring lumaya’ sa kanilang pag-aasawa. (1 Corinto 7:27) Maliwanag, ang pag-aasawa ng sinumang dalawang di-sakdal na mga tao ay magkakaroon ng mga problema, subalit mayroon tayong tulong. Mapabubuti ng mga asawang lalaki at babae ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya.
Totoo, ang Bibliya ay hindi isang manwal sa pag-aasawa. Gayunman, yamang ito ay kinasihan ng Isa na nagpasimula ng kaayusan sa pag-aasawa, maaasahan nating makatutulong ang mga simulain nito. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ng Diyos na Jehova: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”—Isaias 48:17, 18.
Nagmaliw na ba ang pag-ibig na dating nadarama ninyo sa isa’t isa? Nadarama mo bang ikaw ay nasilo sa isang pag-aasawa na walang pag-ibig? Isang babaing may-asawa sa loob ng 26 na taon ang nagsabi: “Ang kirot na nararanasan sa ganitong uri ng ugnayan ay hindi mailarawan. Hindi ito nagbabago at laging naririyan.” Sa halip na basta tanggapin ang isang bigong pag-aasawa, bakit hindi ipasiyang lunasan ito? Ipakikita ng susunod na artikulo sa mga asawang lalaki at babae kung paano makatutulong ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang pag-aasawa sa isang espesipikong larangan—yaong may kinalaman sa pangako sa isa’t isa (commitment).