Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng “buhay sa kaniyang sarili”?
Binabanggit ng Bibliya na si Jesu-Kristo ay may “buhay sa kaniyang sarili” at ang kaniyang mga tagasunod ay may ‘buhay sa kanilang sarili.’ (Juan 5:26; 6:53) Gayunman, hindi magkapareho ang kahulugan ng dalawang tekstong ito.
“Kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili,” ang sabi ni Jesus, “gayundin niya ipinagkaloob sa Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili.” Bago bigkasin ang kapansin-pansing pananalitang ito, sinabi ni Jesus: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya na nakikinig sa aking salita at naniniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan . . . Ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at yaong mga nagbigay-pansin ay mabubuhay.” Tinutukoy rito ni Jesus ang isang pambihirang kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng Ama—ang kakayahang magkaloob sa mga tao ng mainam na katayuan sa harap ng Diyos. Bukod diyan, kaya ni Jesus na buhaying muli yaong mga natutulog sa kamatayan at bigyan sila ng buhay. Para kay Jesus, ang pagkakaroon ng “buhay sa kaniyang sarili” ay nangangahulugan na pinagkalooban siya ng ganitong mga kapangyarihan. Kaya tulad ng Ama, ang Anak din ay may “kaloob na buhay sa kaniyang sarili,” gaya ng maaari ring maging salin ng mga salitang ito. (Juan 5:24-26) Kumusta naman ang kaniyang mga tagasunod?
Pagkalipas ng mga isang taon, kinausap ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig, na sinasabi: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.” (Juan 6:53, 54) Dito ay itinutumbas ni Jesus ang pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili” sa pagtatamo ng “buhay na walang hanggan.” Ang mga pananalitang may gramatikal na pagkakaayos na kagaya ng “buhay sa inyong sarili” ay masusumpungan sa iba pang dako sa Griegong Kasulatan. Ang dalawang halimbawa nito ay, “Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili” at “tinatanggap sa kanilang sarili ang lubos na kabayaran.” (Marcos 9:50; Roma 1:27) Sa mga halimbawang ito, ang mga parirala ay hindi nagpapahiwatig ng kapangyarihang magkaloob ng asin sa iba o magpataw ng kabayaran sa sinuman. Sa halip, nagpapahiwatig ito ng panloob ng pagkakumpleto o kalubusan. Samakatuwid, ang pananalitang “buhay sa inyong sarili” na ginamit sa Juan 6:53 ay nangangahulugan lamang ng pagtatamo ng mismong kalubusan ng buhay.
Sa pagtukoy sa kaniyang mga tagasunod bilang may buhay sa kanilang sarili, binanggit ni Jesus ang kaniyang laman at ang kaniyang dugo. Nang maglaon, noong itinatatag ang Hapunan ng Panginoon, binanggit na naman ni Jesus ang tungkol sa kaniyang laman at dugo at inutusan niyang makibahagi sa mga emblema ng tinapay na walang lebadura at alak ang kaniyang mga tagasunod na makakasama sa bagong tipan. Nangangahulugan ba ito na ang mga pinahirang Kristiyano lamang, na kasama sa bagong pakikipagtipan sa Diyos na Jehova, ang makapagtatamo ng gayong kalubusan ng buhay? Hindi. Isang taon ang pagitan ng dalawang pangyayari ito. Yaong mga nakarinig sa mga salita ni Jesus na nakaulat sa Juan 6:53, 54 ay walang nalalaman tungkol sa taunang pagdiriwang na may mga emblema na kumakatawan sa laman at dugo ni Kristo.
Ayon sa Juan kabanata 6, inihambing muna ni Jesus ang kaniyang laman sa manna, na sinasabi: “Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang at gayunma’y namatay. Ito ang tinapay na bumababa mula sa langit, upang ang sinuman ay makakain mula rito at hindi mamatay. Ako ang tinapay na buháy na bumaba mula sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman.” Ang laman ni Jesus, lakip na ang kaniyang dugo, ay nakahihigit sa literal na manna. Paano? Dahil ang kaniyang laman ay ibinigay alang-alang sa “buhay ng sanlibutan,” anupat pinagiging posible ang buhay na walang hanggan. * Kaya, ang pananalita tungkol sa pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili” sa Juan 6:53 ay kumakapit sa lahat ng makatatanggap ng buhay na walang hanggan—sa langit man o sa lupa.—Juan 6:48-51.
Kailan tatanggap ang mga tagasunod ni Kristo ng buhay sa kanilang sarili, o magtatamo ng kalubusan ng buhay? Para sa mga pinahirang tagapagmana ng Kaharian, mangyayari ito sa kanilang pagkabuhay-muli tungo sa makalangit na buhay bilang imortal na mga espiritung nilalang. (1 Corinto 15:52, 53; 1 Juan 3:2) Mararanasan ng “ibang mga tupa” ni Jesus ang pagtatamo ng kalubusan ng buhay pagkatapos ng wakas ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. Sa panahong iyon, nasubok na sila, nasumpungang tapat, at naipahayag na matuwid para sa buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa.—Juan 10:16; Apocalipsis 20:5, 7-10.
[Talababa]
^ par. 7 Sa iláng, kapuwa ang mga Israelita at ang “isang malaking haluang pangkat” ay nangailangan ng manna upang manatiling buhay. (Exodo 12:37, 38; 16:13-18) Gayundin naman, upang mabuhay magpakailanman, ang lahat ng mga Kristiyano, pinahiran man o hindi, ay kailangang kumain ng makalangit na manna sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na kapangyarihan ng laman at dugo ni Jesus na ipinagkaloob bilang hain.—Tingnan Ang Bantayan, Pebrero 1, 1988, pahina 30-1.
[Mga larawan sa pahina 31]
Ang lahat ng tunay na mga Kristiyano ay maaaring magkaroon ng ‘buhay sa kanilang sarili’