Martin Luther—Ang Lalaki at ang Kaniyang Pamana
Martin Luther—Ang Lalaki at ang Kaniyang Pamana
“SINASABI na mas maraming aklat ang isinulat tungkol [kay Martin Luther] kaysa sa sinuman sa kasaysayan, maliban na lamang sa kaniyang sariling panginoon, si Jesu-Kristo.” Ganiyan ang sinabi ng magasing Time. Ang mga salita at gawa ni Luther ay tumulong sa pagsisimula ng Repormasyon—isang relihiyosong kilusan na inilarawan bilang “ang pinakamahalagang rebolusyon sa kasaysayan ng sangkatauhan.” Sa gayon ay nakatulong siya upang magbago ang relihiyosong situwasyon sa Europa at magwakas ang Edad Medya sa kontinenteng iyon. Si Luther din ang naglaan ng saligan para sa pagtatakda ng pamantayan sa nasusulat na wikang Aleman. Ang kaniyang salin ng Bibliya ang siya pa ring pinakapopular sa wikang Aleman hanggang sa kasalukuyan.
Anong uri ng tao si Martin Luther? Paano siya nagkaroon ng gayon kalaking impluwensiya sa mga pangyayari sa Europa?
Naging Iskolar si Luther
Si Martin Luther ay isinilang sa Eisleben, Alemanya, noong Nobyembre 1483. Bagaman isang manggagawa sa minahan ng tanso, nakapag-ipon nang sapat ang kaniyang ama para mabigyan ng mabuting edukasyon si Martin. Noong 1501, si Martin ay naging estudyante sa Unibersidad ng Erfurt. Sa aklatan nito, nabasa niya ang Bibliya sa kauna-unahang pagkakataon. “Gayon na lamang ang pagkalugod ko sa aklat,” ang sabi niya, “at sana ay palarin ako na magkaroon ng gayong aklat balang-araw.”
Sa edad na 22 taon, pumasok si Luther sa monasteryo ni Augustine sa Erfurt. Di-nagtagal ay nag-aral siya sa Unibersidad ng Wittenberg, anupat nagkamit ng doktorado sa teolohiya. Itinuring ni Luther na hindi siya karapat-dapat sa paglingap ng Diyos at may mga panahon na nanlumo siya dahil sa pagkabagabag ng budhi. Ngunit ang pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at pagbubulay-bulay ay tumulong sa kaniya na matamo ang mas malinaw na pagkaunawa kung paano minamalas ng Diyos ang mga makasalanan. Naunawaan ni Luther na hindi matatamo ang paglingap ng Diyos sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Sa halip, ito ay ipinagkakaloob sa mga nananampalataya sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan.—Roma 1:16; 3:23, 24, 28.
Paano sumapit si Luther sa konklusyon na tama ang kaniyang bagong pagkaunawa? Si Kurt Aland, propesor ng sinaunang kasaysayan ng simbahan at pananaliksik sa teksto ng Bagong Tipan, ay sumulat: “Binulay-bulay niya ang buong Bibliya upang matiyak kung tama pa rin ang kaniyang bagong-tuklas na kaalaman kapag inihambing sa iba pang mga pangungusap sa Bibliya, at nasumpungan niya na pinatutunayang tama siya saanmang bahagi ng Bibliya.” Ang doktrina ng pag-aaring-matuwid, o
kaligtasan, sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng mga gawa, o penitensiya, ay nanatiling isang pangunahing haligi sa mga turo ni Luther.Galít na Galít sa Indulhensiya
Ang pagkaunawa ni Luther sa pangmalas ng Diyos sa mga makasalanan ay naging dahilan upang makasalungat niya ang Simbahang Romano Katoliko. Laganap na pinaniniwalaan noon na pagkamatay, ang mga makasalanan ay kailangang parusahan sa loob ng isang yugto ng panahon. Gayunman, sinasabi na maaaring paikliin ang panahong ito sa pamamagitan ng mga indulhensiya na ipinagkakaloob salig sa awtoridad ng papa kapalit ng salapi. Ang mga tagapagbenta na tulad ni Johann Tetzel, na nagsilbing kinatawan para kay Arsobispo Albert ng Mainz, ay nagkaroon ng matubong negosyo sa pagbebenta ng mga indulhensiya sa pangkaraniwang mga tao. Minalas ng marami na ang mga indulhensiya ay isang uri ng seguro laban sa mga kasalanan sa hinaharap.
Galít na galít si Luther sa pagbebenta ng mga indulhensiya. Alam niya na hindi maaaring makipagtawaran ang mga tao sa Diyos. Noong taglagas ng 1517, isinulat niya ang kaniyang tanyag na 95 tesis, na nag-aakusa sa simbahan ng pinansiyal, doktrinal, at relihiyosong pang-aabuso. Sa pagnanais na mapasigla ang reporma, hindi ang rebelyon, nagpadala si Luther ng mga kopya ng kaniyang tesis kay Arsobispo Albert ng Mainz at sa ilang iskolar. Tinutukoy ng maraming istoryador na sa taóng 1517 o sa mga ganiyang taon nagsimula ang Repormasyon.
Si Luther ay hindi nag-iisa sa pagdaing sa masasamang gawa ng simbahan. Sandaang taon bago nito, kinondena ng relihiyosong repormador na Czech na si Jan Hus ang pagbebenta ng mga indulhensiya. Bago pa man kay Hus, itinawag-pansin na ni John Wycliffe ng Inglatera na hindi maka-Kasulatan ang ilang tradisyon na pinanghahawakan ng simbahan. Ang mga kapanahon ni Luther na sina Erasmus ng Rotterdam at Tyndale ng Inglatera ay humimok ng reporma. Subalit dahil sa imbensiyon ni Johannes Gutenberg sa Alemanya hinggil sa palimbagan na may nakikilos na tipo, ang tinig ni Luther ay narinig nang mas malakas at mas malayo kaysa sa mga tinig ng ibang mga repormador.
Ang palimbagan ni Gutenberg sa Mainz ay gumagana na noong 1455. Sa pagsapit ng sumunod na siglo, may mga palimbagan na sa 60 bayan sa Alemanya at sa 12 iba pang lupain sa Europa. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, maaari nang ipabatid kaagad sa publiko ang mga bagay na kawili-wiling malaman. Marahil kahit na wala ang kaniyang pagsang-ayon, ang 95 tesis ni Luther ay inilimbag at pinakalat. Ang usapin tungkol sa reporma ng simbahan ay hindi na isang lokal na isyu. Ito ay naging laganap na kontrobersiya, at si Martin Luther ay bigla na lamang naging ang pinakatanyag na tao sa Alemanya.
Tumutol ang “Araw at Buwan”
Sa loob ng maraming siglo, ang Europa ay hawak ng dalawang makapangyarihang institusyon: ang Banal na Imperyong Romano at ang Simbahang Romano Katoliko. “Ang emperador at papa ay magkatuwang na gaya ng araw at buwan,” ang paliwanag ni Hanns Lilje, isang dating presidente ng Lutheran World Federation. Gayunman, may malaking pag-aalinlangan kung sino ang araw at kung sino ang buwan. Pagsapit ng unang bahagi ng ika-16 na siglo, lipas na ang kasukdulan ng kapangyarihan ng dalawang institusyon. Malapit nang magkaroon ng pagbabago.
Tinutulan ni Pope Leo X ang 95 tesis sa pamamagitan ng pagbabanta na ititiwalag si Luther malibang bawiin niya ang kaniyang mga isinulat. Buong-tapang na lumaban si Luther anupat sinunog niya sa publiko ang liham ng papa na naglalaman ng pagbabanta at naglathala siya ng karagdagang
mga akda na nagpasigla sa mga prinsipalidad na repormahin ang simbahan kahit na walang pagsang-ayon ang papa. Noong 1521, itiniwalag ni Pope Leo X si Luther. Nang tumutol si Luther na siya ay hinatulan nang walang patas na pagdinig, ipinatawag ni Emperador Charles V ang repormador upang humarap sa lehislatura, o kapisanan, ng imperyo sa Worms. Ang 15-araw na paglalakbay ni Luther mula Wittenberg hanggang Worms noong Abril 1521 ay mistulang isang prusisyon ng tagumpay. Nasa panig niya ang publiko, at ang mga tao sa lahat ng dako ay nagnanais na makita siya.Sa Worms, tumayo si Luther sa harap ng emperador, ng mga prinsipe, at ng kinatawan ng papa. Napaharap din si Jan Hus sa katulad na pagdinig sa Constance noong 1415 at sinunog siya sa tulos. Habang nakatuon ngayon ang pansin ng simbahan at ng imperyo sa kaniya, tumanggi si Luther na bawiin ang kaniyang mga isinulat malibang mapatunayan ng kaniyang mga mananalansang mula sa Bibliya na mali siya. Ngunit wala ni isa man ang makapapantay sa kaniyang memorya sa Kasulatan. Ang dokumento na tinawag na Kautusan ng Worms ay nagpalabas ng hatol hinggil sa pagdinig. Idineklara nitong isang kriminal si Luther at ipinagbawal ang kaniyang mga akda. Yamang itiniwalag ng papa at hinatulan ng emperador bilang kriminal, siya ngayon ay nanganganib na mamatay.
Bigla namang may nangyari na talagang madula at di-inaasahan. Sa kaniyang paglalakbay pabalik sa Wittenberg, si Luther ay naging biktima ng pakunwaring pagdukot na isinaayos ng mapagkawanggawang si Frederick ng Saxony. Naging dahilan ito upang si Luther ay hindi magalaw ng kaniyang mga kaaway. Si Luther ay palihim na dinala sa liblib na kastilyo ng Wartburg, kung saan nagpatubo siya ng balbas at nagbago ng pagkakakilanlan—bilang isang kabalyero na tinawag na Junker Jörg.
Malaking Pangangailangan sa Bibliyang Setyembre
Sa loob ng sumunod na sampung buwan, namuhay si Luther sa kastilyo ng Wartburg bilang isang takas kapuwa sa emperador at sa papa. Ipinaliliwanag ng aklat na Welterbe Wartburg na “ang panahon sa Wartburg ay isa sa pinakamabunga at pinakamalikhaing yugto ng kaniyang buhay.” Ang isa sa kaniyang pinakadakilang nagawa, ang pagsalin sa teksto ng Griegong Kasulatan ni Erasmus tungo sa wikang Aleman, ay natapos doon. Nang mailathala ito noong Setyembre 1522 nang hindi ipinakikilala na si Luther ang nagsalin nito, ang akdang ito ay nakilala bilang ang Bibliyang Setyembre. Ang halaga nito ay 1 1/2 guilder—ang katumbas ng isang taóng sahod ng isang katulong sa bahay. Gayunpaman, napakalaki ng pangangailangan sa Bibliyang Setyembre. Sa loob lamang ng 12 buwan, 6,000 kopya ang naimprenta sa 2 edisyon, anupat sinundan ito ng di-kukulangin sa 69 na edisyon sa sumunod na 12 taon.
Noong 1525, pinakasalan ni Martin Luther si Katharina von Bora, isang dating madre. Si Katharina ay mahusay mangasiwa ng mga gawain sa bahay at nasasapatan niya ang mga pangangailangan ng pagkabukas-palad ng kaniyang asawa. Nang maglaon, hindi lamang isang asawa at anim na anak ang naging kabilang sa sambahayan ni Luther kundi maging mga kaibigan, iskolar, at mga nagsilikas. Sa huling bahagi ng kaniyang buhay, tinamasa ni Luther ang karangalan ng pagiging isang tagapayo anupat ang mga iskolar na naging panauhin sa kaniyang tahanan ay may hawak na lapis at papel upang itala ang kaniyang mga sinasabi. Ang mga notang ito ay pinagsama-sama sa isang koleksiyon na pinamagatang Luthers Tischreden (Ang
Pakikipag-usap ni Luther Habang Nasa Mesa). Sa loob ng ilang panahon, ang sirkulasyon nito sa wikang Aleman ay pumapangalawa sa Bibliya.Matalinong Tagapagsalin at Mahusay na Manunulat
Pagsapit ng 1534, natapos na ni Luther ang kaniyang salin ng Hebreong Kasulatan. May kakayahan siyang balansehin ang istilo, ritmo, at bokabularyo. Ang resulta ay isang Bibliya na madaling maunawaan ng pangkaraniwang mga tao. Sa pagkokomento sa kaniyang pamamaraan ng pagsasalin, isinulat ni Luther: “Dapat nating kausapin ang ina sa kaniyang tahanan, ang mga bata sa lansangan at ang pangkaraniwang tao sa pamilihan, at pagkatapos ay pakinggang mabuti kung paano sila nagsasalita at pagkatapos ay magsalin alinsunod dito.” Ang Bibliya ni Luther ay tumulong sa paglalaan ng saligan para sa pagtatakda ng pamantayan sa isang nasusulat na wika na tinanggap nang dakong huli sa buong Alemanya.
Ang angking talino ni Luther bilang isang tagapagsalin ay may kalakip pang kasanayan ng isang manunulat. Sinasabi na nakasulat siya ng isang akdang pormal at sistematikong tumatalakay sa isang paksa sa bawat dalawang linggo ng kaniyang buong panahon ng pagtatrabaho. Ang ilan sa mga ito ay mapanuligsa na gaya ng kanilang awtor. Kung ang kaniyang naunang mga akda ay may istilong mapanuya, hindi ito nagbago kahit nang tumanda si Luther. Ang kaniyang huling mga sanaysay ay lalong tumitindi. Ayon sa Lexikon für Theologie und Kirche, isinisiwalat ng mga akda ni Luther ang “kaniyang labis-labis na galit” at “kawalan ng kapakumbabaan at pag-ibig,” gayundin ang kaniyang “napakasidhing debosyon sa isang gawain.”
Nang sumiklab ang Digmaan ng mga Magsasaka at dumanak ang dugo sa mga prinsipalidad, hiniling ang opinyon ni Luther hinggil sa paghihimagsik. May makatuwiran bang dahilan ang mga magsasaka para magreklamo laban sa kanilang mga panginoon na may-ari ng lupa? Hindi tinangka ni Luther na matamo ang suporta ng karamihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sagot na kalugud-lugod sa nakararami. Naniniwala siya na ang mga lingkod ng Diyos ay dapat sumunod sa mga nasa kapangyarihan. (Roma 13:1) Sa isang tuwirang hatol, sinabi ni Luther na ang paghihimagsik ay dapat patigilin sa pamamagitan ng dahas. “Hayaang ang sinumang makagagawa ay manaksak, manghampas at pumatay,” ang sabi niya. Sinabi ni Hanns Lilje na ang sagot na ito ay naging dahilan upang mawala kay Luther ang “kaniyang natatanging popularidad sa mga tao.” Bukod diyan, ang mga huling sanaysay ni Luther hinggil sa mga Judio na tumangging pakumberte sa Kristiyanismo, lalo na ang On the Jews and Their Lies, ay naging sanhi upang bansagan ng marami ang awtor na anti-Semitiko.
Ang Pamana ni Luther
Ang Repormasyon, na pinasimunuan ng mga lalaking sina Luther, Calvin, at Zwingli, ay umakay sa pagbuo ng isang bagong pamamaraan sa relihiyon na tinawag na Protestantismo. Ang pangunahing pamana ni Luther sa Protestantismo ay ang kaniyang pinakasentrong turo ng pag-aaring-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang bawat isa sa mga prinsipalidad ng Alemanya ay pumanig alinman sa pananampalatayang Protestante o Katoliko. Ang Protestantismo ay lumaganap at sinuportahan ng nakararami sa Scandinavia, Switzerland, Inglatera, at Netherlands. Sa ngayon, mayroon itong daan-daang milyong tagapagtaguyod.
Ang marami sa mga hindi sang-ayon sa lahat ng paniniwala ni Luther ay may malaking paggalang pa rin sa kaniya. Ang dating German Democratic Republic, na nakasasakop sa Eisleben, Erfurt, Wittenberg, at Wartburg, ay nagdiwang noong 1983 ng ika-500 anibersaryo ng kapanganakan ni Luther. Kinilala siya ng Sosyalistang Estadong ito bilang isang namumukod-tanging tao sa kasaysayan at kultura ng Alemanya. Bukod diyan, binuod ng isang teologong Katoliko noong dekada ng 1980 ang impluwensiya ni Luther at nagsabi: “Walang sinumang umiral pagkatapos ni Luther ang makapapantay sa kaniya.” Si Propesor Aland ay sumulat: “Bawat taon ay may di-kukulangin sa 500 bagong publikasyon tungkol kay Martin Luther at sa Repormasyon—at ang mga ito ay inilalathala sa halos lahat ng pangunahing wika sa daigdig.”
Si Martin Luther ay may natatanging talino, pambihirang memorya, kadalubhasaan sa mga salita, at sipag sa trabaho. Siya rin ay madaling mayamot at mapanuya, at tahasan siyang tumututol sa nakikita niyang pagpapaimbabaw. Nang siya ay mamamatay na sa Eisleben noong Pebrero 1546, tinanong si Luther ng kaniyang mga kaibigan kung pinaninindigan pa rin niya ang mga paniniwala na kaniyang itinuro sa iba. “Oo,” ang sagot niya. Namatay si Luther, ngunit marami pa rin ang nanghahawakan sa gayong mga paniniwala.
[Larawan sa pahina 27]
Sinalansang ni Luther ang pagbebenta ng mga indulhensiya
[Credit Line]
Mit freundlicher Genehmigung: Wartburg-Stiftung
[Larawan sa pahina 28]
Tumanggi si Luther na bawiin ang kaniyang isinulat malibang mapatunayan ng kaniyang mga mananalansang mula sa Bibliya na mali siya
[Credit Line]
Mula sa aklat na The Story of Liberty, 1878
[Mga larawan sa pahina 29]
Ang silid ni Luther sa Kastilyo ng Wartburg, kung saan niya isinalin ang Bibliya
[Credit Line]
Ang dalawang larawan: Mit freundlicher Genehmigung: Wartburg-Stiftung
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Mula sa aklat na Martin Luther The Reformer, ika-3 Edisyon, inilathala ng Toronto Willard Tract Depository, Toronto, Ontario
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Mula sa aklat na The History of Protestantism (Tomo I)